Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Saging—Isang Pambihirang Prutas

Ang Saging—Isang Pambihirang Prutas

Ang Saging​—Isang Pambihirang Prutas

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HONDURAS

TINAWAG ito ng mga Griego at ng mga Arabe na “isang pambihirang punong namumunga.” Noong 327 B.C.E., ito’y natuklasan sa India ng mga hukbo ni Alejandrong Dakila. Ayon sa sinaunang kuwento, ang mga paham ng India ay namamahinga sa lilim nito at kumakain ng prutas nito. Kaya ito’y tinawag na “ang prutas ng mga taong pantas.” Ano ito? Aba, ang saging!

Subalit paano nakarating ang saging mula sa Asia hanggang sa Caribbean? Buweno, ang naunang mga mangangalakal na Arabe ay nagdala ng mga ugat ng tanim na saging mula sa Asia patungo sa silangang baybayin ng Aprika. Noong 1482, natuklasan ng mga manggagalugad na Portuges ang tanim na saging na tumutubo roon at dinala ang ilang ugat nito at ang Aprikanong pangalan nito, banana, sa mga kolonyang Portuges sa Canary Islands. Ang susunod na hakbang ay isang paglalakbay sa kabilang ibayo ng Atlantiko patungong Bagong Daigdig. Sumapit iyan noong 1516, ilang taon pagkatapos ng mga paglalakbay ni Columbus. Dinala ng mga misyonerong Kastila ang mga tanim na saging sa mga pulo at sa tropikal na lupain ng Caribbean. Sa gayon, ang pambihirang punong namumunga na ito ay kailangang maglakbay sa kalahatian ng buong mundo upang makarating sa Gitna at Timog Amerika.

Ayon sa ulat, noong 1690 ang saging ay unang dinala mula sa Caribbean Islands tungo sa New England. Inilaga ng mga Puritan ang kakaibang prutas na ito at hindi ito naibigan. Sa mga bansa sa Timog at Gitnang Amerika, gayundin sa iba pang tropikal na mga lupain, milyun-milyong tao ang naglalaga ng hilaw na saging at nasisiyahang kainin ito.

Mga Taniman ng Saging

Sa pagitan ng 1870 at 1880, ang posibilidad ng pagluluwas ng saging ang umakit sa iba’t ibang mangangalakal sa Europa at Hilagang Amerika. Sila’y bumuo ng mga kompaniya at nagtayo ng mga taniman ng saging, tinatawag na mga finca. Dahil sa layuning ito, kailangang hawanin ng mga manggagawa at ng mga inhinyero ang mga kagubatan, gumawa ng mga daanan, at naglagay ng mga daang-bakal at mga sistema sa komunikasyon. Ang mga nayon ay tinayuan ng mga pabahay, mga paaralan, at maging ng mga ospital para sa mga manggagawa at sa kanilang mga pamilya. Itinatag ang transportasyon sa bapor upang maghatid ng mga saging sa buong mundo. Habang lumalago ang industriya, higit pang lupain sa mga bansa na taniman ng saging ang binili ng mga kompaniya.

Sa ngayon, ang mga lupain sa Latin-Amerika ang nagtutustos ng mahigit na 90 porsiyento ng mga saging na kinakain sa Hilagang Amerika. Ang Brazil ang nangungunang nagluluwas sa ibang bansa. Ang Honduras ang ikaanim sa talaan, na nagluluwas sa ibang bansa ng mahigit na isang bilyong kilo ng saging taun-taon.

Kung Paano Tumutubo ang Saging

Ang tanim na saging ay hindi isang puno. Wala itong hibla ng kahoy. Bagkus, ito’y isang pagkalaki-laking damong-gamot na para bang punong palma. Ang klima at lupa ang tumitiyak sa tubo at laki ng tanim. Ang mga saging ay pinakamabuting tumutubo sa mainit, mahalumigmig na klima at nabubuhay sa mataba, mabuhanging lupa na may mabuting paagusan ng tubig. Upang tumubo nang lubusan, ang temperatura ay hindi dapat bababa sa 20 digris Celsius sa anumang haba ng panahon.

Upang makapagpatubo, kailangan mong magtanim ng mga sangang pananim, na tinatawag na mga suwi, pinutol mula sa pinakailalim na mga sanga ng matanda nang tanim. Humuhukay ng mga butas na 0.3 metro ang lalim at 5 metro ang lapad. Sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo, uusbong ang berdeng mga supang, at ang nakabilot nang husto na berdeng mga dahon ay tutubo at makakadkad habang lumalaki. Napakabilis lumaki ng tanim na saging, halos tatlong centimetro isang araw. Pagkalipas ng sampung buwan, ang halaman ay husto na sa paglaki at nakahahawig ng punong palma, na may taas na 3 hanggang 6 na metro.

Kung tungkol sa husto na ang laki na tanim, isang malaking puso ng saging na may lilang mga dahon ang uusbong mula sa mga dahon na nakabungkos. Pagkatapos ang kumpol ng maliliit na bulaklak ay lumilitaw. Ang tanim ay nagbubunga lamang ng isang buwig ng saging, na tumitimbang nang mula 30 hanggang 50 kilo at nasa pagitan ng 9 hanggang 16 na kumpol ng mga saging. Ang bawat kumpol, na tinatawag na pilíng (na parang kamay), ay nagbubunga ng 10 hanggang 20 saging. Sa gayon, ang mga saging ay tinatawag na mga daliri.

Ang mga saging ay unang lumalaki nang pailalim, patungo sa lupa, pagkatapos palabas at pataas, na nag-aanyo sa kilalang hugis saging. Ano naman ang tungkol sa pinakapagkain at proteksiyon sa panahon ng pagtubo? Sa tamang panahon dumarating ang mga manggagawa at inaalis ang buko upang matanggap ng saging ang lahat ng enerhiya mula sa halaman. Pagkatapos kaniyang babalutin ang prutas ng supot na plastik upang maingatan mula sa mga insekto. Yamang ang saging ay tumutubo pataas at nagiging mabigat, ang tanim ay itinatali sa pinakapuno ng katabing halaman upang hindi maitumba ng hangin o ng bigat ng prutas. Sa wakas, isang may kulay na laso ang itatali sa balot upang magpahiwatig kung kailan ang prutas ay handa nang anihin.

Araw-araw, lumilipad ang mga eruplano sa mga taniman upang mag-isprey sa mga dahon ng mga tanim. Iniingatan ng mga ito ang mga tanim mula sa tatlong pangunahing sakit. Ang isa ay sakit Panama, na kung saan ang fungus ang sumisira sa ilang halaman. Subalit ang mga tanim na ito ay napapalitan ng mga uri na maaaring lumaban sa sakit na ito. Ang isa pa ay sakit Mako, sanhi ng baktirya. Ito’y nasusugpo sa pamamagitan ng pag-aalis ng nasirang halaman at anumang bulaklak na makaaakit sa ilang insekto na nagkakalat ng sakit. Pagkatapos nariyan din ang sakit Sigatoka, na sumisira sa mga dahon ng halaman subalit hindi sumisira sa mga saging kung nagagamit agad ang mga iniisprey na kimikal. Ang mga saging ay nangangailangan ng maraming tubig, na dinadala sa pamamagitan ng irigasyon at ng matinding pagbuga ng mga sistema ng isprey. Masasabi rin na ang taniman ay hindi dapat madamo at madawag.

Mula sa Taniman Tungo sa Inyong Hapag-Kainan

Pagsapit ng panahon na ipahiwatig ng kulay ng laso na ang mga saging ay handa nang anihin, ang mga ito ay sinusukat muna upang matiyak na may tamang sukat ang mga ito para putulin. Ang isa pang kapansin-pansing bagay ay na ang mga saging ay hindi hinahayaang mahinog sa halaman, kahit na sa lokal na pagkain lamang. Bakit ganito? Sapagkat mawawala ang lasa nito. Bago ang pagpapasiya kung kailan aanihin ang tanim, ang layo ng pagdadalhan at ang uri ng transportasyon ay dapat na isaalang-alang. Pagkatapos isang manggagawa ang puputol sa mga buwig na gamit ang kaniyang itak, at ipadadala ang mga ito sa planta na nag-iimpake. At ano naman ang ginagawa sa halamang saging pagkatapos ng anihan? Pinuputol ito upang maging patabá ng bagong mga halaman na tutubo sa lugar mismo niyaon.

Sa planta na nag-iimpake, ang mga saging ay hinuhugasan, at anumang nabugbog na prutas ay inaalis, upang kanin ng mga manggagawa at ng kani-kanilang pamilya. Ang maliliit na saging ay ginagamit para maging pampalasa at para sa pagkain ng mga sanggol. Ang pinakamagagandang saging ay iniimpake na may timbang na 18 kilo sa isang kahon at ipinadadala sa ibang bansa sa may palamigang tren at mga barko.

Minsang dumaong, ang kalidad ng prutas ay sinusuri, at kinukuha ang temperatura nito. Minsang naputol ito, ang prutas ay kailangang manatiling berde hanggang sa makarating ito sa pamilihan. Yamang ang saging ay madaling mabulok, kailangan itong anihin, ilulan, at ipagbili sa mga pamilihan sa loob ng 10 hanggang 20 araw. Ang prutas ay palalamigin sa 12 hanggang 13 digris Celsius upang huwag itong mahinog. Dahil sa makabagong transportasyon, ang mga saging ay maipadadala mula sa Gitna at Timog Amerika hanggang sa kasinlayo ng Canada at Europa na walang problema.

Ang Praktikal na Halaga at Sustansiya

May ilang daan o higit pang uri ng mga saging. Ang punggok na mga saging ang pinakakaraniwan, na pangunahin nang ipinadadala sa Europa, Canada, at sa Estados Unidos. Ang mas maliliit na uri, na may napakanipis na balat para ipadala sa ibang bansa, ay masusumpungan sa Honduras. Ang mga ito’y kilala sa tawag na manzana (Mansanas) at ang Pulang Jamaica.

Ang mga dahon ng saging ay nagtataglay ng mapakikinabangang hibla at ginagamit sa iba’t ibang layunin sa mga bansang tropikal. Kapag pumupunta sa palengke, karaniwang makikita ng isa ang mga dahon na nakabunton sa daan na ipinagbibiling pambalot ng mainit na tamales, isang napakapopular na pagkain sa iba’t ibang bansa.

Maraming tao sa Honduras ang mahilig kumain ng saging na kasama sa kanilang pagkain. Isang masarap na pagkain sa hilagang baybayin ng Honduras ang tinatawag na machuca. Upang maihanda ito, ang di pa hinog na bunga ay nililigis sa isang bayuhan, nilalagyan ng mga pampalasa, at ang halo ay niluluto na may alimasag na nilagyan ng gata ng niyog.

Sa Estados Unidos, halos 11 bilyong saging ang kinakain taun-taon. Nakapalaking bilang ang napupunta sa Canada at sa Britanya at sa ibang mga bansa sa Europa. Anong nutrisyunal na mga pakinabang ang mayroon sa pagkain ng prutas na ito? Ang mga saging ay mayaman sa bitamina A at C, carbohydrates, phosphorus, at potassium.

Napakaraming gamit ng saging! Tamang-tama ito sa meryenda, sa mga butil, fruit cocktail, pie, cake, at, siyempre pa, ang kilalang banana split. Kaya sa susunod na kakain ka ng hinog na saging, isipin ang kahanga-hangang mga katangian nito. Ang prutas na ito ay may sariling balot. Ito’y mayaman sa mga bitamina at mineral. Oo, at maaaring ang saging ay naglibot pa sa kalahatian ng buong mundo upang makarating sa inyong hapag.