Pag-aarugâ sa Matanda Nang mga Magulang
Pag-aarugâ sa Matanda Nang mga Magulang
“AKO’Y abalang-abala araw at gabi, subalit ipinalalagay ko pa rin itong isang pribilehiyo.” Ganiyan inilarawan ng isang babae ang pag-aarugâ sa kaniyang may edad nang ina. Para sa babaing ito, at sa marami pang iba, ang pag-aarugâ sa tumatandang mga magulang ay isang positibong karanasan.
Ito rin ay nagiging higit na pangkaraniwang karanasan. Ang pinakamabilis lumagong pangkat ng edad sa Estados Unidos ay sinasabing ang kategorya ng mahigit 75 anyos. Noong 1900, wala pang isang milyong Amerikano ang 75 o mas matanda pa. Noong 1980 halos sampung milyon ang mahigit 75. Ang mas matatandang tao ay nabubuhay nang mas mahaba, at halos sangkatlo niyaong mga edad 85 o mas matanda pa ay nangangailangan ng regular na tulong.
Bagaman ang pag-aalaga ay maaaring maging isang kapaki-pakinabang na karanasan, ito rin naman ay maigting. Kung isa o dalawa sa iyong mga magulang ay matanda na at nangangailangan ng iyong pagkalinga, maaaring masumpungan mo ang ilang aspekto na mahirap. Ang basta pagmasdan ang paghina ng kanilang kalusugan ay nagdudulot sa iyo ng kirot. At kung ikaw ay tumatanggap ng kaunting tulong o hindi tumatanggap ng tulong buhat sa ibang miyembro ng pamilya, kung gayon ikaw ang gumagawa ng lahat ng pag-aalaga.
Maaari mo ring matuklasan na gaano ka man katanda, kailanman ay hindi ka nakadaramang ikaw ay maygulang na kapag kasama mo ang iyong mga magulang. May ugali silang pakitunguhan kang parang bata, at ikaw ay may hilig na tumugon na parang bata. Ang kawalan ng emosyonal na alalay buhat sa mga kaibigan ay maaaring makaragdag ng isang maigting na salik sa iyong pag-aalaga.
Gayunpaman, ang mga hamon ng pag-aalaga ay hindi naman kailangang humadlang sa iyong pagpapanatili ng isang malapit na kaugnayan sa iyong mga magulang. Maliwanag na inaakay ng Kasulatan ang mga adulto na “magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.” Sa kabilang dako, siya na “nagpapalayas sa kaniyang ina ay anak na nakakahiya at nagdadala ng kakutyaan.”—1 Timoteo 5:4; Kawikaan 19:26.
Ang maka-Diyos na debosyon na ipinahahayag sa pamamagitan ng pag-aalaga ay maaaring maging isang nakapagpapayamang karanasan. Subalit una muna, dapat mong malaman kung anong tulong ang talagang kailangan ng iyong mga magulang sa iyo. Ang susunod na mga artikulo ay maaaring tumulong sa iyo upang makilala at matugunan ang mga pangangailangang iyon. At bagaman ang mga artikulong ito ay nakatuon sa kung ano ang maaaring gawin sa loob ng bahay, maliwanag na sa ibang kaso, dahil sa napakahinang kalusugan o matanda na, ang isang magulang ay baka mangailangan ng propesyonal na tulong, gaya niyaong masusumpungan sa isang nursing home.