Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-aalaga—Pagharap sa Araw-araw na mga Panggigipit

Pag-aalaga—Pagharap sa Araw-araw na mga Panggigipit

Pag-aalaga​—Pagharap sa Araw-araw na mga Panggigipit

KUNG ang pag-aalaga ay nagdudulot sa iyo ng ilang panggigipit, lalo na yaong mga panggigipit na hindi mo inaasahan, ikaw ay maaaring makonsensiya. Maaaring itanong mo: ‘Mayroon bang diperensiya sa aking kaugnayan sa aking mga magulang? Hindi ba’t ang mga adulto sa maraming kultura ay maligayang namumuhay na kasama ng kanilang mga magulang habang-buhay?’

Buweno, ang iyong kalagayan ay maaaring naiiba. Ang iyong mga magulang ay maaaring pumisan sa inyong tahanan pagkatapos ng 20, 30, 40, o higit pang mga taon ng kanilang pamumuhay na bukod sa inyo. Ito’y nangangahulugan na ikaw at ang iyong mga magulang ay nagkaroon ng sariling mga istilo ng buhay at mga ugali sa kalakhang bahagi ng inyong mga buhay. Pagkalipas ng ilang dekada, ang mga istilo ng buhay at mga ugaling iyon ay maaaring naging totoong magkaiba. Subalit ngayon, bilang isang tagapag-alaga, nakakaharap mo ang pangangailangan na maayos na pagsamahin ang iyong buhay sa buhay niyaong nasa iyong pangangalaga. Ito’y maaaring mas mahirap kaysa kung kayo ay namuhay na magkasama sa loob ng mahabang panahon.

Isa pa, ang ilang magulang ay maaaring lubhang masakitin o sa ibang paraan ay nangangailangan ng higit na natatanging pangangalaga. Kapuri-puri, bagaman ikaw ay maaaring naglalaan ng kung ano ang kinakailangan at nakikita mong hindi naman kailangang ilagay ang iyong mga magulang sa isang nursing home, kaya naman ang kalagayang ito ay nagdudulot ng araw-araw na mga panggigipit sa inyong lahat. Ang pag-aarugâ sa iyong mga magulang ay natural. Ang pagtanda at pagkakasakit ay hindi natural. Hindi kailanman nilayon ng Maylikha na mawala ng mga tao ang kanilang lakas at kalusugan habang sila’y nagkakaedad. Kaya nga, huwag mong isipin na may diperensiya ka sapagkat ang kalagayan ay humihiling ng higit, sa emosyonal at pisikal na paraan, kaysa iyong nakini-kinita.​—Genesis 1:26-31; Awit 90:10.

Ang mga panggigipit na nauugnay sa pag-aalaga ay hindi naman nagbabadya ng isang mahinang kaugnayan sa pagitan mo at ng iyong mga magulang. Lalo na kung ikaw ay nagtamasa ng isang mabuting kaugnayan sa kanila bago nila kinailangan ang iyong tulong, malamang na ang anumang problemang nararanasan mo ay bunga ng mga hamon na inihaharap ng pag-aalaga. Paano mo mabisang mapakikitunguhan ang araw-araw na mga panggigipit?

Pakikitungo sa Nakakokonsiyensiyang mga Damdamin

Kahit na ang mga taong ginagawa ang lahat ng kanilang magagawa at dapat gawin para sa kanilang mga magulang ay kung minsan nakakokonsiyensiya tungkol sa hindi paggawa nang higit pa. Gayunman, ang di-wastong pagkadama ng pagkakasala ay maaaring maging isang problema. Masusumpungan mo ang iyong sarili na gumagawa ng mga pasiya na nilayon upang bawasan ang iyong pagkadama ng pagkakasala subalit hindi naman para sa pinakamabuting kapakanan mo o ng iyong mga magulang. Halimbawa, ano ang maaaring mangyari kung, upang maibsan ang kaniyang mga pagkadama ng di-wastong pagkakasala, ang isang babae ay maging abala sa pag-aalaga sa kaniyang mga magulang anupat napababayaan na ang kaniyang sariling asawa at mga anak? Siya, ang kaniyang mister, at ang kaniyang mga anak ay magdurusa. Kaya huwag mong hayaang supilin ng di-wastong pagkadama ng pagkakasala ang iyong buhay.

Ikaw ba kung minsan ay nakokonsensiya sapagkat wari bang hindi ka kailanman makagawa ng sapat para sa iyong mga magulang? Kung gayon, posible na ang mga pangangailangan ng iyong mga magulang ay sobra sa kung ano ang maibibigay mo sa kanila. Ang kalagayan ay maaari na, anuman ang gawin mo, laging may higit pang magagawa. Isa pa, kung itinuturing mo ang pag-aalaga bilang isang paraan ng pagbabayad sa lahat ng ginawa sa iyo ng iyong mga magulang habang ikaw ay lumalaki sa kanilang pag-aarugâ, laging kang makokonsensiya, sapagkat kailanman ay hindi mo sila lubusang mababayaran.

Binabanggit ng aklat na You and Your Aging Parents ang pangangailangan na magpasiya kung gaano ang magagawa mo para sa iyong mga magulang. Sabi nito: “Mawawalan ka ng maraming sama ng loob kung pangunahin nang ibabatay mo [ang iyong mga pasiya] hindi sa kung ano ang gusto mong gawin o kahit na sa kung ano ang dapat mong gawin, kundi sa kung ano ang magagawa mo.”

Oo, makatotohanang tiyakin kung ano ang maaasahan mo sa iyong sarili. Maaaring makatulong kung hihingin mo ang tulong ng isang pinagkakatiwalaang kaibigan na nalalaman ang iyong mga kakayahan, ang iyong mga limitasyon, at ang kalagayan ng iyong pamilya. Maaari mo bang ipisan sa inyong tahanan ang iyong mga magulang? May sapat ka bang lugar? Papayag ba silang pumisan? Kung ang mga magulang mo ay hindi nakatira sa inyo, gaano kadalas mo silang madadalaw, at kailan? Kung gagawin mo kung ano ang magagawa mo, walang dahilan upang makonsensiya. Kung ikaw ay makonsensiya sa paano man, kilalanin na ang damdamin ay di-wasto at huwag hayaang supilin nito ang iyong mga pasiya.

Ibahagi ang Pasan

Binabanggit ng aklat ng Bibliya na Eclesiastes kung paanong hindi mabuti na “magpakasamang lubha” o “lubhang magpakamatuwid” at na ang pagiging lubhang mapagmatuwid ay maaaring ‘makasira sa iyong sarili.’ (Eclesiastes 7:16-18) Maaaring mangyari ito kung sisikapin mong gawin ang higit kaysa nais mong gawin, sa magagawa mo, at maging higit sa dapat mong gawin.

Kung punô na ang iskedyul mo bago mo pa simulang arugain ang iyong mga magulang, dapat mong alisin ang ilang gawain o humingi ng tulong. Gayunman, marami na nangangailangan ng tulong ay nag-aatubiling humingi ng tulong. Masyado silang mahiyain o sinasabi nilang ang iba ay ayaw tumulong. Gayunman, pinipinsala mo ang iyong sarili at ang lahat ng nasa paligid mo kung papagurin mo ang iyong sarili. Sa kaniyang aklat tungkol sa pag-aalaga, tinatawag ng awtor na si E. Jane Mall ang gayong labis na paggawa na ang “martyr syndrome.” Siya’y nagpapayo: “Dapat ay may kalendaryo ka ng mga prayoridad, at tatlo sa iyong mga prayoridad ay dapat na panahon na kasama ng iyong [asawa], panahon na kasama ng iyong mga anak at mga kaibigan, at panahon para sa iyong sarili.”

Oo, baka kailanganin mong ibahagi ang pasan. Kaya saan ka hihingi ng tulong? Ang pamilya, mga kaibigan, kapitbahay, at mga propesyonal ay maaaring makatulong. Subalit kailangang humingi ka ng tulong. At dapat na humingi ka nang tuwiran. Ang mga pagpapahiwatig ay hindi laging umuubra. Maaaring magulat ka sa kung sino at kung gaano karami ang nais tumulong kung maliwanag na ipaaalam mo ang iyong mga pangangailangan, tiyak na mga kahilingan. Halimbawa, maaaring hilingin sa isa na tulungan kang maglinis ng bahay. Kung iyan ay magbibigay sa iyo ng ilang kinakailangang ginhawa, kung gayon hindi ito panahon upang igiit mo na linisin ang bahay sa ganang sarili sapagkat ‘walang gagawa nito nang tama.’

Kung ikaw ay may mga kapatid na lalaki o babae, kabahagi rin sila sa pananagutan na pag-aarugâ sa kanilang mga magulang. Marahil ay nagawa mo na ang lahat o karamihan ng pag-aalaga hanggang sa ngayon, inaakala mong hindi kaya o ayaw tumulong ng iyong mga kapatid na lalaki o babae. Gayunman, tuwiran mo bang hiniling ang kanilang tulong? Ang ilang tao ay positibong tutugon​—kung nililinaw sa kanila na kailangan ang tulong.

Ang ilan naman ay sinosolo ang pag-aarugâ sa isang magulang sa pagsisikap na matamo o panatilihin ang pagsang-ayon ng magulang. O maaaring magtamo sila ng kabanalan sa paggawa ng lahat ng gawain sa kanilang sarili. Maaaring magreklamo sila na ang iba ay hindi tumutulong sa pag-aalaga, subalit maaari rin silang magpahiwatig sa pamamagitan ng mga salita at kilos na gayon ang gusto nila. Ito ay maaaring maging isang anyo ng pagiging lubhang mapagmatuwid. Subalit bakit kailangan mong dulutan ng di-kinakailangang pahirap ang iyong sarili? Kung may makukuhang tulong, hingin mo ito, at gamitin ito.

Isang babala: Huwag mong asahan na ang iyong mga kapatid na lalaki at babae ay makikibahagi sa mga pananagutan na kapareho mo. Bagaman kung minsan posibleng gawin nila iyon, kadalasan nang ginagawa iyang mahirap, kung hindi man imposible, ng kanila mismong mga kalagayan. Sa maraming kaso mas praktikal para sa isang miyembro ng pamilya na maging ang pangunahing tagapag-alaga, samantalang ang ibang miyembro ng pamilya, lalo na ang mga kapatid na lalaki at babae, ay tutulong sa pinansiyal na paraan at tatawag sa telepono, dadalaw, o paminsan-minsan ay isasama sa bahay ang kanilang mga magulang o sa mga paglalakbay kung dulo ng sanlinggo.

Pamumuhay Nang Malapit

Ang pamumuhay nang napakalapit ay maaaring lumikha ng maliliit na pagkayamot. Ang mga ugaling madali mong ipagpaumanhin sa isang kaibigan ay maaaring tila hindi matitiis sa isang malapit na miyembro ng pamilya.

Isa pa, ang iyong mga magulang ay maaaring magsabing, ‘Sana’y makagugol ka nang higit na panahon na kasama ko, subalit alam kong masyado kang abala para sa bagay na iyan.’ Maaaring ikubli ng komento ng magulang ang palagay na hindi ka talaga masyadong nagmamalasakit sa iyong magulang. Maaari kang tumugon sa gayong pananalita na may pagkayamot. Sa halip na mayamot, hindi ba makabubuting tugunin ang tunay na ikinababalisa ng iyong mga magulang, yaon ay ang gumugol ng higit na panahon na kasama mo? Kahit na kung hindi mo maibigay ang kahilingan, ang may kabaitang pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay ay aani ng mas mabuting mga resulta kaysa isang masakit na tugon.​—Kawikaan 12:18.

Ang pagsisikap na pagyamanin ang mga katangiang hinihimok sa Bibliya ay magpapangyari sa iyo na manatiling mabait subalit matatag kung kinakailangan. Makatotohanang kinikilala ng aklat ng Bibliya na Colosas na tayo kung minsan ay “may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” Tayo’y inuutusan nitong “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa.” Pinapayuhan din tayo nito na damtan ang ating mga sarili ng “magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” (Colosas 3:12-14) Tiyak na ang mga katangiang iyon ay totoong nakatutulong upang bawasan ang mga pagkayamot ng pamumuhay nang malapit.

Kahit na kung paminsan-minsan ay nagkakamali ka, nawawalan ng pasensiya, at nagsasabi ng isang bagay na sana’y hindi mo nasabi, “huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” Agad humingi ng tawad, at kalimutan ang bagay na iyon. Huwag hayaang ito’y pagmulan ng isa pang pinagmumulan ng nakakokonsiyensiyang mga damdamin.​—Efeso 4:26, 27.

Pagpapanatili na Makapagsarili

Kung ikaw at ang iyong mga magulang ay nakatira sa iisang bahay, maaaring masumpungan mong mahirap makapagsarili (privacy). Gayunman, ikaw at ang iyong mga magulang ay nangangailangang makapagsarili. Maaaring ipakipag-usap mo ang problemang ito sa kanila at magkasundo kayo na ang ilang panahon at dako ay pribado para sa iyo o sa iyong malapit na kasambahay. Halimbawa, sa ilang pamilya, hindi naman sa lahat, ang isang saradong pinto na may karatulang “do-not-disturb” ay maaaring unawain ng isa’t isa na nagpapahiwatig ng isang pribadong dako o panahon para sa taong nasa loob.

Kung ang silid ay walang pinto, ang isang nabibitbit na iskrin o isang partisyon ay maaaring magsilbi sa layuning iyon. Ang mataktikang paalaala ay baka angkop kung ang pangangailangang makapagsarili ay di-sinasadyang nagambala. Ang punto ay, ang pangangailangan ng isa na makapagsarili ay dapat igalang ng lahat sa pamilya.

Isang Pribilehiyo

Tandaan na bagaman ang anumang paghina sa kalusugan ng iyong mga magulang ay nagdudulot sa iyo ng kirot, nais ng ating Maylikha, si Jehova, na maranasan natin ang kagalakan kahit na tayo ay dumaranas ng mahihirap na kalagayan. Ito ay maaari ring tumulong sa iyo na maging malapit kay Jehova habang ikaw ay may pananalanging umaasa sa kaniya. Ganito ang pagkakasabi ng isang tagapag-alaga: “Ako’y laging malapit kay Jehova, subalit ang pag-aalaga ay nagturo sa akin ng lubusang pagtitiwala sa kaniya. Ito’y gaya ng kaibhan sa pagitan ng isang long distance na tawag sa telepono at ng pagkanaroroon mismo ng tao na kasama mo. Si Jehova ay naroroon at kasama ko.”

Ang pag-aalaga ay isang pribilehiyo at isa ring tungkulin. Makipag-usap sa iyong mga magulang upang malaman mo ang kanilang mga kailangan. Paglaanan mo sila, at panatilihin ang kagalakan sa paggawa niyaon.​—Filipos 4:4-7; 1 Pedro 5:7.

[Kahon sa pahina 7]

Ginagawang Kalugud-lugod ang Pag-aalaga

1. Karaniwang ang nais ng mga magulang mula sa kanilang adultong mga anak ay ang may kalidad na pakikitungo. Ito’y humihiling ng pagiging malapit sa iyong mga magulang at pagsisiwalat ng mahahalagang aspekto ng iyong sarili. Ito’y maaaring maging mahirap sa isang magulang/adultong-anak na kaugnayan. Ang anumang humahatol na saloobin sa magkabilang panig ay magiging isang hadlang. Ang gayong mga saloobin ay dapat iwaksi upang magkaroon ng matalik na ugnayan.

2. Kung ang isa sa iyong mga magulang ay nagsasabi sa iyo ng isang problema o pagkabalisa, makinig na may empatiya. Ang mga sagot na minamaliit ang kanilang mga damdamin ay maaaring magpasidhi ng negatibong mga damdamin na gaya ng: ‘Oh, hindi naman po ganiyang kasamâ’ o ‘Alam ko po, ganiyan din ang nangyayari sa akin.’ Ikaw ay magiging mas mabisa kung sisikapin mong kilalanin ang dahilan kung bakit gayon ang nadarama ng iyong mga magulang, saka kilalanin at makibahagi rito (‘Tila nahihirapan kayo ngayon, ngunit lutasin natin ito na magkasama’).​—Kawikaan 20:5.

3. Kung ikaw ang asawa ng pangunahing tagapag-alaga, umalalay sa pisikal at emosyonal. Makipag-usap sa iyong kabiyak; kung hindi ay magkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan. Ang alalay ng kabiyak ay mahalaga. Isang ginang ang nanangis na ang kawalan ng alalay mula sa kaniyang pamilya ay “mas mahirap pakitunguhan kaysa pag-aalaga mismo sa [kaniyang] ina.” Sa kabilang dako, taimtim niyang pinahahalagahan ang tulong ng isang kaibigan na paminsan-minsan ay humahalili sa kaniya. Sabi niya: “Naantig ang puso ko nang siya’y nag-alok ng tulong. Napakahalaga niyaon sa akin, at ako’y lalong napalapit sa kaniya.”

[Kahon sa pahina 10]

Kung Ikaw ay Inaarugâ

Maaaring ikaw ang inaarugâ. Ano ang magagawa mo upang tulungang mapanatili ang isang timbang at mapayapang kaugnayan sa iyong mga anak?

Ang ilang magulang ay nagkakamali sa pagsisikap na pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pakikipagtalo, pakikialam, o pangongonsensiya. Malamang na batid mong ito’y nagbubunga lamang ng kaunting pangangasiwa at higit na kaigtingan. Mas mabuti ang mga resulta kung ipakikita mo sa iyong adultong mga anak na iginagalang mo sila, ang personal na mga bagay sa kanilang buhay, at ang kanilang mga punto de vista, kahit na kung hindi ka sang-ayon. Ang regular na pagpuri sa inyong mga anak ay mabisa. Sabi ng isang adultong anak: “Nais ng isang bata ang pagsang-ayon ng kaniyang mga magulang sa mga bagay anumang edad niya.”

Sa gayong kapaligiran ng pag-ibig at paggalang, ipakipag-usap ang iyong mga pangangailangan sa iyong mga anak. Ang mga pahiwatig at mga implikasyon ay kadalasang mas nakapipinsala kaysa nakabubuti, kaya maging tuwiran, ngunit mabait. Kahit na kung ikaw at ang iyong mga anak ay hindi sang-ayon sa isang punto, ang iyong pagiging mataktika ay makatutulong sa isang malapit at matapat na kaugnayan na walang di-pagkakaunawaan.

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Sa pag-aarugâ sa iyong mga magulang, maglaan din ng panahon para sa iyong kabiyak, sa iyong mga anak, at sa iyong sarili