Hinahadlangan ba ng Bibliya ang Kalayaan ng Pag-iisip?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Hinahadlangan ba ng Bibliya ang Kalayaan ng Pag-iisip?
ANG mga liyab ay pumailanglang palangit habang tinutupok ng sigâ ang mahahalagang aklat na inihagis dito ng mga opisyal na Aleman. Isang tanawin mula sa Alemanyang Nazi? Oo, subalit maaari rin itong maging isang tanawin noong taóng 1199, nang ipag-utos ng isang Romano Katolikong arsobispo na sunugin ang lahat ng wikang-Aleman na Bibliya.
Sa katunayan, ang mga insidenteng pagsusunog ng aklat—isang karaniwang sagisag ng pagsupil sa kalayaan ng pag-iisip at pagsasalita—ay nangyari sa maraming bansa at sa maraming dantaon. Kadalasan, ito’y udyok ng mga lider ng relihiyon na ikinatatakot ang magiging epekto ng kalayaan ng pag-iisip sa karaniwang tao.
Hindi kataka-taka na ipinalalagay ng marami sa ngayon na ipinag-uutos ng Bibliya ang mahigpit na pagbabawal laban sa malayang intelektuwal na pagtatanong. Ngunit gayon nga ba? Hinahadlangan nga ba ng Bibliya ang kalayaan ng pag-iisip?
‘Ibigin Mo si Jehova Nang Buong Pag-iisip Mo’
Hindi hinahadlangan ng Bibliya ang paggamit ng isip. Sa katunayan, hinimok ni Jesus ang bawat isa sa atin na ‘ibigin si Jehova nang ating buong pag-iisip.’ (Marcos 12:30) Ipinakikita ng kaniyang ministeryo na siya ay may malaking interes sa kasalukuyang mga pangyayari (Lucas 13:1-5), sa biyolohiya (Mateo 6:26, 28; Marcos 7:18, 19), sa agrikultura (Mateo 13:31, 32), at sa kalikasan ng tao (Mateo 5:28; 6:22-24). Ipinahihiwatig ng kaniyang mga ilustrasyon na nauunawaan niyang mabuti ang mga simulain sa Salita ng Diyos at ang pinagmulan at pag-iisip ng kaniyang mga tagapakinig at maingat niyang pinag-isipan kung paano pagsasamahin ang dalawang ito.
Si Pablo ay namanhik sa lahat ng mga Kristiyano na maglingkod sa Diyos taglay ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Hinimok niya ang mga taga-Tesalonica na huwag hayaan ang lisyang ‘kinasihang pahayag na yanigin sila sa kanilang katinuan.’ (2 Tesalonica 2:2) Mayroon siyang ilang kabatiran tungkol sa Griego at Cretense na mga tula (Gawa 17:28; Tito 1:12) at militar na kagamitan at pamamaraan (Efeso 6:14-17; 2 Corinto 2:14-16). At siya’y mapagmasid sa lokal na mga kaugalian.—Gawa 17:22, 23.
Bagaman si Jesus at si Pablo ay nagtamasa ng maraming kalayaan ng pag-iisip, hindi nila minalas ang kanilang mga sarili bilang ang tanging awtoridad sa tama at mali. Sa halip na tanggihan ang Bibliya alang-alang sa kaniyang sariling pangangatuwiran, paulit-ulit na sumipi si Jesus sa Kasulatan. Ang kaniyang mabilis at matinding tugon nang himukin siya ni Pedro na isaalang-alang ang isang landasin na kakaiba sa sakripisyong kamatayan na siyang kalooban ng Diyos para sa kaniya ay nagpapakita na hindi man lamang niya iisipin iyon. (Mateo 16:22, 23) Sa gayunding paraan, sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Nang pumariyan ako sa inyo, hindi ako pumariyan taglay ang kahusayan ng pananalita o ng pilosopya, kundi basta sabihin sa inyo kung ano ang iginarantiya ng Diyos.” (1 Corinto 2:1, The Jerusalem Bible) Tulad ni Jesus, ang kaniyang pangangatuwiran ay matibay na nakasalig sa Kasulatan.—Gawa 17:2.
Hinihimok ng Bibliya ang lubusang paggamit ng pag-iisip subalit hindi nang walang pagpipigil. Gayunman, ang bigat ng pananagutan na panatilihin ang ating pag-iisip na kasuwato ng pag-iisip ni Jehova ay iniaatang sa indibiduwal na Kristiyano, hindi sa kongregasyon. Kaya, nang hayagang itakwil ng maraming taga-Efeso ang kanilang pagsasagawa ng espiritismo at naging mga Kristiyano, hindi kinuha ni Pablo ang pananagutan na sunugin ang kanilang mga aklat, kundi “tinipon ng marami sa kanila na nagsasagawa ng pagsasalamangka ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa publiko.” (Gawa 19:19, JB) Bakit inakala ng mga Kristiyanong ito na kailangang sunugin ang kanila mismong mga aklat?
Ang Unang Paraan ng Depensa
Isaalang-alang ang ilustrasyong ito. Ang isang matagumpay na depensa militar ay kadalasang nagsasangkot ng ilang paraan ng nagsasanggalang na mga kuta. Walang matagumpay na heneral ang mag-aakalang ang alinman dito ay hindi mahalaga at dapat isuko nang walang laban. Sa pakikipagbakang Kristiyano laban sa kasalanan, mayroon ding ilang paraan ng depensa.
Ang Santiago 1:14, 15 ay nagsasabi na “ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Kung magkagayon ang pagnanasa, kapag ito ay naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan.” Ang unang hakbang tungo sa kasalanan ay ang paglinang ng isang maling pagnanasa sa isipan. Sa gayon, ang unang paraan ng depensa ay iwasan ang paglinang ng pagnanasa—supilin ang pag-iisip.
Dahilan sa kaugnayang ito sa pagitan ng mga pag-iisip at mga kilos anupat ang Bibliya ay nagbababala sa atin: “Panatilihin ninyong nakapako ang inyong mga kaisipan sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa.” (Colosas 3:2) Kapag ang mga Kristiyano ay tumatangging pag-isipan ang imoralidad, espiritismo, o apostasya, ginagawa nila ang pasiyang ito, hindi sapagkat natatakot sila na baka ang mga ideang ito ay nakahihigit sa mga katotohanan ng Bibliya, kundi sapagkat nais nilang iwasan ang anumang bagay na maaaring humila sa kanila sa isang makasalanang landasin.
‘Lahat ng Bagay ay Hayagang Nakalantad’
Isa pang mahalagang dahilan kung bakit dapat nating supilin ang ating pag-iisip ay ang ating pag-ibig kay Jehova at ang paggalang sa kaniyang kakayahang malaman ang ating mga pag-iisip. Ipagpalagay nang ikaw ay may pinakamamahal na kaibigan o isang malapit na kamag-anak na totoong sensitibo sa dumi o alabok. Ihihinto mo ba ang pag-anyaya sa iyong kaibigan sa inyong tahanan, sapagkat ayaw mong gawin ang karagdagang paglilinis na kinakailangan ng inyong bahay? Hindi ba pakikilusin ka ng pag-ibig na gawin ang kinakailangang karagdagang pagsisikap upang panatilihing malinis ang mga bagay? Ang kabatiran ni Jehova sa ating kaloob-loobang mga pag-iisip ay ipinakita sa Awit 44:21: “Nalalaman niya ang mga lihim ng puso.” Sinabi ni Pablo na tayo’y mananagot sa mga kaisipang iyon: “At walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin, kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.”—Hebreo 4:13; Awit 10:4; Kawikaan 6:16, 18.
Kinilala ni Job ang pananagutan ng tao sa Diyos sa kaniyang mga pag-iisip. “Si Job . . . ay naghandog ng mga handog na susunugin . . . ; sapagkat, sinabi ni Job, ‘marahil ang aking mga anak ay nagkasala at itinakwil ang Diyos sa kanilang mga puso.’ ” (Job 1:5) Ang sinasadyang pag-iisip ng isang maling landasin sa ganang sarili ay maaaring malasin ni Jehova na isang kasalanan.—Ihambing ang Exodo 20:17.
Tunay na Kalayaan ng Pag-iisip
Hinihimok ng Bibliya ang bawat Kristiyano na gawing tunguhin ang pagdadala ng “bawat kaisipan sa pagkabihag upang gawing masunurin iyon sa Kristo.” (2 Corinto 10:5) Ito’y nakakamit, hindi sa pamamagitan ng mga pagbabawal na inilalagay ng mga lider ng relihiyon, kundi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isa ng pagpipigil-sa-sarili at sa pamamagitan ng kaniyang pag-ibig at pagkaunawa kay Jehova at sa Kaniyang mga simulain. Sa pag-abot sa tunguhing ito nagkakaroon ng tunay na kalayaan ng pag-iisip, natatakdaan lamang ng maka-Diyos na mga pamantayan at pinalalaki ng kagalakan sa pagkaalam na, kahit na sa ating mga kaisipan, tayo’y nakalulugod kay Jehova.
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Mula sa aklat na Bildersaal deutscher Geschichte