Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Homoseksuwal na mga Klero
Sa loob ng maraming taon ang sinodo ng Evangelical Lutheran Church ng Hannover, Alemanya, ay nagpahintulot sa mga homoseksuwal na maglingkuran bilang mga miyembro ng klero hangga’t wala silang homoseksuwal na kapareha. Subalit ayon sa lathalaing The Week in Germany, ang pagtatanggal sa isang aktibong homosekso sa kaniyang mga tungkulin bilang klero mahigit na tatlong taon na ang nakalipas ay lumikha ng malaking usapin. Ang mga awtoridad sa Hannover, ayon sa The Week, ay sumang-ayon kamakailan sa panukalang nagsasaad na ang “mga pastor at ang kanilang mga kasama ‘na nakikisama sa kanilang homoseksuwal na mga kapareha’ ay makapagtatrabaho sa simbahan, lakip na ang pagiging pastor.”
Mga Aksidente sa Dugong may AIDS
Hinilingan kamakailan ng Health and Welfare Ministry ng Hapón ang mga ospital na magpadala ng mga ulat hinggil sa kalimitan ng mga aksidente sa dugo na nahawahan ng HIV na kinasasangkutan ng medikal na mga manggagawa. Ang interes ay lalo nang nauukol sa mga aksidente sa nakalipas na sampung taon. Ayon sa The Daily Yomiuri, ang 276 na ospital na tumugon ay nag-ulat na ang “kabuuang bilang ng mga aksidente sa mga pang-iniksiyon ay 12,914, na may 2,997 kaso ng aksidenteng pagkahawa sa dugo.” Sa mga ito, ang mahigit sa sandaang kaso ang nagsasangkot sa dugong may HIV. Ang lahat ng biktima ng mga aksidenteng ito ay nasuring negatibo sa HIV, ang virus na sanhi ng AIDS.
Kanser—Isang Nagbabantang Panganib
Isang pagsusuri ng Skin and Cancer Foundation sa Australia ang nagsiwalat na ang kanser sa balat ang sa ngayo’y pinakakaraniwang anyo ng kanser sa bansang iyon. Tinataya na sa bawat taon may halos 1,000 Australiano ang namamatay dahil sa kanser sa balat. Ayon sa The Daily Telegraph Mirror ng Sydney, Australia, sinabi ng pagsusuri na “ang pagwawalang-bahalang saloobin ng maraming Australiano sa pangangalaga sa kanilang balat laban sa sobrang pagbibilad sa araw sa nakalipas ang lumikha ng nagbabantang panganib.” Ang karamihan ng mga biktima sa ngayon ay ang mahihilig magbilad sa araw na mga tin-edyer ng dekada ng ’60, ’70, at ’80.
Tulong Para sa mga may Insomniya
Tinipon ng mga mananaliksik sa Harvard Medical School ang isang talaan ng mga mungkahi para sa mga taong nagkakaroon ng malubhang suliranin sa pagtulog. Ayon sa The Harvard Mental Health Letter, isang pangkat ng mga pasyente na nangangailangan ng halos 80 minuto upang makatulog ang nakaranas ng kapansin-pansing pagbuti. Pagkatapos na subukin ang paggamot sa loob ng ilang linggo, “gumugol lamang sila ng katamtamang labinsiyam na minuto upang makatulog (75% kabawasan),” sabi ng sulat. Lakip sa iminungkahing mga paraan ay: Iwasang matulog nang mahigit sa pitong oras; iwasang humiga nang mahigit sa isang oras na lampas sa katamtamang oras ng iyong pagtulog; bumangon sa gayunding oras araw-araw, pati kung dulo ng sanlinggo; mahiga lamang kung inaantok; at kung hindi ka makatulog sa loob ng 20 minuto pagkahiga mo, bumangon ka at gumawa ng bagay na makapagpapahingalay sa iyo hanggang sa maantok ka muli.
Mga Perlas na Kometa
Isang kumpol ng mahigit na 20 piraso ng kometa, na lumitaw sa mga kuha ng teleskopyo na gaya ng kuwintas na mga perlas, ang bumabangga sa planetang Jupiter, ulat ng The Washington Post. Ang mga tipak ng kometa, ang ilan marahil ay maaaring sumukat ng tatlong kilometro buhat sa magkabilang dulo, kung sama-sama ay tinatawag na Shoemaker-Levy 9, ipinangalan sa mga nakatuklas dito. Ipinalalagay ng mga siyentipiko na ang waring kuwintas na kometa ay nalikha nang ang nag-iisang kometa ay napira-piraso ng mga puwersa dahil sa grabidad habang ito’y napadaan kamakailan sa Jupiter. Ang lakas ng pagbangga ng mga piraso ng kometa, isang di-pangkaraniwang pangyayari sa mga nagmamasid, ay magaganap sa loob ng ilang araw sa dulo ng Hulyo 1994. Bagaman ang pagbangga ay magaganap sa bandang likuran ng Jupiter, ang mga pagkislap ng liwanag ay makapagpapaliwanag sa mga buwan ng Jupiter at maaaring makita mula sa Lupa sa pamamagitan ng mga teleskopyo.
Karahasan Laban sa mga Babae
Isiniwalat ng kamakailang surbey na 51 porsiyento ng mga babae sa Canada na 16 na taóng gulang o mahigit pa ay naging mga biktima ng pandarahas ng mga lalaki nang minsan sa kanilang buhay bilang adulto, ayon sa The Globe and Mail. Iyan ay katumbas ng mahigit na limang milyong kababaihan. Iniulat ng pahayagang ito sa Canada na halos kalahati ng kababaihan na kinapanayam ang nagsabi na ang pandarahas ay mula sa “mga boyfriend, mga asawang lalaki, mga kaibigan, mga miyembro ng pamilya o ibang mga lalaki na kilala nila.” Sampung porsiyento ng mga babaing sinurbey ay nabiktima sa nakalipas na taon lamang, at halos 1 pagsalakay sa 5 ay malubha upang maging sanhi ng pisikal na pinsala. Iniulat ng maraming babae na sila’y itinulak, sinunggaban, isinalya, sinampal, sinipa, kinagat, o sinuntok ng kani-kanilang mga asawang lalaki o mga kinakasamang lalaki.
Niwalang-bahala ang Libu-libong Halaman
“Libu-libong uri ng halaman ang ginamit na pagkain ng tao sa kasaysayan, subalit ngayon halos 150 na lamang ang itinatanim at hindi pa hihigit sa tatlo ang nagtutustos ng
halos 60 porsiyento ng mga calorie at protina na nakukuha mula sa mga halaman,” sabi ng UN Food and Agriculture Organization. Pinatunayan ito ng mga pagsusuri ng internasyonal na agrikultura. Ang mga tao ay patuloy pa ring gumagamit ng kanilang pangkaraniwang pangunahing pagkain—bigas, mais, at trigo—niwawalang-bahala ang libu-libong iba pang masusustansiyang halaman na masusumpungan sa kalikasan.May Kaunting Kakayahan sa Kanila Mismong Buhay
Sa kabila ng kamakailang mga pagbabago na panig sa demokrasya, 90 porsiyento ng populasyon ng daigdig sa ngayon ang walang magawa sa mga salik na humuhubog sa kanilang mga buhay. Ganiyan ang hinuha ng Human Development Report 1993, inilabas ng UN Development Program (UNDP). Ang dating administrador ng UNDP na si William Draper, sa isang pambungad ng ulat, ang nagsabi na ang buhay ng karamihan ay hinuhubog pa rin ng patuloy na “pakikipagpunyaging maabot ang karaniwang mga pagkakataon sa buhay—lupa, tubig, trabaho, tirahan at pangunahing panlipunang mga paglilingkod.” Sinasabi ng ulat na ang “etnikong mga minorya, ang mahihirap, mga nakatira sa lalawigan, mga babae, at ang mga may kapansanan ay kalimitang may kakaunting kapangyarihan na baguhin ang kanilang mga buhay.”
Pambulsang Video ng Rosaryo
Isang Italyanong Katolikong pari ang nagpatente ng isang elektronikong video ng Rosaryo na kumpleto sa musika at gumagalaw na relihiyosong mga imahen. Ayon sa pahayagang Il Resto del Carlino sa Bologna, ang kagamitan, na pinagagana ng baterya, ay “simple at madaling gamitin (kasyang-kasya sa bulsa o handbag).” Para sa mga nagnanais na umusal ng mga dasal habang nagmamaneho, mayroon ding “pantanging adapter na maisasaksak sa nakakabit na pansindi ng sigarilyo sa kotse.” Ang isang mananampalataya ay makapipili ng bahagi ng Rosaryo na ibig niyang usalin. Halimbawa, ang buton para sa “Ave Maria” ay nagpapangyari sa gumagamit na sumunod nang baitang-baitang sa iba’t ibang yugto ng panalangin, na kung saan makikita ang mga salita sa screen. “Kung sakaling mapagod ang isa bago niya matapos ang lahat ng panalangin,” sabi ng Il Resto del Carlino, maisasara niya ang kagamitan at, dahil sa elektronikong memorya nito, ay “makapagpapatuloy siya kung saan siya huminto kapag binuksan niya ito muli.”
Ang Pinakamalamig na Lugar sa Uniberso
Ang pinakamalamig na temperatura sa buong uniberso na nasukat kamakailan ay 0.000,000,000,28 Kelvin. Ang napakababang temperaturang ito ay ang napakaliit na bahagi ng isang digri sa itaas ng absolute zero. Saan naranasan ang napakalamig na temperaturang ito? Sa Nordikong bansa ng Finland, ayon sa magasing New Scandinavian Technology. Subalit, karamihan ng mga tao sa Finland ay walang-malay sa pangyayaring ito, yamang ang mababang temperatura ay artipisyal na naabot sa Low Temperature Physics Laboratory sa Helsinki University of Technology. Hindi pa kailanman naabot ng mga siyentipiko ang absolute zero, na inilarawan sa New Scandinavian Technology bilang “ang temperatura na nagtatanda ng kawalan ng lahat ng thermal na pagkilos sa mga atomo mismo.”
Kahalagahan ng Bintana
Ayon sa isang pagsusuri ng mga mananaliksik sa University of Michigan, E.U.A., ang mga empleadong nagtatrabaho kung saan may nadurungawan ay mas mahusay ang paggawa. Salungat sa karaniwang paniniwala, ang pagkakaroon ng bintana ay hindi naman humihimok sa pananaginip nang gising. Iniuulat ng magasing Business Week na isiniwalat ng isang 1,200-kataong surbey na “ang mga nagtatrabaho na may natatanaw sa labas ay nagpapakita ng higit na sigasig sa kanilang trabaho, di-gaanong nasisiphayo, may higit na pagtitiis, higit na nakapagtutuon ng isip, at mas kakaunti ang sakit.” Sa kabaligtaran, ang mga manggagawa na nasa walang bintanang mga silid ay malamang na maging “di-gaanong palaisip at higit na maligalig” at higit na nahihirapang magtuon ng isip.
Nakapagpapatalinong mga Laruan
“Napakaraming mga laruang nakapagtuturo ang naipagbili yamang ipinagpapalit ng mga magulang ang basta nakasisiyang laro para sa panghinaharap na bentaha ng pakikipagkompetensiya,” sabi ng The Globe and Mail, isang pahayagan sa Canada. Sinabi pa ng ulat na ang ilang magulang ay nagbabawal pa man din sa kanilang mga anak mula sa paglalaro ng mga laruan na “nakatutuwa lamang paglaruan. Sa halip, ibig nila na ang bawat sandali ng paglalaro ay malipos ng mga bagay na nagtuturo ng mga kasanayan.” Samantalang marami ang naniniwala na ang kausuhang ito ay makapagdudulot sa mga bata ng higit na talino at mas mahusay na kakayahan, hindi sumasang-ayon ang ilang dalubhasa. Inaakala nila na ang pag-aalis sa mga bata ng mahalagang di-isinasaayos na paglalaro ay makasusugpo ng kanilang pagkamapanlikha “anupat higit silang hindi gaanong matututo sa bandang huli,” sabi ng pahayagan.
Dumarami ang Panunulisan sa Dagat
Ang nakahimpil sa London na International Maritime Organization, isang ahensiya ng United Nations na sumusugpo sa panunulisan sa dagat at panloloob sa mga barko, ay nag-uulat na ang panunulisan sa dagat ay “dumami nang husto sa nakaraang mga taon sa bilang at pagmamalupit sa mga tripulante.” Bagaman ang karamihan sa 400 iniulat na mga pangyayari ng panunulisan ay naganap sa Strait of Malacca sa Timog-silangang Asia, ang mga pirata ay umaali-aligid din sa kahabaan ng kanlurang baybayin ng Aprika at sa hilaga-silangang baybayin ng Timog Amerika. Ang panunulisan sa dagat, ang ulat ng magasing UN Chronicle, “ay nagbabanta na maging pambuong daigdig na problema.”