Ang Iyong Pantatak ang Iyong Lagda
Ang Iyong Pantatak ang Iyong Lagda
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TAIWAN
“PAKITATAKAN ninyo rito,” sabi ng klerk sa loob ng despatso sa abalang tanggapan ng koreo sa Taipei, Taiwan.
“Pakitatakan?” ang may pagtatakang naitanong ko. “Subalit ipagpaumanhin ninyo, baguhan po ako rito. Wala po akong pantatak—anuman iyon,” ang paliwanag ko. “Hindi ba puwedeng pumirma na lamang ako?”
“Oo, puwede naman, pero bakit hindi ka magpagawa ng isang pantatak (chop)?” ang tanong ng klerk sa tanggapan ng koreo. “Pagkatapos wala ka nang magiging problema.”
Dahil sa ako’y nagtataka kung ano ang isang pantatak at kung saan galing ang kakaibang pangalan nito, nagsaliksik ako. Mula sa aking diksiyunaryo napag-alaman ko na ang isang chop ay isang pantatak o isang opisyal na panselyo o ang marka nito at na ang “chop” ay mula sa salitang Hindi na chāp, na nangangahulugang “tatak.”
Kung Paano Magkaroon ng Isang Pantatak
Unang-una, kailangan ko ng isang pangalang Intsik. a Para sa isang banyaga ang pangalan ay kalimitang isang pagsasalin ng tunog ng pangalan. Halimbawa, ang “John Smith” ay nagiging “Shih Mi Sse” o “Shih Yueh Han.” O makahihingi ako ng tulong sa isang kaibigang Intsik upang pumili ng isang pangalan. Marahil kaniyang pipiliin ang pangalan na sa palagay niya’y angkop sa akin, ngunit maaaring hindi ito katunog ng aking tunay na pangalan.
Ang susunod na hakbang ay ang pagpunta sa pagawaan ng isang nag-uukit ng pantatak. Makapipili ako roon ng isang angkop na piraso ng materyal mula sa pagkarami-raming mapagpipilian. Pagkatapos ay inuukit ng isang artisano ang karaniwang mga titik ng aking Intsik na pangalan sa aking pantatak.
Ngayon ay handa na ako upang makipagnegosyo o gumawa ng transaksiyon sa isang tanggapan ng koreo, sa isang bangko, o iba pang lugar ng opisyal na negosyo. Para sa pantanging legal na mga transaksiyon, ang marka o tatak ng aking pantatak ay kailangang iparehistro sa Household Registry Office. Kung ito ay para sa isang korporasyon, kung gayon ito ay ipinarerehistro sa hukuman.
Subalit ang ipinagtataka ko ay kung paano nalalaman ng isang klerk kung ang pantatak ay tunay. Upang masuri at makita kung paano aktuwal na ginagawa ang mga pantatak, pumasyal ako kay Lin Rongdeh, isang manggagawa ng pantatak sa lungsod ng Kaohsiung, sa katimugan ng Taiwan. Ayon kay G. Lin, maraming tao ang naniniwala na kahit ang mga pantatak na may parehong pangalang inukit na gawa ng iisang manggagawa ng pantatak ay hindi talaga magkapareho. Upang suriin kung ang isang pantatak ay tunay, tutupiin ng isang klerk sa opisina ang tatak sa gitna, karaniwan nang palihis, at itatabi sa tatak na nakasalansan na. Ang dalawang magkabiyak ay dapat na magkapareho.
“Ngunit, sa ngayon,” sabi ni G. Lin, na itinuturo ang makina sa kaniyang pagawaan, “may mga makina na makauukit ng pantatak sa tulong ng isang computer. Ang mga pantatak na inukit sa paraang ito ay magkakahawig.”
“Pambihira iyan!” ang sabi ko. “Subalit paano kayo gumagawa ng isang pantatak sa pamamagitan ng isang computer?”
“Una, itina-typeset ko o iginuguhit ko sa isang maliit na piraso ng bahagyang naaaninag na papel o plastik ang mga titik ng pangalan sa isang hugis na angkop para sa isang pantatak,” paliwanag ni G. Lin. “Pagkatapos ay ilalagay ko ito sa isang umiikot na pinakaulo ng makina, na bumabasa sa pangalan sa pamamagitan ng sinag ng laser. Kasabay nito, iniipit ko ang pantatak upang maukitan sa ikalawang umiikot na pinakaulo ng makina, at ang isang maliit na router na kinokontrol ng sinag ng laser ang umuukit sa pantatak upang anyuan ang mga titik na aking iginuhit.”
Yamang ang paraang ito ay hindi magastos, karaniwan na ang bawat miyembro ng pamilya ay may ipinagawang
pantatak. Ang mga ito’y madaling makukuha sa bahay upang gamitin ng sinuman na tumatanggap ng nakarehistrong sulat o ibang mga bagay na hinihilingan ng isang lagda sa mga bansa sa Kanluran.Ang Pinagmulan ng Pantatak
Ang unang nakilalang paggamit ng pantatak sa Tsina ay noong taóng 1324 B.C.E. Subalit noon lamang dinastiya ng Chou (1122-256 B.C.E.) naging popular ang mga ito. Noong sinaunang mga panahong iyon, sa halip na gamitin ang mga ito bilang isang lagda, ang mga ito’y binibitbit, kalimitan sa paha, upang ipakita ang ranggo o katungkulan o upang ipakita na ang isang tao’y marangal. Hindi gaanong kinakatawan nito ang tao kundi ang katungkulang hawak niya. Ang pantatak ay, kalimitang gaya sa ngayon, ipinapasa sa susunod na hahawak ng tungkulin kapag nagretiro o namatay ang isang opisyal. Kapag ang isang taong maharlika ay makikipagpulong sa emperador, inihaharap niya ang kaniyang jade na pantatak upang patunayan kung sino siya.
Nang maimbento ang papel, ang pantatak ang unti-unting kumatawan sa lagda. Ito’y mas kalimitang ginagamit kahit ng pangkaraniwang mga tao. Sa ngayon, ang lahat ng tao rito ay may pantatak, maging ang isang banyagang naninirahang gaya ko, at ang anumang transaksiyon na kabilang ang lagda ng tao ay makukumpleto lamang sa paggamit ng pantatak. Bagaman opisyal na magagamit ang lagda, para sa karamihan ng mga tao ang pantatak ang gumagawang legal sa bagay-bagay. Ang gawaing ito ay lumaganap sa kalakhan ng Silanganan, kung kaya ang mga Hapones at mga Koreano ay gumagamit din ng pantatak.
Kung Ano ang Hitsura ng Pantatak
Ang isang pantatak ay maaaring kudrado, taluhaba, hugis itlog, o bilog, o maaaring ito’y sa napakaraming iba pang hugis.
Ito’y maaaring kasinliit ng tatlong milimetro kung sa diyametro o kasinlaki ng labinlimang centimetro kudrado. Ang isang pantatak ay maaaring yari sa jade, soapstone, sungay ng hayop, kawayan, tanso, kahoy, o plastik, depende sa kagustuhan at pera ng bumibili gayundin sa layunin na paggagamitan ng pantatak. Kung ang pantatak ay bihirang gagamitin at para sa di-gaanong mahahalagang transaksiyon, ang kahoy o plastik ay sapat na. Subalit kung binabalak ng may-ari na gamitin ito sa buong buhay niya, kung gayon ay makapipili siya ng mas mamahalin at kaakit-akit na kagamitan.Halimbawa, ang opisyal na pantatak ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, sangay ng Taiwan, ay nakaukit sa isang bloke ng matigas na kahoy na may 7.5 centimetrong haba, limang centimetrong lapad, at 2.5 centimetrong kapal. Hindi ba’t masasabi mong parang napakalaking “lagda” niyan? Kalimitan ang papel na lalagdaan ay hindi naman kalakihan!
Ang pinakakaraniwang mga pantatak ay simpleng mga piraso ng piling materyal na may pangalan na nakaukit sa karaniwang Intsik na sulat sa pantay na pinakailalim nito. Ang lilok sa pinakatatangnan o sa pinakadulo ay nagdaragdag ng ganda at halaga sa pantatak. Ang ilang pantatak ay may madetalyeng mga gawa ng sining. (Tingnan ang larawan sa pahina 23.) Karaniwan nang binibitbit ng may-ari ang pantatak alin sa isang maliit na balat na supot o sa isang maliit na kahon na may munting lalagyan na nagtataglay ng pulang-pulang tinta sa kabilang dulo. Kung minsan ang bagong kasal ay nagpapaukit ng kanilang mga pantatak sa dalawang piraso na kinuha o pinutol mula sa iisang pinagmulan na may magkaparehang mga disenyo—wari bang romantikong kaisipan. O gaya ng sa kaso ng magandang dilaw na jade na mga pantatak sa larawan sa pahina 23, ang tatlong pantatak at ang mga kadena ay pawang inukit mula sa isang piraso ng bato.
Minsang naukit, ang pantatak ay nagiging legal na lagda ng may-ari o ng isang may katungkulan, kaya dapat itong pakaingatang mabuti. Ito’y dapat na ingatang huwag manakaw, yamang ito’y magagamit ng magnanakaw upang manghuwad ng mga dokumento, maglabas ng pera sa bangko, magpalit ng tseke o mga sapi, at iba pa.
Ano ang gagawin ko kung mawala ang aking pantatak? Una, dapat kong ipagbigay-alam ito sa tanggapan ng koreo, bangko, at iba pang ahensiya na may kinalaman dito upang kanilang makansela ang aking pantatak. Siyempre, kailangang gawin ko agad ito upang maiwasan ang labag sa batas na paggamit ng aking pantatak. Pagkatapos ay kailangang magpagawa ng bago. Kung papalitan nito ang isang rehistradong pantatak, kailangang dumaan ako muli sa proseso ng pagpaparehistro nito, at dapat na ipagbigay-alam sa mga tanggapan na may kinalaman dito ang tungkol sa aking bagong pantatak. Kaya iniisip mo bang problema ang mawalan ng isang credit card? Isang pantas na tao ang nag-iingat ng kaniyang pantatak na huwag mawala ito o manakaw!
Sa Kanluran, ang pangongolekta ng selyo ay popular na libangan. Sa Tsina maraming tao ang nangongolekta ng mga pantatak o ng marka ng iba’t ibang pantatak, anupat naglalathala ng pantanging mga koleksiyon nito. Ang ilang pantatak ay natatangi ang ganda, yamang ang pinagsama-samang istilo ng mga titik at ang hugis, kulay, at ang yari ng pantatak ay nagbibigay ng pinakamagandang anyo nito. Ang mga pantatak na minsang naging pag-aari ng kilala o makapangyarihang mga tao o ang mga pantatak noong sinaunang panahon pa ay kalimitang iniingatan sa mga museo.
Ang bawat tao sa Kanluran na bumubunot ng panulat upang lumagda sa ilang opisyal na dokumento, malamang na may isang tao naman sa bansa sa Silanganan ang naglalabas ng pantatak, idiniriin ito nang ilang ulit sa pulang-pulang pad, at maingat na itinatatak ang kaniyang “lagda” sa tulduk-tuldok na linya.
Kawili-wili nga ang pagkakaiba-iba ng mga kaugalian na gumagawang kanais-nais sa buhay!
[Talababa]
a Bagaman ang mga pantatak na may pangalan sa ibang mga wika ay maaaring gawin, ang kagandahan ng isang pantatak ay masusumpungan sa sulat Intsik nito.
[Mga larawan sa pahina 23]
Paikot sa kanan: Pulang tatak ng isang pantatak; ang mga pantatak na may kadena, lahat ay inukit mula sa isang piraso ng jade; isang manggagawa ng pantatak na umuukit ng disenyo; iminarkang pantatak na may tula
Pantatak na hugis pagong
[Credit Line]
Mga Pantatak: National Palace Museum, Taipei, Taiwan