Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Pamilyang Walang TV
Sa isang paaralan kung saan ang karamihan ng mga estudyante ay hindi nanonood ng TV, sinasabi ng mga guro na madali nilang makilala ang iilang bata na nagbababad sa panonood ng TV. “Kapag nakakita ka ng mga batang nasa kindergarten na ginagaya ang mga superhero at nagkukunwang pumapatay at nananaksak at nananakit, ito’y tiyak na palatandaan na sila’y nanonood ng TV,” paliwanag ng isang dalubhasa. Iniulat ng The Wall Street Journal na ang mga huminto na sa panonood ng TV ay umani ng mga pakinabang. Isang 17-taóng-gulang na babae ang nagsabi na “noon, parang, kadalasan nakikita lang namin si Itay bago siya pumasok sa trabaho. Kapag siya’y umuwi ng bahay manonood siya ng TV kasama namin, at pagkatapos, ano, ‘Goodnight, Itay.’ Ngayon nakakapag-usap kami sa lahat ng panahon, talagang malapit kami sa isa’t isa.” Sabi pa niya: “Kapag ako ang nagkapamilya, hindi ako magkakaroon ng TV.”
Mga Gusaling Yari sa Basura?
Ang Tsina ay nagkaroon ng kakaibang paraan ng pagtatapon ng basura nito. Pinasulong ng Beijing Research Institute of the Environment and Hygiene kamakailan ang isang proseso sa paghahalo ng basura sa luwad upang makagawa ng mga ladrilyo. Inilarawan ng magasing China Today ang kinalabasang produkto bilang “mataas-uri na mga ladrilyo” para sa gamit ng industriya sa pagtatayo. Sa loob lamang ng ilang buwan, ang isang planta ng ladrilyo ay nakagawa ng halos 54 na milyong ladrilyo, “kumunsumo ng 46,884 na tonelada ng basura.” Pagkatapos na ihurno sa temperatura na halos 1,000 hanggang 2,000 digris Celsius, ang mga ladrilyo di-umano’y “kasinlinis ng karaniwang mga ladrilyo.”
Ang Lupain ng Sauna
“Ang mga taga-Finland ang pinakamahilig na gumamit ng mga sauna sa daigdig,” sabi ng magasing Suomen Silta. Ang karamihan ng tao sa Finland ay gumagamit ng sauna halos minsan sa loob ng isang linggo para sa pagpapahingalay at paglilinis. Ang mga temperatura ay karaniwang nasa pagitan ng 80 at 100 digris Celsius. Karaniwan nang ang mga taga-Finland ay naliligo ng malamig o tumatalon karaka-raka sa lawa pagkatapos mag-sauna. Ayon sa Soumen Silta, tinataya na sa Finland ay mayroong halos 1.6 na milyong sauna. May populasyon na halos mataas lamang nang bahagya sa limang milyon, nangangahulugan iyan na sa bansang Nordic na ito ay may halos 1 sauna sa bawat 3 tao.
Nabubulunan ng Pagkain
Ang hampas sa likod ay hindi ang pinakamabisang paraan upang tulungan ang isang taong nabubulunan ng isang piraso ng pagkain. Ayon sa Berkeley Wellness Letter, mas makabubuting subukin ang tinatawag kung minsan na Heimlich maneuver. Inilarawan ng newsletter ang paraan: “Tumayo sa likod ng taong nabubulunan at yakapin mo siya sa itaas ng kaniyang baywang. Ilagay ang isa mong kamao sa pagitan ng kaniyang buto sa dibdib at pusod, na ang hinlalaki ay nakadiin sa kaniyang sikmura. Sapuhin ang kamao ng iyong isa pang kamay at itulak nang bigla at madiin na papasok at pataas. Ulitin hanggang ang pagkain o bagay ay mailuwa. Huwag itong gawin sa mga bata na wala pang isang taóng-gulang, na nangangailangan ng ibang pangkagipitang pangangalaga kapag nabubulunan.” Ang paggamot na ito ay matututuhan sa pangunang lunas o klase para sa CPR (cardiopulmonary resuscitation) na idinaraos ng mga propesyonal sa pangangalaga sa kalusugan. Sinasabi ng Wellness Letter na “ang mga pagbara sa daan ng hangin sa gawing itaas ang sanhi ng 3,000 hanggang 4,000 kamatayan sa E.U. sa bawat taon.”
Asong Malalakas ang Panga
Noong nakaraang taon sa New York City, may 10,753 iniulat na kaso ng mga kinagat ng aso, sabi ng Daily News. Sa katamtaman, halos minsan sa isang linggo may pagsasagupaan ang pulis laban sa aso kung saan ang mga baril ay ginagamit. Ayon sa ulat, ang ilang aso ay patuloy na sumasalakay sa mga pulis maging pagkatapos na tadtarin ng anim na bala. Ang ilang pulis ay nakagat, at ang iba ay “napinsala ng dumadaplis na mga bala sa panahon ng pakikipaglaban sa malalakas ang panga na mga pit bull,” ulat ng pahayagan. Ang mga opisyal ng Departamento ng Pulisya ay nababahala ngayon sa panganib ng ligaw at dumadaplis na bala sa mga tao kapag ang mga baril ay ginamit sa mababangis na aso. Kapag napapaharap sa mapanganib na kalagayan na may kaugnayan sa aso, ang mga pulis ay hinihimok na gumamit ng di-nakamamatay na mga paraan, gaya ng napakaanghang na pang-isprey, na nakaaapekto sa sistema ng palahingahan.
Mapanganib na mga Baterya
“Ayon sa organisasyon ng Prevent Blindness sa Utah, 6,000 katao taun-taon ang nakararanas ng pagkasunog ng cornea at iba pang pinsala sa mata mula sa sumasabog na mga baterya” sa Estados Unidos. Iniuulat ng magasing Snow Country na karamihan sa mga aksidenteng ito ay nagaganap habang sinusubukan ng mga motorista na paandarin ang kanilang mga sasakyan sa pamamagitan ng kableng jumper. Ang tilamsik ng apoy mula sa baterya ay makapagpapasiklab sa sumisingaw na gas. Bilang pag-iingat na hakbang, iminungkahi ng magasin na kapag nagpapaandar sa pamamagitan ng kableng jumper, “ang itim na kable ay dapat na nakakabit sa walang pintang metal, gaya ng nakalabas na turnilyo, sa halip na sa negatibong terminal ng baterya. Binabawasan
niyan ang posibleng pagbalantok ng kuryente, na maaaring maging sanhi ng pagsabog.” Isa pa, iwasang magkabuhul-buhol ang mga kable, at “ang mga motorista ay dapat na magsuot ng pananggalang na mga salamin kapag nagpapaandar sa pamamagitan ng kableng jumper.”Pagkawala ng mga Kalamnan
Ang pagdidiyeta ay maaaring maging mapanganib—lalo na kapag, sa pagsisikap na alisin ang taba sa katawan, naiwawala rin ng nagdidiyeta ang himaymay ng kalamnan. Ipinaliliwanag ng kolumnista sa kalusugan na si Wayne Westcott na “ang kalamnan ay napakahalaga sa paggawa natin sa maraming bagay sa buong araw—hindi mo maaaring iwala ito.” Ang mga hindi nagdidiyeta ay nanganganib din na mawalan ng kalamnan kung sila’y laging nakaupo. Tinataya na sa bawat sampung taon, ang isang karaniwang tao na laging nakaupo ay nawawalan ng katamtamang 2 kilo ng kalamnan samantalang bumibigat naman ng 7 kilong taba. “Sa timbangan sa banyo, ipinakikita niyan ang problema ng 5-kilong pagbigat ng timbang (7 kilong taba pagbawas naman ng 2 kilo ng kalamnan),” sabi ni Dr. Westcott. “Subalit ang totoo ay na ito’y 9-na-kilong problema sa pagbigat (7 kilong karagdagang taba at 2 kilong kabawasan sa kalamnan).” Upang mapanatili ang kalusugan at kalakasan ng katawan, ang pinagsamang pag-a-aerobic at masiglang pag-eehersisyo ay iminumungkahing mainam.
Karapatan Upang Tanggihan ang mga Pagsasalin
“May Karapatan ang mga Pasyente na Tumanggi sa mga Pagsasalin,” ipinahayag ng ulong-balita ng Mainichi Daily News, na nag-uulat hinggil sa mungkahi ng lupon ng mga dalubhasa na inorganisa ng Ethics Committee para sa Tokyo Metropolitan Hospitals and Maternities. Bagaman ang kilalang mga pamantasan na may ospital ay gumawa na rin ng gayong mga pagpapasiya, ito ang kauna-unahang ginawa sa panlokal na gobyernong kalagayan. Iminumungkahi ng ulat na igalang ng mga ospital sa Tokyo ang kahilingan ng mga adultong pasyente na nagnanais ng walang dugong pangangasiwa kahit na inaakala ng mga doktor na mahalaga ang pagsasalin ng dugo. “Sa kaso ng isang pasyenteng dinala sa ospital na walang malay subalit nagtataglay ng dokumento na nagpapatunay na hindi niya ibig na magpasalin, dapat na unang isaalang-alang ng doktor ang kahilingan na iyan,” ulat ng pahayagan. “Igagalang ang kahilingan ng mga batang nasa high school may kinalaman sa pagsasalin na para bang sila’y mga adulto.” Gayunman, iminumungkahi pa rin ng ulat na ang mga doktor, hindi ang mga magulang, ang may huling pagpapasiya sa paggamot sa mga minor de edad na hindi pa nagtatapos sa high school at sa mas bata pa rito.
Bisa ng Bulaklak
Ang mga halaman sa isla ng Madagascar ay matagal nang pinahahalagahan ng lokal na mga naninirahan dahil sa bisa ng mga ito bilang gamot. Ang mga katas mula sa iba’t ibang bulaklak ay matagal nang ginagamit upang gamutin ang “mga sakit na mula sa lagnat hanggang eksema hanggang sa mga tumor,” ulat ng magasing Africa—Environment & Wildlife. Maging ang magandang orkidyas ay kapaki-pakinabang. Halimbawa, ang isang uri (Angraecum eburneum), ay ginagamit na panlaban sa impeksiyon dahil sa virus at upang maiwasan ang mga paglaglag. Kamakailan, ang isang pinagmumulan ng gamot para sa paggamot ng leukemia ay nakilala sa isla—ang mamula-mulang sitsirika (Catharanthus roseus). Subalit gaano katagal maaaring makinabang ang mga tao mula sa mga bulaklak na ito? “Ang pakikipag-unahan sa panahon bago mawala ang mga ito ay nagaganap,” ang himutok ng ulat, yamang “ang napakaraming di pa natutuklasan na mga uri ay naglalaho araw-araw dahil sa komersiyal na mga gawain gaya ng pagtotroso, pagsasaka at pagmimina.”
Mga Nagtatabako sa India
“Ayon sa bilang ng gobyerno, 142 milyong lalaki at 72 milyong babaing mahigit sa edad na 15 sa India ang regular na gumagamit ng tabako,” sabi ng British Medical Journal. Sinabi pa ng ulat na “ang mas mahihirap na tao ang ngumangata ng tabako upang mapigilan ang gutom.” Ang tabako ay napakahalaga sa ekonomiya ng India, yamang ito ang ikatlo sa may pinakamalaking taniman sa daigdig, susunod sa Tsina at Estados Unidos, at may libu-libong empleado. Gayunman, ang pagkakaroon ng kanser sa bibig at mga kanser sa lalaugan, gulung-gulungan, lalamunan, at bagà ang nakabahala sa ICMR (Indian Council of Medical Research). Gaya ng iniulat ng Journal, sinasabi ng ICMR na “ang halaga sa paggamot ng mga pasyente na nakararanas ng gayong mga sakit na may kaugnayan sa paggamit ng tabako ay nakatakdang hihigit sa taunang kita sa industriya ng tabako.” Iminungkahi ng mga doktor at mga grupo na di mula sa gobyerno ang mga kampaniya para sa kabatirang pampubliko upang banggitin ang mga panganib sa kalusugan ng paggamit ng tabako, ang pag-aalis ng taniman ng tabako, at ang pagpapakilala sa kahaliling mga tanim.
Ang Suliranin sa Pagkasugapa
Mahigit sa limang milyong tao sa Alemanya ang nakararanas ng sugapang paggawi, ayon sa German Center Against Dangers From Addiction sa Bonn. Sa mga ito, 1.4 na milyon ang sugapa sa gamot at halos 120,000 sa heroin. Mahigit sa 100,000 ang sugapa sa pagsusugal. Walang alinlangang ang pinakamalaking grupo ay sugapa sa alkohol, ulat ng Süddeutsche Zeitung, na nagsabi pa na ang “mga Aleman ang kampeon sa inuman sa daigdig.” Hindi lamang tumaas nang makaitlong beses ang paggamit ng alkohol sa Alemanya sapol nang 1950 kundi gaya ng tinataya ng center, mga 2.5 milyon tao ang nangangailangang gamutin dahil sa pag-abuso sa alkohol.