Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Magic Ngayon na nabasa ko na ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya . . . May Panganib ba sa Pagsasagawa ng Magic?” (Setyembre 8, 1993), talagang naunawaan ko kung bakit ang karamihan ng magic ay mali. Ang tinatawag ng isa na pagpukaw sa mga espiritu upang humula hinggil sa hinaharap ay nauso kamakailan sa aking paaralan. Sinasabihan ako ng iba, ‘Hindi ka ba sasali sa amin?,’ at bagaman ako’y tumanggi, pinag-iisipan ko pa rin kung bakit mali ito. Sinikap kong hanapin ang kasagutan subalit hindi ako makasumpong ng nakasisiyang sagot. Nang halos huminto na ako sa pagsasaliksik, dumating ang inyong artikulo. Ito’y naglaan ng nakasisiyang kasagutan. Salamat sa inyong paglalathala nito.
M. K., Hapón
Mga Cartoon Nagustuhan ko ang inyong artikulong “Nakasasamâ ba ang Mararahas na Cartoon sa TV?” (Disyembre 8, 1993) Talagang nasiyahan ako rito sapagkat napakaraming maliliit na bata ang naimpluwensiyahan ng gayong mararahas na programa. Ako’y 13 taóng gulang.
D. L., Estados Unidos
Pinagkakaisa ang Daigdig Ako’y totoong naantig ng seryeng “Ano ang Makapagkakaisa sa Daigdig?” (Disyembre 22, 1993) Nagdurugo ang aking puso sa patuloy na mga balita mula sa Bosnia at Herzegovina at mula sa Somalia—kung paano napipilitan ang mga tao na mamuhay sa ilalim ng mga kalagayan ng digmaan, taggutom, at kamatayan. Gayunman, ipinakita ng seryeng ito ang tunay na lunas at kung paano ito totoong nagaganap sa gitna ng pagdurusang ito ng daigdig. Palibhasa ako’y naging isang delegado sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Poland noong 1989, namamalas ko na ang maibigin, nagkakaisang kapatiran na tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova ay tulad ng isang modernong himala.
H. K., Hapón
Pagtutuli sa Babae Nais kong ipahayag ang aking taimtim na pasasalamat sa inyo dahil sa paglalathala sa artikulo hinggil sa pagtutuli sa babae (“Angaw-angaw ang Nagdurusa—Matutulungan ba Sila?”) sa inyong Abril 8, 1993, na labas. Sapol nang aking mabasa ang artikulong ito, labis akong nahabag sa walang kalaban-labang mga biktima ng kaugaliang ito. Ito’y pinananatili ng mga magulang na pinapatnubayan ng maling mga palagay tungkol sa seksuwalidad ng kababaihan. Subalit walang pagmamahal na ipasailalim ang mga bata sa walang katuwirang kaugaliang ito na kalimitang may malubhang mga bunga sa katawan at isip.
J. O. K., Nigeria
Pagmamasid sa Daigdig Ibig ko lamang na isulat at sabihin sa inyo kung gaano kagaling ang inyong ginagawa. Ang tampok na “Pagmamasid sa Daigdig” ay naging malaking tulong sa akin kapag kailangan kong sumulat ng maiikling balita para sa paaralan.
J. W., Estados Unidos
Ako’y 14 na taóng gulang, at palagi akong nagbabasa ng Gumising! Talagang nasisiyahan ako sa lahat ng artikulo. Kaya naman, ang isang natatanging bahagi na ibig kong ipagpasalamat sa inyo ay ang “Pagmamasid sa Daigdig.” Marami akong natututunang iba’t ibang bagay mula rito. Ito’y laging nasa panahon, at kalimitang nakasusumpong ako rito ng mga bagay na kasalukuyang tinatalakay namin sa paaralan. Pinasasalamatan ko rin ang bagay na hindi kayo kailanman nagbibigay ng sarili ninyong mga opinyon sa mga tudling na ito. Ginagawa nitong mas madali na ibahagi ang impormasyon sa ibang tao na hindi kailangang makipagtalo.
T. M., Estados Unidos
Pangangarap Nang Gising Sumulat ako upang pasalamatan kayo nang lubos sa nakapagtuturong mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” tungkol sa pangangarap nang gising. (“Masama bang Mangarap Nang Gising?,” Hulyo 8, 1993, at “Paano Ko Maihihinto ang Labis na Pangangarap Nang Gising?,” Hulyo 22, 1993) Pagkatapos kong mabasa ang ikalawang artikulo, nabatid ko na ako pala’y nalulong sa pangangarap nang gising sa loob ng maraming taon. Ang panahon ng aking pagkabata ay masaklap, at ang paraan ng aking pagtakas (pangangarap nang gising) ay unti-unting naging mental na piitan sa pagkaadulto. Sinira ng pangangarap nang gising ang aking paggawa sa trabaho at kapag nagmamaneho. Niwasak pa nga nito ang aking buhay may-asawa. Maraming salamat sa inyong mga artikulo, pinasimulan ko, taglay ang labis na disiplina, pagsisikap, at pananalangin, na mapanauli ang aking kakayahang magtuon ng pansin at kakayahang mag-isip.
L. G., Estados Unidos