Pagsusuri sa Isang Pagtatalo
Pagsusuri sa Isang Pagtatalo
KAILANGAN ng babaing ihinga ang kaniyang mga damdamin. Nais naman ng lalaking magbigay ng mga solusyon. Ang milyun-milyong pagtatalo ng mag-asawa sa lahat ng panahon ay maaaring maraming iba’t ibang himig, subalit kadalasang ito’y pagkakaiba-iba lamang ng ilang pangunahing tema. Ang pag-unawa sa pangmalas o istilo ng komunikasyon ng iyong kabiyak ay maaaring tumulong sa pagsubá sa nagliliyab na mga sunog na ito sa gubat tungo sa namumulang baga sa apuyan ng isang maligayang tahanan.
“Huwag Mong Pamahalaan ang Aking Buhay!”
Ang katangian ng dominante, palasising asawang babae ay maaaring totoo sa kaso ng maraming asawang lalaki na nasusumpungan ang kaniyang sarili na lubhang nahahadlangan ng payo, mga kahilingan, at mga pagpuna. Kinikilala ng Bibliya ang mga damdaming iyon, na ang sabi: “Ang mga pakikipagtalo ng asawang babae ay mistulang isang tumutulong bubong na nilalayuan.” (Kawikaan 19:13) Ang isang asawang babae ay maaaring humiling na tahimik na tinututulan ng kaniyang asawa sa mga kadahilanang hindi niya alam. Inaakalang hindi siya narinig ng lalaki, sa pagkakataong ito ay sinasabi ng babae sa lalaki kung ano ang gagawin. Ang kaniyang pagtutol ay sumisidhi. Isang palasising asawang babae at talu-talunang asawang lalaki? O dalawang tao na basta hindi nagkakaunawaan?
Mula sa pangmalas ng asawang babae, naipahahayag niya nang pinakamahusay ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang asawa kapag siya ay nagbibigay ng kapaki-pakinabang na payo. Sa pangmalas ng kaniyang asawang lalaki, inuutusan niya siya at ipinahihiwatig na siya ay walang kaya. Ang pagsasabing, “Huwag mong kalimutan ang iyong portpolyo” para sa babae ay isang kapahayagan ng pagmamalasakit, tinitiyak na taglay niya ang mga kailangan
niya. Ipinagugunita naman nito sa lalaki ang kaniyang ina na sumisigaw sa may pintuan, “Dala mo ba ang sumbrero mo?”Ang isang pagód na asawang babae ay maaaring magsabi, “Gusto mo bang kumain tayo sa labas mamayang gabi?” pero ang talagang ibig niyang sabihin ay, “Pakakanin mo ba ako sa labas mamayang gabi? Pagód na pagód na ako upang magluto.” Subalit maaaring samantalahin ng kaniyang mapagmahal na asawa ang pagkakataong iyon upang purihin ang kaniyang luto at igiit na mas gusto niya ang luto ni misis kaysa kaninumang iba. O maaaring akalain ng lalaki, ‘Minamaneobra niya yata ako!’ Samantala, maaaring may hinanakit na sabihin ng asawang babae sa kaniyang sarili, ‘Bakit kailangan ko pang magtanong?’
“Hindi Mo Ako Mahal!”
“Paano niya maiisip iyan?” bulalas ng isang bigo, nalilitong asawang lalaki. “Nagtatrabaho ako, naglalaan ng pera upang ibayad sa aming mga gastusin, dinadalhan ko pa nga siya ng bulaklak kung minsan!”
Bagaman lahat ng tao ay nangangailangang mahalin, ang isang babae ay may pantanging pangangailangan na paulit-ulit na tiyakin na siya’y minamahal. Maaaring hindi niya sabihin nang malakas, ngunit sa loob niya maaaring nadarama niyang siya’y hindi naiibigang pabigat, lalo na kung siya’y nakadarama ng pansamantalang panlulumo dahil sa kaniyang buwanang regla. Sa gayong mga okasyon ang kaniyang asawang lalaki ay maaaring lumayo, iniisip na nais ng babae na mapag-isa. Maaaring bigyan-kahulugan ng babae ang kaniyang hindi pagiging malapit bilang pagpapatunay ng kaniyang pinangangambahan—hindi na siya minamahal ng lalaki. Maaari siyang magalit sa lalaki, pinipilit ang lalaki na mahalin at alalayan siya.
“Anong Problema, Mahal?”
Ang tugon ng isang lalaki sa isang maigting na problema ay maaaring humanap ng isang tahimik na dako upang pag-isipan ito. Ang isang babae naman ay maaaring kutubán ng loob na may tensiyon at kusang kikilos sa pamamagitan ng paghimok sa lalaki na makipag-usap. Gaano man kahusay ang mga pagsisikap na ito, maaaring ipalagay ng asawang lalaki ang mga ito na panghihimasok at paghamak. Habang siya ay namamahinga upang pag-isipan ang kaniyang problema, sumusulyap siya sa kaniyang balikat at nakikita niyang bubuntut-buntot ang asawa niyang babae sa kaniya. Naririnig niya ang walang-lubay at magiliw na tinig: “Mahal, mabuti ba ang pakiramdam mo? Ano ang problema? Pag-usapan natin ito.”
Kapag walang tugon, ang asawang babae ay maaaring masaktan. Kapag siya ay may problema, nais niyang ipakipag-usap ito sa asawang lalaki. Subalit ayaw sabihin sa kaniya ng lalaking kaniyang minamahal ang kaniyang mga damdamin. “Hindi na niya ako mahal” ang maaaring maging konklusyon ng babae. Kaya kapag sa wakas ay lumabas na ang hindi nagsususpetsang lalaki mula sa kaniyang panloob na daigdig, nasisiyahan sa solusyon na kaniyang nasumpungan, nasusumpungan din niya, hindi ang nababahalang maibiging kabiyak na hindi niya isinama sa kaniyang proseso ng paglutas sa problema, kundi isang yamot na asawang handang hamunin siya dahil sa pagpuwera sa kaniya.
“Kailanma’y Hindi Mo Ako Pinakinggan!”
Ang paratang ay tila katawa-tawa. Sa lalaki para bang wala na siyang ginawa kundi makinig. Subalit kapag nagsasalita ang kaniyang asawang babae, inaakala ng babae na ang kaniyang mga salita ay hinaharang at sinusuri ng isang computer na lumulutas ng isang problema sa matematika. Ang kaniyang mga hinala ay pinatutunayan kapag, sa gitna ng isang pangungusap, sabi ng lalaki: “Buweno, bakit hindi ka na lamang . . . ?”
Kapag ang isang asawang babae ay lumapit sa kaniyang asawa na may problema, kadalasang hindi niya sinisisi ang lalaki o naghahanap man ng lunas mula sa lalaki. Gusto lamang niya ng isang nakikiramay na tainga na makikinig, hindi lamang sa mga katotohanan, kundi sa kaniyang mga damdamin tungkol dito. Pagkatapos ay nais niya, hindi ng payo, kundi ng pagpapatunay sa kaniyang mga damdamin. Iyan ang dahilan kung bakit maraming asawang lalaki na wala namang masamang intensiyon ay pinagmulan ng matinding galit nang sabihin niya lamang: “Mahal, hindi ka dapat makadama ng ganiyan. Hindi naman ito grabe.”
Kadalasan, inaasahan ng mga tao ang kanilang mga kabiyak na nakababasa ng kanilang iniisip. “Mga 25 taon na kaming kasal,” sabi ng isang lalaki. “Kung hanggang ngayon ay hindi pa niya alam kung ano ang gusto ko, wala siyang pagmamahal o hindi siya nagbibigay pansin.” Ganito ang sabi ng isang awtor sa kaniyang aklat tungkol sa kaugnayan sa pag-aasawa: “Kapag hindi sinasabi ng mag-asawa sa isa’t isa kung ano ang nais nila at laging pinipintasan ang isa’t isa dahil sa hindi pagsamantala sa pagkakataon para sa angkop na pagkilos, hindi kataka-taka na ang diwa ng pag-ibig at pagtutulungan ay naglalaho. Humahalili rito . . . ang pagpapaligsahan, kung saan sinisikap ng bawat isa na ipilit sa isa na tugunin ang kaniyang mga kahilingan.”
“Napakairesponsable Mo!”
Maaaring hindi tuwirang sabihin ito ng asawang babae sa kaniyang asawa, subalit maaari niyang maliwanag na ipahiwatig ito sa tono ng kaniyang boses. Ang pagsasabing “Bakit gabing-gabi ka na?” ay maaaring unawain bilang isang paghiling ng impormasyon. Gayunman, malamang na ang kaniyang nagpaparatang na tingin at pamamaywang ay nagsasabi sa kaniyang asawang lalaki: “Ikaw na iresponsableng lalaki, pinag-alalá mo ako. Bakit hindi ka tumawag sa telepono? Wala ka namang konsiderasyon! Ngayon sira na ang hapunan!”
Mangyari pa, tama siya tungkol sa hapunan. Subalit kapag sumiklab ang isang pagtatalo, nanganganib rin ba ang kanilang kaugnayan? “Karamihan ng mga pagtatalo ay nangyayari hindi dahilan sa hindi magkasundo ang dalawang tao, kundi dahilan sa inaakala ng lalaki na hindi sinasang-ayunan ng babae ang kaniyang punto de vista o na hindi sinasang-ayunan ng babae ang paraan ng pagsasalita niya sa kaniya,” sabi ni Dr. John Gray.
Ang ilan ay may palagay na sa tahanan ang isa ay dapat na malayang magsabi kung ano ang ibig niya. Subalit ang isang mahusay sa pakikipagtalastasan ay naghahangad ng isang kasunduan at nagkakamit ng kapayapaan, isinasaalang-alang ang mga damdamin ng tagapakinig. Maaari nating ihambing ang gayong pag-uusap sa pagsisilbi mo sa iyong asawa ng isang baso ng malamig na tubig na kabaligtaran ng pagbubuhos nito sa kaniyang mukha. Masasabi natin na ang kaibhan ay nasa paraan ng pagsasalita.
Ang pagkakapit ng mga salita sa Colosas 3:12-14 ay papawi sa mga pagtatalo at aakay sa isang maligayang tahanan: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Subalit, bukod pa sa lahat ng mga bagay na ito, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”
[Larawan sa pahina 9]
Ipinagtatanggol ng lalaki ang mga katotohanan, ipinagtatanggol naman ng babae ang mga damdamin