Mga Droga, Espiritismo, at ang Bibliya
Mga Droga, Espiritismo, at ang Bibliya
Si Pablo ay nagbabala sa sinaunang siglong mga Kristiyano laban sa “pagsasagawa ng espiritismo.” (Galacia 5:20) Ang Griegong salita na ginamit dito ni Pablo, phar·ma·kiʹa, ay literal na nangangahulugang “ang paggamit ng mga droga.” “Yamang ang mga mangkukulam at manggagaway ay gumagamit ng mga droga,” paliwanag ng The Interpreter’s Bible, “ang salita ay nagpapahiwatig ng pangkukulam, panggagayuma, panggagaway, at magic.”
Hindi kataka-taka, ang droga ay may ginagampanang bahagi sa modernong-kaarawang espiritismo. Halimbawa, iniulat na ang alkohol at mga droga ay ginamit sa pagtanggap sa bagong mga kasapi sa satanikong kulto. Sinabi rin na ang mga droga ay maaaring gamitin upang mas madaling mapasunod ang isang biktima sa pagsasagawa ng mga atas sa panahon ng satanikong mga seremonya. Anuman ang kalagayan, si Pedro ay sumulat na ang Diyablo ay “gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Ang salitang Griego na ka·ta·piʹno, na isinaling “silain,” ay makasagisag na nangangahulugang “lipulin,” o “daigin.” Ganiyan nga ang ginagawa ng mga droga at espiritismo. Iyan ay nagbibigay sa mga Kristiyano ng matinding dahilan na umiwas sa anumang uri ng pang-aabuso sa droga.—Ihambing ang 2 Corinto 4:4.