Kung Paano Makapamumuhay na Magkakasama sa Kapayapaan ang mga Tao
Kung Paano Makapamumuhay na Magkakasama sa Kapayapaan ang mga Tao
NOON ay Setyembre 1944, at ang daigdig ay punô ng poot. Ang Digmaang Pandaigdig II ay nagngangalit, at angaw-angaw ang naghihirap nang katakut-takot. Ako’y isang Aleman na bilanggo ng digmaan sa Pransiya.
Minsan ako’y iniharap sa isang firing squad. Subalit pagkaraan ng ilang sandali ang mga babaril ay nagsimulang lumayo. Nananakot lamang sila. Ako’y nasindak, gayunma’y nagpapasalamat na ako’y buháy. Pagkalipas ng ilang linggo, ako’y inilagay sa gayunding pamamaraan. Bagaman nakaligtas ako, maraming kapuwa bilanggo ang pinatay o namatay dahil sa sakit at gutom. Paano ako napunta sa mga kalagayang ito?
Pagkabihag
Mga ilang buwan bago nito, noong Hunyo 1944, ang mga hukbo ng Allied ay tumawid sa English Channel at matagumpay na nagtatag ng isang beachhead sa baybaying Pranses. Ang kanilang kasunod na paghahanda at pagsalakay sa gawing hilaga ng Pransiya ang sapilitang nagpaatras sa Hukbong Aleman. Ako’y isang sarhento komandante sa Hukbong Panghimpapawid ng Alemanya. Noong Agosto ang bahagi ng aming kompaniya, kasali ako at ang 16 pa, ay nabihag ng lihim na kilusang Pranses, kilala bilang Maquis. Pagkalipas ng ilang buwan sa isang kampo ng mga bilanggo-ng-digmaan, kami ay inilipat sa isa pang kampo malapit sa Montluçon sa gawing timog ng Pransiya.
Ang mga bilanggo ay sapilitang pinagagawa ng mabibigat na trabaho, subalit yamang ako ay isang opisyal ako ay nakalibre. Gayunman, ako’y nagboluntaryong magtrabaho at ako’y inilagay na mamahala sa kusina. Isang araw isang bagong pangkat ng mga bilanggo ang dumating, at kabilang sa kanila ang isang kabataang nagngangalang Willy Huppertz mula sa aking bayan. Hiniling ko sa namamahalang opisyal kung maaaring tumulong sa akin si Willy sa kusina, at ang kaayusang iyon ay ginawa.
Nang maglaon, kami ni Willy ay nagtamasa ng isang uri ng pagkakaibigan na makapagbubuklod sa lahat ng tao na magkakasama sa kapayapaan. Bago ko ipaliwanag kung paano ko natutuhan ang tungkol sa daan na ito patungo sa kapayapaan, hayaan mong isaysay ko ang tungkol sa mga pagbabagu-bago sa buhay na nakabahala sa akin.
Bakit Napakaraming Pagkakabaha-bahagi at Poot?
Bilang isang kabataang lumalaki sa Aachen, Alemanya, ako’y nabalisa sa pagkakabaha-bahagi ng relihiyon, na umiiral kahit na sa akin mismong
tahanan. Si Tatay ay isang Lutherano, ngunit si Nanay ay isang Romano Katoliko. Kaya tiniyak ni Nanay na kami ng kapatid kong babae ay naturuan sa pananampalatayang Katoliko. Mula sa aking pagkabata, regular akong nagsisimba sa Iglesya Katolika, bagaman hindi ko kailanman naunawaan kung bakit sinunod ni Tatay ang ibang pananampalataya. Sa paglipas ng panahon, madalas akong nagtatanong, ‘Bakit napakaraming relihiyon kung may isa lamang Diyos?’Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, ako’y tinawag sa Hukbong Panghimpapawid ng Alemanya. Pagkatapos ng panimulang pagsasanay sa Alemanya, ako’y ipinadala sa Vienna, Austria, kung saan ako’y sumama sa isang pangkat na nagsasanay para sa bagong mga kawal. Pagkatapos, noong Disyembre 1941, ako’y ipinadala sa gawing hilaga ng Holland (ngayo’y ang Netherlands). Doon ko nakilala si Jantina, isang dalaga mula sa Den Helder. Sa kabila ng bagay na ang aming mga bansa ay magkaaway sa digmaan, kami’y nag-ibigan.
Di-nagtagal, noong Abril 1942, ako’y biglang inilipat sa La Rochelle sa gawing timog ng Pransiya. Noong panahong iyon ang ranggo ko ay sarhento komandante, at ang aming batalyon ang may pananagutan sa pagsasanay ng bagong mga kawal at pag-iingat sa lokal na paliparan. Bunga nito, hindi ako kailanman nakakita ng labanan sa anumang panahon noong digmaan. Ako’y nagpapasalamat dito, yamang ayaw na ayaw kong pumatay ng sinuman.
Gayunman, ang nakabalisa sa akin noong mga panahong iyon ng digmaan ay ang pagkakita sa mga klerigo ng halos lahat ng denominasyon—Katoliko, Lutherano, Episcopal, at iba pa—na binabasbasan ang eruplano at ang kanilang mga tripulante bago ito lumipad sa mga misyon na maghulog ng mga bomba. Madalas kong maisip, ‘Nasa kaninong panig ang Diyos?’ Gayunman, hindi ko kailanman tinanong ang mga kapilyan, yamang natitiyak ko na hindi naman nila nalalaman.
Ang mga sundalong Aleman ay nagsuot ng sinturon na may hibilya (tingnan sa itaas gawing kaliwa sa pahina 12) kung saan nakasulat ang Gott mit uns (Sumasaatin ang Diyos), subalit ako’y nagtanong, ‘Bakit ang Diyos ay hindi papanig sa mga sundalong nasa kabilang panig na kabilang din sa relihiyong iyon at nagdarasal din sa iisang Diyos?’
Lumipas ang mga taon, at ang digmaan ay nagpatuloy. Paminsan-minsan ay nakakapunta ako sa Holland upang makita si Jantina, at ang huling pagkakataon ay noong Disyembre 1943, nang kami’y nagkasundong pakasal. Noong 1944 ay bumaligtad ang takbo ng digmaan, at sa paglapag ng mga hukbo ng Allied sa Pransiya, sa kauna-unahang pagkakataon natalos namin ang posibilidad na ang Alemanya ay matatalo sa digmaan. Ang kaisipang iyon ay lubhang nakasisindak! Saka dumating ang Agostong iyon nang 17 sa amin ay nabihag.
Buhay sa Bilangguan
Sa wakas kaming mga bilanggo sa kampong malapit sa Montluçon ay pinayagang makipagsulatan sa mga mahal sa buhay. Kaya kami ni Jantina ay muling nagsulatan. Nang maglaon, kasama ng iba pang bilanggo, ako’y nagboluntaryong magtrabaho sa isang bukid na pinangangasiwaan ng pamahalaan kung saan kami ay itinuturing pa ring mga bilanggo ng digmaan. Nasumpungan ko pa nga ang buhay na iyon sa bukid na kalugud-lugod sa akin. Isa itong malaking pagbabago sa istilo ng buhay para sa isang taong lumaki sa lungsod.
Ang digmaan sa Europa ay nagwakas noong Mayo 1945, subalit kaming mga bilanggo ng digmaan ay hindi pinalaya ng pamahalaang Pranses hanggang noong Disyembre 1947. Nang panahong iyon kami ay pinapili kung kami ay sasama sa French Foreign Legion o mananatili sa Pransiya bilang boluntaryong mga manggagawa hanggang sa katapusan ng 1948. Pinili ko ang huling banggit, nagtatrabaho sa bukid na kasama ng ibang bilanggo. Sa ilalim ng kaayusang ito, nagtamasa kami ng higit na kalayaan kaysa kapag nagtatrabaho sa bukid bilang mga bilanggo ng digmaan. Gayunman, nakakulong pa rin kami at nasa ilalim ng mga pagbabawal. Kaya ang aming pinakamalaking kagalakan ay ang pagtanggap ng sulat mula sa mga mahal sa buhay.
Muling Pagkikita ni Jantina
Isang araw noong 1947, ako’y tumanggap ng isang sulat buhat kay Jantina kung saan di-sinasadyang naisama niya ang isang maliit na limbag na papel na nagtatala ng ilang direksiyon ng bahay at isang talaan ng mga aklat at mga magasin. ‘Buweno,’ naisip ko, ‘si Jantina ay kumikita sa pagtitinda ng mga aklat.’ Wala akong kaalam-alam na siya ay
natagpuan ng mga Saksi ni Jehova at ngayo’y aktibo sa pangangaral sa bahay-bahay at sa pamamahagi ng literatura sa Bibliya, hindi ‘nagtitinda ng mga aklat.’Di-nagtagal, noong Disyembre 1947, kaming mga bilanggo ay tumanggap ng isang magandang sorpresa—kami’y binigyan ng apat na linggong mahabaging bakasyon upang dumalaw sa aming mga tahanan. Mangyari pa, ito’y ipinagkaloob sa kondisyong kami’y babalik sa Pransiya upang tuparin ang aming atas na trabaho. Si Jantina ay naglakbay mula sa Holland patungo sa Alemanya upang gugulin ang mga linggong iyon na kasama ko at ng aking mga magulang. Gaya ng maguguniguni mo, pagkaraan ng mahigit na apat na taon ng pagkakahiwalay, ito ay isang napakamadamdaming muling pagkikita para sa amin. Noon ko nalaman ang kahulugan ng limbag na papel na natagpuan ko sa kaniyang sulat. Sinabi sa akin ni Jantina na siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova at buong pananabik na ipinaliwanag sa akin ang kahanga-hangang mga bagay na natutuhan niya.
Bagaman nakikita ko ang taginting ng katotohanan sa sinasabi niya, sinabi ko sa kaniya na maligaya akong mananatiling isang Katoliko. Hindi ko maunawaan kung paanong mas marami ang nalalaman niya kaysa mga pari na nag-aral ng relihiyon sa loob ng maraming taon. At upang palubhain pa ang mga bagay-bagay, hindi gusto ng pamilya ko ang bagong mga paniwala ni Jantina. Sa katunayan, sila’y totoong salansang, at ang kanilang maling opinyon ay nakaimpluwensiya sa akin.
Isang Malaking Pagbabago sa Aking Buhay
Nang matapos na ang apat na linggong bakasyon, ako’y nagbalik sa Pransiya. Nang ayusin ko ang aking mga damit, nasumpungan ko ang isang aklat na tinatawag na Deliverance na kasama ng mga damit. Inilagay ito roon ni Jantina nang iimpake niya ang aking maleta. Upang palugdan siya naupo ako noong gabing iyon at sinumulang basahin ito. Hindi nagtagal natuklasan ko, sa aking pagtataka, na marami sa mga tanong na iniisip ko noong panahon ng aking pagkabilanggo ay nasagot. Sabik na sabik akong basahin ang buong aklat.
Sumagi sa isip ko ang isang kasulatan na sinipi ni Jantina: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Oo, nadama ko na natututuhan ko ang katotohanan tungkol sa maraming bagay. Lahat ng tao ay iisang pamilya, anuman ang lahi. (Gawa 17:26-28) Ang tunay na mga Kristiyano ay nag-iibigan sa isa’t isa at hindi nakikipaglaban at pumapatay sa sinuman gaya ng nakita kong ginagawa ng maraming nag-aangking mga Kristiyano. (Juan 13:34, 35; 1 Juan 3:10-12) Maliwanag, kung gayon, ang nasyonalismo ay isang instrumento ng Diyablo na bumabahagi sa mga tao at humahadlang sa tunay na kapatiran.
Naunawaan ko na ang tunay na kapayapaan ay darating lamang kung ikakapit ng lahat ng tao ang mga turo ni Jesu-Kristo. Yamang hindi ito gagawin ng mga bansa, ang tanging pag-asa para sa kapayapaan ay sa pamamagitan ng pamahalaan ng Diyos, na itinuro ni Jesus na idalangin ng kaniyang mga tagasunod. (Mateo 6:9, 10) Naranasan ko nang madama ang tunay na kalayaan at pagkakontento sa pagkaalam ng mga bagay na ito. Anong laki ng pasasalamat ko sa mahal kong si Jantina sa paglalagay ng aklat sa loob ng aking maleta! Subalit ano ang gagawin ko ngayon?
Paggawa ng Espirituwal na Pagsulong
Buweno, walang dahilan upang mag-alala. Pagkaraan ng ilang araw, isang lalaking nagngangalang Lucien ang dumating sa bukid kung saan ako nagtatrabaho at ipinakilala ang kaniyang sarili bilang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag niya sa akin na siya ay inutusan ng tanggapang sangay ng mga Saksi sa Paris na makipagkita sa akin bilang kahilingan ng aking nobya. Si Lucien ay isang mabait, tunay na lalaki, at palagay agad ang loob ko sa kaniya. Nakatutuwa naman, nang panahong ito ako ay bihasa nang magsalita ng Pranses, at ginawa nitong mas madali ang mga bagay-bagay.
Sumang-ayon akong makipag-aral ng Bibliya sa kaniya, kaya tuwing Linggo susunduin ako ni Lucien at ng kaniyang asawa, si Simone, sa bukid at dadalhin ako sa kanilang tahanan para sa pag-aaral. Pagkatapos kami ay namamasyal, na sa mga panahong ito ay pag-uusapan namin ang tungkol sa kahanga-hangang mga nilalang ni Jehova. Sila kapuwa ay magagaling na guro, at binigyan din nila ako ng isang bagay na malaon ko nang ninanais—tunay na pakikipagkaibigan. At ito’y ibinigay ng mag-asawang Pranses—ang mga taong dapat
bombahin at patayin ng mga lalaking sinanay ko!Nakagawa ako ng mabuting pagsulong sa aking pag-aaral, at inanyayahan ako ni Lucien na dumalo sa taunang pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong Marso 25, 1948. Ako ay labis na humanga sa simple gayunma’y seryosong pulong at mula noon ay wala akong nakaligtaang pagdiriwang ng Memoryal.
Tuwang-tuwa si Jantina sa aking espirituwal na pagsulong, kaya’t siya’y sumama sa akin sa Pransiya. Doon kami ay ikinasal noong Nobyembre 1948. Si Lucien at si Simone ang nagbigay ng isang magandang handa ng kasal para sa amin, at nakasama namin ang dalawang payunir (buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova) sa maligayang okasyong ito. Ang di-malilimot na gabing iyon ay nagpatibay sa aking konklusyon na talagang ipinakikita ng mga Saksi ang uri ng pag-ibig na sinabi ni Jesus na pagkakakilanlan ng kaniyang tunay na mga alagad.—Juan 13:35.
Sa Alemanya, Pagkatapos sa Bagong Lupain
Noong Disyembre 1948, kami’y nagbalik sa Alemanya, at ang ministeryong Kristiyano ang aming naging paraan ng buhay. Bagaman patuloy na sinalansang ng aking pamilya ang aming gawain, hindi namin ito hinayaang magpahinto sa amin. Patuloy naming tinulungan ang mga maaamo, mapagpakumbaba na matutuhan ang tanging paraan na maaaring tamasahin ng sangkatauhan ang tunay na kapayapaan at katiwasayan.
Noong 1955, kami ni Jantina ay nandayuhan sa Australia. Kami ay nanirahan sa magandang islang estado ng Tasmania, sa ibayo ng Bass Strait mula sa timog na dulo ng malaking lupain. Sa maibiging tulong at tiyaga ng ating espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae roon, sa wakas ay nairagdag namin ang Ingles sa mga wikang nalalaman namin.
Noong 1969, pagkatapos gumugol ng 13 taon sa Tasmania, kami’y lumipat sa hilagang estado ng Queensland, kung saan kami nakatira mula noon. Ako sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang isang matandang Kristiyano sa lokal na kongregasyon at kinagigiliwan ang pakikisama ni Jantina habang magkasama kaming naglilingkod kay Jehova. Kailanma’t kami’y bumabalik sa Alemanya upang magbakasyon, hinahanap namin si Willy Huppertz at nakikipag-aral ng Bibliya na kasama niya. Sa wakas inialay din niya ang buhay niya upang maglingkod kay Jehova, at natamasa namin ang uri ng pakikipagkaibigan na nagbubuklod sa lahat ng tao na magkakasama sa kapayapaan.
Kapag ginugunita ko ang aking buhay mula sa mga taóng iyon bilang isang bilanggo ng digmaan sa Pransiya, ako’y totoong nagpapasalamat na nakilala ko ang ating maibiging Maylikha, ang Diyos na Jehova. Anong ligaya ko ngayon na inilagay ni Jantina ang aklat na Deliverance na iyon sa aking maleta at saka sumulat sa mga Saksi sa Pransiya na isaayos na dalawin ako! Bunga nito, ang aking buhay at ang aming buhay na magkasama bilang mag-asawa ay napagyaman at nagantimpalaan sa maraming paraan.—Gaya ng inilahad ni Hans Lang.
[Larawan sa pahina 15]
Kasama si Jantina ngayon