Haluan ng Katatawanan ang Iyong Buhay
Haluan ng Katatawanan ang Iyong Buhay
Isang malamig na araw ng taglamig, at ang mga hagdan ay natatakpan ng yelo. Ang unang sumubok na manaog ay halos mahulog. Ang sumunod ay nagsabi: “Ngayon ito ang paraan ng wastong pagbaba sa hagdan!” Kasasabi pa lamang niya nito ay bumagsak siya—nakatihaya. Isang sandali ng nangangambang katahimikan, pagkatapos mga sigalbo ng tawanan mula sa mga mirón pagkakitang hindi naman siya nasaktan.
MAY “panahon ng pagtawa.” Gayon ang napansin ng pantas na taong si Solomon halos tatlong libong taon na ang nakalipas. (Eclesiastes 3:4) Totoo rin ito sa ngayon. Ang kakayahang tumawa ay isang bigay-Diyos na katangian, isang kaloob buhat sa Isa na inilarawan sa Bibliya bilang “ang maligayang Diyos.”—1 Timoteo 1:11.
Hindi kataka-taka, kung gayon, ang paglalang ay punô ng nakatatawang bagay—mga kuting at mga tuta na may katawa-tawang mga kilos, isang anak ng leon na nginunguya ang buntot ng ina nito hanggang sa ito’y hampasin, ang mga anak na unggoy na naghahabulan at sumisirku-sirko sa mga sanga. May katatawanan sa paligid natin, naghihintay na mapansin at pahalagahan.
Hindi ibig sabihin nito na ang lahat ng tao ay natatawa sa parehong mga bagay. Sa kabaligtaran, kung ano ang nakatatawa ay kadalasang depende sa kultura, personalidad, pinagmulan, at kalagayan ng isa, gayundin sa iba pang mga salik. Gayunman, halos lahat ay matatawa sa isang bagay—isang nakatatawang kuwento, isang kasiya-siyang sorpresa, isang biro, matalinong paglalaro ng mga salita.
Ano ang silbi ng pagpapatawa? Sa pinakamabuti, ito ang paraan para sa mas mabuting kaugnayan sa iba. Tinawag ng isang komento ang pagtawa na “ang pinakamaikling distansiya sa pagitan ng dalawang tao.” Oo, naniniwala ang ilan na ang katatawanan ay maaaring gamitin bilang isang barometro ng pagiging magkabagay ng mag-asawa. Nasumpungan ng isang pagsusuri tungkol sa katatawanan na ang mga lalaki’t babaing sumasang-ayon sa kung ano ang nakatatawa ay malamang na magkagustuhan, mag-ibigan, at magpakasal kaysa roon sa hindi magkatulad sa naiibigang katatawanan. Bakit? Sapagkat ang katatawanan ay nagpapahiwatig ng maraming bagay: mga pagpapahalaga, interes, pinagkakaabalahan, talino, guniguni, at mga pangangailangan. Isiniwalat ng isang surbey noong 1985 ang tungkol sa isang libong korporasyon sa E.U. na “ang mga taong may ugaling mapagpatawa ay mas mapanlikha, hindi mahigpit at mas handang isaalang-alang at tanggapin ang bagong mga idea at pamamaraan.”
Tumawa o Huwag Tumawa
Walang sinuman ang talagang nakaaalam kung ano ang gumagawa sa isang bagay na nakatatawa. Ang ilan ay naniniwala na ang nasa gitna ng pagpapatawa ay ang pagiging di magkatugma—ang pagsasama ng dalawang di magkabagay na mga elemento. Ang isang taong nakadamit bilang isang payaso sa sirkus ay maaaring magpangyari sa isang bata na matawa. Gayunman, ang isang adulto na mayroong mas malawak na karanasan sa buhay at nakahihigit na mga kasanayan sa pag-unawa ay maaaring hindi na natatawa sa katawa-tawang kilos ng payaso. Siya’y maaaring makasumpong ng kasiyahan sa higit pang mental na mga anyo ng pagpapatawa—patudyong gamit ng mga salita, paglalaro sa mga salita, o mga biro—na pinauunlad ang pagiging di magkatugma sa bibigan, sa halip na sa pisikal, na antas.
Ang ilang mananaliksik ay naniniwala na ang katatawanan ay maaaring mula sa paglalabas ng nakuyom na emosyonal na lakas. Ang katatawanan ay maaaring magsilbing maskara para sa tensiyon at kirot. Sabi ng Bibliya: “Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw; at ang wakas ng kasayahan ay kabigatan ng loob.”—Kawikaan 14:13.
Kasangkot sa maraming anyo ng katatawanan ang tinatawag na slapstick. Ang isang tao ay natatalisod o nabubuhusan ng tubig. Nakatatawa, hindi ba? Marahil, kung walang sinuman ang talagang nasasaktan.
Ang isang Kristiyano ay magsusumikap na huwag linangin ang hilig sa hindi mabuti o sadistang katatawanan. Tutal, ang pag-ibig ay “hindi nagsasaya sa kalikuan.” (1 Corinto 13:6) Iniiwasan din ng isang Kristiyano ang hindi kanais-nais na mga biro na minamaliit ang anumang nasyonalidad o lahi. Kaniyang hinahaluan ang kaniyang ugaling mapagpatawa ng “damdaming pakikipagkapuwa.” (1 Pedro 3:8) Halimbawa, maaaring nakatutuwang pagmasdan ang isang munting bata na hahakbang-hakbang at pagkatapos ay natutumba sa isang asiwang posisyon. Subalit kung isang may edad o may kapansanang tao ang matumba, ang angkop na pagtugon ay sumugod upang tulungan siya, hindi pagtawanan.
Katatawanan at ang Iyong Kalusugan
Kapag wastong ginagamit, ang katatawanan ay may malaking halaga. Sa katunayan, unti-unting dumarami ang katibayan na ang pagtawa ay maaari pa ngang magsilbi bilang isang panggamot. Nalalaman natin na ang pagtawa ay nagbibigay ng isang mabuting masahe sa panloob na mga sangkap ng isa. Higit pa riyan, ayon sa magasing American Health, ang ilang “mananaliksik ay nag-aakala na maaaring palakasin ng pagtawa ang sistema ng imyunidad.” Pagkatapos ay sinisipi ng magasin ang imyunologong si Lee S. Berk na nagsasabi: “Maaaring maneobrahin ng negatibong mga damdaminKawikaan 17:22.
ang sistema ng imyunidad, at ngayon waring gayundin ang nagagawa ng positibong mga damdamin.” Idiniriin nito ang karunungan ng mga pananalita sa Bibliya: “Ang masayang puso ay mabuting kagamutan.”—Sa pag-asang magamit ang kapangyarihan ng katatawanan na magpagaling, ang ilang ospital ay naglagay ng tinatawag na mga silid tawanan kung saan ang mga pasyente ay maaaring maglaro, manood ng nakatatawang mga pelikula, makinig ng mga biro, o basta dalawin ang mga kamag-anak sa isang mas masayang kapaligiran. Maaari mo bang subukin mismo ang pagpapatawa? Halimbawa mayroon kang isang kaibigan o kamag-anak na may sakit sa ospital. Bakit hindi pasiglahin ang pangmalas ng maysakit na iyon sa pagbibigay sa kaniya ng isang nakatatawang aklat o isang nakatatawang kard kung saan ito magiging angkop?
Ang pagtawa ay maaari ring makapagpahupa ng galit. Si Dr. R. B. Williams, Jr., ay nagsasabi: “Ang pagiging galít ay masama sa iyong kalusugan.” Sa katulad na paraan, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan, ngunit ang kapanaghilian ay kabulukan sa mga buto.” (Kawikaan 14:30) Sabi ni Dr. Williams: “Mahirap manatiling galít kapag ikaw ay tumatawa.” Oo, ang pagkakita ng katatawanan sa isang kalagayan ay isa sa pinakamabuting paraan ng pagsupil sa galit.
Sa Loob ng Sambahayan
Ang katatawanan ay maaaring gamitin sa loob ng tahanan. Sabi ng isang asawang lalaki: “Kapaki-pakinabang ito sa akin na gaya ng isang kasangkapang maraming-gamit sa isang mekaniko ng kotse sapagkat napakarami nitong nagagawang mga bagay. Ito’y nangangalaga, nagpapatibay-loob, nagbubukas ng mabungang mga pag-uusap, sinusuri nito ang may kinikilingang mga idea, at binabago nito ang nakayayamot na mga salita tungo sa makatuwiran at makonsiderasyong pananalita.”
Ang ugaling mapagpatawa ay lalo nang nakatutulong kapag pinagbabantaang pinsalain ng nakayayamot na mga ugali ang mga kaugnayan. Nakalimutang iligpit ng iyong anak na lalaki ang kaniyang mga laruan sa kabila ng paulit-ulit na paalaala na gawin iyon. Iniiwan ng iyong mister ang kaniyang maruruming damit sa sahig sa banyo. Nasunog ng asawang babae ang hapunan. Ang paghahanap ng pagkakamali, paghiya, pagsisi, pagtili, o pagsigaw ay nagpapalala lamang sa mga bagay-bagay. Isang mananaliksik sa kalusugan, sinipi sa magasing Redbook, ay nagsabi: “Kung haharapin mo ang isang tao o lilibakin siya, siya’y magiging depensibo. Ang katatawanan ay nag-aanyaya sa tao na suriin ang kanilang paggawi mula sa malayo—at baguhin ito.”
Hindi ito nangangahulugan ng pagtatawa sa taong walang-ingat. Iyan ay karaniwan nang nagdudulot ng kirot, hindi ng pagtawa. Sikaping ituon ang iyong katatawanan sa situwasyon mismo. Ang pagtawa ay maaaring malaki ang magawa upang bawasan ang tensiyon. Sabi ng isang asawang babae: “May mga panahon kapag napapansin ng mister ko na ako’y magagalit, at pinahuhupa niya ito sa pamamagitan ng ilang nakatatawang pananalita o kilos. Bago ko mamalayan ito, tumatawa na ako. Saka ko natatalos na hindi naman pala gayong kagrabe ito.”
Gayunman, ilang paalaala lamang. Iwasang maging nakatatawa kapag ang kalagayan ay humihiling ng pagiging seryoso o habag. Sabi ng Kawikaan 25:20: “Kung paano ang nang-aagaw ng kasuutan sa panahong tagginaw at kung paano ang suka sa sosa, gayon siyang umaawit ng mga awit sa pusong nalulumbay.” Ang katatawanan ay dapat gamitin lamang sa angkop na mabuting pagpapasiya, upang huwag makapinsala sa emosyonal o sa pisikal na paraan. Huwag hayaang maging masakit o walang-galang ang katatawanan. Huwag payagan ang nakatatandang mga bata na gawing laging tudlaan ng mga biro ang kanilang nakababatang kapatid. Ang magiliw na pagbibiro ay isang bagay, iba namang bagay ang mapang-uyam na mga komento. Dapat ding pagsikapan ng mga mag-asawa na panatilihin ang katatawanan sa loob ng mga hangganan nito, hindi ito ginagamit bilang isang sandata ng pagpuna o isang paraan ng pagmamaliit.
Ang makatang si Langston Hughes ay minsang sumulat: “Tulad ng hinihintay na ulan sa tag-araw, maaaring biglang linisin at palamigin ng katatawanan ang lupa, ang hangin, at ikaw.” Tunay, ang katatawanan ay maaaring gumanap ng isang mahalagang bahagi sa ating mga buhay. Maiingatan tayo nito sa labis na pag-iisip sa ating sarili. Matutulungan tayo nitong manatiling masayahin at relaks. Maaari nitong ayusin ang mga kaugnayan sa iba. Matutulungan tayo nitong mabatá ang mga kahirapan. Maaari pa nga nitong pagbutihin ang ating kalusugan.
Kaya haluan ng katatawanan ang iyong buhay. Tuklasin ito. Paunlarin ito. Linangin ito. Ito’y magkakaroon ng mabubuting epekto sa iyo at sa mga nasa paligid mo!
[Larawan sa pahina 26]
Maaaring ayusin ng katatawanan ang mga gusot sa pamilya