Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Karagdagang Pag-aaral o Hindi?

Karagdagang Pag-aaral o Hindi?

Karagdagang Pag-aaral o Hindi?

GAANO pa karaming edukasyon ang kailangan upang magkaroon ng ikabubuhay? Ang sagot ay iba-iba sa bansa at bansa. Waring sa maraming bansa ang antas ng pag-aaral na kailangan upang suportahan ang sarili ay mas mataas kaysa noong ilang taon ang nakalipas. Sa ilang kaso ang pinakakaunting pag-aaral na hinihiling ng batas ay hindi sapat upang suportahan ang sarili.

Walang alinlangang ito ang dahilan kung bakit parami nang paraming mga nagtapos ang nagbabalik sa paaralan sa halip na sa dako ng trabaho. Tunay, ang mga pakinabang ay tila kaakit-akit. Binabanggit ng The New York Times ang isang report ng Economic Policy Institute na nakasumpong na “ang mga lalaking nagtatrabaho na nagtapos lamang ng high school ay dumanas ng 7.4 na porsiyentong pagbaba sa halaga ng kanilang mga sahod mula noong 1979 hanggang 1987, samantalang ang mga sahod ng mga lalaking nagtapos sa kolehiyo ay tumaas ng 7 porsiyento.”

Ang mga nagtapos sa kolehiyo ay tumatanggap ng mga digri na makapagbubukas ng pinto sa mga oportunidad sa trabaho. Si William B. Johnston, isang nakatataas na mananaliksik sa Hudson Institute, ay nagsasabi: “Ang digri sa kolehiyo, o kahit na ang katibayan ng pag-aaral sa kolehiyo, ay naging ang pinakamahalagang uri ng katibayan sa trabaho sa bansa.”

Sa kabilang dako naman, dapat kilalanin na maraming nagtapos sa kolehiyo ang nakikipagpunyagi sa paghanap ng trabaho, at sila’y nanganganib din na matanggal sa trabaho. “Ang karamihan ng aking mga kaibigan na nagtapos na kasama ko ay walang mga trabaho,” sabi ng 22-anyos na si Karl. Si Jim, 55 anyos, ay nagtapos nang may karangalan mula sa isang kilalang unibersidad subalit siya’y natanggal sa trabaho noong Pebrero 1992. Ang kaniyang diploma ay hindi nagligtas sa kaniya sa pagkakatanggal sa trabaho, ni nakatulong man ito sa kaniya na makasumpong ng maaasahang trabaho. “Ang iyong pundasyon ay nagiging mahina at hindi maaasahan,” aniya.

Tulad ni Jim, nasusumpungan ng maraming nagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga sarili sa tinatawag ng U.S.News & World Report na “white-collar purgatory”​—napakabata upang magretiro, napakatanda upang tanggapin ng ibang kompanya.

Kaya nga, bagaman ang pag-aaral sa kolehiyo ay maaaring magkaroon ng mga pakinabang, maliwanag na ito ay hindi isang lunas. Ni ito man ang tanging mapagpipilian. Si Herbert Kohl ay sumusulat sa The Question Is College: “Maraming matagumpay na mga tao ang hindi nagtapos sa kolehiyo at maraming disenteng trabaho ang hindi humihiling ng mga digri sa kolehiyo.” Halimbawa, isang korporasyon ang umuupa ng mga taong hindi nagtapos sa kolehiyo para sa mga posisyong kadalasang pinanunungkulan sa ibang korporasyon ng mga nagtapos sa kolehiyo. Sa halip na tingnan ang mga digri, hinahanap ng kompanya ang mga aplikante na nagpapakita ng kakayahang gawin nang mahusay ang trabaho. “Minsang masumpungan namin ang taong iyon,” sabi ng isang tagapagsalita, “ipinalalagay namin na matuturuan namin [siya] ng espesipikong mga kasanayan sa trabaho.”

Oo, napaglaanan ng marami ng sapat na pinansiyal na suporta ang kanilang sarili at ang kani-kanilang sambahayan nang hindi nagtapos sa kolehiyo. Ang ilan sa mga ito ay kumuha ng mga kurso sa mga paaralang bokasyonal, mga paaralang teknikal, o mga community college, sa kaunting gastos ng panahon at salapi. a Ang iba ay bumuo ng isang hanapbuhay o isang paglilingkod nang walang anumang uri ng pantanging pagsasanay man lamang. Taglay ang rekord ng pagkamaaasahan, nagawa nilang panatilihin ang isang maaasahang trabaho.

Isang Timbang na Pangmalas

Mangyari pa, walang uri ng pag-aaral​—pati na ang pag-aaral sa kolehiyo o anumang iba pang karagdagang edukasyon​—ang nagbibigay ng garantiya ng tagumpay. Bukod pa riyan, may katumpakang binabanggit ng Bibliya na “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Kung ano ang kinakailangan sa kasalukuyan ay maaaring maging walang kabuluhan sa hinaharap.

Sa gayon, makabubuting timbanging maingat ng isang taong nagbabalak kumuha ng karagdagang edukasyon ang mga bentaha at disbentaha. ‘Kaya ko ba ang halaga? Anong uri ng kapaligiran at mga kasama malalantad ako? Ang mga kurso ba ay magbibigay ng praktikal na pagsasanay na magpapangyari sa akin na masuportahan ko ang aking sarili? Tutulong ba ito sa akin upang paglaanan ang isang pamilya kung sa wakas ako’y mag-asawa?’ Ang mapagtangkilik na mga magulang ay makapaglalaan ng mahalagang payo kasuwato ng pananagutan na iniaatang sa kanila ng Bibliya. (Deuteronomio 4:10; 6:4-9; 11:18-21; Kawikaan 4:1, 2) Kung pinag-iisipan mo ang pinansiyal na mga pakinabang ng karagdagang edukasyon o ng anumang iba pang aspekto nito, angkop ang mga salita ni Jesus: “Sino sa inyo na nagnanais na magtayo ng tore ang hindi muna uupo at kakalkulahin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang makompleto iyon?”​—Lucas 14:28.

Oo, kung ikaw ay kukuha ng karagdagang edukasyon o hindi ay isang pasiya na dapat timbanging mabuti. Gayunpaman, laging tinatandaan ng isang Kristiyano ang mga salita ni Jesus sa Mateo 6:33: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng inyong makalangit na Ama], at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Sa gitna ng tunay na mga Kristiyano, yaong mga walang karagdagang edukasyon ay hindi minamata o pinakikitunguhan na nakabababa, ni nilalayuan man o itinuturing na mapagmataas yaong nagpatuloy ng pag-aaral. Si apostol Pablo ay sumulat: “Sino ka upang humatol sa tagapaglingkod sa bahay ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay tumatayo siya o nabubuwal. Tunay nga, siya ay patatayuin, sapagkat mapatatayo siya ni Jehova.”​—Roma 14:4.

Ipinabanaag ni Jesus ang timbang na pangmalas na ito. Hindi niya hinamak yaong mga “walang pinag-aralan at pangkaraniwan,” ni pinigil man niya ang pagpili sa may pinag-aralang si Pablo upang gawin ang isang mapuwersang gawaing pag-eebanghelyo. (Gawa 4:13; 9:10-16) Sa alinmang situwasyon ang edukasyon ay dapat na panatilihin sa kaniyang dako, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.

[Talababa]

a Ang karagdagang mga programa sa edukasyon ay iba-iba sa bawat lugar. Ang mga paaralan, aklatan, at mga paglilingkod ng gobyerno sa trabaho ay mahahalagang pinagmumulan ng impormasyon upang malaman kung anong programa ang makukuha sa inyong lugar.

[Kahon sa pahina 5]

Karagdagang Edukasyon

Binabanggit ng Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1992, ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova at ang buong-panahong ministeryo: “Waring ang pangkalahatang kalakaran sa maraming bansa ay na ang taas ng pinag-aralang kailangan upang magkaroon ng desenteng kita ay mas mataas ngayon kaysa noong mga ilang taóng nakalipas. . . . Mahirap na makatagpo ng mga trabahong may desenteng kita pagkatapos na ang makumpleto lamang ay ang pinakamababang pag-aaral na kahilingan ng batas . . .

“Ano ba ang ibig sabihin ng ‘desenteng kita’? . . . Ang kanilang kita ay matatawag na ‘sapat,’ o ‘kasiya-siya,’ kung sa kanilang kinikita ay nagagawa nilang mamuhay nang desente at mayroon pa silang sapat na panahon at lakas upang magampanan ang kanilang ministeryong Kristiyano.”

Kaya sinabi ng Ang Bantayan: “Hindi dapat gumawa ng di-mababagong mga alituntunin bilang pag-ayon o pagkontra sa karagdagang edukasyon.”