Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Romanong Kayamanan na Natagpuan sa Britaniya
Isang bunton ng 14,780 ginto, pilak, at tansong mga barya, gayundin ang siyamnapung-centimetrong kadenang ginto, 15 gintong pulseras, at halos 100 pilak na kutsara, ang natuklasan sa isang bukid sa Suffolk, Inglatera. Ang kayamanan ay natuklasan ng isang retiradong hardinero na gumagamit ng pantutop ng metal upang hanapin ang nawawalang martilyo. Tinaya ng isang dalubhasa ang halaga ng natuklasan na di-kukulanging 15 milyong dolyar. Tiniyak ng isang hurado na ang kayamanan ay pag-aari ng Pamahalaang Britano, na nangangahulugan na ang 70-anyos na si Eric Lawes, na nakatuklas ng kayamanan, ay makatatanggap ng isang pabor na kabayarang katumbas ng halaga ng kayamanan. Ang kayamanan ay itinanghal sa publiko sa British Museum, ang ulat ng Guardian Weekly.
Nakamamatay na Lindol sa India
“May ulo ng elepante at katawan ng isang lalaking may malaking tiyan, si Lord Ganesha ay isa sa pinakakinagigiliwang diyos ng Hinduismo, isang diyos ng bagong pasimula at mabuting kapalaran,” sabi ng magasing Time. Subalit ilang oras lamang pagkatapos ng sampung araw na pagdiriwang upang parangalan ang diyos ng mabuting kapalaran na ito, ang timog-kanlurang rehiyon ng India ay niyanig ng lindol na sanhi ng pagguho ng mga bahay sa mahigit na 50 nayon at bayan. Dahil sa pinakamalapit sa pinakapusod ng lindol, na may lakas na 6.4 sa Richter scale, 90 porsiyento ng nayon ng Killari ang napatag. Ang ilan sa pagtantiya sa bilang ng mga namatay ay umabot sa mahigit na 20,000, na nagpangyari rito na maging ang pinakamalakas na lindol na humampas sa subkontinente ng India sa loob ng 58 taon. Ang karamihan sa mga kamatayan ay ipinalalagay, hindi dahil sa lakas ng lindol, kundi sa sinaunang paraan ng pagtatayo ng karamihan sa mga bahay, na yari sa pinitpit na putik o pagkakanterya, na bumagsak at naglibing sa mga naninirahan. Halimbawa, ang lindol sa San Francisco nang nakalipas na ilang taon ay umabot sa 6.9 sa Richter scale. Subalit, tanging 67 katao ang iniulat na nasawi, kasama na ang mga namatay dahil sa atake sa puso.
Mga Problema sa Pagbasa’t Pagsulat sa Canada at Estados Unidos
Ipinakita ng apat na taóng pagsusuri ng pederal sa kakayahan sa pagbasa’t pagsulat sa Estados Unidos na “halos kalahati ng 191 milyong mamamayang adulto ng bansa ay di-gaanong bihasa sa Ingles para sumulat tungkol sa maling kuwenta o pagkalkula sa haba ng biyahe ng bus mula sa nakalathalang iskedyul,” ulat ng The New York Times. Ito’y nangangahulugan na sila’y nahihirapan sa pang-araw-araw na mga bagay, gaya ng may kawastuang pagkuha ng impormasyon sa pahayagan, pagpirma sa deposit slip sa bangko, pagbabasa ng iskedyul ng bus, o pag-alam mula sa etiketa ng tamang dosis ng gamot na ibibigay sa bata. Ipinakita rin ng isang katulad na opisyal na pagsusuri sa Canada na “ang kasanayan sa pagbasa ng 16 na porsiyento ng mga adultong taga-Canada ay napakalimitado upang kanilang maasikaso ang karamihan ng nasusulat na materyal na nakakaharap nila sa pang-araw-araw na buhay” at na ang karagdagang 22 porsiyento ay makababasa lamang ng lathalain na maliwanag na nagbabalangkas ng simpleng gawain at may karaniwang nilalaman, ayon sa The Globe and Mail. Nasasayang na paggawa, mga pagkakamali, at mga aksidente dahil sa mahinang kakayahan sa pagbasa’t pagsulat ang nagpalugi sa mga negosyo nang bilyun-bilyong dolyar.
Bumabagsak ang Pagkakilala ng Publiko sa Klero
“Sa bawat taon sapol noong 1988, ipinakikita ng mga surbey ng Gallup na mas maraming tao ang naniniwala na ang relihiyon ay nawawalan ng impluwensiya kaysa paniniwala na tumitindi ang impluwensiya ng relihiyon,” sabi ng Los Angeles Times. Ang isang dahilan ay na nawawala na ang paggalang ng publiko sa propesyon ng pagkapari. Sa nakalipas na walong taon inuri ng pinakamataas na bilang na 67 porsiyento ng mga Amerikano ang klero na “mataas” o “napakataas” pa nga sa katapatan at mga pamantayang pang-etika. Ipinakita ng 1993 surbey ang pagbaba tungo sa 53 porsiyento. Bakit? Ang mga iskandalo may kaugnayan sa lisyang paggawi sa sekso ng mga ebanghelisador sa telebisyon, mga pastor na Protestante, at Katolikong mga pari ang dumungis sa pagkakilala sa klero, gaya ng pagdungis dito ng mga alitan sa pagtitipon ng salaping-pondo. Noong 1988, pinalitan ng mga parmaseyutiko ang mga klero sa pinakamataas na pag-uri sa paningin ng madla. Ipinakita ng isa pang surbey na ang sariling palakad na mga negosyo, gayundin ang mga computer at teknolohiya, ang naihanay na mas malaki ang mabuting impluwensiya kaysa mga simbahan. Subalit inaakala pa rin ng publiko na ang klero ay higit na tapat kaysa mga pulitiko at mga peryodista.
Nanganganib ang mga Hayop sa Parang sa India
Ang mga opisyal sa Ministri ng Unyong Pangkapaligiran sa India ay nakahandang lahat noong nakaraang taon upang ipahayag ang kanilang mga nagawa sa pagliligtas sa Indian tiger nang matuklasan nilang ang kabaligtaran ang totoo: Ang tigre ay malapit nang malipol. Halos 1,500 sa 4,500 tigre sa parang ang napatay ng ilegal na mga mangangaso sapol noong 1988. Halos lahat ng bahagi ng pinatay na tigre—ang balat, buto, dugo, at maging ng mga sangkap sa pag-aanak—ay ibinenta sa ilegal na mga bilihan sa napakataas na halaga. Ang ipinagbabawal na pagnenegosyo ang nagpatindi upang malipol ang
maraming iba pang mga hayop sa India. Ang bilang ng mga rhinoceros na napatay dahil sa mga sungay nito ay dumoble. Napakaraming bilang ng lalaking mga elepante ang muli na namang pinapatay dahil sa mga pangil nito. Ang lahat ng uri ng leopardo ay pinapatay dahil sa kanilang mga balat, ang musk deer ay pinapatay dahil sa mabangong mga lukbutan sa kanilang mga tiyan, at ang itim na mga oso ay pinapatay dahil sa mga apdo nito. Karagdagan pa, ang mga ahas at bayawak ay pinapatay dahil sa mga balat nito, at ang mga mongoose dahil sa nangangalisag na mga balahibo nito, na ginagamit sa paggawa ng mga brush. Ang iba pang mga hayop, gaya ng starred tortoise at mga falcon, ay inilalabas ng bansa upang ipagbili sa ilegal na mga nagnenegosyo ng alagang hayop. Ang mga tagapag-ingat ng mga gubat ay natatakot na mapatay dahil sa matinding nasasandatahang mga ilegal na mangangaso.Ulat ng World Health
Sa paglalarawan ng malungkot na tanawin ng paglaban ng daigdig sa sakit, ang World Health Organization, sa ikawalong pag-uulat [nito] sa kalagayan ng kalusugan ng daigdig, ay nagpahayag: “Ang tropikal na mga sakit ay waring lumalaganap, na ang kolera ay kumakalat sa Amerikas sa kauna-unahang pagkakataon sa dantaong ito, ang yellow fever at dengue ay mabilis na kumakalat na nagpapahirap sa mas marami, at ang malarya ay lumulubha . . . Ang salot ng AIDS ay kumakalat sa buong mundo . . . ang pulmonary tuberculosis ay dumarami rin . . . Sa nagpapaunlad na mga bansa, nalaluan pa niyan ang dami ng mga kaso ng kanser kaysa sa dami sa maunlad na mga bansa sa kauna-unahang pagkakataon. Ang diabetes ay dumarami saanman.” Sa saklaw ng yugto ng 1985-90, ipinakikita ng ulat na ang 46.5 milyon sa 50 milyong pagkamatay bawat taon ay dahil sa karamdaman at sakit at na halos 4 na milyon sa 140 milyong isinilang na mga sanggol bawat taon ang namamatay sa loob ng mga oras o mga araw ng kanilang pagsilang. Pitong milyong bagong mga kaso ng kanser ang lumilitaw bawat taon, at mahigit na isang milyong katao sa isang taon ang nagkakaroon ng HIV na sanhi ng AIDS. Sa positibong panig naman, ang ilang sakit ng bata, gaya ng tigdas at tuspirina, ay nababawasan, at ang haba ng buhay ng tao ay nadagdagan sa pagitan ng isa at dalawang taon. Ang katamtamang edad sa ngayon sa daigdig ay 65 taóng-gulang.
Bumababa ang mga Pagkamatay na May Kaugnayan sa Paninigarilyo sa Estados Unidos
Ipinahayag ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang pagbaba sa bilang ng mga pagkamatay na may kaugnayan sa paninigarilyo—sa unang pagkakataon sapol na nagsimulang ingatan ang mga ulat noong 1985. Ang bilang ng mga Amerikanong namamatay bawat taon dahil sa paninigarilyo ay bumaba nang 15,000, hanggang sa 419,000 noong 1990, pangunahin nang dahil sa pagbaba ng sakit sa puso dahil sa paninigarilyo. Halos 42.4 na porsiyento ng mga adultong Amerikano ang naninigarilyo noong 1965. Noong 1990 ito’y 25.5 porsiyento. Gayunman, ang paninigarilyo ang nananatiling pinakamalaking sanhi ng naiiwasang sakit at kamatayan at nagpapataas sa gastos sa kalusugan nang halos $20 bilyon sa isang taon. Yamang ang gobyerno ay gumugugol nang halos $1 milyon sa isang taon sa pag-aanunsiyo laban sa paninigarilyo, ang mga industriya ng sigarilyo ay gumugugol nang $4 na bilyon sa pagpapalaganap at mga pag-aanunsiyo upang dumami ang maninigarilyo. Ang paninigarilyo ang sanhi ng katamtamang limang taóng kabawasan sa haba ng buhay ng bawat naninigarilyo, ang ulat ng CDC.
Ang Kawalang Pag-asa at ang Puso
“Ang namamalaging kawalang-pag-asa at naliligalig na damdamin ay kapansin-pansing nagdaragdag sa tsansa ng pagkakasakit ng tao sa puso at pagkamatay mula sa mga kahihinatnan nito,” sabi ng Science News. “Ang kawalang-pag-asa at kalumbayan na namamalagi sa loob ng maraming taon, subalit madaling nahuhulog sa ‘matinding panlulumo,’ ay maaaring makapagpahina sa puso,” sabi ng mga mananaliksik. Pinag-aralan ng mga tagapagsuri ang 2,832 adulto, na ang edad ay 45 hanggang 77, sa katamtamang haba ng 12 taon. Sa umpisa ang lahat ay walang sakit sa puso at iba pang talamak na mga sakit. Ipinakita ng mga natuklasan na ang mga kamatayan mula sa sakit sa puso ay apat na ulit na mas karaniwan sa mga sinusuri na iniulat na matinding nawawalan ng pag-asa kaysa sa mga iniulat na di-nakadarama ng kawalang-pag-asa at na ang mga kaso ng di-nakamamatay na sakit sa puso ay lumitaw na waring mas malimit sa mga nanlulumo. Ang bilang ng namamatay sa sakit sa puso ay kapansin-pansing mas marami sa mga nakararanas ng bahagyang panlulumo at kainamang kawalang-pag-asa kung ihahambing sa mga iniulat na di-nakadarama ng kawalang-pag-asa.
Walang Natatanaw na Katapusan
Noong 1989, si Craig Shergold, isang pitong-taóng-gulang na Britanong batang lalaki, ang naghihirap dahil sa tumor sa utak at di-inaasahang mabubuhay. Ang kaniyang kahilingan ay lampasan ang pandaigdig na rekord sa pagtanggap ng pinakamaraming get-well kard. Palibhasa’y ipinagbigay-alam sa madla ng media at ng base sa Atlanta na Children’s Wish Foundation International, ang rekord ay nalampasan sa loob ng ilang buwan. Mahigit na 16 na milyong kard ng pagbati ang natanggap sa unang taon, 33 milyon noong 1992. Ang mga ito’y patuloy pa ring natatanggap na may daming 300,000 kard sa isang linggo bagaman may ginawa nang panawagan sa loob ng dalawang taon nang nakalipas na huwag nang magpadala pa. Ang pagbibilang ay inihinto na sa 60 milyon. “Kami’y mayroon nang 900-metro kudradong bodega na nasasalansanan ng mga sulat hanggang kisame na hindi pa nabubuksan,” sabi ni Arthur Stein, ang pangulo ng organisasyon. Sa tulong ng isang tagatangkilik, isang operasyon ang isinagawa kay Craig maaga noong bahagi ng 1991, at 90 porsiyento ng tumor ang naalis.