Talaga bang Isang Magnanakaw ang Ibong Magpie?
Talaga bang Isang Magnanakaw ang Ibong Magpie?
NANG isulat ng Italyanong kompositor noong ika-19 na siglo na si Rossini ang operang La gazza ladra (Ang Nagnanakaw na Magpie), noong 1817, tiyak na naniniwala siyang ang ibong magpie ay isang magnanakaw. At ang iba ay may gayunding opinyon tungkol sa masayahing ibong ito. “Sa nakayayamot na mga salbahe, ang mga magpie ay kabilang sa mapaglarong mga bandido ng Kanluran,” sabi ng aklat na Book of the North American Birds. Ang itim-tukáng mga magpie na ito, bagaman kilala sa ibang dako, ay natuklasan sa Estados Unidos noong panahon ng kilalang ekspedisyon nina Lewis at Clark noong 1804-06 na nagbukas sa Kanluran. Ang mga miyembro ng pangkat ay nagsabi na ang mga magpie ay pumasok sa kanilang mga tolda at nagnakaw ng pagkain.
Kung ikaw ay nakatira sa Europa, Asia, Australia, o Hilagang Amerika, maaaring makilala mo ang inyong lokal na mga magpie. Karaniwan nang ito’y isang malaking ibon, hanggang 56 na centimetro ang haba, na may malinaw na itim-at-puting disenyo sa mga pakpak at katawan nito. Mayroon itong mahabang maningning na berdeng buntot at matibay na tukâ. Ang mga magpie ay karaniwang namumuhay nang pangkat-pangkat at matatag na ipinagtatanggol ang kanilang teritoryo, kahit na laban sa mga tao.
Ang magpie sa Britaniya sa unang tingin ay para bang itim lamang na may puting tiyan at mga pakpak, subalit ito ay may ilang maningning gayunma’y mapusyaw na mga kulay. May maningning na murado at makintab na berde sa katawan at sa mahabang mga balahibo sa buntot, na may ilang kulay tanso rin malapit sa mga dulo. Ang buntot nito ay mahigit na kalahati ng haba nito.
Ang mga magpie sa Australia ay kasiya-siyang pakinggan habang hinuhuni at inaawit nila ang kanilang malambing na huni. Ang mga huni ng mga magpie at ng kookaburra, tinatawag na tumatawang hangal, ay isang tiyak na tanda na ikaw ay nasa Australia. Bukod sa pagkakakilanlang awit ng magpie, makikilala mo ito sa pamamagitan ng puting mga patse sa makintab na likod, puwitan, pakpak, at ilalim ng buntot nito.
Kaya talaga bang ito’y isang magnanakaw? Ang aklat na Song and Garden Birds of North America ay nagsasabi: “Sa gawing kanluran ng Estados Unidos ang itim-tukáng magpie ay malaon nang hinahamak bilang isang magnanakaw at isang basurero.” Gayunman, sa huling pintas na iyon, may papuri. Bakit? Sapagkat nililinis ng mga basurerong hayop na ito ang mga bangkay ng ibang mga hayop at mga ibon. Ito man ay pinagtatawanan o pinahahalagahan, ang magpie ay isa lamang sa 9,300 uri ng ibon na nakadaragdag at nagpapaganda sa ating lupa.