Ipinaliwanag ang Idea ng Reinkarnasyon
Ipinaliwanag ang Idea ng Reinkarnasyon
ISA sa mga pagtutol sa teoriya ng reinkarnasyon ay na hindi nagugunita ng karamihan ng mga tao sa lupa na sila ay nabuhay na noon. Isa pa, hindi man lamang nila iniisip na sila ay maaaring nabuhay na sa naunang buhay noon.
Totoo na kung minsan tayo ay may kakaibang damdamin na para bang nakikilala natin ang isang tao na nakilala natin sa kauna-unahang pagkakataon. Ang isang bahay, bayan, o magandang lugar ay maaaring tila ba pamilyar sa atin, bagaman nalalaman natin na ito pa lamang ang unang pagkakataon natin na mapunta roon. Gayunman, ang mga bagay na ito ay maipaliliwanag nang hindi na kinakailangan pang bumaling sa teoriya ng reinkarnasyon.
Halimbawa, ang ilang lugar sa magkakalayong mga dako ay maaaring tila magkakahawig, anupat kapag dumalaw tayo sa isang bagong lugar, nadarama nating para bang galing na tayo roon noon, bagaman hindi pa tayo nakarating doon. Maraming bahay, opisina, tindahan, bayan, at magagandang lugar sa ilang bahagi ng daigdig ay may mga kamukhang-kamukha sa ibang lugar. Na ang mga ito ay waring kahawig niyaong nakita na natin noon ay hindi patotoo na tayo’y nakarating na sa mga dakong iyon sa isang naunang buhay. Nakakahawig lamang nito ang mga dakong pamilyar sa atin.
Totoo rin ito kung tungkol sa mga tao. Ang ilan ay lubhang nakakahawig ng iba sa hitsura, mayroon pa ngang tinatawag na kamukha. Ang isang tao ay maaaring may mga pag-uugali na nagpapagunita sa atin sa isang tao na nabubuhay pa o sa isa na namatay na. Subalit nakilala natin ang mga taong ito sa kasalukuyang buhay na ito, hindi sa ilang naunang pag-iral. Ang mga pagkakahawig sa hitsura o personalidad ay hindi nangangahulugan na ang mga taong ito ay nakilala natin sa isang naunang buhay. Malamang na lahat tayo kung minsan ay napagkakamalan ang isang tao sa iba. Subalit ang dalawang taong iyon ay nabuhay sa iisang panahon na gaya mo at hindi sa ilang naunang buhay. Wala itong kinalaman sa reinkarnasyon.
Ang Impluwensiya ng Hipnotismo
Kahit na ang mga karanasan sa ilalim ng impluwensiya ng hipnotismo ay maaaring ipaliwanag nang hindi na bumabaling sa teoriya ng reinkarnasyon. Ang ating subconscious na isip ay binubuo ng isang kabang-yaman ng impormasyon na higit na mauunawaan kaysa ating maguguniguni. Ang impormasyon ay nakararating sa kabang-yamang ito sa pamamagitan ng mga aklat, magasin, TV, radyo, at sa pamamagitan ng iba pang mga karanasan at mga obserbasyon.
Karamihan ng mga impormasyong ito ay itinatabi sa isang natatagong sulok ng ating subconscious na isip sapagkat wala tayong tuwiran o kaagad na pangangailangan para rito. Ang ating subconscious na isip ay katulad ng mga aklat sa
aklatan kung saan may kaunting pangangailangan sa kasalukuyan at samakatuwid ay itinabi sa isang nakabukod na istante.Gayunman, sa ilalim ng hipnotismo, ang kabatiran ng isang taong sumasailalim dito ay nagbabago anupat ang nakalimutang mga alaala ay maaaring maalaala. Binibigyan-kahulugan ng ilang tao ang mga ito bilang bahagi ng isang naunang buhay, subalit ang mga ito ay wala kundi mga karanasan sa kasalukuyang buhay na sandali nating nakalimutan.
Gayunman, may ilang kaso na maaaring mas mahirap ipaliwanag sa isang natural na paraan. Ang isang halimbawa ay kapag ang isang tao ay nagsimulang magsalita ng ibang “wika” sa ilalim ng impluwensiya ng hipnotismo. Kung minsan ang wika ay nauunawaan, subalit kadalasang ito ay hindi nauunawaan. Ang mga taong iyon na naniniwala sa reinkarnasyon ay maaaring magsabi na ito ang wika na sinalita ng tao sa isang mas maagang buhay noon.
Gayunman, nalalamang mabuti na ang pagsasalita sa tinatawag na mga wika ay nangyayari rin kapag ang mga tao ay nasa mistiko o relihiyosong kahima-himalang kalagayan. Ang mga taong nakararanas niyaon ay kumbinsido na wala itong kaugnayan sa isang naunang buhay kundi sila ay naiimpluwensiyahan ng ilang di-nakikitang kapangyarihan sa kasalukuyang buhay.
Iba-iba ang opinyon kung tungkol sa kung anong kapangyarihan ito. Sa isang pinagsamang pagpapahayag ng Fountain Trust at ng Church of England Evangelical Council, ganito ang ipinahayag may kaugnayan sa pagsasalita ng mga wika: “Nalalaman din namin na isang kahawig na kababalaghan ang maaaring mangyari sa ilalim ng impluwensiya ng okulto/demonyo.” Kaya ang ipalagay na ang gayong kababalaghan ay patotoo na tayo’y nabuhay na noon ay isang paggawa ng maagang maling paghatol.
Malapit-Kamatayang mga Karanasan
Kumusta naman, kung gayon, ang malapit-kamatayang mga karanasang sinasabi ng mga tao na naranasan nila? Ang mga ito ay binigyan-kahulugan ng ilan bilang patotoo na ang isang tao ay may kaluluwa na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Subalit ang mga karanasang iyon ay mas mabuting naipaliliwanag sa ilang natural na paraan.
Sa labas noong Marso 1991 ng siyentipikong magasin sa wikang Pranses na Science & Vie, ang iba’t ibang yugto ng malapit-kamatayang mga karanasan ay tinatawag na “isang karaniwang prototipo ng guniguni” na malaon nang nalalaman. Ang katulad na mga karanasan ay hindi natatakdaan sa malapit-kamatayang mga kalagayang iyon. Ang mga ito ay maaari ring mangyari may kaugnayan sa “pagod, lagnat, mga sumpong ng epilepsiya, pag-abuso sa droga.”
Isang tagapanguna sa neurosurgery, si Wilder Penfield, na nag-opera sa mga epileptiko na binigyan ng lokal na anestisya, ay nakatuklas ng isang kawili-wiling bagay. Nasumpungan niya na sa pamamagitan ng pagpukaw sa iba’t ibang bahagi ng utak sa pamamagitan ng isang electrode, nagagawa niyang madama ng pasyente na siya ay nasa labas ng kaniya mismong katawan, naglalakbay sa isang tunél, at nakakatagpo ang patay na mga kamag-anak.
Isang kawili-wiling detalye may kinalaman sa bagay na ito ay na nakatagpo ng mga batang nagkaroon ng malapit-kamatayang mga karanasan, hindi ang kanilang patay na mga kamag-anak, kundi ang kanilang mga kaeskuwela o mga guro—yaong mga nabubuhay pa. Ipinakikita nito na ang mga karanasang iyon ay may tiyak na kaugnayang pangkultura. Ang naranasan ay nauugnay sa kasalukuyang buhay, hindi sa isang bagay sa kabila pa ng kamatayan.
Si Dr. Richard Blacher ay sumusulat sa magasing The Journal of the American Medical Association: “Ang pagkamatay, o pagdanas ng isang mapanganib na pisikal na kalagayan, ay isang proseso; ang kamatayan ay isang kalagayan.” Bilang isang halimbawa, binabanggit ni Blacher ang tungkol sa isang tao na sa kauna-unahang pagkakataon ay sumasakay ng eruplano mula sa Estados Unidos patungong Europa. “Ang pagsakay ng eruplano ay hindi katulad ng [pagiging nasa] Europa,” sulat niya. Hindi masasabi ng turista na patungong Europa, na ang eruplano ay bumubuwelta at nagbabalik pagkaraan ng ilang minuto, ang tungkol sa Europa kung paanong hindi masasabi ng sinumang nagbalik mula sa koma ang tungkol sa kamatayan.
Sa ibang salita, yaong mga muntik nang mamatay ay hindi kailanman aktuwal na namatay. Naranasan nila ang isang bagay samantalang sila ay buháy pa. At ang isang tao ay buháy pa kahit na ilang segundo bago ang kaniyang kamatayan. Malapit sila sa kamatayan subalit hindi pa sila patay.
Hindi matandaan kahit na niyaong ang mga puso ay humintong sandali at saka muling nagkamalay ang anumang bagay mula sa mga sandaling iyon ng kawalang-malay nang sila’y matatawag na “patay.” Ang natatandaan nila, kung mayroon man, ay kung ano ang nangyari noong malapit na ang sandaling paghintong iyon, hindi noong panahon ng paghinto ng puso.
Ang nailathalang malapit-kamatayang mga karanasan ay halos laging inilalarawan na positibo, bagaman nalalamang nangyayari rin ang negatibong mga karanasan. Ganito ito ipinaliliwanag ng Pranses na psychoanalyst na si Catherine Lemaire: “Yaong mga hindi pa nakaranas [ng malapit kamatayan] na umaangkop sa paglalarawan ng halimbawa na iginiit ng IANDS [International Association for Near-Death Studies] ay walang interes na ikuwento ang kanilang karanasan.”
Walang Alaala
Ang totoo ay na wala tayong karanasan sa buhay maliban sa buhay na nararanasan natin ngayon, ni may karanasan man tayo sa isang dating buhay o sa isang buhay sa kabila ng kamatayan. Kaya, wala tayong lehitimong mga alaala ng anumang bagay kundi ng buhay na aktuwal na ikinabuhay natin.
Yaong mga naniniwala sa reinkarnasyon ay nagsasabi na ang kahulugan mismo ng muling pagsilang ay magkaroon ng isang bagong pagkakataon upang mapabuti ang ating kalagayan. Kung tayo’y talagang nabuhay na sa naunang buhay noon, gayunma’y nakalimutan natin ang mga ito, ang gayong pagkawala ng alaala ay magiging isang malaking handikap. Sa pamamagitan ng paggunita sa ating mga pagkakamali, tayo ay makikinabang sa mga ito.
Isa pa, inaakala niyaong mga nanghahawakan sa tinatawag na paggamot ng reinkarnasyon na higit mong mababata ang kasalukuyang mga problema kung, sa pamamagitan ng hipnotismo, magugunita mo ang mas maagang mga buhay. Sinasabi ng teoriya na tayo’y muling ipinanganganak upang mapabuti ang isang bagay, gayunman nakalimutan na natin kung ano ang bagay na iyon.
Ang kawalan ng alaala sa kasalukuyang buhay ay itinuturing na isang handikap. Tiyak na gayundin sa kasong ito. Ang pagtutol sa pagsasabing hindi mahalaga ang pagiging makakalimutin, yamang ang mabubuting tao lamang ang ipinanganganak muli bilang mga tao, ay hindi matinong katuwiran sa modernong panahong ito kung kailan nangingibabaw ang kabalakyutan sa tanawin ng sanlibutan higit kailanman. Kung ang mabubuting tao lamang ang ipinanganganak muli bilang mga tao, saan nanggaling ang lahat ng balakyot na mga tao? Hindi ba dapat ay pakaunti nang pakaunti ang mga taong balakyot? Ang totoo ay: Walang sinuman, mabuti o masama, ang kailanma’y dumanas ng reinkarnasyon upang magsimula ng iba namang buhay bilang isang tao o anumang bagay.
Gayunman, maaaring sabihin mo, ‘Hindi ba isang turo ng Bibliya ang reinkarnasyon?’ Ating isaalang-alang ang tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 6]
Ang ating subconscious na isip ay tulad ng isang aklatan ng impormasyon na itinabi subalit maaaring gamitin sa dakong huli
[Blurb sa pahina 7]
“Ang kamatayan ay isang kalagayan,” hindi isang proseso.—Dr. Richard Blacher sa The Journal of the American Medical Association