Nahawahang Dugo ang Ibinigay sa mga Hemophiliac
Nahawahang Dugo ang Ibinigay sa mga Hemophiliac
ANG dugo ay naging isang dalawang-bilyong-dolyar-isang-taon na negosyo. Ang paghahangad ng mga pakinabang mula rito ay nagbunga ng isang totoong kalunus-lunos na pangyayari sa Pransiya. Ang dugong nahawahan ng HIV ang sanhi ng kamatayan ng 250 hemophiliac sa mga sakit na nauugnay sa AIDS, na daan-daan pa ang nahawahan.—The Boston Globe, Oktubre 28, 1992, pahina 4.
Isang “masamang alyansa” ng medikal na kapabayaan at komersiyal na kasakiman ang humantong sa kamatayan ng 400 hemophiliac sa Alemanya, na mayroong di-kukulanging 2,000 pa na impektado ng dugong nahawahan ng HIV.—Guardian Weekly, Agosto 22, 1993, pahina 7.
Ang Canada mismo ay nagkaroon ng iskandalo tungkol sa dugo. Tinatayang mahigit na 700 hemophiliac sa Canada ang ginamot ng dugong nahawahan ng HIV. Ang pamahalaan ay binabalaan noong Hulyo 1984 na ang Red Cross ay namamahagi ng dugong nahawahan ng HIV sa mga hemophiliac ng Canada, subalit ang nahawahang mga produkto ng dugo ay hindi inalis mula sa pamilihan hanggang makalipas ang isang taon, ng Agosto 1985.—The Globe and Mail, Hulyo 22, 1993, pahina A21, at ang The Medical Post, Marso 30, 1993, pahina 26.
Mula sa Madrid, Espanya, noong Abril 21, 1993, isang pahatid-balita ng Reuters ang nagsabi na ang Espanya ay magbibigay ng bayad-pinsala sa 1,147 hemophiliac na nahawahan ng virus ng AIDS dahil sa mga pagsasalin ng dugo at plasma noong mga taon ng 1980, ayon sa Ministri ng Kalusugan. Mahigit na 400 ang nagkaroon na ng AIDS at namatay.—The New York Times, Abril 22, 1993, pahina A13.
Sa pagtatapos ng 1982, binabalaan ng Centers for Disease Control ang NHF (National Hemophilia Foundation) sa mga panganib ng factor VIII sa pamumuo ng dugo—ang isang pagsasalin nito ay maaaring isang concentrate mula sa 20,000 nagkaloob ng dugo, isa lamang ang kinakailangan upang mahawahan ng AIDS ang iniksiyon. Ang mas mahigpit na babala ay inilabas noong Marso 1983, subalit noong Mayo nang taóng iyon, ang NHF ay nagpalabas ng isang bulletin na may ulong-balita “Hinihimok ng NHF ang Patuloy na Paggamit sa Clotting Factor.” Nang panahong iyon ang bilang ng namamatay ay dumarami, at libu-libo pa ang nanganganib. Ang clotting factor na ito ay hindi mahalaga sa kaligtasan ng mga hemophiliac; may iba pang mapagpipilian sa paggamot. Libu-libong buhay ang maaari sanang iligtas. Noong 1985, nasumpungan ng mga kompaniya ng gamot na sa pamamagitan ng pag-iinit sa factor, ito’y nagagawang ligtas. Magkagayon man, ipinagbibili pa rin ang naimbentaryong mga stock ng hindi nainit na factor.—Dateline NBC, Disyembre 14, 1993.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
CDC, Atlanta, Ga.