Bakit Kailangang Mamatay si Tatay?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Kailangang Mamatay si Tatay?
ANG lahat ay nagulat nang ang ama ni Al, isang lalaking kilala sa pagiging malakas at malusog, ay naospital. Gayunman, nagtitiwala si Al na ang kaniyang tatay di-magtatagal ay uuwi rin ng bahay. Subalit ang kaniyang kalagayan ay biglang sumamâ, at siya’y namatay. “Ayaw kong maniwala na ang isang napakalakas na tao ay mamamatay,” ang panangis ni Al.
Ang tatay ni Kim ay isang maibiging Kristiyanong lalaki. Siya’y naospital noon dahil sa malubhang sakit, subalit waring siya’y bumubuti. Pagkatapos isang araw siya’y nawalan ng malay sa banyo. “Alam kong patay na siya pagkakita ko mismo sa kaniya,” ang gunita ni Kim. “Ang nanay ko at ang kuya ko ay lubusang nagsikap na iligtas siya sa pamamagitan ng di-propesyonal na anyo ng CPR. Tumakbo ako sa kuwarto ko at nanalangin: ‘Jehova, huwag po ninyong itulot na mangyari ito. Pakisuyong pahintulutan po ninyo siyang mabuhay!’ Subalit hindi na siya muling nagkamalay.”
Ang kamatayan ay isang masaklap na katotohanan sa mundong ito. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon . . . panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan.” (Eclesiastes 3:1, 2) Kung ikaw ay pinalaki bilang isang Kristiyano, alam mo ang mga turo ng Bibliya kung bakit namamatay ang tao, ang kalagayan ng mga patay, at ang pag-asa ng pagkabuhay-muli. a
Gayunman, maaaring ikaw ay masiraan ng loob dahil sa pagkamatay ng iyong magulang. Ito ang isa sa pinakamahirap na karanasan sa buhay. Magagawa nitong makadama ka na para bang ikaw ay pinabayaan at mahina. Ikaw ay lumalaki pa, kapuwa sa pisikal at sa emosyon, at bagaman maaaring naitatag mo sa isang antas ang iyong kasarinlan, sa maraming paraan ay kailangan mo pa rin ang iyong mga magulang. b
Kung gayon, hindi kataka-taka na isiwalat ng isang surbey na ang pinakakinatatakutan ng isang tin-edyer ay ang pagkamatay ng kaniyang mga magulang. Ganito ang pag-amin ng isang tin-edyer: “Ang aking mga magulang ay totoong nakayayamot sa halos lahat ng panahon, pero ikasasamâ ng loob ko kung may mangyari sa kanila. Nag-aalala ako tungkol diyan.”—The Private Life of the American Teenager.
Sa gayon, hindi kataka-taka na kapag ang isa sa iyong mga magulang ay namatay, maaaring masindak ka. Aba, sa paano man sa umpisa, maaaring mamanhid ka anupat hindi ka makaiyak. Normal lamang ito. Nang nasa ilalim ng matinding kaigtingan, sinabi ng salmista: “Ako’y nanlalata at bugbog na mainam.” (Awit 38:8) Ganito ang sabi ng aklat na Death and Grief in the Family: “Ang isang tao na nagkaroon ng malalim na sugat o nabalian ng buto ay nasisindak. Ang sindak na ito ay isang pananggalang na nag-iingat sa katindihan ng kirot mula sa [biglang] pagsigid nito. Ang pagdadalamhati ay kumikilos sa gayunding paraan.” Kaya, ano ang maaaring mangyari kapag nawala na ang umpisang sindak?
‘Galit na Galit Ako’
Sa Lucas 8:52, ating mababasa na pagkamatay ng munting batang babae, “ang lahat ng mga tao ay tumatangis at hinahampas ang kanilang sarili sa pamimighati.” Oo, kapag sumapit ang kamatayan sa isang mahal sa buhay, likas lamang na makadama ng iba’t ibang matitinding damdamin, lakip na ang kalungkutan, pagkadama ng kasalanan, takot—maging ng galit.
Bakit galit? Sapagkat ipinadarama sa atin ng ating mga magulang ang pagiging ligtas, tiwasay. Kapag namatay ang isa sa kanila, natural lamang na matakot at makadamang parang pinabayaan. Hindi naman sa sinadya kang iwan ng iyong magulang. Subalit ang kamatayan ay ating kaaway. (1 Corinto 15:26) Kapag kinuha ng kamatayan ang ating mahal sa buhay, ang pagkamatay ay totoong-totoo at walang alinlangang napakasakit. Pansinin ang pagkakasabi ng 18-taóng-gulang na si Wendy: “Para bang ako’y nag-iisa sa mundo at natatakot pagkamatay ng aking tatay. Maraming pagkakataon na hinihiling ko na sana’y kapiling ko ang aking tatay upang matulungan niya ako.” Kapag iniisip mo ang nawala sa iyo—ang pag-ibig, ang tulong, ang tagubilin—mauunawaan naman ang pagiging galít mo.
Halimbawa, ang kabataang si Debbie ay napakalapit sa kaniyang tiyo. Pagkamatay niya, siya’y sumulat: “Waring hindi makatuwiran na ang sinuman na gayong kabuti, totoong minamahal, at mahal na mahal si Jehova ay dapat na maghirap at mamatay na kasingkirot ng kaniyang dinanas. Bagaman pinalaki ako bilang isang Kristiyano at batid ko kung bakit tumatanda at namamatay ang mga tao at kung bakit nagdurusa ang mabubuting tao, hindi ako handa para makadama ng galit na nadama ko.”
Nadarama pa nga ng ilan ang galit sa mismong yumaong magulang. Ganito ang pag-amin ng kabataang si Victoria: “Namatay ang lolo ko noong nakaraang taon. Galit na galit ako sa kaniya dahil namatay siya, at pagkatapos nang mawala na ang galit ko, nalungkot ako nang husto.” Oo, ang ilan ay nagtangka pa ngang ibunton ang galit sa itaas. “Galit ako sa Diyos,” ang pagtatapat ng 14-na-taóng-gulang na si Terri, na namatayan ng ama dahil sa biglang atake sa puso. “Bakit kailangan pang mamatay si tatay, samantalang mahal na mahal ko siya at kailangang-kailangan ko siya?”
‘Nakadarama Ako ng Labis na Pagkakasala Ngayon’
Ang pagkadama ng pagkakasala ay karaniwang reaksiyon sa pagkamatay ng magulang. “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,” sabi ng Bibliya. (Roma 3:23) Bunga nito, ang karamihan ng mga tin-edyer ay nagkakaroon ng hidwaan sa kanilang mga magulang paminsan-minsan. Subalit kapag namatay ang isang magulang, ang mga alaala ng dating di-pagkakaunawaan at mga pagtatalo ay maaaring pagmulan ng matinding pagkabagabag.
Makatutulong na tandaan na maging ang mga taong nagmamahalan sa isa’t isa ay nagkakasalungatan kung minsan. “Mahal ko si inay,” ang pagtatapat ng kabataang si Elisa, “at alam kong mahal niya ako, pero ilang buwan bago siya nagkasakit, nagkakaproblema kami. Nagagalit ako sa kaniya—sa mga bagay na waring walang kabuluhan ngayon—subalit napakahalaga sa akin noon. Minsan, nang ako’y galit na galit sa kaniya, natatandaan kong padabog akong pumanhik sa aking kuwarto, at palihim na ninais kong sana’y mamatay na siya. Nang magkasakit si Inay at biglang namatay, naroroon ang lahat ng di-nalutas na damdamin na taglay namin sa isa’t isa. Nakadarama ako ng labis na pagkakasala ngayon.” Anuman ang iyong nasabi o
nadama, hindi ikaw ang dahilan ng pagkamatay ng iyong magulang. Hindi mo kasalanan iyon.Ang Kirot ng Pagdadalamhati
Magkagayon man, maaaring makadama ka ng matinding kalungkutan at pagdadalamhati. Magkaroon ng kaaliwan mula sa pagkaalam na ang mga lalaki at mga babaing may pananampalataya noong panahon ng Bibliya ay nakaranas din ng gayong damdamin. Nang mamatay ang mahal na ama ni Jose, siya’y “yumakap sa mukha ng kaniyang ama at umiyak sa ibabaw niya at hinalikan niya siya.” (Genesis 50:1) Gayundin, si Jesu-Kristo ay “lumuha” dahil sa pagkamatay ng kaniyang kaibigang si Lazaro.—Juan 11:35.
Buweno, kapag ang isa ay namimighati dahil sa kamatayan ng isang magulang, natural na madaig kung minsan ng pamamanglaw. Sa kaniyang pagsisikap na ilarawan ang kaniyang pamimighati, itinulad ng salmista ang kaniyang sarili sa ‘isa na iniiyakan ang kaniyang ina. Namimighati, ako’y yumuko.’ (Awit 35:14) Dahil sa ikaw ay nalilipos ng kalungkutan baka ikaw ay ‘di-makatulog dahil sa pamimighati.’ (Awit 119:28) Baka mawalan ka ng ganang kumain o biglang mahirapang magtuon ng isip sa paaralan. Baka ikaw ay manlumo pa nga.
Pinalulubha pa ang kalagayan, ang iyong nabubuhay na magulang at mga kapatid ay maaaring lipos din ng kanilang sariling kalungkutan para tumulong sa iyo nang husto. Ganito ang gunita ni Kim: “Pagkatapos naming mailibing si tatay, sinikap naming magbalik sa dati naming buhay. Si inay na ngayon ang naging ulo ng pamilya. Pero may mga pagkakataon na bigla siyang iiyak sa kalagitnaan ng aming pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Naririnig ko siyang umiiyak sa gabi, tinatawag ang pangalan ng aking ama.”
Pagkasumpong ng Kaaliwan
Ang propetang si Jeremias ay minsang nagsabi: “Ako’y napupuspos ng kapanglawan na hindi malulunasan. Ang puso ko’y nanlulupaypay.” (Jeremias 8:18) Baka madama mo rin na para bang hindi na lilipas ang kirot. Subalit pansinin ang mga salita ni apostol Pablo: “Pagpalain . . . ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Ang Diyos ay naglalaan ng ganitong kaaliwan unang-una sa pamamagitan ng mga pahina ng kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. Higit pa, maaaring mapakilos ng kaniyang espiritu ang mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya na maglaan ng kinakailangang tulong at suporta.
Huwag mong hayaang ang maling bunton ng galit ang pumigil sa iyo na hanapin ang kaaliwan ng Diyos. Ang matuwid na taong si Job ay may pagkakamaling sinisi ang Diyos dahil sa kaniyang mapapait na karanasan. May paghihinagpis na kaniyang nasambit: “Ako’y nabubuhay sa kapayapaan, subalit sinunggaban ako ng Diyos sa aking leeg at binugbog ako at pinagluray-luray.” (Job 16:12, 13, Today’s English Version) Subalit si Job ay nagkamali. Si Satanas, hindi ang Diyos, ang pinagmulan ng mga paghihirap ni Job. Kailangang paalalahanan si Job ng kabataang si Elihu na “ang Diyos ay hindi gumagawa ng masama, at ang katarungan ay hindi pinipilipit ng Makapangyarihan-sa-lahat.” Lubusang binawi ni Job nang bandang huli ang kaniyang pangahas na mga sinabi.—Job 34:12; 42:6.
Sa katulad na paraan, kailangan mo rin ang isang tao na makatutulong sa iyo na makapagpaunawa ng mga bagay mula sa mas timbang na pangmalas. Ganito ang gunita ni Kim: “Isang nakatatandang Kristiyanong elder ang nagpaalaala sa amin ng pag-asa ng pagkabuhay-muli, ibinabahagi sa amin ang mga kasulatan na gaya ng Juan 5:28, 29 at 1 Corinto 15:20. Sabi niya: ‘Babalik ang inyong tatay, pero kailangan ninyong manatiling tapat kung ibig ninyong makita siya sa Paraiso.’ Hinding-hindi ko malilimutan iyan! Sinabi rin niya na hindi layunin ng Diyos ang kamatayan para sa tao. Natanto ko na walang kinalaman ang Diyos sa pagkamatay ng aking tatay.”
Ang maka-Kasulatang pangangatuwiran sa mga bagay ay hindi biglang nakapag-alis sa kirot ng damdamin ni Kim, subalit iyon ang pasimula. Maaari mo ring pasimulan ang di-pag-alumana sa iyong kirot at dalamhati. Kung paano mo tiyakang magagawa ito ang magiging paksa ng aming susunod na artikulo sa seryeng ito.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Lakip sa pagtalakay na ito ang mga kabataang namatayan ng ibang mga kamag-anak, gaya ng mga nuno, tiya, at tiyo, na sila’y nagkaroon ng isang malapit na kaugnayan.
[Larawan sa pahina 26]
Ang pagkamatay ng isang magulang ay maaaring isa sa pinakamasaklap na karanasan