Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Komunikasyon Natanggap ko ngayon ang labas ng Enero 22, 1994, na may seryeng “Komunikasyon sa Pagitan ng Mag-asawa.” Ito marahil, ang pinakamahuhusay na serye ng artikulo na aking nabasa. Kaming mag-asawa ay kasal sa loob ng isa’t kalahating taon na. Napakabuti ng aming pagsasama at maligaya, bagaman kung minsan ay may nangyayaring mga di-pagkakaunawaan. Naglaan ang Gumising! ng maiinam na mga kaalamang nagpapaunawa kung bakit nangyayari ang mga ito. Habang pinasisimulan ko ang pagbabasa ng mga artikulo sa ikatlong pagkakataon, hayaan ninyong pasalamatan ko si Jehova at kayo dahil sa paglalathala ng gayong napapanahong impormasyon.
C. M., Estados Unidos
Ang aking asawang lalaki ay mahusay bilang isang Kristiyanong matanda at buong-panahong ebanghelisador. Gayunman, kami’y nagkaroon ng problema sa komunikasyon sapol nang kami’y makasal at nakaranas ng mga pagkakataong kami’y naaasiwa sa isa’t isa. Tahasang ipinakita ng mga artikulong ito ang mga sanhi ng suliranin. Nakatitiyak kami na ang mga ito’y makatutulong sa amin na mapasulong ang aming kaugnayan.
C. A., Hapón
Sa aking pagbabasa ng mga reaksiyon ni “Pam,” napagwari ko na ganitung-ganito ang aking nadarama. Masasabing totoo rin ito sa aking asawa at kay “Jerry.” Ang artikulong ito ay tumutulong na lutasin ang sanhi, sa halip na basta ang mga epekto. Ako’y humanga rin sa nakagaganyak na paraan ng paghaharap ng mga artikulo sa mahalagang paksang ito.
E. F., Italya
Bagaman ako’y 17 anyos lamang ngayon at hindi pa mag-aasawa sa loob ng ilang taon, lubos ko pa ring pinahahalagahan ang pagsusuring ito kung bakit ang mga tao ay kumikilos nang gayon. Iniisip kong itago ang artikulong ito upang basahin paminsan-minsan sa loob ng susunod na mga taon. Totoong kakailanganin ko ito kapag ako’y handa nang mag-asawa!
N. B., Estados Unidos
Ang aking ama ay katulad na katulad ni “Jerry.” Pero ngayon ay nauunawaan ko na kapag siya’y tumatahimik at ayaw makipag-usap sa akin, karapatan niya iyon. Bagaman ang artikulo ay nakapagbibigay-liwanag, natatakot ako na baka gamitin niya ang artikulong ito upang tiyakin na ang kaniyang ginagawa ay tama.
A. B., Estados Unidos
Sinikap ng mga artikulo na tulungan ang mga mambabasa na maunawaan kung bakit ang mga lalaki at mga babae ay nakahilig na makadama o kumilos sa pantanging mga paraan. Gayunman, hindi namin ibig ipakahulugan na para bang ang lalaki o babae sa paano man ay may karapatang magsawalang-kibo o umasal nang di-wasto. Hinihimok ng Kasulatan ang mga ama na iwasang ‘pukawin sa galit ang kanilang mga anak.’ (Colosas 3:21) Aalisin nito ang pagkiling sa di-makatuwirang mahabang yugto ng pananahimik kapag ibig at kailangan ng mga bata ang patnubay ng mga magulang.—ED.
Natitiyak kong huhugos ang mga liham taglay ang magagandang komento tungkol sa mga artikulong ito. Pakisuyong idagdag ang aking mga komento. Sa artikulo tungkol kina “Jerry” at “Pam,” maaari sanang ipinalit ninyo ang pangalan naming mag-asawa. Kung naintindihan ko lang sana ang nadarama ng aking asawa! Ako’y katulad ni “Jerry,” nagsisikap na matugunan ang kaniyang mga pangangailangan subalit ginagawa iyon gaya ng nais ko na matugunan ang sarili kong mga pangangailangan. Ngayon ang aking pinakasalang asawa sa loob ng 20 taon ay nakipagdiborsiyo sa akin. Marahil maaantig ang puso ng aking asawa ng mga artikulong ito, at maaari naming subuking ayusing muli ang aming pagsasama.
J. K., Estados Unidos
Pagsusulit sa Bibliya Totoong nasiyahan ako sa pahinang “Naitanong Mo Na Ba?” sa labas ng Enero 8, 1994. Nagpakopya ako nang marami ng pahinang iyan at ipinadala ito sa aking mga kaibigan, miyembro ng pamilya, at iba pang interesadong tao. Hinimok ko sila na suriin ang bawat nakatalang Kasulatan at isulat ang anumang katanungang mayroon sila. Ito’y isang napakainam na paraan upang makipag-usap hinggil sa Bibliya sa mga katulad nila. Pakisuyong maglathala pa kayo nang higit ng gayong mga artikulo!
M. S., Estados Unidos