Malapit na ang Buhay na Walang Kirot!
Malapit na ang Buhay na Walang Kirot!
ANG masalimuot na mga mekanismo ng katawan na nagsasanggalang sa atin mula sa pinsala ay tunay na kagila-gilalas. Ang pag-aaral tungkol dito ay dapat na mag-udyok sa atin na purihin ang Maylikha, gaya ng ginawa ng salmista ng Bibliya na sumulat: “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan.” (Awit 139:14) Tunay, ang Diyos lamang ang makagagawa ng buhay na walang kirot! Subalit paano ito matutupad?
Pansinin na bago banggitin ang pangako na aalisin ang kirot at mga luha, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:1, 4) Mangyari pa, hindi tinutukoy ng Bibliya ang ating literal na langit at lupa na lumilipas. Bagkus, sinasabi nito, sa maikli, na isang ganap na bagong sistema ng mga bagay ang hahalili sa kasalukuyang sistemang ito. Oo, gagawing posible ng isang bago, nakahihigit sa taong pamahalaan na tamasahin ang isang buhay na walang kirot dito mismo sa lupa.
Sa paglalarawan sa pamahalaang ito, ang Bibliya ay nagsasabi na “ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian [o, pamahalaan] na . . . dudurugin at wawasakin ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Nang si Jesu-Kristo ay nasa lupa, tinuruan niya tayong ipanalangin ang pamahalaan ng Kahariang ito nang sabihin niya: “Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.”—Mateo 6:9, 10, King James Version.
Paano, kung gayon, mangangahulugan ng isang buhay na walang kirot para sa iyo ang katuparan ng panalanging iyan?
Isang Pinuno na May Kapangyarihang Nakahihigit sa Tao
Ang susi ay nasa karunungan at kapangyarihan ng isa na pinili ng Diyos na magpuno sa Kaniyang pamahalaan. Ang isang iyon ay si Jesu-Kristo mismo. Tungkol sa kaniya, isang hula sa Bibliya ang nagsasabi: “Ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat . . . Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:6, 7, KJ.
Ang karunungan ni Jesus, ngayo’y nasa langit, ay makapupong higit kaysa lahat ng makalupang mga manggagamot. Lubusan niyang nauunawaan ang mga pagkilos ng ating pisikal na katawan, pati na ang mga sistema nito sa pangangalaga sa sarili mula sa pinsala. Nang siya ay isang tao sa lupa mahigit na 1,900 taon ang nakalipas, walang sakit o karamdaman na hindi niya kayang pagalingin. Sa gayo’y ipinakita niya kung ano ang gagawin niya nang malawakan bilang Pinuno ng Kaharian ng Diyos. Sa isang pagkakataon, ang Bibliya ay nagsasabi:
“Nang magkagayon malalaking pulutong ang lumapit sa kaniya, na kasama nila ang mga taong pilay, baldado, bulag, pipi, at maraming iba pa, at sila ay halos ipinaghagisan nila sa kaniyang paanan, at pinagaling niya sila; anupat ang pulutong ay namangha habang nakikita nila ang pipi na nagsasalita at ang pilay na naglalakad at ang bulag na nakakakita.” (Mateo 15:30, 31) Kabilang sa mga sakit na pagagalingin ni Jesus sa pamamahala ng kaniyang Kaharian ay ang kakila-kilabot na sakit na iyon, ang talamak na kirot.
Oo, anong kamangha-manghang pagpapala nga iyon! At ito ay hindi mangyayari alang-alang lamang sa iilan. Ang pangako ng Maylikha ay: “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ” (Isaias 33:24) Pagkatapos, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, matutupad ang pangakong, “hindi na magkakaroon . . . ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:4.
Sa ilalim ng maluwalhating pamamahala ng Kaharian ni Kristo, ang marami sa mga mekanismo ng ating katawan, pati na yaong nagsasanggalang sa atin mula sa pinsala, ay kikilos nang may kasakdalan sapagkat naalis na ang minanang kasalanan. Ang sistema ng alarma ng ating katawan ay hindi na muling magiging isang tagapagpahirap. Nakatutuwa naman, ayon sa mga hula ng Bibliya na ngayo’y natutupad, tayo ay nasa mismong bungad na ng bagong sanlibutang iyon, kung saan ang kirot ay hinding-hindi na magdudulot ng paghihirap.—Mateo 24:3-14, 36-39; 2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:11-13.
Maaari mong tamasahin ang buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos kapag ang uri ng kirot na ngayo’y sumasalot sa milyun-milyong tao ay hindi na iiral. Ngunit mayroon kang dapat gawin. Binanggit ni Jesu-Kristo ang mahalagang kahilingan nang sabihin niya sa panalangin sa Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Ang mga Saksi ni Jehova ay maliligayahang tumulong sa iyo sa pagkuha ng mahalagang kaalamang ito. Hilingin lamang ang isa sa kanila sa inyong lugar, o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito, na ipinahahayag ang iyong pagnanais na magkaroon ng isang pag-aaral sa Bibliya sa inyong tahanan o sa anumang ibang kombinyenteng dako. Saka gagawa ng mga kaayusan para sa iyo na matuto nang higit tungkol sa mga layunin ng Diyos para sa mga tao na magtamasa ng buhay na walang kirot.