Mapanganib na Isports—Dapat ba Akong Makipagsapalaran?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Mapanganib na Isports—Dapat ba Akong Makipagsapalaran?
“ITO ang magiging pinakanakatatakot na sandali ng iyong buhay,” ang sabi sa iyo habang nakatayo kang nangangatog sa entablado. Nagsimula ang pagbilang nang pababa: “Lima, apat, tatlo, dalawa, isa—TALON!” Halos napigil ang iyong hininga dahil sa pagtalon. Mabilis ang pagbulusok mo sa waring tiyak na kamatayan, subalit walang anu-ano’y nadama mo ang biglang hila ng nababanat na tali. Biglang lumuwag nang lubos ang iyong dibdib. Nakaligtas ka!
Bungee jumping. a Ang isport ay nakaakit sa tinatayang isa hanggang dalawang milyong kalahok sa Estados Unidos lamang. Isa lamang ito sa maraming isports na patuloy na nagiging popular kamakailan—pag-akyat sa matatarik na dalisdis, paragliding, white-water rafting, at sky surfing, upang banggitin lamang ang ilan. “Ang dekada ng ’90 ay ang dekada ng mapanganib na isport,” sabi ng isang tagapagtaguyod ng bungee jumping.
Ang mapanganib na mga gawain ay hindi lamang kinahihiligan ng mayayaman. Ang mga tagalungsod na mahilig sa makapigil-hiningang mga gawain ay lumalahok sa gayong mapanganib (at ipinagbabawal) na waring kahanga-hangang mapangahas na gawain gaya ng elevator surfing (pagsakay sa ibabaw ng umaandar na mga elevator), tunneling (pagpanakbuhan sa naglalakihang mga tubo ng malalaking gusali), subway surfing (pagsakay sa mga bubong ng tumatakbong mga kotse ng subway), at stair diving (pagpapadulas sa nilangisang mga hagdan).
Ano ang Nakaaakit?
“Sinusubukan ko ang lahat ng bagay na nakatatakot sa akin,” sabi ng kabataang si Norbert. “Nasisiyahan ako sa lahat ng isports—beysbol, basketbol—subalit ang pagtalon sa mga tulay na may tali ang talagang nakapipigil ng aking hininga! Talagang kakaiba ito.” Sumasang-ayon ang kabataang si Douglas. “Ang pangkaraniwang mga isport ay nakasisiya naman, kaya lamang ay alam mo na agad ang kalalabasan nito,” sabi niya. “Palagi kang napipigilan. Gusto kong nadarama kung paano mahulog. At ang bilis kapag nahuhulog . . . Hindi mo kailanman nadarama ang ganitong bagay sa ibang mga isport.”
Ang mapanganib na mga isport ay higit pa sa basta paghamon sa iyong kakayahang atletiko; harap-harapang inihahantad ka nito sa kamatayan! Ang mga sumasali ay waring nasisiyahan sa matinding katuwaan na kanilang nadarama. Sinasabi ng ilang dalubhasa na ang ganitong uri ng mga tao ay may personalidad na henetikong nakaprograma na maging Type-T, o mahilig sa mapanganib na gawain. Gayunman, ang karamihan ng mga kabataan ay sumusuong sa ilang mapanganib na mga gawain; ito ang kanilang paraan upang masubok ang kanilang mga limitasyon at mapaunlad ang kanilang pagtitiwala sa sarili.
Nakalulungkot naman, ang mga kabataan ay hindi laging gumagamit ng mabuting paghatol sa paggawa ng gayon. “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan,” sabi ng Kawikaan 20:29. Subalit ang ilan ay waring nag-iisip na ang kanilang lakas ay walang hangganan. Si Dr. David Elkind ay nagsasabi na kalimitang ipinalalagay ng mga tin-edyer na “sila’y natatangi at naiiba—di-saklaw ng mga batas ng probabilidad na kapit sa iba. Ang paniwalang ito ng pagiging natatangi, ng pagiging nalalambungan ng pagka di-tinatablan ng mga panganib, ang siyang dahilan sa karamihan ng mga pagpapasiya ng mga tin-edyer na makipagsapalaran.” Gayundin ang sabi ni Dr. Robert Butterworth: “Kapag ginagawa mo ang isang bagay na gaya ng skydiving, para bang ipinadarama nito sa iyo ang paghamon sa maaaring mangyari, kinokontrol mo ang iyong sariling kapalaran.”
Gayunman, ang pakikipagsapalaran ay maaari ring maudyukan ng nakahahapis na mga motibo. Sa kaniyang aklat na Childstress!, ipinakita ng awtor na si Mary Susan Miller na maraming pangahas na mga kabataan ang nakikipagsapalaran sapagkat hindi nila basta mabata ang mga kaigtingan sa kanilang mga buhay. Kaya naman, maaaring isiwalat ng mapanganib na mga isport ang nakapipinsala sa sarili o maging ng pagpapatiwakal na mga hilig. “Kusa nilang inilalagay ang kanilang mga sarili sa mapanganib na mga kalagayan,” sabi ni Miller, “na para bang hindi nila bibigyan ng pagkakataon ang tadhana na mapatay sila.”
Talaga bang Mapanganib?
Anuman ang pang-akit nito, ang mapanganib na mga isport ay maaaring maging peligroso. ‘Gayundin naman ang pagtawid sa kalye,’ ikinakatuwiran ng ilan. Subalit ang isang tumatawid sa kalye ay hindi kusang naghahanap ng panganib o mga katuwaan. At samantalang ang maraming isport, gaya ng bungee jumping, ay may mabubuting rekord ng kaligtasan, maaari pa ring magmintis ang bagay-bagay. Ganito ang sabi ni Mark Bracker, M.D.: “Sa dami ng napakapanganib na mga isport na ito, kapag may bagay na nagkamali maaari itong maging kapaha-pahamak. Mientras mas nakatatakot, karaniwang mas mapanganib, ito man ay pagtalon mula sa mga eroplano o hang gliding o pagmomotorsiklo.” Isang 20-taóng-gulang na kabataan ang nag-bungee jumping mula sa isang hot air balloon sa taas na 58 metro mula sa ibaba. Ang problema? Ang kaniyang tali ay 79 na metro ang haba! Tumalon siya sa kahindik-hindik na kamatayan.
Ipagpalagay na, ang ilang gawain, gaya ng pagmomotorsiklo, ay maaaring nakasisiyang gawin sa medyo ligtas at maingat na paraan. Subalit ganito ang sinabi ng isang dalubhasa sa paggamot sa isports tungkol sa mahihilig sa mapanganib na isports: “Mientras humuhusay ang kanilang mga kakayahan, pinipili nila ang mas mahihirap gawin, at sila’y humahantong sa isang kapinsalaan.” Isang kabataan ang nagtapat nang ganito: “Ako’y isang sugapa na sa mapanganib na isports. Mas mahirap na ngayong madama ang takot na may pangangatog at silakbo ng kasiyahan.”
Para ba Ito sa mga Kristiyano?
Lubusan bang ipinagbabawal ng Bibliya ang lahat ngEclesiastes 7:17, si Solomon ay nagtanong: “Bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan?”
isports? Hindi. Ang labis-labis na hangal na isports ang ipinagbabawal. Gaya ng nakaulat sa‘Maikli ang buhay. Lubusin na ang paglalaro,’ ang paghimok ng isang anunsiyo ng pang-atletikong sapatos. Subalit tayo ay may pananagutan sa ating sarili, sa mga nagmamahal sa atin, at sa ating Maylikha na pahalagahan ang ating buhay. Ang buhay ay isang kaloob mula sa Diyos. (Awit 36:9) Sa panahon ng Bibliya ang malulubhang kaparusahan ang maaaring ipataw kung ang buhay ay di-sinasadyang kinitil. (Exodo 21:29; Bilang 35:22-25) Sa gayon ang bayan ng Diyos ay hinihimok na umiwas sa walang-saysay na mga panganib.—Ihambing ang Deuteronomio 22:8.
Ang mga Kristiyano rin naman sa ngayon ay may pananagutang magpakita ng paggalang sa buhay. Angkop ba na itaguyod ang isang isport na maaaring maglantad sa iyo sa di-kinakailangang mga panganib? Nang tuksuhin ni Satanas na Diyablo si Jesus, ikinatuwiran niyang maaaring saluhin ng mga anghel si Jesus kung siya’y magpapatihulog mula sa mataas na dako. Si Jesus ay sumagot: “Huwag mong ilalagay si Jehova na iyong Diyos sa pagsubok.”—Mateo 4:5-7
Bukod pa rito, bagaman ikaw ay malakas at malusog, hindi mo basta malalabanan ang lahat ng pinsala. Hindi makatotohanang mangatuwiran na: ‘Hindi ito mangyayari sa akin.’ Ang Bibliya ay nagbabala sa atin na ang ‘panahon at di-inaasahang pangyayari ay maaaring maganap sa ating lahat.’—Eclesiastes 9:11.
Maghunos Dili Ka
Makatuwiran na pag-isipan nang husto ang posibleng mga kahihinatnan ng paglukso mula sa isang crane, ng pagtalon mula sa eroplano, o paggawa ng anuman na maaaring maging lubusang mapanganib. Huwag basta magtiwala sa sabi-sabi o sa nakapagpapasiglang mga ulat ng ibang kabataan. (Kawikaan 14:15) Alamin ang totoong bagay.
Halimbawa, gaano nga ba karami ang aksidente sa isang partikular na isport? Anong pangkaligtasang pag-iingat ang isinasagawa? Isang dalubhasa ang nagsabi hinggil sa scuba diving: “[Iniisip ng mga tao na] ang pagtungo mula sa kapaligirang may hangin tungo sa tubig ay mapanganib. . . . Subalit mapanganib lamang ito kung gagawin mo ito nang walang wastong tagubilin.” Kaya nararapat mo ring itanong, Anong pagsasanay at kagamitan ang kailangan para sa isports na ito? Mayroon bang anumang makatuwirang mga kapakinabangan, gaya ng ehersisyo? May anuman bang bagay na kaugnay sa mga panganib, o ang pangunahing layunin ba ng isports ay hamunin ang kamatayan?
Kung ang huling nabanggit ang kaso, baka kailangang itanong mo sa iyong sarili kung bakit nakaaakit sa iyo ang pakikipagsapalaran. Ito ba’y upang tugunan ang iyong pagkainip o ang kaigtingan? Sa gayon bakit hindi humanap ng higit na ligtas, higit na nakasisiyang paraan ng pagbata sa gayong damdamin? b Ang aklat na Teenage Stress ay nagpapaalaala sa atin na ang pakikipagsapalaran ay “mapanganib at lubusang di-mabisang paraan ng pagbata sa negatibong epekto ng kaigtingan.”—Ihambing ang Kawikaan 21:17.
Pagkatapos na suriing mabuti ang mga bagay—at ipakipag-usap ang bagay-bagay sa iyong mga magulang—mainam na mahihinuha na mas makabubuti para sa iyo na umiwas sa labis na mapanganib na isports. Higit na gugustuhin pa ng iyong mga magulang na pagsikapan mong matamo ang mga gawain na waring di-gaanong likas na mapanganib sa buhay, gaya ng pagbibisikleta, pag-iiskeyting, skiing, at snorkeling, na ilan lamang sa maaaring banggitin. Mangyari pa, maging ang waring ligtas na isports ay maaaring maging mapanganib kung hindi gagawin ang wastong patiunang mga pag-iingat.
Ito’y nangyari sa isang maliit na grupo ng mga kabataang Kristiyano na nagpasiyang maglakad nang mahaba. Lumihis sila sa talagang daanan at nagsiakyat sa makikitid na gilid ng matatarik na dalisdis. Hindi pa natatagalan nasumpungan nila ang kanilang mga sarili na nasukol na, hindi na makaabante o makaatras pa nang ligtas. Ang kabataang nangunguna sa grupo ay nakarinig ng ingay. Dalawa sa kaniyang mga kasama ang nahulog sa kanilang kamatayan. Anong kalunus-lunos na pangyayari!
Kaya pakisuyong mag-ingat! ‘Masiyahan sa iyong kabataan,’ tinatamasa ang kalakasan at kalusugan na pinagpala kang taglayin mo. (Eclesiastes 11:9) Subalit bago tumanggap ng paanyaya na gawin ang isang bagay na mapanganib, gawin ang ginagawa ng kabataang si Brian. Aniya: “Tinatanong ko ang aking sarili, ‘Ano kaya ang madarama ni Jehova hinggil dito? Paano nito ipaaaninag ang aking saloobin tungkol sa kaloob na buhay na ibinigay sa akin?’ ” Oo, timbang-timbangin ang mga panganib, suriin ang iyong mga motibo. Napakahalaga ng buhay upang gawin ang gayon.
[Mga talababa]
a Ang “bungee jumping” ay isang isport na ang mga tumatalon, na nakatali sa isang mahabang nababanat na tali na tinatawag na bungee, ay lumulukso mula sa mga tulay, mga crane, at maging sa mga hot-air balloon. Tinutulutan nito ang malayang pagbagsak bago mabanat nang husto ang kordon, na siyang nagpapahinto sa pagbulusok.
b Kung ikaw ay nanlulumo o nakikipagpunyagi sa nakapipinsala sa sariling mga hilig, bakit hindi ito ipakipag-usap sa isang tao at humingi ng tulong sa halip na makipagsapalaran sa di-kinakailangang mga panganib?—Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ang Pagpapatiwakal ba ang Lunas?” sa aming Abril 8, 1994, labas ng Gumising!
[Larawan sa pahina 10]
Ang mga kabataang Kristiyano ba ay dapat na makisali sa mapanganib na isports na gaya ng bungee jumping?