Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Whale? Isang Dolphin?—Hindi, Ito’y Isang Wholphin!

Isang Whale? Isang Dolphin?—Hindi, Ito’y Isang Wholphin!

Isang Whale? Isang Dolphin?​—Hindi, Ito’y Isang Wholphin!

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hawaii

ANG pagsilang ng isang mailap na hayop na nahuli ay laging isang kapana-panabik na pangyayari. Subalit ang Mayo 15, 1985, ay napatunayang isang di-pangkaraniwan at natatanging araw sa Sea Life Park ng Hawaii.

Ang manganganak ay isang Atlantikong dolphin na may korteng-boteng ilong na ang pangalang Punahele (na ang bigkas ay Poo-nah-hayʹlay) sa Hawaii ay nangangahulugang “Mahal na Kaibigan.” Di-karaniwan ang laki ni Punahele sa huling bahagi ng kaniyang pagiging kagampan. Kaya napagwawari na ng mga tauhan ng parke na may pambihirang bagay na magaganap. Nagkatotoo nga ang kanilang hinala nang isilang ni Punahele ang kaniyang anak. Siya’y pinanganlang Kekaimalu (na ang bigkas ay Kay-kai-mahʹloo). Si Kekaimalu ay hindi lamang mas maitim sa dolphin kundi nakapagtataka rin na ang kaniyang nguso ay maigsi.

Pagkatapos ay ibinuka ni Kekaimalu ang kaniyang bibig.

Ang isang Atlantikong dolphin na may korteng-boteng ilong ay inaasahang may 88 ngipin. Ngunit nang ngumiti si Kekaimalu ay mayroon lamang 66 na ngipin​—at ang mga ito’y napakalalakí. Ano nga ba ang nangyari?

Ang ina ng bagong panganak ay malaon nang nagtatanghal araw-araw kasama ng iba pang dolphin sa palabas ng Whaler’s Cove sa Sea Life Park. Isa sa kaniyang kasamang bituin ay isang 18-taóng-gulang, 900-kilong false killer whale. a Pagkatapos ng bawat araw, ang mga nagtatanghal sa tubig ay hinahayaang lumanguy-langoy sa iisang tangke.

Buweno, ang di-inaasahang resulta ay si Kekaimalu​—isang kinapal na ang kalahati’y dolphin at ang kalahati’y whale. Malugod na binansagan ng mga tauhan ng parke ang pambihirang mestisang ito na “wholphin.” Hinati ang diperensiya ng kaniyang 66 na ngipin sa pagitan ng 88 ngipin ng kaniyang inang dolphin at ng 44 na ngipin ng kaniyang amang whale. Bagaman ang kaniyang itim na kulay at pagiging mas malaki ay maliwanag na nagpapakitang siya’y galing sa whale, inilalarawan siya ng mga opisyal ng parke bilang “isang pambihirang resulta ng pinaghalong mga magulang.” Ang kaniyang patulis na nguso, o “tuka,” ay kagaya, ngunit mas maigsi sa, isang dolphin.

Ang isa pang wholphin ay ipinanganak sa isang oceanarium sa Hapón noong 1981. Ang mestisong kinapal ay namatay pagkaraan ng ilang buwan. Mas maganda kaya ang pag-asa ni Kekaimalu?

Ang 16-na-kilong batang wholphin ay mukhang malusog naman at nagsimulang sumuso nang normal. Bilang pag-uulat sa komento ng isang opisyal ng parke, ang Honolulu Star Bulletin and Advertiser ay nagsabi ilang saglit lamang pagkasilang kay Kekaimalu: “Ang pag-asang mabuhay hanggang sa lumaki ang batang anak ay hindi kasimbuti niyaong sa kaniyang may iisang-uring mga pinsan . . . Ang mga mestiso karaniwan na ay alinman sa patay na kung isilang o nagkakasakit at namamatay sa maagang panahon. Nakatutuwa naman, . . . si Punahele ay isang makaranasan at mapagmahal na ina na nakapagpalaki na ng dalawa pang anak na dolphin [sa Sea Life Park].” Ganito ang sabi ng opisyal: “Siya’y totoong madaling makibagay, siya’y isang tunay na mabuting ina.” Ang reputasyon ni Punahele bilang isang ina ay napatunayang totoo.

Mahigit nang pitong taon ngayong nabubuhay si Kekaimalu. Sa bigat na 300 kilo, naging parang duwende ang kaniyang inang dolphin. At pagkalipas ng ilang taon bilang isang tagapagtanghal sa Whaler’s Cove, ang noon ay limang-taóng wholphin, na inakala ng marami na baog, ay gumawa ng kasaysayan noong Hunyo 1990. Siya’y naging isang ina mismo. “Ang karaniwang pag-aakala ay na ang mga mestiso ay mga baog,” sabi ni Marlee Breese, isang kurador ng mga mamal sa pasilidad ng Makapuu. “Ngunit hinding-hindi si Kekaimalu.” Bagaman nakalulungkot, ang kaniyang panganay​—isang-kaapat na whale at tatlong-kaapat na dolphin​—ay nabuhay lamang nang isang linggo.

Malamang na hindi marunong si Kekaimalu kung papaano pasususuhin ang kaniyang anak. “Hindi ako naniniwala na ang pagiging mestisa ang dahilan nito,” sabi ni Breese. Naiisip niyang ang malamang na dahilan kung bakit hindi pinasuso ni Kekaimalu ang kaniyang anak ay sapagkat bata pa siya at hindi pa siya marunong niyaon. “Ang mga hayop na ito ay karaniwan nang dumarating sa seksuwal na pagkamaygulang sa edad na 8 hanggang 10 taon,” sabi ni Breese. Sa pagsilang ng kaniyang panganay na anak, si Kekaimalu ay lilimang taon pa lamang.

Noong Nobyembre 8, 1991, nagsilang si Kekaimalu ng pangalawang anak. Gayunman, sa pagkakataong ito, ang mga tauhan ay handa na. Pagkaraan ng 24-na-oras na pagbabantay kung kusang pasususuhin mismo ng inang wholphin ang anak, sila’y nakialam. Iniahon nila si Kekaimalu sa tubig sa pamamagitan ng sakbat, at kinunan siya ng gatas sa pamamagitan ng isang mamadera. ‘Napakahalaga na makuha ang unang gatas ng ina,’ paliwanag ni Breese, ‘yamang naisasalin nito sa anak ang mga antibody.’ Sa loob ng kung ilang linggo ay rutinang ginatasan ng mga tauhan ang ina minsan sa isang araw, na nakakakuha ng mga isang libra ng gatas mula sa kaniya.

Pagkatapos ay inihalo ang gatas ng wholphin sa gawang-taong gatas. Iyon ay ginawa sa Florida, E.U.A., noong sinisikap na iligtas ang isang dolphin sa tabing-dagat. Mula alas-sais ng umaga hanggang hatinggabi, ang batang wholphin ay pinasususo tuwing dalawa at kalahating oras sa pamamagitan ng isang tubo sa bituka. Nadagdagan ang kaniyang timbang ng mga kalahating kilo bawat araw. Sa pagitan ng pagpapasuso, ang lola, ang nanay, at ang anak ay nagkakatuwaang sama-sama sa isang malaking tangke.

Habang isinusulat ito, ang pag-asang mabuhay ay waring malaki para sa nag-iisang apo ng whale at dolphin sa buong daigdig. Marahil balang araw ay susunod din siya sa yapak ng pamilya at magtatanghal sa palabas ng Whaler’s Cove. Samantala, ang daigdig ay nakasaksi na naman ng kahanga-hangang pagkakasari-sari na inilagay ng Diyos sa kaniyang mga nilalang.

[Talababa]

a Ayon sa isang publikasyon ng Sea Life Park, “kinuha ang pangalang false killer whales mula sa literal na salin ng kanilang siyentipikong pangalan na (Pseudo = false, Orca = isang uri ng whale) at may malapit na relasyon sa pamilyar na mga killer whale na nakalagay sa maraming oceanarium.”

[Larawan sa pahina 15]

Ang wholphin at ang kaniyang mga kasamahang dolphin

[Credit Line]

Monte Costa, Sea Life Park Hawaii