Mga Kaiman—Pambihira, Puti, at Bughaw na Mata!
Mga Kaiman—Pambihira, Puti, at Bughaw na Mata!
ANG sumusunod na pag-uulat na inihanda ni Curt Burnette para sa Audubon Institute ay nagsasaysay tungkol sa pambihirang puting mga kaiman (alligator).
“Ang puting-balat, bughaw-matang mga kaiman ay henetikong pagbabagong-anyo (mutation) ng Amerikanong kaiman at hindi kakaibang uri. Ang pagbabagong-anyong ito ay tinatawag na leucism, sa gayon ang mga ito ay mga kaimang leucistic. Ang mga albino ay may puting balat at kulay-rosas na manilaw-nilaw na mga mata. Ang mga hayop na leucistic ay may mga matang may sari-saring kulay. Ang pagiging albino ay di-pangkaraniwan ngunit lalo na ang leucism. Bagaman ang leucism ay kilala sa kakaunting uri ng mga hayop, ang puting mga kaiman ang unang nakilalang mga kaimang leucistic.
“May 18 puting kaiman, lahat ay natuklasan sa iisang pinamumugarang lugar noong dakong huli ng Agosto, 1987. Tatlong mangingisdang Cajun ang nakatuklas sa mga ito malapit sa Houma, Louisiana, timog-kanluran ng New Orleans. Ang mga ito’y tinatayang 1-2 linggo ang edad nang ang mga naunang natuklasan ay dalhin sa Audubon Zoo noong Setyembre 5, 1987. Bukod pa sa 18 puting kaiman, 7 normal ang kulay na mga anak ang nahuli at di-tiyak na bilang ng mga normal ang nakatakas. Ang pugad ay matatagpuan sa lupang pag-aari ng Louisiana Land and Exploration Company (LL&E). Bagaman ang pinamumugarang dako ay binabantayan at ang mga itlog ay tinitipon at pinalilimliman, wala nang iba pang puting mga kaiman ang natuklasan.
“Ang lahat ng 18 puting kaiman at ang 7 normal na mga anak nito ay pawang lalaki. Maaaring mangyari ito sapagkat ang sekso ng maliit pang kaiman ay natitiyak sa pamamagitan ng temperatura ng pugad kaya ang lahat ay maaaring maging lalaki, babae, o haluan. Sa oras mismo ng pagsulat nito, ang mga kaiman ay sumasapit na sa pagkamaygulang sa sekso (5-6 na taon). Ang laki ng 18 ay iba’t iba mula sa halos 5 talampakan at 50-60 libra hanggang sa 8 talampakan at 250 libra. Ito’y bunga ng pagkakaiba-iba ng paraan ng pangangalaga. Ang mga kaiman na pinalaki sa alagaan ng kaiman ng LL&E ay mas mabilis na lumaki.
“Ang LL&E ay nagmamay-ari ng 14 na puting mga kaiman at may kabaitang ipinagkaloob ang 4 sa Audubon Institute. Ang Institute ay kasalukuyang nagtatanghal ng 2 sa Audubon Zoo nito at 2 sa Aquarium of the Americas nito. Dalawang kaiman ang ipinahihiram sa ibang mga zoo at mga aquarium at halos makailang ulit nang nakalibot sa E.U. at isang beses sa Hapón.
“Ang puting mga kaiman ay naging kilala at popular sa buong mundo. Ang pagkatuklas sa mga ito ay ipinagbigay-alam sa buong mundo ng CNN. Ang mga ito’y ilang beses nang lumabas sa telebisyon pati na sa Today Show, sa Nashville Network, sa Tonight Show, CBS Morning News, Late Night with David Letterman, Christian Broadcast Network, MTV, at sa iba’t ibang banyagang mga balita at pang-umagang mga palabas. Paminsan-minsa’y inilalathala sa mga artikulo ng pahayagan at mga magasin ang mga ito. Sa nakalipas na ilang taon isang magasing Pranses ang naglathala ng isang artikulo at mga larawan ng mga ito at gayon na lamang ang nakatutuwang pagtugon ng madla anupat itinampok nila ito sa seryeng palabas.
“Bakit nga ba kakaunti ang puting mga kaiman at walang sinuman ang nakakita ng mga ito noon? Bukod pa sa pagiging pambihirang pagbabagong-anyo nito, ang mga kaiman na leucistic at albino ay kakaiba at may mapanganib na disbentaha mula sa normal na mga kaiman. Kapag ang maliit pang kaiman ay napisa na, ito’y 8-10 pulgada lamang. Sandaling babantayan ng inang kaiman ang pugad subalit di-magtatagal ang maliliit na kaiman ay magkaniya-kaniya na. Ang karaniwang napisang mga kaiman ay dilaw at guhitang itim at mahusay na nakahahalo sa kanilang kapaligiran. Ang puting kaiman na kapipisa pa lamang ay madaling mamataan at madaling nahuhuli ng maraming iba’t ibang maninila.
“Ang dalawang huling kawili-wili at di-pangkaraniwang bagay tungkol sa puting mga kaiman ay: ang kanilang itim na batik at ang kanilang pag-uugali. Kakaunti lamang na puting mga kaiman ang napipisa na may itim na mga batik. Karamihan ay wala nito. Gayunman, habang ang mga ito’y lumalaki mas marami ang nagkakaroon ng itim sa katawan. Halos lahat ng batik ay nabubuo sa palibot ng ulo at leeg lamang. Ginawa nitong mas madali na makilala ang magkaibang uri, bagaman ang ilan ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang batik.
“At sa wakas, sinasang-ayunan ng lahat na nakapag-alaga ng puting mga kaiman, na ang mga ito’y mas mabalasik at matatapang kaysa karaniwang mga kaiman. Walang nakatitiyak kung bakit gayon, subalit ang mga ito’y itinuturing na tila mga buwaya na mabibilis kumilos at mabalasik sa halip na mas mabagal kumilos at malumanay na mga kaiman. Subalit isa pa ito sa maraming misteryo na bumabalot sa puting kahanga-hangang mga kinapal na ito ng latian!”—Inilahad ni Curt Burnette, Audubon Institute.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Mga larawan: Audubon Zoo, New Orleans