Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pananagumpay sa mga Hamon sa Buhay sa Timog Asia

Pananagumpay sa mga Hamon sa Buhay sa Timog Asia

Pananagumpay sa mga Hamon sa Buhay sa Timog Asia

HABANG ako ay marahang nagkakamalay, natanto ko na ang aking kaliwang paa ay nakapagtatakang manhid. Binaling ko ang aking ulo. Ang buhay ng aking minamahal na si Henry ay unti-unting naglalaho. Gayunman, hindi ito panahon upang mawalan ng pag-asa. Kailangan kong makipagbaka​—makipagbaka upang ingatan ang aking katapatan sa Diyos na nagbigay sa amin nang sagana.

Mayo 17, 1982 noon. Ang aking asawa ay isang naglalakbay na tagapangasiwa para sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na nagsasalita ng Tamil sa Sri Lanka. Kami’y naglilingkod sa isang kongregasyon na malayo sa Colombo, ang pinakamalaking lungsod. Magkasamang nakasakay sa isang bisikleta, gaya ng ginagawa ng marami sa bansang ito, maikli na lamang ang aming lalakbayin upang dalawin ang isang kapuwa Saksi. At pagkatapos, sa di-kaginsa-ginsa, tulad ng isang kobra isang trak ang bumangga sa amin.

Yamang ang mga doktor ay nawalan na ng pag-asang iligtas si Henry, ibinaling nila ang kanilang di-nababahaging pansin sa akin. Bagaman mahina ako noon, ang apurahang pangangailangan na sabihan sila tungkol sa determinasyon kong igalang ang batas ni Jehova na umiwas sa dugo ang pumunô sa aking puso. (Gawa 15:28, 29) Kailangang ipaalam ko sa kanila. Tinipon ko ang lahat ng natitira kong lakas upang magsalita: “Isang pirasong papel, pakisuyo.” Hirap na hirap akong isulat ang aking mga paniwala at nilagdaan ang papel. At saka nagsimula ang pakikipagbaka.

Ako’y binigyan ng pangunang lunas. Maliwanag na ako ay malubhang nasugatan. Ang determinasyon kong kumilos bilang isang tunay na Kristiyano ang ikinababahala ko hanggang sa panahong ito​—hindi pa ito ang panahon upang magdalamhati.

Tumanggi Silang Mag-opera Nang Walang Dugo

Sa loob ng siyam na araw ang pagbabaka tungkol sa pagsasalin ng dugo ay nagpatuloy​—ang pakikipagbaka kong mamuhay na kasuwato ng aking budhi sa pamamagitan ng pagtanggi rito, ang pakikipagbaka naman ng mga doktor na kumbinsihin akong tanggapin ito. Bagaman mayroon silang kasanayan, basta tinanggihan nilang mag-opera nang walang dugo. Ang sugat ay malaki at nangangailangan ng kanilang kagyat na atensiyon.

Ngunit hindi ko kailangang makipagbaka nang nag-iisa. Si Jehova ay kasama ko sa bawat sandali. At ang kapatiran ng bayan ni Jehova ay punô ng maibiging pagmamalasakit. Ang Colombo ay 400 kilometro ang layo. Isinaayos ni Dr. Perrin Jayasekera, isa sa mga Saksi ni Jehova, na ipasok ako sa Colombo General Hospital ng kaniyang nakababatang kapatid, isang siruhano roon.

Tumagal nang halos 24 na oras, ang paglalakbay na iyon sa likuran ng sasakyan sa matagtag na mga daan ay para bang ang pinakamahabang paglalakbay sa buong buhay ko. Gayunman, ang aking puso ay punô ng pasasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang maibiging pangangalaga, gaya ng kaniyang pangangalaga mula noong una kong matutuhan ang katotohanan sa aking bansang tinubuan, sa India. Gayunman, sa ngayon ay wala akong kamag-anak sa tabi ko. Subalit ano ba ang nagdala sa akin sa Sri Lanka?

Ako’y isinilang sa Romano Katolikong mga magulang sa estado ng Kerala, India. Kami’y nagsasalita ng Malayalam. Ang Ingles ay isang asignatura sa paaralan. Anong laki ng tuwa ko na ginamit ko ang pagkakataong ito upang matutuhan ito nang husto! Ang bahaging iyon ng India ay may malaking populasyon ng mga tao na nag-aangking Kristiyano. Sinasabi ng tradisyon na dinala ni apostol Tomas ang Kristiyanismo sa Kerala noong unang siglo. Sa paano man, pagkalipas ng mahigit na 1,400 taon, nang dumating sa Kerala ang Romano Katolikong Portuges na mga mananakop na pinangungunahan ni Vasco da Gama, sila’y nagulat na makasumpong ng marami roon na naniniwala na kay Kristo.

Humahamong mga Pasiya na Dapat Gawin

Nang ang pamilya ko ay nagsisimulang matuto ng nagbibigay-liwanag na mga katotohanan mula sa Bibliya sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, ang likas na hangad ko ay ibahagi ang katotohanang ito sa mga nang-aangking Kristiyano sa aking pamayanan. Kaya ako ay naging isang payunir, isang buong-panahong ministro, di-nagtagal pagkatapos ng aking pag-aalay at bautismo. Ito ay nangahulugan ng pagtanggi sa alok na isang mahusay na puwesto bilang isang guro sa aking tinubuang Estado. Ang pagkakaroon ng waring seguridad na ibinibigay ng gayong trabaho ang tunguhin ng maraming kabataang taga-India, subalit ang aking layunin sa buhay ay nagbago. Nais ko ng tunay na seguridad, at iyan ay masusumpungan lamang sa ilalim ng pananggalang na kamay ni Jehova.

Pagkalipas ng dalawang taon, isang bagong hamon. Handa ba akong lumipat sa isang bahagi ng India upang tumulong kung saan may higit na pangangailangan para sa mga tagapangaral? Naging hamon ang pag-aaral ng isang bagong wika, ang Tamil, at ang pagtulong sa mga tao mula sa ibang relihiyosong pinagmulan, sa pagkakataong ito ay Hindu. Oo, ginawang sulit ng pagkakataon upang ipakita ang aking pagpapahalaga kay Jehova ang lahat ng mga pagbabago. Ang pagpapatotoo sa masisigla, palakaibigang mga taong iyon na Hindu ang pinagmulan ay isa ngang kagalakan. Madali nilang matanggap na tayo ay malapit na sa wakas ng Kali Yuga (Masamang Panahon) at na mayroong mas mabuting bagay na naghihintay sa unahan para sa mga kumikilos nang may katuwiran sa ngayon. Gayunman, ang pagtulong sa kanila na maunawaan ang kaibhan sa pagitan ng tunay na Kristiyanismo at sa kung ano ang naranasan nila buhat sa Kanluran ay isang malaking hamon. Gaano kadalas kong binubuksan ang aking Bibliya sa Mateo 7:21-23: “Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa mga langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” Mainam ang pagkakasabi rito ni Mohandas Gandhi: ‘Mahal ko si Kristo, ngunit kinasusuklaman ko ang mga Kristiyano dahil sa hindi sila namumuhay na gaya ni Kristo.’

Nasusumpungan ng maraming Hindu, gaya ng nasumpungan ko, na maraming katotohanan sa pangungusap na iyan. At ngayon ay napapansin din nila na marami sa kanilang kapuwa Hindu ay walang pinagkaiba sa mga taga-Kanluran na mapagpaimbabaw na nag-aangking Kristiyano. Subalit ibang-iba ang mga Saksi ni Jehova. Natatalos iyan ng libu-libong Hindu.

Isang Bagong Kapareha, Isang Bagong Pagsubok sa Katapatan

Dalawang taon at kalahati ang lumipas. Ang “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asamblea ng mga Saksi ni Jehova ay ginaganap noon sa buong daigdig noong 1963. Isa sa mga dako ay sa New Delhi, sa hilaga ng bansa. Anong hindi malilimot na kombensiyon! At doon ko nakilala si Henry Abraham. Kapuwa kami naghahanap ng isa na makakasama sa aming buhay sa banal na paglilingkod kay Jehova. Pagkalipas ng limang buwan kami ay nagpakasal.

Siya ay sinanay sa Watchtower Bible School of Gilead sa Estado ng New York at pagkatapos ay sinugo pabalik sa kaniyang lupang tinubuan, sa Sri Lanka, kung saan napakalaki ng pangangailangan. Inaasahan kong handa siyang lumipat sa India, kung saan inaakala kong may higit na malaking pangangailangan. Subalit hindi gayon. Siya ay kinakailangan kung saan siya naroroon. Kaya naging tahanan ko ang magandang islang ito ng Sri Lanka. Mabuti na lamang, ang Tamil at Ingles ay malaking tulong dito. Kaya hindi ko na kailangang mag-aral ng ibang wika​—noon. Nagtamasa kami ng 18 maliligayang mga taon na magkasama sa paglilingkod kay Jehova bago nangyari ang trahedya sa anyo ng nagtutumuling trak.

Subalit ako ngayon ay nasa Colombo, at ang aking pakikipagbakang mabuhay nang hindi ikinokompromiso ang aking katapatan sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo ay nagpapatuloy. Ngayon ang aking buhay ay nanganganib, hindi dahil sa aking katayuan tungkol sa dugo, kundi dahil sa pag-antala sa paggamot.

Isang plastic surgeon na may Budistang pinagmulan at isang orthopedic surgeon na may Hindung pinagmulan ay nagkaisa upang gamitin ang kanilang mga kasanayan sa kapakanan ko. Ang bilang ng aking dugo (hemoglobin) ay bumaba na ngayon sa halos apat.

Paano puputulin sa hita gayong napakakaunti ng dugo? Ang aking determinasyon ay maliwanag, subalit papayag kaya ang dalawang siruhanong ito na tulungan ako na dating itinanggi sa akin? Ang kanilang tibay ng loob sa pagtanggap sa napakalaking hamon na ito nang hindi ako pinipilit na ikompromiso ang aking budhi ay katangi-tangi. Nawala ko ang aking paa, subalit nailigtas ang aking buhay, at ang aking katapatan kay Jehova ay hindi nasira.

Palibhasa’y wala na ang asawang pinakamamahal ko, isang ganap na bagong kabanata sa aking buhay ang ngayo’y nagsisimula. Una’y sa tulong ng mga saklay, pagkatapos ng isang artipisyal na paa (nang maglaon, sa kagandahang-loob ng maraming kapatid na lalaki at babae, ito’y pinalitan ng isang mas magandang artipisyal na paa), ako’y nakapagpatuloy sa aking ministeryo. Ang dalamhati ay unti-unting nahalinhan ng gawain.

Dapat ba akong bumalik sa India at mamuhay na kasama ng aking di-sumasampalatayang mga kamag-anak? Ang kahanga-hangang halimbawa sa Bibliya ng isa pang balo na nagngangalang Ruth ay sinlinaw ng kristal. Nais ko rin sa lugar kung saan ako ay makapaglilingkod kay Jehova sa pinakamabuting magagawa ko sa aking tila nabawasang kakayahan. Ang Sri Lanka pa rin ang tahanan ko.​—Ruth 1:16, 17.

Isang Humahamong Teritoryo

Ang nakalipas na 11 taóng ito ay mabilis na nagdaan. Tunay na “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Ako’y nanatiling abala sa ministeryo sa larangan sa Colombo. Narito ang mga taong mula sa iba’t ibang relihiyosong pinagmulan​—Hindu, Muslim, Budista, naturingang Kristiyano, at iba pa. Ang mga hamon ay nagpapatuloy.

Sa bawat buwan ang ilan sa amin ay gumugugol ng isang dulo ng sanlinggo sa pagdalaw sa isa sa mga bayan sa timog kung saan wala pa ring mga grupo ng mga Saksi ni Jehova. Ang karamihan ay naniniwala sa Budismo, at ang kanilang wika ay Sinhalese. Naging napakahalaga sa akin na matulungan ang mga taong ito.

Tulad ng mga Hindu sa India at sa buong Sri Lanka, ang mga Budista ay lumayo sa Bibliya dahil sa pag-uugali ng tinatawag na mga Kristiyano sa Kanluran. Gayunman, ang kanilang pangunahing mga simulaing Budista, ang kilalang “Eightfold Path” ng tamang kaisipan at tamang paggawi (tamang paniniwala, layon, pananalita, pagkilos, pamumuhay, pagsisikap, pag-iisip, pagbubulaybulay), ay di-sakdal na karunungan ng tao kung ihahambing sa banal na mga simulaing masusumpungan sa Bibliya, karamihan nito ay naisulat daan-daang taon bago si Siddhārtha Gautama.

Nang magsalita si Siddhārtha Gautama sa mga Kalama gaya ng sinipi sa Kalama Sutta, sabi niya: “Huwag kayong maniwala sa kung ano ang nakamit sa pamamagitan ng paulit-ulit na pakikinig; ni sa tradisyon.” Anong kakatwaan na ako’y magkapribilehiyo na ipaalaala sa maraming taimtim na mga Budista na kung ang patnubay na iyon ay ikakapit ngayon, walang sinuman ang maniniwala sa alamat ng ebolusyon o ikakaila ang pag-iral ng isang Maylikha.

Malapit Na ang Wakas ng Kabalakyutan

Ang mga Saksi ni Jehova ay maraming nalalamang mabubuting bagay mula sa Bibliya upang sabihin sa mga taong ito​—tungkol sa kalpa vinasha, ang wakas ng kabalakyutan, na napakalapit na. Ang 1,900-taóng-gulang na hula ng Bibliya tungkol dito ay masusumpungan sa 2 Timoteo 3:1-5, 13. Mayroon din tayong pribilehiyo na ipakita sa kanila na ang dakong hahanapin ukol sa kaligtasan sa mga panahong ito ay hindi ang mga relihiyon ng Kanluran o ng Silangan kundi, gaya ng ipinakikita ng mga 2Tim 3 talatang 16 at 17 ng kabanata ring iyon, ang sariling kinasihang Salita ni Jehova, ang Bibliya.

Ang Budismo ay isang paghahanap para sa kaliwanagan. Bago pa sinimulan ni Siddhārtha Gautama ang kaniya mismong pananaliksik, malinaw na ipinaliwanag ng Bibliya ang tunay na sanhi ng paghihirap. (Genesis 3:1-19) Ang paghihimagsik sa matuwid na kautusan mula sa pasimula ng kasaysayan ng tao ay nagdulot ng malungkot na mga bunga​—sakit at kamatayan, na walang-salang lumaganap sa lahat ng makasalanang tao. Ang mahihirap na katanungan ay bumangon sa isip ng marami​—gaya sa Habacuc 1:3: “Bakit pinagpapakitaan mo ako ng kasamaan, at iyong pinagmamasdan ang kasamaan? At bakit ang kasiraan at karahasan ay nasa harap ko, at may pakikipag-alit, at pagtatalong bumabangon?” Tanging ang mahabaging Maylikha lamang ang makasasagot at makagagawa ng isang paraan upang permanenteng isauli ang naiwala. Kahit na ngayon, milyun-milyon sa buong daigdig ang nakikinabang mula sa praktikal na karunungan ng Salita ng Diyos. At sa ngayon ang Sinhalese, ang pangunahing wika sa bansang ito, ay naging isa pang hamon sa akin, sapagkat sa wikang iyan ay matutulungan ko ang mga masikap na naghahanap ng kaliwanagan na nasumpungan ko 37 taon na ang nakalipas.

May isa pang hamon. Dahil sa bagong mga tanggapang sangay at isang sentro para sa pagsasalin na itinatayo para sa Sri Lanka, higit pang mga tao ang kailangang sanayin. Unti-unti kong natututuhan ang bagong wika ng mga computer habang ako ay tumutulong sa Accounts Department sa aming tanggapang sangay.

Ang aking 33 taon ng buong-panahong paglilingkod kay Jehova ay isa lamang sandali sa inaasahan kong walang-hanggang paglilingkod sa kaniya. Marami ang sumama sa amin sa paglilingkod kay Jehova nitong nakalipas na mga taon, pati na ang bihasang siruhano na nagsaayos kapuwa sa pagpasok ko sa ospital sa Colombo at sa kinakailangang operasyon. Ngayon siya rin ay isa nang kapuwa nag-alay na Saksi ni Jehova.

Si Jehova at ang kaniyang sambahayan ng mga lingkod sa lupa ay umalalay sa akin nang husto. Para bang binabalot ako ng kaniyang pananggalang na kamay, at batid kong iniingatan ng kaniyang matapat na pag-ibig si Henry sa kaniyang alaala. Tanging si Jehova lamang ang makapagpapabalik sa aking minamahal mula sa alabok, upang minsan pa’y salubungin ko siya, sabihin kay Henry ang lahat ng kapana-panabik na mga hamon na dala ng ating salinlahi at kung paanong tinulungan kami ni Jehova na harapin ang mga ito.​—Gaya ng inilahad ni Annama Abraham.

[Larawan sa pahina 21]

Si Annama Abraham at ang kaniyang asawa, si Henry

[Larawan sa pahina 23]

Si Annama na nangangaral sa mga namimitas ng tsa na nagtatrabaho sa taniman ng tsa sa Sri Lanka