Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawang-Paglalaro sa Imoralidad—Ano ang Pinsala?

Gawang-Paglalaro sa Imoralidad—Ano ang Pinsala?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Gawang-Paglalaro sa Imoralidad​—Ano ang Pinsala?

“Isang araw dumating ang aking boyfriend nang wala sa bahay si inay, para manood lamang ng TV,” ang gunita ni Laura. a “Sa simula hinawakan lamang niya ang aking kamay. Pagkatapos walang anu-ano, nagsimulang gumala ang kaniyang kamay. Natakot akong sabihan siya na huminto; inaakala ko na baka siya magalit at umalis.”

SA GAYON si Laura at ang kaniyang boyfriend ay nagsimula sa isang landas na umakay sa mas matinding lisyang paggawi. Ang maapoy na paghahalikan ay umakay pa sa higit na malubhang mga kahalayan. Subalit, kakaunti sa ating panahon sa ngayon ang hindi sasang-ayon sa paggawing iyon. Aba, ipinakita ng mga surbey na ang karamihan sa mga kabataan sa Estados Unidos ay nakipagtalik na bago pa sila sumapit sa edad na 19! Ang matinding paghahalikan at paghipo pa man din sa maseselang na bahagi ng katawan ay minamalas na wala kundi isang hindi nakapipinsalang aliwan. Ipinagmamalaki ng ilang kabataan kung gaano kalabis ang kanilang naranasan sa kanilang pag-eeksperimento sa sekso.

Nakalulungkot nga, ang ilang Kristiyanong kabataan ay nasangkot sa gayong mahalay na paggawi. Wari bang ipinalalagay nila na hangga’t hindi sila nakagagawa ng “pagtatalik,” walang pinsalang nagagawa.

Pinsala sa Espirituwal

Malayung-malayo iyan sa katotohanan. Hinahatulan ng Bibliya ang mga nagsasamantala sa kanilang di-kasekso. Ang ipinalalagay ng ilan bilang “di-nakapipinsala” na paghipo sa maseselang na bahagi ng katawan ay katumbas ng binabanggit ng Bibliya na karumihan, kahalayan, o maging ng pakikiapid. Ang mga ito’y malulubhang kasalanan na maaaring humantong sa pagkatiwalag sa Kristiyanong kongregasyon.​—Galacia 5:19, 21.

Kung gayon ang gawang-paglalaro sa seksuwal na imoralidad ay hindi isang bagay na dapat ipagwalang-bahala. Ito’y “karungisan ng laman at espiritu”​—isang bagay na malubhang makasisira sa iyong kaugnayan sa Diyos. (2 Corinto 7:1) Sa dakong huli, magagawa pa nitong ang iyong isip ay “mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” (2 Corinto 11:3) Ang isang kabataan na naakay sa mahalay na paggawi, o umakay sa isa na gumawa nito, ay hindi talaga nagpapakita ng Kristiyanong “pag-ibig mula sa isang malinis na puso at mula sa isang mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.”​—1 Timoteo 1:5, 19.

Ang taong nagpapakalabis sa pagpapahayag ng kaniyang pagmamahal ay makararanas ng pinsala sa emosyon. Ito’y dahil sa, gaya ng ipinaaalaala sa atin ng artikulo sa magasing Seventeen, “ang iba’t ibang paraan ng paghipo ng mga tao sa isa’t isa . . . ay maaaring kasinlapit at kasintindi ng pakikipagtalik mismo.” Kaya samantalang ang paghahalikan at paghihipuan ng maseselang na bahagi ng katawan ay nakapupukaw sa pisikal, ang karanasang ito’y lalo nang masusumpungan ng mga babae na nagpapangyari sa kanilang makadama na walang-halaga at walang-kabuluhan. Ang babasahing Journal of Marriage and the Family ay nagsabi: “Ang mga babae ay nagsasabi na sila’y nakadarama ng takot, pagkakasala, pagkapahiya, at maging ng pagkasuklam.”

Ito ba’y Pag-ibig?

Isaalang-alang ang ulat ng Bibliya sa Kawikaan kabanata 7, na bumabanggit ng tungkol sa pang-aakit sa isang kabataang lalaki ng isang masamang babae. Ang imoral na babaing iyon ay nagsabi sa kabataang lalaki: “Parito ka, tayo’y magpakasiya sa pagsisintahan hanggang sa kinaumagahan; magpakasaya tayo sa mga pagsisintahan.” Ang isiping ibigin ng iba ay walang alinlangan na waring kaakit-akit para sa kabataang ito. Subalit ang totoo ‘pinasuko siya [ng masamang babae] ng karamihan ng kaniyang matamis na salita. Hinila [inakit] siya ng katabilan ng kaniyang mga labi.’ Wala, wala siyang nadaramang tunay na pag-ibig para sa kabataang lalaki; isa lamang siyang parokyano. Siya’y labis niyang pinagsamantalahan.​—Kawikaan 7:18-21.

Sa gayunding paraan, maraming kabataan sa ngayon​—lalo na ang mga babae​—ay pinagsasamantalahan. Ang mga babae lalung-lalo na ang karaniwang hinihikayat na gumawa ng masama. Ayon sa aklat na The Compleat Courtship ni Nancy Van Pelt, “isiniwalat ng isang pagsusuri na ang pinakakaraniwang pangangatuwiran na ginagamit [ng mga lalaki] ay: ‘Kung mahal mo ako, hahayaan mo akong makasiping ka.’ ” Sinabi ng awtor na ginagamit ng mga lalaki ang linyang ito “sapol pa noong unang panahon.”

Subalit ang sinuman ba na aakit sa iyo sa isang paggawi na mahalay at hinahatulan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay talagang nagpapakita sa iyo ng pag-ibig? Hindi ayon sa Salita ng Diyos. Ang aklat na iyon ay nagpapaalaala sa atin na ang tunay na “pag-ibig . . . ay hindi gumagawi nang hindi disente.” (1 Corinto 13:4, 5) Ang manunulat na si Nancy Van Pelt ay nagtanong: “Kung sakaling makuha niya ang kaniyang ibig, anong katibayan mayroon ka na mahal ka niya kapag tapos na ang lahat? Malamang na ginamit ka niya.”​—Ihambing ang 2 Samuel 13:15.

Kapag ginigipit ng lalaki ang isang babae na labagin ang kaniyang Kristiyanong pagsasanay at budhi, kaniyang pinasisinungalingan ang anumang pag-aangkin na tunay ang kaniyang pagmamahal sa babae. At kung ang lalaki ay nag-aangking isang Kristiyano, kinukutya niya ang kaniyang pagiging Kristiyano. Ang babae na napadadala sa pananakot na ito ay pinagsasamantalahan, ginagamit, dinuduhagi ang kaniyang dangal. Mas masama pa, nakagawa siya ng isang mahalay na bagay, marahil ng pakikiapid pa nga, na isang malubhang paglabag sa kautusan ng Diyos.​—1 Corinto 6:9, 10.

Totoo, ang ilang babae ay kusang napadadala. Subalit ang pagkakasundo nilang dalawa na gawin ang bagay na mali ay hindi ginagawang tama ito. “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang dulo niyaon pagkatapos ay mga daan ng kamatayan,” sabi ng Kawikaan 14:12.

Nasisirang Ugnayan

Ipinalalagay ng ilan na ang kapahayagan ng pagmamahal sa pisikal ay nagpapatindi ng ugnayan. Gayunman, ang paggawi nang may kahalayan sa sekso ay hindi nagpapatimyas ng ugnayan. Pinabababa nito ang dangal ng ugnayan. At ang pinakamasaklap dito, sinisira nito ang paggalang at pagtitiwala sa isa’t isa. “Nasusuklam ako sa lalaki pagkatapos niyaon,” ang pag-amin ng babae na nakagawa ng kahalayan.

Ang kawalan ng pagpipigil sa panahon ng pagliligawan ay maaaring patuloy na magkaroon ng masamang epekto maging pagkatapos na makasal ang mag-asawa. Ang pagpipigil-sa-sarili, pagtitiis, at di-kasakiman ang pundasyon ng nakasisiyang pagtatalik sa pag-aasawa. (1 Corinto 7:3, 4) Subalit sa panahon ng pagliligawan, pinasisimulan ng ilang lalaki’t babae ang isang kinagawiang pagpapatangay sa sakim na pagnanasa, may kapusukang ipinagwawalang-bahala ang pagpipigil, at binabale-wala ang damdamin ng isa’t isa. Ito’y maaaring lumikha ng isang masamang pasimula sa pag-aasawa.

Kapag nagsimula ang matinding paghahalikan at paghihipuan, hinahadlangan nito ang makabuluhang komunikasyon. Ang kinakailangang may pagtitiwalang pag-uusap​—tungkol sa mga tunguhin, mithiin, at damdamin​—ay nahahalinhan ng hangal, nakapupukaw-damdaming paggawi. Ang Kawikaan 15:22 ay nagbabala nang ganito: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang pag-uusap na may pagtitiwala.” Dahil sa nabigong magtatag ng matibay na saligan sa pag-aasawa sa panahon ng pagliligawan, maraming mag-asawa ang nakararanas ng matinding kabiguan at pagkadama ng kasalanan kapag sila’y napakasal na sa wakas.

Patayin ang Maling Pagnanasa

Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay ang simulain ng Bibliya sa Colosas 3:5: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa na may kinalaman sa pakikiapid, kawalang-kalinisan, seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na nasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.” Sa halip na pahupain ang “nakasasakit na nasa,” ang paghahalikan at paghihipuan ng maseselang na bahagi ng katawan ay pumupukaw lamang dito. Ang kabataang lalaki na nagngangalang Jack ay umamin kung ano ang nangyari sa kanila ng kaniyang nobya: “Sa una iyon ay pawang paghahalikan lamang. Subalit nang sumunod ito’y matinding paghahalikan at paghihipuan, minsan ito’y halos humantong sa aming paggawa ng pakikiapid. Batid ko na ang ginagawa namin ay mali ayon sa mga pamantayan ni Jehova.”

Isang kabataang nagngangalang Vera, na nalugmok sa gayunding lisyang paggawi, ang umaamin na ang paghahalikan at paghihipuan ay lumikha sa kaniya ng pagnanais na “makipagtalik.” Kung minsan iyan talaga ang nangyayari. Ipinakikita ng Bibliya na ang kasalanan ay nagpapamanhid sa budhi ng isa. (Hebreo 3:13) Habang ang isa ay nahihirati sa paggawa ng kahalayan, maaaring tumindi ang kasamaan. Ang isang seksuwal na pang-aakit ay maaaring umakay sa isa pa. “Bago mo mamalayan ito,” ang pag-amin ni Laura (binanggit sa simula), “nagawa mo na ang matinding paghihipuan. At sandaling-sandali lamang anupat nakagawa ka ng pakikiapid. Iyan ang nangyari sa akin.”

Nakalulungkot nga, gayundin ang nangyari sa napakaraming iba pang mga kabataan. Ang isang sinaunang kawikaan ay nagbabala: “Makakakuha ba ng apoy ang tao upang ilagay iyon sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniya mismong mga kasuotan?” (Kawikaan 6:27) Maliwanag ang sagot. At para sa Kristiyanong mga kabataan, dapat nilang pakadibdibin ang babala ng Diyos: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Galacia 6:7.

Higit pa riyan, ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Walang mapakiapid o taong di-malinis o taong sakim​—na nangangahulugan ng pagiging isang mananamba sa idolo​—ang may anumang mana sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” (Efeso 5:5) Sa gayon, ang gawang-paglalaro sa imoralidad ay may malulubhang kahihinatnan at maisasapanganib pa nga nito ang pag-asa ng isang Kristiyano para sa walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos.​—Apocalipsis 22:15.

[Talababa]

a Ang ilan sa pangalan ay pinalitan.

[Blurb sa pahina 18]

Ang paggawi nang may kahalayan sa sekso ay nagpapababa sa dangal ng ugnayan

[Larawan sa pahina 17]

Ang kapaki-pakinabang na panggrupong mga gawain ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang nakakokompromisong mga kalagayan