Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Sinasabi sa Iyo ng mga Bituin?

Ano ang Sinasabi sa Iyo ng mga Bituin?

Ano ang Sinasabi sa Iyo ng mga Bituin?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL

“NARINIG mo na ba ang mga hula ayon sa mga bituin na, sa susunod na Hulyo tayo ay babangga sa Mars?” Mainam na ipinahahayag ng mga salitang ito ng masayang awit ni Cole Porter ang karaniwan at sinaunang paniwala na ang kinabukasan ng tao di-umano’y nauugnay sa mga bituin. a Subalit mayroon bang anumang tunay na kaugnayan sa pagitan ng makalangit na mga bagay at ng buhay ng tao sa lupang ito? Kung gayon, paano apektado ang sangkatauhan? Kung hindi, ano nga ba ang layuning ginagampanan ng mga bituin?

Hindi kataka-taka na napakaraming tao ang interesado sa kinabukasan kung isasaalang-alang natin ang ilang madulang mga pangyayari kamakailan​—ang pagbagsak ng Pader ng Berlin at ang mabilis na pagkabuwag ng dating Unyong Sobyet, ang kawalan ng tiwala sa pulitikal na mga lider, ang etnikong pagkapoot na lumilitaw sa Aprika at Europa, ang relihiyosong pagkakapootan sa India at Ireland, ang mabilis na implasyon na nagpapahirap sa napakaraming bansa, at ang paghihimagsik ng mga kabataan. Ayon sa isang report buhat sa University of Hamburg, ang 1992 ang taóng pinakamaraming digmaan sapol noong wakas ng Digmaang Pandaigdig II, na may 52 nasasandatahang labanan sa iba’t ibang bansa. Ang mga taong maibigin sa kapayapaan ay natural na nagtatanong: ‘Saan tayo maaaring umasa para sa katatagan, kapayapaan, at katiwasayan?’

Ang kawalang-katiyakan ng kinabukasan ay umakay sa biglang popularidad ng panghuhula sa sari-saring anyo nito. Ang astrolohiya marahil ang pinakakilala. Naiiba sa siyensiya ng astronomiya, ang astrolohiya ay “ang panghuhula sa inaakalang mga impluwensiya ng mga bituin at mga planeta sa mga pamumuhay ng tao at mga pangyayari sa lupa sa pamamagitan ng mga posisyon at mga aspekto ng mga bituin at mga planeta.” Sa ngayon, hindi maiwasan ng milyun-milyong tao na basahin ang kanilang horoskopyo para sa mga pahiwatig tungkol sa kanilang kinabukasan. b

Kabilang sa iba pang bagay na sinasabing hinuhulaan ng mga astrologo ang kinabukasan ay ang kalalabasan ng mga suliraning pangmag-asawa at mga problema sa kalusugan, ang pagbangon at pagbagsak ng pulitikal na mga lider, ang pinakamabuting petsa upang magbukas ng isang bagong negosyo, at ang mga numerong gagamitin upang manalo sa isang loterya.

Isang pahatid-balita ng Reuters ang nag-ulat na ang astrologong si Joan Quigley ay regular na kinunsulta ni Nancy Reagan may kinalaman sa kaniyang asawa, ang pangulo noon ng Estados Unidos, kung kailan dapat bigkasin ang kaniyang mga talumpati at kung kailan dapat lumipad at lumapag ang kaniyang eruplano. Isiniwalat ng New Catholic Encyclopedia na “ginamit ni Papa Julius II [1503-13] ang astrolohiya upang itakda ang araw ng kaniyang koronasyon at ni Paul III [1534-49] upang alamin ang tamang oras para sa bawat Konseho.” Si Alfred Hug, direktor ng isang kompaniyang Suiso na gumagamit ng astrolohiya upang payuhan ang mga kapitalista sa bilihan ng sapi, ay gumagarantiya ng mahuhusay na resulta. “Nasusulat sa mga bituin,” aniya.

Maliwanag, marami ang naniniwala na naiimpluwensiyahan ng mga bituin ang mga buhay ng mga tao. Paano nagsimula ang astrolohiya? Mayroon bang anumang sinasabi ang sinaunang aklat ng Bibliya tungkol sa astrolohiya at mga astrologo?

[Mga talababa]

a “Sa sinaunang Tsina, . . . ang mga tanda sa langit gayundin ang likas na mga sakuna ay inaakalang nagbabadya sa mga gawa at mga masamang gawa ng Emperador at ng kaniyang pamahalaan.”​—The International Encyclopedia of Astronomy.

b Ang horoskopyo ay “isang guhit ng mga posisyon ng mga planeta at mga tanda ng zodiac sa isang espesipikong panahon (gaya sa pagsilang ng isa)” at ginagamit ng mga astrologo upang hulaan ang hinaharap na mga pangyayari sa buhay ng isang tao.