Pagtulong sa mga Tao na Matutong Bumasa
Pagtulong sa mga Tao na Matutong Bumasa
SINO ang angaw-angaw na ito na hindi makabasa o makasulat? Sa pangkalahatan sila ay responsable, masisipag na mamamayan. Sa nagpapaunlad na mga bansa, sila’y naglalaan ng pagkain, pananamit, at tirahan para sa karamihan ng populasyon. Sa industriyalisadong mga bansa, ginagawa nila ang mga gawaing walang may gustong gumawa—mga trabahong nakapapagod, paulit-ulit, at hamak, gayunma’y mahalaga sa lipunan.
Karaniwan na, ang kakulangan ng pagkakataon ang dahilan kung bakit ang mga tao ay hindi nagiging dalubhasa sa mga kasanayan ng pagbasa at pagsulat. Bilang isang pangkat, ang mga iliterato ay hindi mangmang, ignorante, o walang kakayahan. “Wala akong problema sa pag-iisip,” sabi ng isang karaniwang nag-aaral. “Ang problema ko lamang ay ang pagbabasa.”
Kakulangan ng Pagkakataon
Para sa marami, ang kamangmangan ay nauugnay sa karalitaan. Sa pampamilyang antas, ang karalitaan ay nangangahulugan na ang mga tao ay mas nababahala sa paglalaan ng makakain kaysa pag-aaral. Kung ang mga bata ay kinakailangang magtrabaho sa tahanan, hindi sila pumapasok sa paaralan. Ang marami na nag-aaral ay hindi nagpapatuloy roon.
Ang karalitaan ay nakapipinsala rin sa pambansang antas. Ang nagpapaunlad na mga bansa na nabibigatan sa pagkakautang na panlabas ay napipilitang gumugol ng kaunting salapi para sa edukasyon. Sa Aprika, halimbawa, ang kabuuang ginugugol na salapi para sa edukasyon ay binawasan nang halos 30 porsiyento noong unang hati ng dekada ng 1980. Samantalang ang mayayamang bansa ay gumugugol nang mahigit na $6,000 isang taon sa bawat batang mag-aarál nila, ang ilang mahihirap na bansa sa Aprika at Timog Asia ay gumugugol lamang ng $2 sa bawat bata. Ang resulta ay kakaunting mga paaralan gayundin ng mga guro na may napakaraming bata sa kanilang mga klase.
Ang digmaan at alitang sibil ay nakararagdag din sa kamangmangan. Tinataya ng United Nations
Children’s Fund na pitong milyong bata ang nanghihina sa mga kampo para sa mga takas, kung saan ang mga pasilidad para sa pagtuturo ay kadalasang hindi sapat. Sa isang bansa lamang sa Aprika, 1.2 milyong bata na wala pang 15 anyos ay hindi nakapasok sa paaralan dahil sa isang nagpapahirap na gera sibil.Kung minsan yaong walang pagkakataon sa pagkabata ay nagkakaroon ng pagkakataong matutong bumasa’t sumulat sa bandang huli ng buhay, subalit hindi lahat ay nag-aakala na sulit ang pagsisikap. Tungkol sa iliterato sa rural na dako, ang aklat na Adult Education for Developing Countries ay nagsasabi: “Maliban sa pantanging mga kalagayan, ang isang adulto na hindi nakababasa at nakasusulat ay malamang na magkaroon ng marubdob na pagnanais na bumasa’t sumulat. . . . Maling maghinuhang siya ay lubusang kontento na sa kaniyang kalagayan, maaaring hindi siya nasisiyahan na ito’y hindi mabago.”
Gayunman, marami ang may masidhing pagnanais na mapasulong ang sarili. Mangyari pa, iba-iba ang motibo. Nais ng ilan na basta pagbutihin ang kanilang edukasyon at pagkadama ng halaga-sa-sarili. Ang iba ay nauudyukan ng pinansiyal na mga kadahilanan. Yaong mga walang trabaho ay nangangatuwiran na ang kakayahang bumasa’t sumulat ay tutulong sa kanila na magkaroon ng trabaho; yaong mga may trabaho ay maaaring humanap ng mas mabuting trabaho.
Kinikilala ang malapit na kaugnayan sa pagitan ng kakayahang bumasa’t sumulat at ng pag-unlad kapuwa sa pang-isahan at pambansang antas, sinimulan ng mga pamahalaan at mga organisasyon ang mga programa na turuang bumasa’t sumulat ang mga adulto. Isa itong humahamon na atas na nangangailangan ng empatiya sa bahagi ng mga guro gayundin ng pagkaunawa sa natatanging mga katangian ng adultong nag-aaral.
Larawan ng Adultong Nag-aaral
Dapat kilalanin niyaong nagtuturo sa mga adulto ang mga pagkakaiba sa pagitan ng adultong mga nag-aaral at ng mga batang nag-aaral. Ang personalidad, mga ugali, saloobin, at mga interes ay mas nakatimo na sa mga adulto kaysa mga bata, ginagawa nito ang adulto na mas matigas at hindi gaanong tumatanggap ng pagbabago. Sa kabilang panig naman, ang mga adulto ay may saganang mga karanasan na pagtatayuan at mas nauunawaan nila ang mga katotohanan at mga idea na makalilito sa mga kabataan. Karaniwang wala silang gaanong malayang panahon na gaya ng mga bata. Isa pang napakahalagang pagkakaiba ay na ang mga adultong nag-aaral, di-gaya ng mga bata, ay may kalayaang ihinto ang kanilang edukasyon sa anumang panahon.
Maraming adultong iliterato ay nagtataglay ng natatanging talino at naging matagumpay sa ilang dako ng buhay; hindi nga lang nila mapaunlad ang mga kasanayan ng pagbasa at pagsulat. Kailangang patibayin-loob sila ng guro na gamitin ang kanilang kakayahang bumagay, pagkamapanlikha, at pagtitiis na kanilang ipinakita sa ibang dako ng buhay.
Nangangailangan ng tibay-loob upang aminin ng isang iliterato ang kaniyang mga pangangailangan at humingi ng tulong. Bagaman iba-iba ang mga kalagayan at ang mga indibiduwal, hinaharap ng maraming adulto ang pagsasanay na matutong bumasa’t sumulat taglay ang pangamba at kakulangan ng pagtitiwala. Ang ilan ay may mahabang kasaysayan ng pagbagsak sa akademiko. Ang iba naman ay nag-aakala na napakatanda na nila upang mag-aral ng bagong mga bagay. “Mahirap matuto na gumawa ng isang bagay na bago o kakaiba kapag ang isa ay matanda na,” sabi ng isang kawikaan sa Nigeria.
Ang mga guro ay maaaring malinang ang pagtitiwala at mapanatili ang interes kung mabilis nilang kikilalanin at pupurihin ang pagsulong. Ang
mga leksiyon ay dapat na ayusin upang bawasan ang kabiguan sa pag-aaral at tiyakin ang paulit-ulit na matagumpay na natamong mga tunguhin sa pag-aaral. Ang publikasyong Educating the Adult ay nagsasabi: “Higit sa lahat, ang tagumpay ay malamang na siyang nag-iisang pinakamalaking salik sa patuloy na pagganyak.”Karaniwang nalalaman ng mga adulto kung ano ang nais nila mula sa edukasyonal na mga karanasan at nais nilang makita ang kagyat na pagsulong sa kanilang mga tunguhin. Isang propesor ng edukasyong pangmaysapat na gulang sa Aprika ay nagsabi: “Nais nilang simulan ang kurso ng pag-aaral, hangga’t maaari’y mabilis na matutuhan ang kailangan nilang malaman, pagkatapos ay tapusin ang kurso ng pag-aaral.”
Kung minsan ang mga tunguhing inilalagay ng isang estudyante ay napakataas. Mula sa simula dapat
tulungan ng guro ang nag-aaral na magtatag ng karaniwan, panandaliang mga tunguhin at saka tulungan ang estudyante na makamit ito. Halimbawa, sabihin na nating ang isang Kristiyano ay nagpapatala sa isang klase para matutong bumasa’t sumulat sapagkat nais niyang matutong bumasa ng Bibliya at mga publikasyon sa Bibliya. Ang mga ito ay pangmatagalang mga tunguhin. Upang makamit ito, maaaring himukin ng guro ang estudyante na maglagay ng karaniwang mga tunguhin, gaya ng pagdadalubhasa sa abakada, paghanap at pagbasa ng piling mga kasulatan, at pagbasa mula sa pinagaang basahin na mga publikasyon sa Bibliya. Ang regular na pag-abot sa mga tunguhin ay gumaganyak at nagpapasigla sa estudyante na patuloy na mag-aral.Malaki ang magagawa ng mabisang mga guro upang maganyak sa pamamagitan ng paghimok at pagpuri ang kanilang mga estudyante at pagtulong sa kanila na abutin ang praktikal, matatamong mga tunguhin. Gayunman, upang sumulong, hindi dapat asahan ng mga adulto na sasabihin na lamang sa kanila ang lahat ng bagay na dapat nilang malaman nang hindi nag-iisip. Kailangang handa silang kumuha ng pananagutan para sa kanilang sariling edukasyon at magpagal na matuto. Sa paggawa ng gayon, matututo silang bumasa at sumulat, at ang mga kasanayang ito ay magbabago ng kanilang mga buhay.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Tuntunin sa Pagtuturo sa mga Adulto na Bumasa at Sumulat
1. Mahalaga na pasiglahin ang pangganyak sa estudyante. Mula sa unang sesyon, idiin ang mga pakinabang na matutong bumasa’t sumulat, at himukin ang estudyante na maglagay ng makatuwirang pangmatagalan at panandaliang mga tunguhin.
2. Upang sumulong ang estudyante ay dapat na turuan nang ilang beses sa isang linggo. Hindi sapat ang minsan sa isang linggo. Dapat gawin ng estudyante ang gawaing-bahay sa pagitan ng mga leksiyon.
3. Huwag maging labis na mapaghanap o lipusin ang estudyante ng napakaraming materyal sa isang sesyon. Ito ay maaaring magpangyari sa kaniya na masiraan ng loob at huminto sa pag-aaral.
4. Laging maging nakapagpapatibay-loob at positibo. Ang mga kasanayan sa pagbasa at pagsulat ay nagagawa sa maliliit, sunud-sunod na mga hakbang. Dapat makasumpong ng kasiyahan ang estudyante sa kaniyang pagsulong.
5. Himukin ang estudyante na hangga’t maaari’y ikapit agad sa kaniyang pang-araw-araw na buhay ang kaniyang natututuhan.
6. Huwag mag-aksaya ng panahon sa hindi mahahalagang isyu. Ang mga adulto ay abalang mga tao. Samantalahin ang mga sesyon sa pagtuturo upang ituro ang mahahalagang bagay.
7. Laging maging magalang sa estudyante, binibigyan siya ng dangal na nararapat sa kaniya. Huwag na huwag siyang hiyain o maliitin.
8. Maging alisto sa indibiduwal na mga problema. Ang isang estudyante ay maaaring hindi makabasa ng maliliit na limbag sapagkat kailangan niya ng salamin sa mata. Ang isa naman ay maaaring mahina ang pandinig at sa gayo’y maaaring nahihirapang marinig ang tamang bigkas.
9. Ang estudyante ay dapat na matutong sumulat ng abakada nang palimbag bago subukin ang pagsulat nang kabit-kabit (kung saan ang mga titik ay kabit-kabit). Ang pagsulat na manuskrito ay mas madaling matutuhan at mas madaling gawin, at ang mga titik ay mas kahawig ng mga titik sa nilimbag na pahina.
10. Ang mabuting paraan upang ituro kung paano isusulat ang mga titik ay ipabakat sa estudyante ang mga ito mula sa isang huwaran. Maaari niyang bakatin ang isang titik nang ilang ulit bago niya subuking gayahin ito nang hindi binabakat ito.
11. Ang pagsulong sa pagbasa ay karaniwang mas mabilis kaysa pagsulong sa pagsulat. Huwag iantala ang bagong mga leksiyon sa pagbasa kung hindi maisulat ng estudyante ang gawaing-bahay. Sa kabilang panig, tandaan na ang bagong mga titik ay mas madaling natututuhan at natatandaan kung sinasanay ng estudyante ang pagsulat nito.
12. Bagaman maaaring gawin ng adultong estudyante ang masalimuot na mga gawain sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, ang pagsulat na ginagamit ang pluma o lapis ay maaaring maging isang mahirap at nakasisirang-loob na karanasan para sa kaniya. Huwag igiit ang napakagandang pagkasulat na mga titik.