Paano Ko Madaraig ang Dalamhati sa Pagkamatay ni Tatay?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Madaraig ang Dalamhati sa Pagkamatay ni Tatay?
“Ang aking itay ay namatay sa supa. Natagpuan ko siya roon. Inatake siya sa puso. Totoong nakatatakot iyon kasi napakalapit ko sa kaniya. . . . Si inay ay umiiyak pa rin gabi-gabi. Hindi na tulad ng dati ang paggawa ng mga bagay na wala si itay.”—Emily.
“ANG kamatayan ng isang magulang o malapit na miyembro ng pamilya ay isang malaking dagok para sa isang kabataan,” sabi ng manunulat na si Kathleen McCoy. “Siya ay maaaring makadama ng pansamantalang pagkasira ng loob dahil sa pamimighati, pagkadama ng pagkakasala, pagkasindak at galit.” Kung ikaw ay namatayan ng isang magulang, kung gayon ay alam mo kung gaano ito kasakit.
Kaya naman, normal lamang na makadamang tila nabihag ka sa alimpuyo ng emosyon kapag ang ating mahal sa buhay ay namatay. Sinasabi ng Bibliya na nang sabihan ang patriyarkang si Jacob na ang kaniyang anak na si Jose ay namatay, kaniyang ‘hinapak ang kaniyang mga suot’ sa pagbulalas ng kaniyang pagdadalamhati. At bagaman “nagsitindig ang lahat niyang mga anak na lalaki at babae upang siya’y aliwin, . . . tumanggi siyang maaliw.” (Genesis 37:34, 35) Maaaring gayundin ang iyong nadama na ang kirot ay napakasakit anupat para bang ito’y hindi na maglalaho.
Sa paglipas ng panahon, maglalaho rin ito. Subalit ang susi ay harapin, sa halip na sikaping ipagwalang-bahala, ang iyong kirot. Halimbawa, ang kabataang si John ay hindi man lamang nagpamalas sa panlabas na siya’y nagdadalamhati sa pagkamatay ng isang miyembro sa pamilya. Gayunman, nagsimula siyang makipag-away sa paaralan. Nagpaliwanag si John: “Ako’y naglalakad na nagsisikip sa sakit ang loob ko. Sinisikap kong alisin ito sa pamamagitan ng pakikipag-away pero wala itong nagawa.”
Pinipigilan ng ilang kabataan ang kirot ng damdamin sa pamamagitan ng pagsali sa magugulong gawain. Kapag kinukumusta sila ng iba, iniiwasan ng ilan ang gayong mga tanong sa pamamagitan ng pagkukunwaring sila’y masaya. Ang paggawa ng gayon ay pansamantala lamang na makapagpapalimot sa kirot, subalit hindi sa mahabang panahon. Ang Kawikaan 14:13 ay nagsasabi: “Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw.”
Kapuna-puna, isang artikulo sa isang magasin na tungkol sa mga kabataan ang nagsabi: “Sa isang pagsusuri, ang mga tin-edyer na nagpipigil ng kanilang likas na damdamin ng pagdadalamhati, galit o pagkadama ng pagkakasala pagkamatay ng isang kamag-anak . . . ay nakikitaan ng higit na kalimitan na mapasama sa mapaminsalang pag-uugali, gaya ng pag-abuso sa droga at alkohol, pakikipagsapalaran (gaya ng pagpapatakbo ng mga sasakyan nang napakabilis) at delingkuwenteng pag-uugali.” Mabuti naman, may mabubuting paraan upang mabata ang pagdadalamhati.
“Panahon ng Pag-iyak”
Ang Eclesiastes 7:2 ay nagsasabi: “Maigi pa ang pasa bahay ng tangisan kaysa bahay ng pistahan, sapagkat siyang wakas ng lahat ng mga tao; at ilalagak ng may buhay sa kaniyang puso.” Ang kamatayan ay maaaring nakatatakot. At kapag ang isang kaibigan o mahal sa buhay ang namatay, maaaring sikapin ng ilan na takasan ang mapait na katotohanan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpunta sa “bahay ng pistahan” at pagpapakasawa sa pagsasaya. Gayunman, hinihimok ni Solomon na harapin ang pagkamatay at pumunta sa “bahay ng tangisan.” Sinabi pa ni Solomon: “Ang kapanglawan ay maigi kaysa pagtawa: sapagkat sa kapanglawan ng mukha ay sumasaya ang puso.”—Eclesiastes 7:3, King James Version.
Bagaman ang payong ito’y pangunahin nang patungkol sa mga kaibigan at pamilya ng naulila, kapaki-pakinabang din para sa naulila na harapin ang kirot ng pagkamatay. May “panahon ng pag-iyak.” (Eclesiastes 3:4) Kaya naman, hinayaan ng mga lalaki at babae na may-takot sa Diyos noong panahon ng Bibliya na ibulalas ang kanilang mga sarili, sa halip na pigilan, ang kanilang damdamin ng pagdadalamhati.—Ihambing ang Genesis 23:2; 2 Samuel 1:11, 12.
Ang pagpapahintulot sa sarili na magdalamhati ay maraming kapakinabangan. Ganito ang sabi ng aklat na The Art of Condolence: “Kailangang pahintulutang madama ng naulila ang kirot at hapis ng nararanasan nilang pagdurusa. Nahahadlangan ang paggaling dahil sa pagpigil sa proseso nito.” Gayunman, palibhasa’y nadadala ng katha na ang tunay na mga lalaki ay hindi umiiyak, masusumpungan ng ilang kalalakihan na lalong mahirap ipahayag ang kanilang damdamin. Subalit ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman ay lantarang “lumuha” nang ang kaniyang kaibigang si Lazaro ay namatay. (Juan 11:35) At ang pag-iyak ay naangkop lamang kapag ang isa ay namatayan ng magulang. Kaya huwag mag-atubiling magdalamhati at lumuha. (Ihambing ang Santiago 4:9.) Ganito ang sabi ng aklat na Death and Grief in the Family: “Ang pag-iyak ang isa sa pinakamahalagang paraan ng pagdaig sa kalungkutan.”
Ang Pagdaig sa Iyong Kalungkutan
Noong panahon ng Bibliya, ipinahayag ni Haring David ang kaniyang dalamhati para sa kaniyang matalik na kaibigan, si Jonathan, hindi lamang sa pag-iyak kundi sa pagsulat pa man din ng kaniyang nadarama. “Ako’y namanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan, naging totoong kalugud-lugod ka sa akin,” sulat ni David sa magandang panaghoy na kaniyang tinaguriang “Ang Pana.”—2 Samuel 1:18, 26.
Maaari mo ring masumpungan na nakatutulong na isulat ang iyong damdamin. Ganito ang sabi ng aklat na Giving Sorrow Words: “Ang pagsulat ng iyong nadarama ay makatutulong upang mailabas ang kinikimkim na damdamin. . . . Kapag ikaw ay galít, kapag ikaw ay nalulungkot, isulat mo ito.” Isang tin-edyer na babae na nagngangalang Shannon ang nagsabi: “Iningatan ko ang isang diary. Isinulat ko roon ang lahat ng aking nadarama. Isinulat ko ang lahat ng nadarama ko nang walang itinatago. Ang lahat ng nadama ko ay nasa papel at nakatulong iyan nang malaki . . . ang pagsulat ng lahat ng iyong nadarama.”
Ang isa pang tulong ay ang ehersisyo. “Sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti,” sabi ng Bibliya. (1 Timoteo 4:8) At ganito ang sinabi ng isang aklat tungkol sa pagdadalamhati: “Ang pag-eehersisyo ay mabuting paraan ng paglalabas ng lakas.” Ang nakapagpapasiglang pagtakbo, isang mabilis na paglalakad, o nakarerepreskong pagbibisikleta ay may malaking magagawa upang maibsan ang kaigtingan na naiipon kapag ikaw ay nalulungkot at nagdadalamhati.
Makipag-usap sa Isang Tao
Subalit, mag-ingat na hindi mo lubusang inihihiwalay ang iyong sarili sa iba. (Kawikaan 18:1) Ang Kawikaan 12:25 ay nagsasabi: “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon, ngunit ang mabuting salita ay nagpapagalak roon.” Paano matatamo ng isang taong namimighati ang “mabuting salita” ng pampatibay-loob? Tanging kung siya’y makikipag-usap sa isang tao at ipahayag ang kaniyang “pagkabalisa.” Bakit hindi mo gawin iyan? Buksan mo ang iyong dibdib at makipag-usap sa isa na iyong mapagkakatiwalaan.
Karaniwan na, ang iyong magulang na may-takot sa Diyos ang makatuwiran na lapitan. Subalit paano kung siya mismo ay lipos din ng pagkahapis upang hingan ng tulong? Buweno, ang maygulang na mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay maaaring makatulong. Ang Kawikaan 17:17 ay nagsasabi: “Ang tunay na kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak pagka may kagipitan.” Pagkamatay ng kaniyang ina, ang kabataang si Morfydd ay umasa nang husto sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. “Ang lahat ng matatanda ay naging napakamatulungin,” ang kaniyang gunita, “pero ang lalo nang nakatulong ay ang laging may handang makinig sa akin.”
Bakit hindi magsikap na humingi ng gayong tulong at suporta? Ipaalam sa isang tao na kailangan mong makipag-usap. Marahil ay nakadarama ka ng pagkagalit, pagkatakot, o damdamin ng pagkakasala. O baka basta nalulumbay ka at hinahanap-hanap ang iyong magulang. Ang paghahayag ng
iyong damdamin sa isang madamaying tagapakinig ay totoong makatutulong.Pagtulong sa Iyong Magulang
Gayunman, nadaragdagan ng ilang kabataan ang kanilang kahapisan sa pamamagitan ng pagbalikat sa mga pananagutan na hindi nila handang pasanin. Ang kalagayan ngayon sa bahay ay waring napakagulo at wala sa ayos. Ang iyong nabubuhay na magulang ay mauunawaan naman ang pagiging maigting, mayamutin—at malungkutin. Dahil sa nauunawaan mo ang nadarama niyang kirot, natural lamang na naisin mong makatulong. Isang may kabatiran sa pagdadalamhati ang nagsabi na “ang mga kabataan . . . ay maaaring nagpipigil ng kanilang pagdadalamhati sa isang likong pagsisikap na tulungan ang kanilang mga magulang.” Sila’y maaaring “kumilos nang wala sa panahon na parang ‘may-edad na,’ marahil ang pagsasabalikat pa nga ng karagdagang mga pananagutan.”
Mangyari pa, maaaring wala kang mapagpilian kundi ang magsabalikat ng ilang karagdagang pananagutan dahil sa pagkamatay ng iyong magulang. Subalit hindi ito ang nagpapangyari sa iyo na maging ang ulo ng tahanan. Ang iyong nabubuhay na magulang ang siya pa ring nangunguna, at makatutulong ka nang higit sa kaniya, hindi sa pamamagitan ng pangunguna sa kaniya, kundi sa pamamagitan ng pagiging matulungin at masunurin. (Efeso 6:1) Tandaan na “ang karunungan ay nasa mabababang-loob.” (Kawikaan 11:2) Lakip sa kababaang-loob ang pag-alam ng iyong mga limitasyon.
Lalo na itong mahalagang isaisip kung ang iyong nabubuhay na magulang ay nagsisimulang dumepende sa iyo para sa payo o magsimulang magpapasan sa iyo ng pang-maygulang na mga pag-áalalá. Nais mong maging mabait at matulungin, subalit ang kababaang-loob ang makatutulong sa iyo na matanto na ang iyong karanasan sa buhay ay talagang limitado. (Ihambing ang Hebreo 5:14.) Kaya kung nadarama mong medyo nadaraig ka ng damdamin, ipakipag-usap ang bagay-bagay sa iyong magulang nang tuwiran ngunit sa magalang na paraan. (Kawikaan 15:22) Marahil maimumungkahi mo na siya’y humingi ng tulong sa ilang maygulang sa kongregasyon.
Ang pagbata sa pagkamatay ng isang magulang ay hindi madali. Subalit magtiwala ka na, sa paglipas ng panahon, ang pagkadama ng kalungkutan ay hindi na mananaig sa iyo. (Ihambing ang Genesis 24:67.) Ang malulungkot na alaala ng iyong yumaong magulang ay maiisip mo pa rin paminsan-minsan. Ngunit marami ka ring masigla at nakagigiliw na mga alaala na maaari mong gunitain. Huwag kalimutan na si Jehova ay nagmamalasakit sa iyo at nakauunawa sa iyong kalungkutan. Kapag nadarama mong nag-iisa ka at tila iniwan, isipin ang mga salita ng salmista: “Bagaman pabayaan ako ng aking sariling ama at ng aking sariling ina, ako’y kukupkupin ni Jehova.”—Awit 27:10.
Bulaybulayin din ang salig-Bibliyang pag-asa ng pagkabuhay-muli at ang pag-asa na makita nang minsan pa ang iyong magulang—sa paraisong lupa. (Lucas 23:43; Gawa 24:15) Ganito ang sabi ng kabataang si Kim na namatayan ng ama: “Naiisip ko ang aking ama araw-araw. Pero alam kong ayaw niyang sumuko kami o pahintulutan ang anuman na magpahinto sa aming paglilingkuran kay Jehova. Ibig kong makarating doon upang salubungin siya kapag nagbalik na siya sa pagkabuhay-muli.”—Juan 5:28, 29.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pagpapahintulot sa sarili na umiyak ay makatutulong sa paggaling