Pagsinghot ng Rugby—Talaga Bang Makapipinsala Ito sa Akin?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Pagsinghot ng Rugby—Talaga Bang Makapipinsala Ito sa Akin?
“ANG galing nito—para bang nanonood ka ng mga cartoon.” Ganiyan ang sinabi ni Sveta, isang 13-taóng-gulang na batang babae mula sa Moscow, Russia. a Subalit hindi ang pinakabagong pelikula o video ang kinalolokohan ni Sveta. Inilalarawan niya ang kaniyang karanasan sa isang anyo ng pag-abuso sa droga na palasak sa libu-libong kabataan sa ngayon—pagsinghot ng rugby.
Kaya, ang rugby ang isa sa maraming materyal na sinisinghot ng mga kabataan. Halimbawa, sa Britanya ang mga air freshener, likido sa lighter, at “20 hanggang 30 iba pang pangkaraniwang mga gamit sa bahay ang . . . inaabuso,” ayon sa magasing Young People Now. Lakip na rito ang “mga isprey na pampaginhawa, pambarnis sa muwebles, at mga gamit sa pagkukumpuni ng mga gulong.” Aba, sinisinghot pa nga ng ilang kabataan ang usok ng fire-extinguisher! Kaya naman mas tumpak na tawagin ang masama subalit popular na bisyong ito na “pag-abuso sa solvent” o “pag-abuso sa sumisingaw na materyal,” gaya ng tawag ng ilang dalubhasa rito.
Alinman sa ang kanilang inaabuso ay ang rugby o pambarnis ng muwebles, iisa pa rin ang hinahanap na resulta ng mga sumisinghot. Ayon sa isang pinagkunan ng impormasyon, ibig nila na “maging ‘high’ gaya ng pagkalasing na dulot ng alak.” Ang mga solvent ay mura at mas madaling makuha kaysa mahirap makuhang mga drogang gaya ng cocaine. Kaya ang magasing New Scientist sa Britanya ay nag-ulat: “Ang mga solvent ang minsan pang naging droga ng mahihirap, mga kabataan at mga pinagkaitan: ang mga batang lansangan sa Guatemala at mga nakatira sa malalawak na itinakdang lugar sa Hilagang Amerika, gayundin ang mga kabataang nakatira sa mga dormitoryo at mga bahay-tuluyan sa Britanya.” Ipinalalagay ng ilang awtoridad na sa Britanya, 1 sa 10 tin-edyer na mga babae at mga lalaki ang sumisinghot ng mga solvent. At ang mga epekto ay walang iba kundi pinsala lamang.
Ang buklet na Drug Misuse ay nagpapaliwanag na “ang nalanghap na singaw ng solvent ay nasisipsip ng mga baga at mabilis na nakararating sa utak.” Ang solvent ay nakaaapekto sa sentral na sistema nerbiyosa, at gaya ng alkohol, ang mga ito ay makapagdudulot ng pansamantalang labis na kaligayahan. Sa ilang gumagamit, ang mga ito’y nagdudulot pa ng sari-saring panandaliang mga guniguni—at hindi lahat ay kasiya-siya gaya ng inilarawan ni Sveta na nabanggit sa pasimula. “Nakakita ako ng napakaraming daga,” sabi ng isang kabataang nagngangalang David na sumisinghot ng rugby sa edad na 14. “Libu-libong daga—lumalabas ang maliliit mula sa malalaking daga. Akala ko ay kinakain ng mga ito ang aking kaibigan.” Isang kabataang Hapones na nagngangalang Kazuhiko, na nagsimulang suminghot ng rugby sa edad 17, ang may ganitong gunita: “Nakita ko ang lupa na bumubuka at sinasalakay ako ng mababangis na hayop.”
Kung gayon, bakit nakaaakit sa ilang kabataan ang pagsinghot ng solvent? Si Lee, na nagsimulang suminghot ng rugby nang siya’y 13, ay nagsabi: “Unang-una, ang dahilan kung bakit ginagawa ng mga tao ito ay upang takasan ang katotohanan.” Oo, para sa ilang kabataan, ang pagiging high sa
mga solvent ay ang paraan upang makalimutan ang mga problema. Ang iba ay naghahangad ng kasiyahan; iniisip nila na ang nakatatakot na guniguni ay gaya ng nakaaaliw na pelikulang horror. “Lakip sa iba pang dahilan,” sabi ng Departamento ng Kalusugan sa Ireland, “ay ang pag-uusyoso, pagtugon sa panggigipit ng mga kaibigan, pagsisikap na tumaas ang kalagayan sa buhay, upang tumbasan ang mababang paggalang sa sarili at pagkadama ng kawalang kakayahan.”Biglang Pagkamatay
Gaano man ito kahali-halina, ang pagsinghot ng solvent ay nakamamatay na gawain! Ito ang sanhi ng 149 na pagkamatay sa Britanya noong 1990, at kung minsan ito ay pumapatay sa loob lamang ng mga minuto. “Biglang pagsinghot ng kamatayan” ang tawag dito. Halimbawa, ibinubuhos ni Rachel ang likidong pambura sa makinilya sa kaniyang manggas at sinisinghot ito sa paaralan. Isang araw sininghot niya ito habang nakasakay sa bus. Bumaba siya ng bus at nahulog. Tumayo siya sandali at bumagsak muli—patay! Si Rachel ay 15.
Lalo nang nakatatakot ay ang bagay na ang mga solvent ay maaaring pumatay sa iyo sa unang pagkakataon na abusuhin mo ang mga ito! Ang Re-Solv, isang institusyon ng kawanggawa sa Britanya na itinatag upang sugpuin ang pag-abuso sa solvent, ay nag-uulat na “18% ng lahat ng namatay dahil sa pag-abuso sa solvent sa pagitan ng 1971 at 1989 ay mga ‘sumisinghot’ sa unang pagkakataon.” Ang pinakabatang namatay ay siyam na taóng gulang lamang. Tulad ng pag-abuso sa alkohol, ang pag-abuso sa solvent ay masasabing kumakagat na ‘parang ahas, at tumutukang parang ulupong.’—Kawikaan 23:32.
Ang mga sumisinghot ay maaari ring mamatay bunga ng mga aksidente na nangyayari habang sila’y nasa ilalim ng impluwensiya ng mga solvent. Ang ilan ay nahulog sa mga gusali o nalunod. Ang iba ay nawalan ng malay at nabulunan ng sarili nilang suka. Ang iba ay namatay pa nga dahil sa pagsinghot na ang kanilang mga ulo ay nakakulong sa supot ng plastik; langung-lango na sila para alisin pa ang supot, anupat sila’y hindi nakahinga. Ang iba naman ay nasunog hanggang sa mamatay nang magningas ang mga solvent.
Dumi sa Katawan at Iba pang Panganib
Bagaman ang gayong nakabibiglang mga pangyayari ay hindi naman nararanasan ng lahat, isang dalubhasa ang sumulat: “Batid ng palaging nag-aabuso na kaniyang ‘dinudumhan’ ang kaniyang sistema at nakararanas siya ng pananakit ng dibdib, pagkawala ng timbang, pananakit ng ulo, pagkawala ng memorya at napakaraming iba pang sintoma na bihira niyang amining taglay niya.” Ganito ang paggunita ni Lee (sinipi kanina): “Naranasan ko ang pinakamatinding sakit ng ulo sa buong buhay ko.” Sinasabi ng samahang Re-Solv na ang pagsinghot
ng mga solvent ay makapipinsala rin sa mga bato at atay, makasisira ng isip, at maaaring maging sanhi ng panlulumo.At nariyan din ang mga panganib sa moral. Ang ilang sumisinghot ay naging mga magnanakaw upang suportahan ang kanilang bisyo. O isaalang-alang ang iniulat ng Daily Yomiuri sa Hapón: “Isa sa tatlong kabataang ipinagsakdal sa salang pagpatay sa isang tin-edyer na babae ay [nagsabi] na hindi siya nakadama ng pagkakasala habang kaniyang pinapatay ang babae sapagkat siya’y nasa ilalim ng impluwensiya ng [mga solvent] sa pagkakataong iyon.”
Sa wakas, ang pag-abuso sa solvent ay maaaring magbunga ng pagdepende sa mga solvent bilang pantulong sa emosyon—pagkasugapa. “Ang halos 10% ng mga nag-abuso sa solvent ay naging talamak na mga sumisinghot,” sabi ng Glasgow Herald sa Scotland. Ito’y makahahadlang lamang sa emosyonal at espirituwal na pagsulong ng isa. Isaalang-alang ang mga salita ng Bibliya sa 1 Corinto 14:20: “Huwag kayong maging maliliit na bata sa mga kakayahan ng pang-unawa, kundi . . . maging lubos-ang-laki sa mga kakayahan ng pang-unawa.” Paano nga lumalaki ang isa sa bagay na ito? Ang Bibliya ay nagpapaliwanag sa Hebreo 5:14: “Ngunit ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong maygulang, doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” Hindi napasusulong ng isang sugapa ang kaniyang kakayahan sa pang-unawa. Sa halip na harapin ang mga problema, sinisikap niyang takasan ang mga ito sa pamamagitan ng nakapagpapalangong droga. Sinabi ng magasing Young People Now na ang talamak na mga sumisinghot ay “nakulong sa pagkatin-edyer—hindi makasulong sa pagka-adulto.”
Huwag Mong Subukin Ito!
Maaaring may kilala kang mga kasamahan na sumubok na suminghot ng solvent, at likas lamang na maging mapag-usisa. Subalit ang Bibliya ay nagsasabi: “Linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan na nasa pagkatakot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Bakit ka mag-eeksperimento ng isang bagay na magpaparumi ng iyong katawan o magpapangyari sa iyo na mawalan ng kontrol ang iyong isip, kahit panandalian lamang? Ang payo ng Salita ng Diyos ay ating “panatilihin ang ating katinuan.” (1 Tesalonica 5:6) Ang mga salitang ito ay literal na nangangahulugang “nawa’y maging matino tayo.” Sa halip na dumhan niya ang napakahalagang mga kakayahan sa pag-iisip, may katalinuhang iniingatan ng isang Kristiyano ang mga ito.—Kawikaan 2:11; 5:2.
Sabi ni Kazuhiko: “Pinagsisisihan ko na nasimulan ko ang bisyong ito.” Si Lee ay sumasang-ayon, sa pagsasabing: “Napakahangal nito. Ito’y labis na napakamapanganib na bagay na gawin.” Ingatan mo ang iyong sarili sa napakaraming kirot at kapighatian, at huwag mo man lamang subukin na suminghot ng solvent. Gumawi nang gaya ng sinabi ng Bibliya: “Ang pantas na tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli, ngunit dinadaanan ng walang karanasan at nagtitiis.”—Kawikaan 22:3.
Gayunman, hindi madali ang pagkakapit ng payong ito. “Ang panggigipit ng mga kasamahan” ang di-umano’y isa sa pinakakaraniwang dahilan kung bakit ang mga kabataan ay nasisilo sa pag-abuso sa solvent. “Ang aking kuya ang humikayat sa akin na suminghot ng rugby,” sabi ng kabataang si David. “Ang aking mga kaibigan ang unang nagpakilala sa akin nito,” sabi pa ni Kazuhiko. Oo, gaya ng sabi ng 1 Corinto 15:33, “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” Bakit mo hahayaang sirain ng iyong mga kasama ang iyong buhay? Ang Diyos na Jehova, ang ating makalangit na Ama, ay nagpapayo: “Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan.”—Kawikaan 1:10.
Matalino nga, ipaalam mo sa iyong mga magulang kapag ginigipit ka ng iba na gumamit ng mga droga. Sila’y makatutulong sa iyo na patibayin ang iyong pasiyang tumanggi. Sa kabilang panig, marahil ikaw ay natutuksong sumubok na suminghot ng solvent sapagkat nagigipit ka o nalilipos ka ng mga problema. Ang mas mabuting tulong sa kaigtingan ay ipakipag-usap mo ang iyong mga problema sa iyong mga magulang o sa ibang maygulang, may empatiyang adulto. Kailangan mo ng patnubay, hindi isang pagtakas sa pamamagitan ng mga droga. Ikaw ay maaari ring makinabang sa paglalaan ng panalangin upang matulungan kang magbata. “Magsitiwala kayo sa [Diyos] buong panahon,” sabi ng salmista. “Buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya.”—Awit 62:8.
Ang pagsinghot ng solvent ay maaaring nakasisiya, subalit hindi nito malulutas ang iyong mga problema. Ang totoo, maaari nitong sirain ang iyong buhay. Maging matalino. Huwag na huwag mo itong subukin.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan ay pinalitan.
[Larawan sa pahina 13]
Huwag hayaang ang panggigipit ng mga kasamahan ang umakit sa iyo sa isang nakamamatay na gawain