Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kapistahan ng Niyebe at Yelo sa Sapporo

Ang Kapistahan ng Niyebe at Yelo sa Sapporo

Ang Kapistahan ng Niyebe at Yelo sa Sapporo

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón

SA PANAHON ng mahabang taglamig, ang Sapporo, isang lungsod sa kahilagaan ng Hapón, ay natatabunan ng niyebe. Sa loob ng lima hanggang anim na buwan ng taon, halos walang magawa ang mga nakatira roon kung tungkol sa paglilibang hanggang sa ang mga pinuno sa lungsod ay magkausap-usap at mabuo ang ganitong idea: isang kapistahan na nagtatampok ng naglalakihang istatuwa ng niyebe.

Noong 1950, ang mga estudyante sa high school ay tinulungang magtayo ng anim na istatuwa, mula 3 hanggang 4 na metro ang taas. Mga 50,000 katao ang dumating upang makita ang “Venus de Milo” na niyari sa yelo at iba pang istatuwa. Ang Yuki Matsuri, o Kapistahan ng Niyebe, ay nagkaroon ng magandang simula.

Sa paglipas ng mga taon ang kapistahan ay lalong umunlad at naging popular. Bawat taon sa ngayon, mga dalawang milyong turista, kasali na ang marami pa mula sa ibang bansa, ay nanlalaki ang mga mata habang pinagmamasdang mabuti ang daan-daang nililok mula sa yelo at niyebe. Ang pitong-araw na di-relihiyosong palabas na ito kung taglamig ay naging pinakamalaki sa lahat ng uri nito sa buong Hapón.

Pamamasyal sa Kapistahan

Sa tatlong lugar ng kapistahan, ang Ōdori Park ang pinakamalaki. Ang lugar na ito na dating pinagtatambakan ng niyebe ay sumasakop sa 11 bloke sa lungsod hanggang sa pinakagitna ng Sapporo. Dito at sa Makomanai, sa di-kalayuan, ay makikita ang mas malalaking kagila-gilalas na mga inukit. Ang mga bata ay namamangha sa mga tauhan ng paborito nilang mga palabas sa telebisyon at mga komiks na malalaki pa sa tao. Naroroon ang kababalaghan ng makabagong teknolohiya na si Ultraman na gustong tularan ng mga batang lalaki. At katabi si Chibi Maruko-chan kasama ang kaniyang mga kaibigan, mga batang itinatampok sa isang popular na cartoon sa telebisyon.

Manghang-mangha rin ang matatanda. Ang katangi-tanging pagkakagawa ng Paris Opera House, na lubos na nagagayakan ng inukit na mga pader at maging ng mga istatuwa ng mga manunugtog sa bubong, ay tumatawag ng pansin. Naroroon ang lumang German Diet House, isang istilong-baroque na gusaling niyebe. Ang napakalaking Kastilyong Arabe na nagtatampok kay Aladdin at sa kaniyang ‘mahiwagang lampara’ ay madaling makilala.

Ang nagmistulang duwende dahil sa naglalakihang eskultura ay ang mga inukit sa Citizens Square, na karamihan ay nagtataglay ng natatanging mensahe. Ang inukit na Brandenburg Gate ay nakatayo bilang tagapagpagunita ng kamakailang pagkakaisa ng Alemanya. Ang ilan sa mga inukit ay nagpapamalas ng pagpapahalaga sa lupa, sa ekolohiya nito, at sa mga hayop.

Sa dulo ng Ōdori Park ay matatagpuan natin ang International Square na doo’y nagpapaligsahan ang mga koponan mula sa iba’t ibang bansa. Ang ilan sa mga eskultor ay mga propesyonal na karaniwang gumagawa mula sa marmol, bato, at iba pang materyales. Bawat isa sa kanila ay binibigyan ng 3-metrong bloke ng pinatigas na niyebe at binibigyan ng tatlong araw upang tapusin ang kanilang lahok.

Subalit paano ba ginagawa ang pagkalaki-laking mga eskultura, at paano nakukuha ng mga eskultor ang kahanga-hangang kawastuan ng mga detalyeng iyon?

Kung Papaano Ginagawa ang mga Eskultura sa Niyebe

Ang paggawa ng gayong kalaki ay hindi biru-biro. Sa isang proyekto, ang aktuwal na paggawa ay tumatagal nang halos isang buwan, na nangangailangan ng mahigit na 1,500 araw ng paggawa ng isang tao. Ang isang malaking lahok ay isang kopya ng hitsura ng Flinders Street Station, Melbourne, Australia. Ang sukat nito ay 35 metro ang haba, 35 metro ang lapad, at 15 metro ang taas. Kinailangan ang 1,400 limahang-toneladang mga trak upang hakutin ang 7,000 toneladang niyebe na ginamit doon. Hindi kataka-taka na mula 1955 ang karamihan ng mga gumagawa sa naglalakihang eskultura na ginawa ng mga hukbo sa pagtatanggol sa sarili, at nang maglaon ay sinalihan na rin ng mga nagsasanay sa kagawaran ng pamatay-sunog. Tingnan natin kung papaano nila ginagawa ang gayong kariringal na likha ng sining mula sa niyebe.

Una, dapat munang pumili ng modelo. Magtitipon ng mga impormasyon at mga larawan. Batay rito, ang mga modelo ay yayariin sa luwad, papier-mâché, o iba pang materyales. Pagkatapos, mga isang buwan bago ang kapistahan, magtitipon naman ng malilinis na niyebe at dadalhin sa lugar ng gawaan. Ibababa ito roon, pipikpikin sa isang malaking balangkas na kahoy at patitigasin sa pamamagitan ng tubig. Pagkatapos ay aalisin ang balangkas, maglalagay ng andamyo, at pasisimulan ang masinsinang pag-uukit.

Madalas na nagtatrabaho pa rin sa gabi kahit ang temperatura ay napakalamig, ang mga tagaukit ay gumagamit ng mga palakol at pala para sa panimulang gawain at gumagamit naman ng maliliit na pang-ukit para sa mga detalye.

Ang bawat isa at maliliit na grupo ay maaaring sumali. Mga isang-katlo ng daan-daang aplikante mula sa iba’t ibang bansa na napili sa pamamagitan ng palabunutan ay binibigyan ng mga tagubilin mula sa isang pantanging grupo ng mga eksperto. Ang bawat aplikante ay binibigyan ng isang dalawang-metro kubikong bloke ng pinatigas na niyebe at limang araw upang tapusin ang kaniyang likha.

Kaakit-akit na mga Panoorin

Ang mga inukit mula sa purong-yelo ay nakaragdag pa rin ng naiibang kagandahan sa kapistahan. Karamihan sa mga ito’y gawa ng Ice Carvers Union. Karamihan ay mga tagapagluto sa kilalang mga otel na karaniwan nang nagpapamalas ng kanilang talino sa mga dako ng piging. Sila’y sabik na sabik na pumunta sa Sapporo, at ang resulta ay kasiya-siya.

Nakaragdag pa rin sa kasayahan ang mga musikal na pagganap at mga palabas. May mga paligsahan, nagmamartsang banda, pagsasayawan, acrobatic ski jumping, at marami pang iba. Ang mga bata ay tuwang-tuwa rin sa maraming padulasan sa yelo, na inilaan para sa kanilang kasiyahan at itinayo sa mismong mga inukit.

Lalo nang napakaganda kung panonoorin ang kapistahan sa gabi. Ang katakut-takot na dami ng maliliit na bombilya na nakabitin sa walang dahong mga sanga ng punungkahoy sa parke, kasama ang maraming iba’t ibang kulay na nagliliwanag galing sa kumikislap na mga istatuwa, ay nagbibigay ng kahanga-hangang kapaligiran ng ilaw at kulay sa daigdig ng pantasiya kung taglamig. Pagkatapos panoorin ang kapistahan, hahanga kayo sa nagagawa ng mapanlikhang imahinasyon at bihasang mga kamay ng tao na bigay-Diyos.

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang napakalalaking inukit sa yelo gaya ng nasa ibaba ay maaaring 35 metro ang lapad at 15 metro ang taas, na nangangailangan ng mga 7,000 tonelada ng niyebe upang itayo