Tulungan ang Inyong Anak na Mapagtagumpayan ang mga Problema sa Paaralan
Tulungan ang Inyong Anak na Mapagtagumpayan ang mga Problema sa Paaralan
APEKTADO tayong lahat ng sumásamáng mga kalagayan sa daigdig, pati na ang ating mga anak. May kawastuang inihula ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na sa ating kaarawan ay “darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” at na “ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama.” (2 Timoteo 3:1-5, 13) Sa gayon, ang pag-aaral sa ngayon ay punô ng problema habang ang mga mag-aaral ay nakikipagbuno sa mga kalagayan na bihirang naranasan ng kanilang mga magulang. Ano ang magagawa ng mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na mapagtagumpayan ito?
Panggigipit ng mga Kasama
Nararanasan ng karamihan ng mga bata ang panggigipit ng mga kasama kung minsan. Isang kabataang estudyanteng Pranses ang naghihimutok: “Sinisikap ng mga magulang at ng lipunan ang lahat ng kanilang magagawa upang tumulong, subalit hindi ito sapat. Pinupuwersa ng mga delingkuwenteng kabataan ang ibang kabataan. . . . Ang mga magulang na hindi sinusupil ang kanilang mga anak ay hindi ginagawa ang dapat gawin ng mga magulang.”
Sinisikap tulungan ng responsableng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng espirituwal na mga katangian na magbibigay sa mga bata ng panloob na lakas na kailangan nila upang matiis ang mapangwasak na panggigipit ng mga kasama. “Ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang tulungan ang aming mga anak na magkaroon ng pagpapahalaga sa sarili,” sabi ng isang ama, “upang hindi nila akalain na kailangan nila ang pagsang-ayon ng kanilang mga kasama. Kung ang pagiging katulad ng ibang mga bata ay hindi mahalaga sa kanila, makikita nilang mas madaling tanggihan ang isang maling landasin kapag kailangan nilang tumanggi.” Upang turuan ang kaniyang mga anak kung paano haharapin ang mahihirap na kalagayan, ang magulang na ito ay naglalaan ng panahon para sa kaniyang pamilya na magtanghal sa pagganap ng papel ng estudyante at guro o kaklase, aktuwal na isinasadula ang mahihirap na kalagayan na maaaring bumangon at itinatanghal ang mga paraan upang mapagtagumpayan ang mga ito. Alalayan sila, at tulungan ang inyong anak na magkaroon ng tiwala sa sarili.
Malaswang Pananalita
Habang ang mga pamantayang moral ay bumababa sa buong daigdig, ang malalaswang pananalita ay nagiging pangkaraniwan. Sa maraming bansa ito ay madalas marinig sa tinatawag na prime-time TV. Kaya, sa mga palaruan ng paaralan, mga pasilyo, at mga silid-aralan ay patuloy na naririnig ang malalaswang pananalita.
Binibigyan-matuwid ng ilang guro ang kanila mismong panunungayaw at pagmumura, nangangatuwirang ang kanilang mga estudyante kung gayon ay maaaring bumuo ng sarili nilang mga saloobin sa gayong pananalita. Subalit ang gayong patakaran ay nagpapahintulot lamang sa mga mag-aaral na sundin ang ubod ng samang pananalitang ito bilang bahagi ng kanais-nais na pang-araw-araw na pananalita.
Ipinaliliwanag ng isang matalinong magulang sa mabait na paraan kung bakit ang pagbigkas ng gayong mga salita ay hindi ipinahihintulot sa loob ng pamilya. Maaari rin niyang maunahan ang problema tungkol sa malalaswang salita sa gawain sa klase sa pamamagitan ng pagsusuri sa silabus ng paaralan upang alamin kung anu-anong aklat ang pag-aaralan ng kaniyang anak. Kung alinman sa mga akdang napili ay naglalaman ng malalaswang pananalita o nagtatampok ng imoralidad, marahil maaari niyang hilingin sa guro ng bata na pumili ng mapagpipiliang aklat na may kanais-nais na nilalaman. Ang timbang na paglapit ay nagpapakita ng pagkamakatuwiran.—Filipos 4:5.
Imoralidad at mga Droga
Isinisiwalat ng mga surbey na kinikilala ng maraming magulang ang pagiging “masyadong mahiyain o nahihiya silang talakayin ang paksa [tungkol sa edukasyon sa sekso] sa tahanan.” Sa halip, ipinagkakatiwala nila sa paaralan na bigyan ang kanilang mga anak ng tumpak na impormasyon tungkol sa sekso. Subalit ang The Sunday Times ng London ay nag-uulat na, ayon sa isang may karanasang guro, ang napakaraming pagbubuntis ngayon ng mga tin-edyer ay “isang moral na problema sa halip na isang problema tungkol sa kawalang-alam sa mga paraan ng kontrasepsiyon.” Ang mga magulang ang nasa pinakamabuting katayuan upang magtatag ng mga pamantayan ng paggawi na inaasahan nilang paninindigan ng kanilang mga anak.
Totoo rin ito kung tungkol sa pag-abuso sa droga. Ang kakulangan ng patnubay ng mga magulang ay nagpapalala sa problema. “Mientras ang buhay pampamilya ay nagiging hindi kalugud-lugod sa bata,” sabi ng Francoscopie 1993, “mas matindi ang hilig ng bata na humanap ng isang kahalili. Ang [paggamit ng] mga droga ay kadalasang isang kahalili.” “Mahirap maging isang magulang,” inamin ni Micheline Chaban-Delmas, pangulo ng pundasyong Toxicomanie et Prévention Jeunesse (Paggamit ng Droga at ang Proteksiyon ng Kabataan). “Kailangang lagi kang mapagbantay; ang mga droga ay kadalasang isang paraan upang babalaan ang mga magulang na may problema. Kung inaakala ng tin-edyer na ang kaniyang ina o ama ay hindi nagbibigay ng pansin sa kaniya, kapag siya’y inalok ng mga droga, ang mga ito ay waring tulad ng isang madyik na solusyon sa kaniyang mga problema.”
Isang magulang na taga-Canada ay nagpapaliwanag kung paanong silang mag-asawa ay nagpakita ng tunay na interes sa pag-aaral ng kanilang tin-edyer na anak na babae: “Inihahatid at sinusundo namin si Nadine sa paaralan. Madalas, pagkatapos siyang sunduin, nagkakaroon ng usapan na nagsisiwalat ng kaniyang maghapon. Kung matuklasan namin ang ibang bagay na medyo seryoso, alin sa ipinakikipag-usap namin ito sa kaniya sa pagkakataong iyon o tinatalakay na muli ang paksang ito sa hapunan o sa panahon ng usapan ng pamilya.” Maaari mo ring ipahayag ang tunay na pagmamalasakit at pag-ibig sa iyong anak sa pamamagitan ng pagpapanatiling bukás sa mga linya ng komunikasyon.
Pananakot at Karahasan
Ang pananakot ay “isa sa di-napapansing pinakamapaminsala sa mga problema sa paaralan,” sabi ni Maureen O’Connor sa How to Help Your Child Through School. Binanggit din niya na “gaano man ang hirap na likha nito sa mga biktima, kadalasan nang ayaw nilang sabihin sa isang adulto ang tungkol dito sa takot na mabansagang isang ‘duwag.’”
Nakalulungkot naman, ipinalalagay ng ilang guro ang pananakot bilang normal na paggawi. Subalit marami pang iba ang sumasang-ayon sa gurong si Pete Stephenson, na naniniwalang ang pananakot ay isang “anyo ng pag-abuso” at iginigiit na “hindi makabubuti sa mga maton na hayaan itong magpatuloy.”
Ano, kung gayon, ang magagawa mo kung ang iyong anak ay nagiging biktima ng isang maton? “Ang pinakamahalagang proteksiyon,” sulat ni O’Connor, “ay ang adultong pamayanan na tinitirhan [ng mga biktima].” Ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa isang madamaying guro. Titiyakin nito sa inyong anak na kapuwa ninyo itinuturing ang gayong agresibong paggawi na hindi kanais-nais. Ikinapit ng maraming paaralan ang malinaw na patakaran laban sa pananakot, na hayagang tinatalakay ng mga guro sa klase.
Si Natalie ay naging biktima ng mga maton dahil sa kaniyang relihiyon. “Dahil sa ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova, ako’y ininsulto, at ang aking mga gamit ay pinupunit kung minsan,” sabi niya. Upang lutasin ang problema, ipinakipag-usap niya ang mga bagay na ito sa kaniyang mga magulang, na nagmungkahing makipag-usap siya sa kaniyang mga guro. Ginawa niya ito. “Kusa ko ring tinawagan sa telepono ang mga magulang ng dalawa sa aking mga kaklase na nananakot sa akin,” susog niya. “Sapagkat naipaliwanag ko ang problema sa kanila, ang mga bagay-bagay ay mas mabuti na ngayon. Sa gayo’y natamo ko ang pagtitiwala kapuwa
ng aking mga guro at ng karamihan sa aking mga kaklase.”Kung minsan, natutuklasan ng mga magulang na ang kanilang anak ang maton, hindi ang biktima. Sa gayong kaso, makabubuti na suriing mabuti kung ano ang nangyayari sa tahanan. “Ang mga batang palaaway ay karaniwang galing sa mga sambahayang kung saan hindi nilulutas ng mga magulang ang alitan nang husto,” ulat ng The Times ng London, susog pa nito: “Ang marahas na paggawi ay isang natututuhang proseso.”
Ang karahasan sa ilang dako ay lubhang palasak. Kapag dahil sa pulitikal na kaguluhan ay nagiging imposible ang pag-aaral, nasusumpungan ng mga batang nagpapahalaga sa neutralidad na, kung minsan, mas matalinong manatili sa bahay. Ngunit kung ang kaguluhan ay mangyari kapag sila ay nasa paaralan, maingat silang umaalis sa paaralan at umuuwi ng bahay hanggang sa manauli ang katahimikan.
Hindi Mabuting Pagtuturo
Ang mabuting komunikasyon sa pagitan ng inyong anak at ng mga guro ng inyong anak ay makatutulong kapag hindi mabuting pagtuturo ang nagiging problema. “Lagi naming hinihimok ang aming anak na babae na magkaroon ng positibong saloobin sa kaniyang mga leksiyon,” komento ng isang mag-asawa. Subalit kapag hindi nagawa ng mga guro ang isang asignatura na kawili-wili, ang mga bata ay madaling mawalan ng interes. Kung masumpungan ng inyong anak na ganito nga, bakit hindi siya himuking kausapin nang personal ang guro?
Tulungan ang inyong anak na maghanda ng mga tanong na, kapag nasagot, ay gagawing madali kapuwa na maunawaan ang punto ng leksiyon at malaman kung paano gagamitin ang naituro. Gayunman, ito sa ganang sarili ay hindi gumagarantiya ng isang tunay at nagtatagal na interes sa asignatura. Malaki ang nakadepende sa sariling halimbawa ng mga magulang. Ipakita na kayo ay nagmamalasakit sa pamamagitan ng pagtalakay ng mga leksiyon sa inyong anak, at mag-alok na tumulong sa mga proyektong pananaliksik na iniaatas ng guro.
Sa paaralan, may mga batang mula sa wasak na mga pamilya, o namumuhay sa ilalim ng mapang-abuso at mapagpabayang mga kalagayan, at samakatuwid ay walang pagtitiwala sa sarili at paggalang sa sarili. Sila’y nakikihalubilo sa mga batang maaaring mayroong mas mabuting mga kalagayan. Talos ng karamihan ng mga magulang na kailangang walang-lubay sila sa pagtulong sa kanilang mga anak na mapagtagumpayan ang mga problema na bumabangon sa paaralan. Subalit kumusta naman ang mga pakikitungo ng mga magulang sa mga guro? Anong uri ng kaugnayan ang dapat nilang linangin, at paano?
[Kahon sa pahina 7]
Ang Inyo bang Anak ay Biktima ng Isang Maton?
PINAPAYUHAN ng mga dalubhasa ang mga magulang na bantayan sa kanilang anak ang mga palatandaan. Siya ba ay nagpapakita ng pag-aatubiling pumasok sa paaralan, umiiwas sa mga kaklase, umuuwi ng bahay na may pasâ o punit ang damit?
Himukin ang inyong anak na sabihin sa inyo kung ano talaga ang nangyari. Ito’y tutulong sa inyo na malaman kung ang pananakot ang talagang problema. Kung gayon nga, makipag-usap sa isang madamaying guro.
Tulungan ang inyong anak na mapagtagumpayan ito sa pamamagitan ng pagmumungkahi na siya ay manatiling malapit sa mapagkakatiwalaang mga kaklase at iwasan ang mga lugar o mga okasyon kung saan maaaring mangyari muli ang pananakot. Ang batang mapagpatawa at marunong umiwas sa isang mahirap na kalagayan ay kadalasang makaiiwas sa pananakot.
Iwasan ang labis na pagkabalisa, at huwag palakasin ang loob na gumanti.