Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Binabago ng Istasyon ng Radyo ang Musika Nito
Sa isang di-pangkaraniwang talakayan, isang istasyon ng radyo sa California na nagsasahimpapawid ng napakaraming musikang rap ang kamakailan ay nagpatalastas na hindi na ito magpapatugtog ng mga awitin sa radyo na ipinalalagay na “walang pakundangan sa lipunan.” Kasali na riyan ang anumang musika na “lumuluwalhati sa paggamit ng droga, lantad na sekso, humihimok ng karahasan o humahamak sa kababaihan.” Iniulat kamakailan ng The New York Times na ipinagbawal na ng istasyon ang siyam sa gayong mga awitin, ang ilan sa mga ito ay may napakahahalay na titulo. Iginigiit ng direktor ng programa ng istasyon na ang pagbabago ay udyok ng pagnanais na makapaglingkod nang mas mabuti sa pamayanan. Sinabi naman ng kalabang mga istasyon na ang bagong patakaran ay udyok ng pagnanais na magtamo ng publisidad.
Paglalakbay ng Langgam
Paano naglalakbay ang mga langgam? Marami ang nag-iiwan ng kimikal na bakas upang kanilang matunton ang kanilang mga hakbang at makauwi. Subalit si Dr. Rudiger Wehner, isang zoologist sa University of Zurich, Switzerland, ay nag-iisip kung paanong ang mga langgam sa Sahara ay naglalakbay. Sa paano man, ang init sa disyerto ay makapagpapatuyo ng kimikal na bakas sa loob ng mga minuto. Sa isang lektyur sa University of Texas, inilarawan ni Dr. Wehner kung paanong ang mga langgam sa disyerto ay gumagamit ng masalimuot na sistema sa paglalakbay na katulad ng kagamitan na minsang ginamit sa sasakyang panghimpapawid noong Digmaang Pandaigdig II. Ang mga langgam ay tumitingin sa langit at tinitingnan ang masalimuot na mga anyo ng sinag na polarized na hindi nakikita ng mga mata ng tao. Sila’y nagpapaikut-ikot sa ilalim ng mga anyo ng sinag upang maibagay-muli ang kanilang mga sarili at patuloy na maglakbay pauwi. Ang The Dallas Morning News ay pabirong nagsabi: “Kung ikaw ay nawala sa hilagang disyerto sa Sahara sa katanghalian ng araw, mas mabuting ipagtanong mo ang direksiyon sa langgam.”
Isa pang Huwad na Fossil
Isang langaw na nakabitin sa isang piraso ng amber, o tumigas na dagta ng puno, ang matagal nang pinagpipitaganan ng grupo ng mga siyentipiko bilang lubos na napreserbang ispesimen sa nakalipas na 38 milyong taon. Gayunman, iniulat ng magasing New Scientist na ang mahalagang ispesimen ang naging “isang pagkakamali sa pag-aaral ng mga insekto na kasinlubha ng panlilinlang sa Piltdown.” Wari bang di-kukulangin sa 140 taon na ang nakalipas, isang dalubhasa sa panlilinlang ang totoong nagbukas sa piraso ng amber, inuka ang kabiyak na piraso, at inilagay sa loob ang isang pangkaraniwang langaw. Ang “fossil” na ito ay ipinagbili sa Natural History Museum sa Inglatera noong 1922 at sapol noon ay sinuri na ng pangunahing mga siyentipiko, binabanggit pa nga ito sa aklat ng mga fossil nito lamang 1992.
Ang Unang Kapelyan na Muslim
Ang sandatahang lakas ng E.U. ay nag-empleo ng 3,152 kapelyan na kumakatawan sa 243 iba’t ibang relihiyon—lahat sila, hanggang kamakailan lamang, ay mula sa pagkakasari-sari ng “Judio-Kristiyano.” Ngayon, ayon sa The Washington Post, ang hukbo ay humirang ng una nitong Muslim na kapelyan. Nakasuot ng sagisag na gasuklay na hugis ng buwan sa kaniyang uniporme, ang kapelyan ay isang Imam, isang relihiyosong lider na Muslim. Sinasabi ng U.S. Defense Department na may 2,500 Muslim sa U.S. Army, bagaman iginigiit ng grupong Islamiko sa hukbo na ang tunay na bilang ay halos malapit na sa 10,000. Ang ilang Amerikanong sundalo ang iniulat na nakumberte sa Islam samantalang nakadestino sa Saudi Arabia noong panahon ng digmaan sa Persian Gulf. Ngayon, ang Budistang mga sundalo ay kumakandidato upang maging kanilang kapelyan ng hukbo.
Umuunti ang Bilang ng Maiilap na Kabayo
Ang maiilap na kabayo na tinatawag na lavradeiros ay malayang nakatatakbo sa tigang na rehiyon ng Lavrado sa hilagang Brazil. Ayon sa pahayagang Ciência Hoje ng São Paulo, ang mga ito ang pinakahuling maiilap na kabayo sa daigdig na walang anumang uri ng opisyal na pangangalaga ng gobyerno. Dahil sa pangangaso, crossbreeding, at pangongomersiyo, mabilis na umuunti ang bilang ng mga ito. Tinataya ng mga tao sa rehiyon ng Lavrado na ang bilang ng mga kabayo ay kasindami ng 3,000 ilang taon lamang ang nakalilipas; ngayon mayroon lamang 200. Ang lavradeiros ay di-pangkaraniwang palaanakin, matibay laban sa sakit, at mabibilis—ang mga ito’y nakatatakbo nang halos 55 kilometro bawat oras na tumatagal nang kalahating oras!
Mga Kabiguan sa Pag-aasawa sa Britanya
Ang kaayusan sa pag-aasawa ay nakararanas ng mga problema saanman sa Europa subalit marahil wala nang hihigit pa sa Britanya, ang natuklasan ng kamakailang surbey. Ang Eurostat, isang opisina sa estadistika para sa EU (European Union), ay sumubok na tantiyahin ang nag-iiba-ibang istilo ng buhay ng 177 milyong babae na namumuhay sa mga bansang miyembro ng EU. Sa katamtaman, 6.5 porsiyento ng kababaihan ang nagpapalaki ng mga bata na walang asawa, subalit sa Britanya ang promedyo ay mas mataas—10.1 porsiyento. Ang susunod na may pinakamataas na promedyo ay ang Alemanya, na may 7.7 porsiyento. Ang Britanong mga babae ay pangkaraniwang nag-aasawa nang mas bata kaysa ibang babae sa EU—bago sila umedad ng 24 na taóng
gulang. Ang bilang ng diborsiyo sa Britanya ang pinakamataas din.Manwal sa Pagpapatiwakal
Ang The Complete Manual of Suicide ang naging pinakamabiling aklat sa Hapón kamakailan; waring ito ang naging dahilan ng ilang kamatayan. Inilalarawan ng aklat ang 2,500 ektarya ng kagubatan ng Aokigahara sa paanan ng Bundok Fuji bilang ang “pinakaangkop na lugar” sa pagpapatiwakal. Sa loob ng tatlong buwan ng paglalathala, dalawang bangkay ang natagpuan sa Aokigahara; parehong taglay nila ang Manual. Ang isa pang muntik-muntikang magpapatiwakal ay dinampot ng awtoridad na nagpapagala-gala sa kagubatan na dala ang aklat. Sa pagtatapos ng Oktubre 1993, ang mga pagpapatiwakal sa Aokigahara ay tumaas na nang 50 porsiyento kaysa buong nakaraang taon. Gayunman, itinanggi ng awtor ng aklat ang anumang tuwirang kaugnayan sa pagitan ng pagpapatiwakal at ng kaniyang aklat. Sabi niya: “Sa pamamagitan ng aklat na ito, sinisikap kong gawing mas madali ang buhay sa pamamagitan ng paglalakip ng pagpapatiwakal bilang isa sa mapagpipilian sa buhay.”
“TV Bulimia”
Ayon sa kamakailang surbey, ang dumaraming bilang ng mga Italyano ay naaapektuhan ng “TV bulimia,” ang walang patumanggang pagnanais na manood nang manood ng mga programa sa telebisyon. Sa panahon ng sinuring linggo, 82 porsiyento ng mga Italyano ang nanood ng TV, “at ang mga nanonood ay nasa harapan ng telebisyon, sa pangkaraniwan, di-kukulangin sa limang oras” sa isang araw, ang pagtitiyak ng La Repubblica. Sa gitna ng apat- hanggang pitong-taóng-gulang, ang panonood sa TV ay tumaas nang 15 porsiyento kaysa nakalipas na taon. Subalit “ang sinusuring mga tao na may pinakamatinding TV bulimia ay ang mga tin-edyer at yaong mga hindi na nagpatuloy ng kanilang pag-aaral pagkatapos ng elementarya.” Ang mga tao ba’y higit at higit na nanonood ng TV dahil sa mas bumubuti ang TV? Ganito ang sabi ni Francesco Siliato, direktor ng surian na nag-analisa sa surbey: “Ang estadistika ay waring wala man lamang kaugnayan sa kalidad ng mga programang isinasahimpapawid.”
Isa pang Uri ng Panganib sa Trapiko
Ang responsableng mga magulang ay kumukuha ng makatuwirang mga pag-iingat kapag nagmamanehong kasama ng kanilang mga anak, may pag-iingat na sinisinturunan sila kahit sa sandaling pagpunta sa groseri. Subalit kakaunti ang nakapapansin ng mga panganib na kinakaharap ng mga bata minsang sila’y nakarating na sa tindahan. Sinabi kamakailan ng magasing Parents na noong 1991 halos 19,000 bata na wala pang limang taóng gulang ang kailangang isugod sa mga emergency room ng ospital sa Estados Unidos pagkatapos na mahulog sa mga grocery cart. Dahil dito, dalawa sa nangungunang gumagawa ng mga grocery cart ng bansa ang kamakailan ay sumang-ayon na maglagay ng mga seat belt para sa mga bata sa lahat ng kart na kanilang ipinagbibili sa New York at Texas. Ang mga paunawa sa mga kart ay nagbababala rin sa mga magulang na huwag iwan ang kanilang mga anak na walang bantay.
Mga Diin ng Huni ng Ibon
Masasabi ba ng isang ibon na ang isa ay mula sa ibang rehiyon sa pamamagitan lamang ng pakikinig sa paraan ng pag-awit nito? Iniuulat ng National Geographic na ayon kay Lance Workman, isang dalubhasa sa sikologo sa hayop sa University of Glamorgan sa Wales, na ito’y talagang totoo para sa mga ibong robin. Natuklasan ni Workman na nang kaniyang irekord at isalin sa kumakatawang mga larawan ang tono at kaayusan ng huni ng mga awitin ng mga robin, madali niyang makilala ang mga ito ayon sa rehiyon ng Inglatera na pinanggalingan ng ibon. Sa katunayan, nang marinig ng isang lalaking robin na mula sa Sussex ang inirekord na awitin ng isang lalaking ibon mula sa Wales, iniwagwag nito ang kaniyang mga balahibo nang pagalit at sinugod ang tape player!
Pagtuturo sa Ama
Ang Ministri ng Edukasyon sa Hapón ay naglunsad ng isang proyekto upang turuan ang Hapones na mga ama, na gumugugol nang 36 na minuto lamang sa isang araw sa kanilang mga anak. Ang ministri ay tumatangkilik ng “isang serye ng mga seminar tungkol sa ‘sambahayang edukasyon,’ na may layuning himukin ang mga ama na higit pang tumulong sa loob ng tahanan at gumugol ng higit pang panahon sa kanilang mga anak,” ulat ng Mainichi Daily News. Ang kurso, na binubuo ng limang sesyon na isa-at-kalahati hanggang dalawang oras bawat isa, ay gaganapin sa o malapit sa pinagtatrabahuhan sa maluwag na oras upang maging mas madali para sa mga ama na dumalo. Balintuna naman, kabilang sa unang nakinabang mula sa kurso ay ang mga ama na nagtatrabaho sa Ministri ng Edukasyon, na kilalang humihiling ng mahahabang oras ng pag-oobertaym.
Gawing Nakasisiya ang Pagbabasa
Ipinakikita ng estadistika na ang 2.9 na milyong adulto sa Canada ay hindi nakababasa “nang may kahusayan upang maunawaan ang materyal na masusumpungan sa pang-araw-araw na buhay,” ang ulat kamakailan ng The Toronto Star. Sa isang pagsisikap na sugpuin ang kamangmangan, ang Linggo ng Aklat ng mga Bata sa Canada ay nilayon upang pasiglahin ang “kagalakan at hilig sa pagbabasa.” Ang pagtuturo sa mga bata na maging mahilig sa pagbabasa sa panahon ngayon ng musika, telebisyon, at mga video ay hindi talaga gayong kadali. Ang pinakasusi ay magpasimula kapag nasa murang gulang pa ang mga bata at bawasan ang mga pang-abala. Sinipi ng pahayagan ang isang batang babae na sampung-taóng-gulang, na ipinagbili ng pamilya ang kanilang telebisyon, na ganito ang sabi: “[Ang pagbabasa] ay nakatutuwa at tinutulungan ako nitong matuto.” Sabi ng sampung-taóng-gulang na batang lalaki: “Ibig ko ang pagbabasa sapagkat ito’y gaya ng dungawan na nagbubukas sa iba’t ibang kaalaman.”