Ang Maringal na “Whooper Swan”
Ang Maringal na “Whooper Swan”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya
ANG tubig sa Lawa ng Grindon—na nasa gitna ng mahabang hanay ng maliliit na burol ng Northumbria, hindi kalayuan sa hangganan ng Inglatera at Scotland—ay nagpapabanaag ng mamula-mulang kayumanggi at matingkad na kayumangging mga burol na natatakpan ng mga pakô. Habang ako’y nagmamasid, kinakain ng mga gansang greylag ang talbos ng mga waterweed sa tabi ng mga kawan ng mga ibong snipe, lapwing, at ginintuang plover.
Walang anu-ano, habang naglalaho ang ulap, isang likas na huni ng ibon ang narinig ko. Ito ang matalim na awit ng mga whooper swan na lumilipad nang mababa sa ibabaw ng mga burol. Ang mga ito’y larawan ng kagandahan habang ang mga ito’y sumasalimbay sa tubig sa mga pakpak na umaabot ng dalawa at kalahating metro. Kung kalagitnaan ng Oktubre ang mga sisneng ito ay lumilipad patimog mula sa Russia, Iceland, at kahilagaang Europa kapag ang mga tubig sa kahilagaan ay nagiging yelo. Dito’y nakasusumpong sila ng pagkain—mga halaman sa tubig, mga kabyâ o paros, mga binhi, at mga insekto.
Ang 29 na mga sisne sa lawa sa harapan ko ay isang nakalulugod na larawan habang pinopokos ko ang aking largabista sa tatsulok na dilaw na mga patse sa dulo ng kanilang mga tukâ. Napakaringal nilang pagmasdan na nakataas ang mga ulo sa tuwid na mga leeg.
Dati ang whooper ay isang nagpaparaming ibon sa Britaniya subalit nalipol dito noong ika-18 siglo. Hanggang sa ngayon ay hindi pa ito muling lumilitaw. Sa panahon ng pangingitlog ang mga whooper ay napakabagsik na mga ibon, may kabagsikang ipinagsasanggalang ang kanilang pugad na may lima hanggang pitong itlog, at sa dakong huli’y ang kanilang mga inakay na sisne, laban sa potensiyal na mga kaaway.
Ang ama’t ina na whooper ay gumagawang magkasama sa paggawa ng isang pugad ng baling mga patpat, sa isang isla o doon mismo sa ibabaw ng tubig kung saan gumagawa sila ng isang lumulutang na isla na may sapat na tatag upang suportahan ang isang tao. Doon ang manilaw-nilaw na mga itlog ay nililimliman sa loob ng 35 hanggang 42 araw. Inaalagaan din ng ama’t ina ang mga inakay bago lumaki at makalipad ang kanilang anak pagkaraan halos ng sampung linggo.
Habang papalubog ang araw sa mamula-mulang kagandahan sa likuran ng gumuhong Romanong kuta ng Vercovicium at bahagyang nababanaag ang lawa at ang mga sisne nito sa mapusyaw na kulay rosas, ako’y huminto upang pag-isipan ang kagandahan ng buhay at ang kababalaghan ng gayong maringal na paglalang.