Higit Pa sa Isang Malupit na Kaaway
Higit Pa sa Isang Malupit na Kaaway
ANG walang tigil na kirot ay maaaring sumira sa mga buhay ng tao. Ninanakaw nito ang kanilang kapayapaan, kagalakan, at kabuhayan, ginagawa nitong napakamiserable ang buhay anupat ang ilan ay naghahangad ng ginhawa sa pamamagitan ng pagpapatiwakal. Ang medikal na misyonerong si Albert Schweitzer ay naghinuha: “Ang kirot ay isang mas kakila-kilabot na panginoon ng sangkatauhan kaysa kamatayan mismo.”
Literal na daan-daang milyong tao ang pinahihirapan nang husto. ‘Kung tayo ay mapatitigil sa isang walang-hanggang kalawakan sa itaas ng isang kalaliman kung saan ang mga tunog ng umiikot na lupa ay maririnig,’ sabi ng isang siruhanong Pranses, ‘maririnig natin ang likas na ugong ng kirot na ipinahahayag na parang isang tinig ng nagdurusang sangkatauhan.’
Oo, ang isinulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo mahigit nang 1,900 taon ang nakalipas ay lalong totoo sa ngayon: “Ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.”—Roma 8:22.
Pangunahing Suliranin sa Kalusugan
Isa sa 8 Amerikano ang dumaranas ng matinding kirot ng osteoarthritis, ang pinakakaraniwang uri ng arthritis. Higit pang mga tao ang pinahihirapan ng kirot sa likod. Pinagtitiisan naman ng iba ang makirot na mga epekto ng kanser at sakit sa puso.
Milyun-milyon pa ang pinahihirapan ng napakasakit na mga sakit ng ulo, sakit ng ngipin, sakit ng tainga, almoranas, at maraming iba pang mga sakit at mga pinsala. Hindi kataka-taka na sa isang taon kamakailan lamang, ang mga Amerikano ay gumugol ng $2.1 bilyon sa hindi inireresetang mga pamatay-kirot lamang, o ang kirot na iyon ay tinatawag na “natatagong epidemya ng Amerika.”
Si John J. Bonica, marahil ang pinakamagaling na awtoridad tungkol sa kirot, ay nagsabi: “Mula sa punto
de vista ng salapi, at mula sa punto de vista ng paghihirap ng tao, ang talamak na kirot ay mas matindi kaysa halos lahat ng iba pang problema sa pangangalagang-pangkalusugan na pinagsama-sama.”Isang Buhay na Walang Kirot?
Sa harap ng malupit na katotohanang iyon, maaaring magtinging pangahas na magmungkahi ng posibilidad ng buhay na walang kirot. Samakatuwid, ang sinasabi ng Bibliya ay para bang malayong mangyari, yaon ay: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon . . . ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:4.
Gayunman, ang posibilidad ng buhay na walang kirot ay hindi malayong mangyari. Subalit mag-isip sandali. Ano ba ang talagang ibig sabihin ng kasulatang iyan? May mga tao sa ngayon na hindi makaramdam ng kirot. Sila’y isinilang na walang pakiramdam. Sila ba’y dapat kainggitan? Ang dalubhasa sa anatomiya na si Allan Basbaum ay nagsabi: “Ang hindi pagkaramdam ng kirot ay isang malaking kapahamakan.”
Kung hindi mo maramdaman ang kirot, malamang na hindi mo mapansin na ikaw ay napaltos hanggang sa ito ay maging isang bakokang. Ayon sa isang balita, ang mga magulang ng isang batang babaing walang pakiramdam ay “kung minsan nakaaamoy na lamang ng isang nasusunog na laman at masusumpungan ang batang babae na nakasandal sa kalan.” Kaya nga, ang kirot ay higit pa sa isang malupit na kaaway. Maaari rin itong maging isang pagpapala.
Ano, kung gayon, ang tungkol sa pangako ng Bibliya: “Hindi na magkakaroon ng . . . kirot pa man”? Ito ba ang pangako na talagang nanaisin nating matupad?
Isang Buhay na Walang mga Luha?
Pansinin na ang konteksto ng talata ring ito ay nagsasabi: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 21:4) Ito’y makahulugan, yamang ang mga luha ay mahalaga. Ito’y nagsisilbing proteksiyon sa atin, kung paanong ang pagkadama ng kirot ay isang proteksiyon.
Pinananatiling basa ng mga luha ang ating mga mata at hinahadlangan ang pagkikiskis sa pagitan ng mata at ng talukap. Hinuhugasan din nito ang mga dumi sa ating mga mata. Isa pa, ito’y naglalaman ng isang antiseptikong tinatawag na lysozyme, na dinidisimpekta ang mga mata at hinahadlangan ang impeksiyon. Ang kakayahang lumuha sa gayon ay isang kahanga-hangang bahagi ng ating kagila-gilalas na idinisenyong mga katawan, gaya ng ating pagkadama ng kirot.—Awit 139:14.
Gayunman, ang mga luha ay nauugnay rin sa kalungkutan, dalamhati, at pagkayamot. “Gabi-gabi’y aking pinalalangoy ang aking higaan,” panangis ni Haring David noong panahon ng Bibliya. “Aking dinidilig ang aking hiligan ng aking mga luha.” (Awit 6:6) Kahit na si Jesus ay “lumuha” sa pagkamatay ng isang kaibigan. (Juan 11:35) Hindi orihinal na nilayon ng Diyos na ang tao ay lumuha dahil sa kalungkutan. Ang kasalanan ng unang tao, si Adan, ang may pananagutan sa di-sakdal, namamatay na kalagayan ng sambahayan ng tao. (Roma 5:12) Sa gayon, ang mga luha na bunga ng ating di-kasakdalan, namamatay na kalagayan ang mawawala na.
Yamang tinutukoy ng Bibliya ang isang uri ng luha na mawawala na, paano matutupad ang pangakong mawawala na ang kirot? Ang mga tao ba ay hindi na daranas, paminsan-minsan man lamang, ng kirot na magiging sanhi ng kalungkutan at pagluha?