Ang Reinkarnasyon ba ang Susi sa mga Hiwaga ng Buhay?
Ang Reinkarnasyon ba ang Susi sa mga Hiwaga ng Buhay?
Ikaw ba’y nabuhay na noon?
Ikaw ba’y mabubuhay muli sa isang anyo ng buhay pagkamatay mo?
Ang mga tanong na ito ay maaaring magpagunita sa iyo sa doktrina ng reinkarnasyon.
Ganito binibigyan-kahulugan ng The New Encyclopædia Britannica ang “reinkarnasyon”: “Isang paniniwala sa muling pagsilang ng kaluluwa sa isa o higit pang sunud-sunod na mga pag-iral, na maaaring isang tao, hayop, o, sa ilang pagkakataon, gulay.”
Ang reinkarnasyon ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa mga relihiyon sa Silangan, lalo na yaong nagmula sa India, gaya ng Budismo, Hinduismo, Jainismo, at Sikhismo. Halimbawa, sa mga Hindu sa India, ang buhay ay itinuturing na isang patuloy na siklo ng kamatayan at muling pagsilang.
Gayunman, nito lamang nakalipas na mga taon, ang idea tungkol sa reinkarnasyon ay nakaakit sa marami na nakatira sa Kanluraning Hemispero, pati na sa maraming kabataan. Sang-ayon sa isang kolumnistang sumusulat sa Sunday Star ng Canada, ang dahilan ng gayong malaking interes “ay bunga ng impluwensiya ng relihiyosong mga idea ng Silangan sa Kanluraning lipunan, na nagsimula noong mga taon ng 1960.”
Ang isa pang dahilan ng interes sa reinkarnasyon ay na hayagang ipinahayag ng ilang kilalang tao ang kanilang mga sarili na naniniwala rito at seryosong iginiit na sila ay nabuhay na nang minsan o higit pang naunang buhay noon. Gayundin, ang radyo, TV, mga magasin, at iba pang news media ay nagpakita ng interes sa reinkarnasyon, pati na ang iba’t ibang propesyonal na mga taong gaya ng mga doktor at mga guro.
Lahat ng ito ay nakapukaw ng malaking pag-uusyoso. Sa gayon, ayon sa ilang surbey, halos sangkapat ng mga tao sa Canada at sa Estados Unidos ang nag-aangking naniniwala sa reinkarnasyon.
Mga Pag-aangkin Tungkol sa mga Karanasan sa Naunang-Buhay
Sinabi ng artistang si Shirley MacLaine sa isang panayam kay Phyllis Battelle sa Ladies’ Home Journal na siya ay gumawa ng ilang “paglalakbay” pabalik sa agos ng panahon. “Natatandaan ko ang marami sa aking nakalipas na mga buhay—kung minsan ako ay lalaki, kung minsan naman ay babae,” sabi niya.
Sa aklat na Coming Back, inilarawan ni Dr. Raymond Moody ang mga eksperimento na isinagawa niya sa kaniyang mga estudyante at sa iba pa. Sinabi niya na sa pamamagitan ng hipnotismo ay dinala niya sila sa panahon bago ang kanilang kapanganakan, at sinabi nila na may mga alaala sila mula sa kanilang naunang mga buhay. Sinabi ng isang tao na siya ay nabuhay na noon bilang isang Eskimo sa isang pamayanang Eskimo. Iginiit naman ng isa pa na siya ay nabuhay na noong ‘panahon ng bato,’ libu-libong taon na ang nakalipas.
Sinabi mismo ni Dr. Moody na siya ay nabuhay na ng siyam na naunang buhay noon. Ang mga ito ay iba-iba mula sa isang buhay sa tuktok ng mga punungkahoy bilang isang uri ng “tao bago pa ang nasusulat na kasaysayan” tungo sa isang buhay
noong mga panahon ng Imperyong Romano nang, sabihin niya, siya’y sinalakay at napatay ng isang leon sa arena.Ang paggamit ng hipnotismo upang dalhin ang mausisang mga tao pabalik sa ipinalalagay na panahon bago ang kanilang kapanganakan ay inilarawan din na kapaki-pakinabang sa iba. Ginamit ito ng mga doktor sa paggamot ng emosyonal na mga karamdaman. Sinasabing ang di-maipaliwanag na mga phobia o pagkatakot ay napahupa sa pamamagitan ng pagtunton sa problema pabalik sa ilang pangyayari sa isang naunang buhay. Gaano kabisa ang ideang ito?
Inilahad na Malapit-Kamatayang mga Karanasan
Ang malapit-kamatayang mga karanasang inilahad ng ilang tao ay nagsilbi upang gawing popular ang idea ng reinkarnasyon. Sa aklat na Life After Life, iniuulat ni Dr. Moody ang kaniyang mga natuklasan tungkol sa malapit-kamatayang mga karanasan mula sa mga 50 katao.
Bagaman ang kanilang mga karanasan ay iba-iba, inaakala ni Moody na ang mga ito ay gumagawa ng isang padron. Ang mga taong ito ay nakaramdam na sila’y naglalakbay sa isang mahaba, madilim na tunél. Nadama nilang para bang sila’y nahiwalay sa kanilang mga katawan, malayang lumulutang. Nadama nilang sila’y mabilis na pumapaitaas sa tunél tungo sa isang napakaningning na liwanag, at sa dulo ng tunél, nakita nila ang mga miyembro ng pamilya na malaon nang patay. Sa wakas, sila’y nagising sa kanila mismong mga katawan. Gayunman, hindi naranasan ng lahat ang bawat yugtong ito.
Sinasabing ang mga karanasang iyon ay nagkaroon ng isang positibong epekto sa mga nakaranas nito. Kung gayon, dapat sanang tulungan sila nito na mawala ang kanilang takot sa kamatayan at bigyan sila ng pagtitiwala na may kabuluhan ang buhay. Subalit hindi laging ganito ang kalagayan. Marami ang natatakot pa rin sa kamatayan at kulang ng pagtitiwala sa kanilang tunay na kabuluhan sa buhay.
Yaong mga naniniwala sa reinkarnasyon ay nagsasabi na nasusumpungan nila sa mga karanasang iyon ang suporta sa idea na ang kaluluwa ng tao ay muling ipinanganganak sa iba’t ibang anyo ng buhay. Subalit kapani-paniwala ba ang doktrinang ito? Talaga bang ang reinkarnasyon ang sagot sa mga hiwaga ng buhay? Makasusumpong ba tayo ng anumang kasagutan sa lahat ng mga tanong na, Ikaw ba’y nabuhay na noon? Ikaw ba’y mabubuhay muli? Ang mga tao ba’y nagtataglay ng isang kaluluwang umaalis sa katawan sa kamatayan? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa sumusunod na mga artikulo.
[Blurb sa pahina 4]
Ang reinkarnasyon ay napakahalaga sa mga relihiyon sa Silangan
[Larawan sa pahina 4]
Ang Hindung gulong ng buhay