Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lumulutang na mga Isla sa Lawa ng Titicaca

Lumulutang na mga Isla sa Lawa ng Titicaca

Lumulutang na mga Isla sa Lawa ng Titicaca

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PERU

MGA isla na lumulutang? Oo, ang mga isla sa kakaibang lawang ito sa Timog Amerika ay lumulutang. At ang mga tao ay nakatira sa mga ito.

Ang Lawa ng Titicaca, na humahangga sa Peru sa kanluran at Bolivia sa silangan, ay ang pinakamalaking lawa sa daigdig na nadaraanan ng malalaking bapor. Ito’y matatagpuan 3,810 metro ang taas mula sa antas ng dagat, ito’y umaabot sa 190 kilometro sa hilagang-kanluran hanggang timog-silangang direksiyon at mahigit na 80 kilometro ang magkabilang dulo sa pinakamalapad na hangganan.

Ang ilan sa maraming isla sa Lawa ng Titicaca ay lumulutang na tila mga banig ng tuyong totora, isang tulad-tambo na papyrus na tumutubo sa ilang mabababaw na lugar ng lawa. Ang mga tambo ay tumutubo mula sa pinakailalim ng lawa, lumalagos sa maraming talampakan ng tubig, at umaabot nang ilang talampakan sa ibabaw ng tubig. Upang magkaroon ng isla, ang mga tambo, habang ang mga ito ay nakaugat pa sa ilalim ng lawa, ay binabali at nilalala upang makagawa ng tulad dayaming entablado, o sahig, na nakalatag sa ibabaw ng tubig. Sa gayon ang mga tambo ay tinatambakan ng putik at pinatitibay ng karagdagang iba’t ibang sukat ng pinutol na tambo. Ang mga naninirahan ay tumitira sa mga kubong tambo na itinayo sa lumulutang na mga isla ng tambo.

Sinasabi ng The Encyclopædia Britannica na matagal nang naninirahan ang mga tao sa mga islang ito. Sinabi rin nito: “Ang mga nakatira sa lawa ay gumagawa ng kanilang kilalang mga balsa​—mga bangka na yari sa mga bungkos ng tuyong mga tambo na sama-samang tinali na katulad ng hugis-buwan na papyrus na bapor na inilarawan sa mga monumento ng sinaunang Ehipto.”

Kamakailan, ang mga Saksi ni Jehova ay nakabili ng isang bangka para sa pangangaral sa mga tao sa mga isla sa Lawa ng Titicaca. Ang bangka ay pinatatakbo ng motor na nasa labas ng pinakakatawan ng bangka at makapaglululan ng 16 na tao. Kapag ang mga Saksi ay naglalakad mula sa isang bahay tungo sa isang bahay sa mga islang ito ng tambo, sinasabi nila na bahagyang gumagalaw ang tinutuntungan. Nakatutuwa naman, ang mensahe ng Kaharian ng Diyos ay nakararating na ngayon maging sa mga tao sa malalayong isla na lumulutang!