Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapatiwakal ba ang Lunas?

Pagpapatiwakal ba ang Lunas?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Pagpapatiwakal ba ang Lunas?

“Pagod na ako sa paggising tuwing umaga. Para bang nawawala ako sa sarili. Galit ako. Nasasaktan ang puso ko. . . . Kaya inisip kong maglayas. . . . Ayaw kong umalis ng bahay, subalit para bang nadarama kong kailangan kong gawin iyon. . . . Tinatanaw ko ang hinaharap, ang nakikita ko lamang ay kahapisan at kirot.”​—Isang sulat ng pagpapatiwakal mula sa 21-taóng-gulang na si Peter. a

SINASABI ng mga dalubhasa na kasindami ng dalawang milyong kabataan sa Estados Unidos ang nagtangkang magpatiwakal. Kalunus-lunos nga, halos 5,000 sa isang taon ang natutuluyang magpatiwakal. Subalit ang pagpapatiwakal sa mga kabataan ay hindi natatangi sa Estados Unidos. Sa India halos 30,000 kabataan ang nagpatiwakal noong 1990. Sa mga bansang gaya ng Canada, Finland, Pransiya, Israel, ang Netherlands, New Zealand, Espanya, Switzerland, at Thailand, ang bilang ng mga kabataang nagpapatiwakal ay dumaming lubha.

Ano kung ang isa ay nadaraig ng kalumbayan​—o para bang napipiit sa matinding emosyonal na kaligaligan anupat wala nang paraan upang makaalpas pa mula rito? Ang pagpapatiwakal ay waring nakaaakit, subalit ang totoo ito’y walang iba kundi kapaha-pahamak na pagwawalang-halaga. Wala itong iniiwan kundi kahapisan at kirot sa kaniyang mga kaibigan at pamilya. Gaano mang kawalang pag-asa ang hinaharap at gaano mang karami ang lumitaw na mga problema, ang pagpapakamatay ay hindi ang lunas.

Kung Bakit Ganito ang Nadarama ng Ilan

Batid ng matuwid na taong si Job ang mawalan ng pag-asa. Dahil sa siya’y nawalan ng kaniyang pamilya, ng kaniyang ari-arian, at ng kaniyang mabuting kalusugan, kaniyang sinabi: “Pinipili ng aking kaluluwa ang pagkainis, kamatayan kaysa aking mga butong ito.” (Job 7:15) Ganiyan din ang nadarama ng ilang kabataan sa ngayon. Ganito ang sabi ng isang manunulat: “Ang kaigtingan . . . ay umaakay sa kirot (damdaming masakit at may takot) [na] humahantong sa depensa (pagtatangkang takasan ang kirot).” Sa gayon ang pagpapatiwakal ay lisyang pagtatangka upang takasan ang waring di-makayanang dalamhati.

Ano ang sanhi ng gayong kirot? Ito’y maaaring udyok ng isang pangyayari, gaya ng mainitang pakikipagtalo sa mga magulang, sa boyfriend, o girlfriend. Pagkatapos na makipagkalas sa kaniyang girlfriend, ang 16-na-taóng-gulang na si Brad ay nawalan ng pag-asa. Kaya naman, hindi niya kailanman ipinakipag-usap ang kaniyang damdamin. Basta tinapos niya ang lahat sa pamamagitan ng pagbitay sa kaniyang sarili.

Ang labinsiyam-na-taóng-gulang na si Sunita ay dumanas ng panlulumo nang matuklasan ng kaniyang mga magulang na siya’y nagkakaroon ng mahalay na kaugnayan sa kaniyang boyfriend. “Alam kong ayaw ko nang magpatuloy na mamuhay na gaya noon,” ang kaniyang gunita. “At kaya naman umuwi ako isang gabi, at uminom ako nang uminom ng aspirin. Kinabukasan sumuka ako ng dugo. Hindi ang buhay ko ang gusto kong tapusin kundi ang paraan ng pamumuhay ko.”

Ang paaralan din ay maaaring pagmulan ng matinding panggigipit. Dahil sa pinagtutulakan ng kaniyang mga magulang na maging doktor (na mga doktor mismo ang mga magulang), ang kabataang si Ashish ay nagkaroon ng insomnia at lumayo sa iba. Dahil sa hindi maabot ang mga inaasahan ng kaniyang mga magulang sa kaniyang pag-aaral, uminom si Ashish ng sobrang dosis ng pampatulog. Ito’y nagpapaalaala sa isa ng Kawikaan 15:13 na nasa Bibliya: “Dahilan sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.”

Kaligaligan sa Pamilya

Ang kaligaligan sa pamilya​—gaya ng pagdidiborsiyo o paghihiwalay ng mga magulang, pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, o paglipat sa isang bagong lugar​—ay isa pang salik sa pagpapatiwakal ng ilang kabataan. Halimbawa, si Brad, na nabanggit kanina, ay namatayan ng dalawang matalik na kaibigan at isang kamag-anak dahil sa isang aksidente sa sasakyan. Pagkatapos ang kaniyang pamilya ay nagipit nang husto sa pera. Si Brad ay totoong nagupo. Siya marahil ay nakadama ng gaya ng salmista na minsang nanangis: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan . . . Ako’y kanilang kinubkob na sama-sama.”​—Awit 88:3, 17.

Ang napakaraming bilang ng kabataan ay nakararanas ng ibang uri ng kaigtingan: pisikal, emosyonal, at panghahalay. Ang estado ng Kerala, India, ang isa sa may pinakamataas na bilang ng mga kabataang nagpatiwakal sa bansang iyan. Maraming babaing tin-edyer doon ang nagtangkang magpakamatay dahil sa pag-abuso ng kanilang mga ama. Ang bilang ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa bata ay tumaas nang husto sa buong daigdig, at sa walang-malay na mga biktima nito, ang paghihirap ay maaaring maging matindi.

Ibang Sanhi ng Kaligaligan

Subalit hindi lahat ng damdamin ng pagpapatiwakal ay sanhi ng panlabas na mga salik. Ganito ang sabi ng isang ulat ng pananaliksik tungkol sa wala pang asawang mga tin-edyer: “Ang mga lalaki at babae na nakaranas nang makipagtalik at uminom ay higit ang panganib [sa pagpapatiwakal] kaysa mga umiiwas.” Ang pagkagahaman ni Sunita sa sekso ay nagbunga ng pagdadalang-tao​—na kaniyang ipinatanggal sa pamamagitan ng aborsiyon. (Ihambing ang 1 Corinto 6:18.) Dahil sa ginigiyagis ng pagkakasala, nais na niyang mamatay. Gayundin naman, si Brad ay nag-eeksperimento sa alkohol simula pa nang edad na 14, na palaging nakikipag-inuman. Oo, kapag inabuso, ang alkohol ay ‘kumakagat na parang ahas.’​—Kawikaan 23:32.

Ang damdamin ng pagpapatiwakal ay maaaring magmula sa sarili mismong ‘nakababalisang mga kaisipan.’ (Awit 94:19) Sinasabi ng mga doktor na ang nakapanlulumong kaisipan kung minsan ay maaaring bunga ng iba’t ibang biyolohikal na mga salik. Halimbawa, si Peter, na nabanggit sa simula, ay narekunusi na may di-timbang na kimikal sa kaniyang utak bago siya nagpatiwakal. Ang pagkadama ng panlulumo na hindi inaagapan ay maaaring lumala; ang pagpapatiwakal ang waring mapagpipiliang paraan.

Paghingi ng Tulong

Kaya, ang pagpapatiwakal ay hindi dapat na ipalagay na isang mapagpipilian. Nababatid man natin ito o hindi, lahat tayo ay nagtataglay ng tinatawag ng mga may kabatiran sa pangkaisipang kalusugan na sina Alan L. Berman at David A. Jobes na ‘panloob at panlabas na mga pinagmumulan ng matagumpay na pagbata sa kaigtingan at pagkakasalungatan.’ Ang isa sa maaaring pagmulan ng tulong ay ang pamilya at mga kaibigan. Ang Kawikaan 12:25 ay nagsasabi: “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapahukot, ngunit ang mabuting salita ay nagpapagalak.” Oo, ang mabuting salita mula sa isang maunawaing tao ay makapagpapabago nang malaki sa kalagayan!

Kaya kung ang sinuman ay nanlulumo o nababalisa, nararapat na siya’y huwag magdusang mag-isa. (Kawikaan 18:1) Ang taong nagdurusa ay makapagsasabi ng kaniyang niloloob sa isang taong kaniyang pinagkakatiwalaan. Ang pakikipag-usap sa isang tao ay makatutulong na maibsan ang bigat ng nadarama ng isa, at ito’y makapagbibigay sa isa ng bagong pangmalas sa mga problema. Kung ang isa ay namimighati dahil sa pagkamatay ng isang kaibigan o isang minamahal sa buhay, dapat na ipakipag-usap ng taong iyon ang bagay na iyon sa isang mapagkakatiwalaan. Kapag ang kirot ng gayong pagkamatay ay natanggap na at ang dalamhati ay nadama, ang tao ay naaaliw. (Eclesiastes 7:1-3) Makatutulong para sa taong iyon na mangakong makipagkita sa pinagtitiwalaang tao kung sakaling magbalik ang simbuyo ng pagpapatiwakal.

Totoo, mahirap na magtiwala sa isang tao. Subalit dahil sa ang buhay mismo ay nanganganib, hindi ba sulit na magbakasakali? Malamang na ang simbuyong saktan ang sarili ay lilipas kung ipakikipag-usap ang bagay-bagay. ‘Kanino?’ maitatanong ng ilan. Kung ang mga magulang ng isa ay may takot sa Diyos, bakit hindi subukang ‘ibigay ang puso ng isa’ sa kanila? (Kawikaan 23:26) Sila’y higit na makauunawa kaysa iniisip ng marami at maaaring makatulong. Kung tila kailangan pa ang karagdagang tulong​—gaya ng pagpapatingin sa doktor​—maaari nilang isaayos ito.

Ang mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay isa pang pagmumulan ng tulong. Ang espirituwal na matatandang lalaki sa kongregasyon ay maaaring sumuporta at tumulong sa mga nababagabag. (Isaias 32:1, 2; Santiago 5:14, 15) Pagkatapos niyang magtangkang magpakamatay, nakahingi ng tulong si Sunita mula sa isang buong-panahong ebanghelisador (payunir). Ganito ang sabi ni Sunita: “Siya’y nanatiling kasama ko sa lahat ng panahon. Kung hindi dahil sa kaniya, maaaring nabaliw na ako.”

Pagbatá

Mayroon ding panloob na kakayanan na makatutulong. Halimbawa, ang nararanasan bang pagkadama ng pagkakasala ay dahil sa maling ginawa? (Ihambing ang Awit 31:10.) Sa halip na hayaang sumidhi ang gayong damdamin, dapat na ituwid ng isa ang mga bagay. (Isaias 1:18; ihambing ang 2 Corinto 7:11.) Ang isang positibong hakbang ay magtapat sa mga magulang. Totoo, maaaring magalit sila sa umpisa. Subalit sila’y tiyak na magtutuon ng pansin sa pagtulong. Tiniyak din sa atin na si Jehova ay ‘saganang nagpapatawad’ sa tunay na mga nagsisisi. (Isaias 55:7) Ang haing pantubos ni Jesus ang nagtatakip ng kasalanan ng mga taong nagsisisi.​—Roma 3:23, 24.

Ang mga Kristiyano ay may pananampalataya rin, kaalaman sa Kasulatan, at ang kanilang kaugnayan sa Diyos na Jehova na siyang makatutulong. Sa iba’t ibang kalagayan ang salmistang si David ay lubhang nabagabag anupat siya’y nakapagsabi: “Ang kaaway . . . ang nanakit sa aking buhay ng lugmok sa lupa.” Hindi siya nagpadala sa kawalang-pag-asa. Siya’y sumulat: “Ako’y dumadaing ng aking tinig kay Jehova; ako’y namamanhik ng aking tinig kay Jehova.” “Aking ginugunita ang lahat mong mga gawa; aking binubulaybulay ang gawa ng iyong mga kamay.”​—Awit 142:1; 143:3-5.

Kapag ang pagnanais na saktan ang sarili ay tumitindi, ang isa ay dapat na manalangin kay Jehova. Kaniyang nauunawaan ang kirot at nais niyang mabuhay ang nagdurusa! (Awit 56:8) Siya’y maaaring magbigay ng “lakas na higit sa karaniwan” upang makatulong na mabata ang kirot. (2 Corinto 4:7) Dapat isipin din ng isa ang sakit ng loob na idudulot ng pagpapakamatay sa pamilya, mga kaibigan, at kay Jehova mismo. Ang pagnilay-nilay sa mga bagay na iyon ay makatutulong sa isang tao na manatiling buháy.

Bagaman sa ilan para bang ang sakit na nadarama ay hindi na kailanman mapapawi, matitiyak sa kanila na ang iba ay nakaranas din ng gayong uri ng masakit na damdamin. Masasabi nila mula sa karanasan na ang mga bagay ay maaari at talagang mababago. Ang iba ay makatutulong upang mapagtiisan ang gayong nakapipighating panahon. Ang mga nanlulumo ay kailangang humingi ng kinakailangang tulong na nararapat sa kanila​—at patuloy na mabuhay!

[Talababa]

a Ang ilan sa pangalan ay pinalitan na.

[Larawan sa pahina 24]

Higit na makabubuting ipakipag-usap sa iba ang masakit na mga damdamin