Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Walsingham—Ang Kontrobersiyal na Banal na Lugar sa Inglatera

Walsingham—Ang Kontrobersiyal na Banal na Lugar sa Inglatera

Walsingham​—Ang Kontrobersiyal na Banal na Lugar sa Inglatera

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

ANG Walsingham, isang napakagandang nayon sa Norfolk County, Inglatera, ay tumatanggap ng hanggang 100,000 peregrino sa isang taon na dumadalaw sa banal na mga lugar ng Our Lady of Walsingham. Ang isang banal na lugar ay itinataguyod ng mga Romano Katoliko, at ang isa pa ay itinataguyod ng Church of England. Ito’y humantong sa isang kontrobersiyal na kalagayan.

“Ang Pambansang Peregrinasyon sa Walsingham ay naging isang napakasaklap na karanasan nito lamang ilang taon,” ang sulat ng klero ng Church of England sa Church Times. “Ang prusisyon ng mga peregrino . . . ay sinalubong ng malalakas at nagngangalit na sigaw ng . . . dumaragsa at napaka-organisadong grupo ng mga nagpoprotesta.”

Bakit sila nagpoprotesta? “Ang isinasagawa rito sa pangalan ng Kristiyanismo ay walang ipinagkaiba sa paganismo,” ang pahayag ng mga nagpoprotesta laban sa banal na lugar ng Church of England, “isang tahasang pagdusta sa Katotohanan, kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos at isang matinding pag-upasala sa ating protestanteng pamana.”

Sa Inglatera, bihirang pagmulan ng gayong silakbo ng galit ang relihiyon. Ano ba ang nasa Walsingham na pinagmumulan ng gayong matinding galit? Ang paggunita sa kasaysayan ng banal na mga lugar ang makatutulong sa inyo na maunawaan ito.

Protestante Laban sa Katoliko

Bago pa ang Repormasyon noong ika-16 na siglo, ang Inglatera ay Romano Katoliko at may ipinagmamalaking maraming banal na mga lugar. Ang isa sa pinakamatanda ay ang Walsingham, ang pangunahing banal na lugar ng Birheng Maria sa bansa. Ito’y nagsimula noong taóng 1061 nang ang asawa ng isang panginoon sa Walsingham ay nagtayo ng bahay sa nayong ito. Ayon sa alamat, ang mga detalye sa pagtatayo nito ay ipinagkaloob sa isang pangitain, na ipinalalagay na ito’y katulad ng bahay sa Nazareth na tinirhan ni Maria, ang ina ni Jesus. Noong Edad Medya, ang banal na lugar na ito para kay Maria ay hinangaan ng buong daigdig at naging popular.

Kapuwa ang mga hari at karaniwang mga tao ang nagkukulumpunan sa Walsingham. Ano ang umaakit sa kanila? Bukod sa kahoy na imahen ni Maria na ang sanggol na si Jesus ay nasa kaniyang tuhod, ang mga indulhensiya at mga relikya ay mabibili, at ang mga sakit ay iniulat na napagaling doon. Makikita rin ng mga peregrino ang “himala” ng Walsingham, isang maliit na bote na ipinalalagay na naglalaman ng ilang tumigas na patak ng gatas ni Maria. Ang ilang dumadalaw ay naniniwala na ang laman ay yeso lamang o puting tingga, samantalang pinag-alinlanganan ni Erasmus, iskolar sa Bibliya, ang pagiging totoo ng relikya, na para sa ilan ito ay tulad ng pinitpit na yeso na tinimplahan ng puti ng itlog.

Bakit ang bantog na repormador na gaya ni Erasmus ay dumalaw sa Walsingham? Marahil upang tuparin ang isang panata. Bagaman inilarawan niya ang banal na lugar nang detalyado, ang “kaniyang pag-uyam sa buong paraan ng pagsamba ay labis na hindi kasiya-siya,” sabi ng The Catholic Encyclopedia. Si Erasmus ay sumulat “sa mapang-uyam at naghihinalang paraan,” paliwanag ng mananalaysay na si Frederic Seebohm, na nagsabi pa na walang patotoo “na siya mismo ay isang mananamba ng Birhen o isang mananampalataya sa bisa ng mga peregrinasyon sa banal na lugar ni Maria.”

Noong panahon ng Repormasyon inalis ng bagong katatatag na Church of England ang relihiyong Romano Katoliko. Noong taóng 1538, ang banal na lugar ng “Witch of Walsingham,” gaya ng dating pagkakilala sa kaniya, ay niwasak sa utos ni Haring Henry VIII, ang pinuno ng humiwalay na iglesya, at ang lugar ay ipinagbili. Ang estatuwa, ang kinamumuhiang sagisag ng pagsamba sa idolo, ay dinala sa layong isandaan at animnapung kilometro sa Chelsea sa London at doo’y sinunog sa madla.

Tinularan ng mga Protestante ang mga Katoliko

Gayunman, sa unang bahagi ng dantaong ito, isinauli ng Church of England ang Our Lady of Walsingham​—bilang isang banal na lugar ng mga Protestante! Noong 1921 isang inukit na katulad ng orihinal na estatuwa ang inilagay sa parokya ng Walsingham, at ang unang modernong mga peregrino ay dumating pagkaraan ng isang taon. Habang nagiging kilala ang banal na lugar, nagiging matindi rin ang galit ng ilang miyembro ng iglesya. Sa pagsapit ng Mayo taun-taon, kapag ang estatuwa ay inililibot sa mga lansangan sa loob ng 30-minutong prusisyon, ang ilang miyembro ng simbahan ay galit na galit na nagpoprotesta sa idolatriya.

Noong 1934, itinayo ng mga Romano Katoliko sa Walsingham ang kanilang Pambansang Banal na Lugar ng Our Lady. Ang banal na lugar na ito ay nagtataglay ng ikalawang replika ng orihinal na larawan ng ina at anak at masusumpungan sa dating Slipper Chapel. Ito ang lugar kung saan dating iniiwan ng mga peregrino ang kanilang mga sapatos upang maglakad nang nakayapak patungo sa sinaunang banal na lugar ng nayon. Kapuna-puna, ang tudlaan ng mga nagpoprotesta ay nakatakda lamang sa banal na lugar ng Church of England, na kanilang sinasabi na nagpapalaganap ng pagsamba kay Maria at nagtatatwa sa pamana ng simbahang Protestante.

Subalit mayroon bang iba pang dahilan ng mainitang paglalabanan ng mga nagpoprotesta? Marami ang naniniwala na may mainitang pagtatalo. Ang “mga nagpoprotesta ay higit at higit na nagkaroon ng pagkatakot sa mga homosekso nitong bandang huli,” ulat ng The Independent, isang pahayagan, “lalo nang patungkol sa mga homosekso ng Church of England.” Ito’y isang pagtukoy sa grupo ng kalalakihan ng Church of England, lalo na ang mga klerigo, na sa nakalipas na ilang taon ay nagdaos ng kanilang taunang kombensiyon sa Walsingham. Bakit sila nagtutungo roon? Isang tapat na peregrino ang nagkomento: “Hindi ito ang pinakamatinding heteroseksuwal na pagdiriwang sa mundo.”

Maliwanag, ang gayong pangyayari, na malubhang nalugmok sa idolatriya at ngayo’y nababahiran ng homoseksuwalidad, ay dapat na iwasan ng tunay na mga Kristiyano.​—1 Corinto 6:9; 10:14; 1 Juan 5:21.