Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nuwes na May Bagong Pangalan

Ang Nuwes na May Bagong Pangalan

Ang Nuwes na May Bagong Pangalan

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BOLIVIA

MULA sa masukal na kagubatan ng Amazonia ay nagmula ang isang nuwes na malinamnam at masustansiya. Ang dating pangalan nito, “Brazil nut,” ay hindi na angkop, yamang halos kalahati ng suplay nito ay nanggagaling sa mga kagubatan na lampas sa hangganan ng Brazil, lalo na mula sa Bolivia.

Angkop naman, noong Mayo 18, 1992, ipinasiya ng International Nut Council na palitan ang pangalan ng nuwes, na dating kilala sa iba’t ibang katawagan gaya ng Brazil nut, cream nut, butternut, castana do Pará, Paranuss, at noix du Brésil. Ngayon ito’y tatawagin nang Amazonia nut!

Ang Kuwento ng Isang Tagaani ng Nuwes

Pakinggan ang sasabihin ni Cornelio, isang tagaani ng nuwes sapol pa nang edad na anim, tungkol sa pag-aani ng naiibang nuwes na ito na mula sa kagubatan:

“Karamihan sa mga nuwes na mula sa Amazonia ay inaani mula sa iláng. Kailangan naming galugarin ang kagubatan upang masumpungan ang mga ito. Ang paliku-likong mga ilog ang tanging daanan. Kami ng aking 19-na-taóng-gulang na anak na lalaki ay naglalakbay ng ilang araw sa dalawang-palapag na bangkang pang-ilog patungo sa isang kampamento kung saan kami inaatasan sa isang bahagi ng kagubatan.

“Upang pakinabangan nang husto ang liwanag kung araw, bumabangon kami ng ika-4:30 n.u. at halos nararating ang atas na dako sa pagbubukang-liwayway. Ang mga daan ay umaabot lamang ng ilang milya patungo sa pinagdadalhan ng mga nuwes; mula roon kailangan naming magpilit na magpatuloy, tinatagpas ng itak ang masukal na maliliit na halaman. Walang mga palatandaan. Kailangan naming malaman kung paano gamitin ang araw bilang giya, kung hindi ay hindi na kami makababalik.

“Ang kagubatan ay naghahantad ng maraming panganib sa sinuman na naghahanap ng kayamanan nito. May mga sakit, gaya ng malarya, gayundin ang patuloy na panganib sa mga ahas. Hindi kami natatakot sa gahiganteng sawa​—hindi kami pinapansin ng mga ito​—subalit nakatago sa mga tuyong dahon sa lupa ang maliliit na ahas na nakamamatay. Ang kulay at mga tanda nito ang lubusang nakapagbabalatkayo sa mga ito. Ang tuklaw ay hindi masakit sa simula, pero unti-unting napaparalisa ang biktima ng kamandag. Ang maliliit na berdeng ahas na nakatago sa mga sanga ay mapanganib din.

“Madali naming masusumpungan ang napakagandang mga puno na namumunga ng nuwes na tinatawag na almendros, yamang ang mga ito ay mula sa 30 hanggang 50 metro ang taas at natataasan pa ang karamihan ng ibang puno sa kagubatan. Ang katawan ng puno ay karaniwang walang mga sanga hanggang sa umabot ito sa ibabaw ng pinakakulandong ng kagubatan. Sa pinakatuktok ng mga sanga tumutubo ang mga coco, ang matitigas na pinakabao na pabilog na mula sa sampu hanggang labinlimang centimetro ang diyametro. Naglalaman ito ng mula 10 hanggang 25 nuwes na nakaayos na parang mga hiwa ng dalandan, bawat isa ay may sariling balat.

“Ang mga coco ay nalalaglag sa panahon ng tag-ulan, na tumatagal mula Nobyembre hanggang Pebrero. Kailangang pulutin agad ang mga ito, kung hindi ito ay mabubulok. Ang mga coco na nalalaglag mula sa taas na 15-palapag na gusali ay isa pang nagsasapanganib ng buhay. Kailangan naming magtrabaho nang mabilisan, inihahagis ang mga coco sa bunton palayo sa almendro upang di-gaanong manganib. Pero mag-ingat sa mga ahas! Kapag ang mga ito ay tulog, nakapulupot na ang mga ulo ay nakapatong sa pinakapulupot, ang mga ito’y katulad na katulad ng coco. Nadadampot pa nga ng ilang manggagawa ang ahas at naihahagis ito, napagkakamalan itong coco.

“Ang pagbubukas ng coco ay nangangailangan ng kasanayan. Ang ilang ubod-lakas na pagtaga sa pamamagitan ng itak sa tamang lugar ay kailangan upang mailabas ang nuwes nang hindi nasisira ang mga ito. Di-magtatagal ay babalik na kami, pasan-pasan ang mabibigat na sako ng mga nuwes. Hindi kami gumagamit ng sasakyan o mga hayop na pantrabaho. Ang isang tagaani ay dapat na malakas at atletiko, lalo na yamang ang pag-aani ay sa panahong pinakamainit at pinakamaulang bahagi ng taon.”

Pagkatapos Mag-ani

Ang mga nuwes ay kulay berde kapag ang mga ito ay inani, na nangangahulugang madaling mabulok ang mga ito dahil sa maraming laman na tubig ang mga ito (tinatayang 35 porsiyento). Upang maiwasan ang pagkabulok, kailangang palahin ang mga ito bawat araw upang ang mga nasa ilalim ng bunton ang matuyo naman. Karamihan ng mga nuwes sa Bolivia ay inihahanda upang iluwas ng bansa. Gumugugol ng anim na buwan upang maproseso ang ani.

Ang pagpoproseso ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagpapainit sa nuwes sa isang malaking pasingawan na pressure cooker. Inihihiwalay ng init ang nuwes mula sa balat nito. Sa gayon, kapag inalis mula sa mga balat nito, ang karamihan ng mga nuwes ay nakukuha nang buung-buo.

Pagkatapos ang mga nuwes ay inuuri ayon sa laki, na nakalatag sa mga bandehang alambre, at iniinit sa mga hurno upang mabawasan ang nilalamang tubig hanggang sa maging sa pagitan ng 4 at 8 porsiyento. Ang mga balat ay sinusunog bilang panggatong upang painitin ang mga hurno. Ang nabawasang nilalamang tubig ang nagpapangyaring maitago ang mga nuwes sa loob ng isang taon o ng ilang taon kung ang mga ito ay pinalalamig. Upang maipreserba ang kalidad at lasa ng mga ito, ang mga nuwes ay iniimpake sa walang hangin na palarang aluminyo para iluwas ng bansa.

Ang mga Amazonia nut ay nagugustuhan ng milyun-milyong tao sa buong mundo sa napakaraming iba’t ibang paraan. Inilalagay ng ilan ang mga nuwes sa kanilang cereal (butil) sa agahan. Ang iba naman ay nasisiyahan sa mga ito na nababalutan ng tsokolate o nakahalo sa pinatuyong mga prutas. Sa susunod na kumain ka ng nakapagpapaganang nuwes na ito, tandaan na may bagong pangalan na ito​—Amazonia nut!

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang mga Amazonia nut at ang puno na nagbubunga ng mga ito