Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinanay Upang Pumatay, Ngayon Ako’y Nag-aalok ng Buhay

Sinanay Upang Pumatay, Ngayon Ako’y Nag-aalok ng Buhay

Sinanay Upang Pumatay, Ngayon Ako’y Nag-aalok ng Buhay

“Ikinulong ng mga terorista ang mga bihag sa isang bahay sa hilagang Israel.”

AKO ay bakasyon noong dulo ng sanlinggong iyon mula sa hukbong Israeli at nagkakamping sa Dagat ng Galilea nang marinig ko ang balita sa radyo. Alam na alam ko kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang iyon. Isa akong opisyal ng hukbo sa isang pantanging yunit na propesyonal na sinanay upang harapin ang terorismo. Alam ko rin na kailangang kabilang ako sa mga papasok, papatay sa mga terorista, at magpapalaya sa mga bihag. Walang pag-aatubiling sumakay ako agad sa aking kotse at nagpatakbo nang matulin hangga’t magagawa ko patungo sa eksena.

Yamang ang mga opisyal sa hukbong Israeli ang laging unang pumapasok, batid ko na ako ay makakabilang sa mga unang haharap sa mga terorista, ngunit ang kaisipang mapatay o masugatan ay hindi nakapigil sa akin. Dumating ako sa eksena mga ilang minuto lamang pagkatapos magawa ng mga kaibigan ko sa aming yunit ang gawain, pinatay ang limang terorista at pinalaya ang mga bihag. Bigung-bigo ako na hindi ako nakasali sa aksiyon.

Bakit gayon ang nadama ko? Sapagkat ako ay masyadong makabayan, at nais kong patunayan ang pag-ibig ko sa aking bayan. Subalit paano ba ako napasama sa yunit na ito na nagdadalubhasa sa estratehiya at aksiyon upang biguin ang mga terorista?

Ako’y isinilang sa Tiberias, sa Israel, noong 1958 at pinalaki ako sa isang napakamakabayang tahanan. Naniniwala akong ang aking bansa ay laging tama. Kaya nang sumali ako sa hukbo noong 1977, nagboluntaryo akong maglingkod sa pinakapropesyonal na yunit ng pakikipagbaka sa hukbong Israeli. Napakaliit na porsiyento lamang ng mga aplikante ang tinatanggap upang magsimula ng isang napakahirap na kurso ng pagsasanay. Hindi lahat ay natatapos, at sa mga ito, dalawa lamang ang pinipiling maging mga opisyal. Ako ang isa sa kanila.

Ang aking tagumpay ay tunay na isang salamin ng aking pag-ibig sa aking bayan. May mabuting dahilan ako na ipagmalaki ang aking sarili. Sa paano man, ako ay isang opisyal sa isang pantanging yunit ng pakikipagbaka na gumagawa ng mga bagay na bihirang makita ng karaniwang tao, kahit sa mga pelikula. Gayunman, kaakibat ng tagumpay, katanyagan, at pagkasekreto ay ang espirituwal na kahungkagan na sumidhi hanggang sa matalos ko na tiyak na may higit pang kahulugan sa buhay. Kaya pagkatapos ng mahigit na apat na napakahirap na mga taon, ako’y umalis sa hukbo upang maglakbay at makita ang daigdig.

Kung Bakit Ako Umalis sa Israel

Ang mga paglalakbay ko sa palibot ng daigdig ay dumating sa isang wakas nang, sa Thailand, ay makilala ko si Kunlaya, ang aking mapapangasawa, na noo’y nag-aaral ng sining sa Bangkok University. Isa man sa amin ay walang balak na mag-asawa, subalit ang aming pag-ibig ay mas marubdob kaysa natalos namin. Kaya si Kunlaya ay huminto sa kaniyang pag-aaral, tinapos ko ang aking paglalakbay, at nagpasiya kaming mamuhay na magkasama. Saan? Sa Israel, mangyari pa. “Kailangang ipagtanggol ko ang aking bayan,” sabi ko sa kaniya.

Sa Israel ang isang lalaking Judio ay maaari lamang mag-asawa sa isang Judio; kaya batid ko na si Kunlaya, na noo’y isang Budista, ay kailangang makumberte sa Judaismo, isang bagay na sumang-ayon siyang gawin. Subalit ayaw ng mga relihiyosong Judio na may pananagutan sa gayong pagkumberte na siya’y makumberte. Saanman kami bumaling upang humingi ng tulong, gayunding negatibong tugon ang aming nakukuha: “Ang isang katulad mo ay dapat na mag-asawa ng isang mabait na babaing Judio at huwag magpakasal sa Gentil na ito.” Hindi lamang isang Gentil si Kunlaya kundi siya rin ay mula sa ibang lahi.

Pagkatapos ng anim na buwan na pagsisikap, kami sa wakas ay inanyayahan sa relihiyosong hukuman upang kapanayamin ng tatlong rabbi na magpapasiya kung si Kunlaya ay maaaring makumberte o hindi. Doon ay nasumpungan ko ang aking sarili na sinasaway dahil sa pagnanais kong mag-asawa ng isang Gentil. Sinabi nila sa akin na pauwiin ko na siya. “Bakit hindi mo siya kunin bilang iyong alipin!” mungkahi ng isang rabbi. Tinanggihan nila ang aming kahilingan.

Hindi ko na matiis ang pagtratong ito. Samantalang sila’y nagsasalita pa, hinawakan ko si Kunlaya at kami’y umalis sa hukuman, nagpapahayag na si Kunlaya ay hindi kailanman magiging isang Judio kahit na siya ay pahintulutan at na ayaw ko nang manatiling isang Judio. ‘Ang isang relihiyon na ganito ang pakikitungo sa mga tao ay walang halaga!’ naisip ko. Ngayong ako’y nagpasiya na, gumawa sila ng pantanging mga pagsisikap na paghiwalayin kami. Kahit na ang aking mahal na mga magulang ay nasangkot dito dahil sa matinding relihiyosong mga damdamin at panggigipit na ipinakita sa amin upang iwan namin ang isa’t isa.

Samantala ang digmaan sa Lebanon sa pagitan ng mga hukbong Israeli at mga gerilyang Palestino ay nagsimula na. Mangyari pa, ako ay tinawag upang sumali sa pakikipagbaka, at samantalang nasa teritoryo ng kaaway na isinasapanganib ang aking buhay para sa aking bayan, ang pasaporte ni Kunlaya ay kinuha sa kaniya at siya ay hiniling na umalis ng bansa. Lahat ng ito ay bahagi ng pagsisikap na paghiwalayin kami. Nang sandaling malaman ko kung ano ang nangyari, ang pag-ibig ko sa aking bayan ay namatay. Sa kauna-unahang pagkakataon, natanto ko kung ano ang tunay na kahulugan ng pagkamakabayan. Handa kong gawin ang lahat para sa aking bayan, at ngayon ay ayaw nila akong pahintulutang mapangasawa ang babaing minamahal ko! Labis akong nasaktan at nadaya. Para sa akin, ang pagpapaalis kay Kunlaya ay katulad ng pagpapaalis sa akin. Kaya, ang pakikipaglaban upang si Kunlaya ay manatili sa Israel ay sa katunayan pakikipaglaban ng aking sariling karapatan na manirahan sa Israel, isang bagay na hindi ko gustong gawin.

Wala kaming mapagpilian kundi ang mangibang-bayan upang magpakasal at saka magbalik sa Israel upang gawin ang pangwakas na mga kaayusan bago umalis ng bansa. Umalis kami ng Israel noong Nobyembre 1983, subalit kami muna ay nakipagpayapaan sa aking mga magulang. Sa tuwina’y nakita ko ang pagpapaimbabaw sa relihiyon bilang ang pangunahing dahilan ng kaguluhan ng mga Judio, gayunman hindi pa ako kailanman naging totoong malayo sa relihiyon na gaya noon.

Pagkasumpong ng Katotohanan Tungkol sa Mesiyas

Takang-taka kami na malaman na isang partikular na batas sa pandarayuhan ay gumawang imposible para sa amin na mamuhay sa bansa ng aking asawa. Kailangang humanap kami ng pangatlong bansa na titirahan! Ang aming unang anak na lalaki ay isinilang sa Australia, subalit hindi rin kami maaaring manirahan doon. Nagpatuloy kami ng paglipat sa bansa at bansa. Dalawang taon ang lumipas, at unti-unti na kaming nawalan ng pag-asa na makasumpong ng isang dako kung saan maaari kaming manirahan nang permanente. Noong Oktubre 1985, dumating kami sa New Zealand. ‘Isa pang bansa ng pansamantalang tirahan,’ naisip namin habang nakikisakay kami pahilaga kasama ang aming 11-buwang-gulang na anak na lalaki. Ngunit kami’y maling-mali!

Isang gabi kami ay inanyayahan para sa isang hapunan ng isang mabait na mag-asawa. Pagkatapos marinig ang aming kuwento, ang asawang babae ay nag-alok na tutulungan kami sa aming aplikasyon para sa permanenteng paninirahan sa New Zealand. Kinabukasan, bago magpaalam, iniabot niya sa akin ang isang maliit na aklat na may pamagat na The New Testament (Griegong Kasulatan). “Basahin mo ito,” sabi niya. “Lahat ng mga manunulat nito ay Judio.” Inilagay ko ito sa aking bag at nangako akong babasahin ko ito. Wala akong kaalam-alam kung ano ang aklat na iyon​—ang mga Judio ay karaniwang hindi nagbabasa ng Kristiyanong literatura. Nang maglaon kami ay bumili ng isang lumang kotse at nagpatuloy patimog, ginagawang tahanan namin ang kotse.

Sa isa sa mga paghinto, naalaala ko ang aking pangako. Inilabas ko ang aklat at sinimulang basahin ito. Nasumpungan ko ang aking sarili na natututo tungkol sa taong itinuro sa akin ng pananampalatayang Judio na kapootan, kamuhian pa nga. Nagulat akong mabasa na ginugol ni Jesus ang karamihan ng kaniyang buhay kung saan ginugol ko ang karamihan ng aking buhay, sa palibot ng Dagat ng Galilea. Higit akong nagtaka na mabasa ang mga bagay na sinabi niya. Wala pa akong narinig na sinuman na nagsalitang katulad niya.

Sinubukan kong humanap ng kamalian sa taong iyon, ngunit wala akong masumpungan. Sa halip, naibigan ko ang itinuro niya, at mientras nagbabasa ako tungkol sa kaniya, lalo akong nag-iisip kung bakit nagsinungaling sa akin ang mga Judio tungkol sa kaniya. Naunawaan ko na bagaman ako ay hindi kailanman relihiyoso, ako’y na-brainwash ng relihiyon kung paanong ako’y na-brainwash ng nasyonalismo. Naisip ko, ‘Bakit gayon na lamang ang pagkapoot sa kaniya ng mga Judio?’

Ang aking tanong ay bahagyang nasagot nang mabasa ko ang kabanata 23 sa Mateo. Namangha ako habang binabasa ko na lakas-loob na inilantad ni Jesus ang pagpapaimbabaw at balakyot na paggawi ng Judiong mga lider ng relihiyon nang kaniyang panahon. ‘Walang nagbago,’ naisip ko. ‘Ang mga salitang ito ni Jesus ay lubusang kapit sa Judiong mga lider ng relihiyon sa ngayon. Nakita ko ito at naranasan ko mismo ito!’ Wala akong magawa palibhasa’y malalim ang paggalang ko sa taong ito na walang takot na nagsalita ng katotohanan. Hindi ako naghahanap ng ibang relihiyon, ngunit hindi ko mawalang-bahala ang kapangyarihan ng turo ni Jesus.

Pagkarinig sa Pangalang Jehova

Natapos kong basahin halos ang kalahati ng Griegong Kasulatan nang dumating kami sa Milford Sound, sa Fiordland ng South Island ng New Zealand. Ipinarada namin ang aming kotse sa tabi ng isa pang kotse na may isang babaing taga-Asia na nakaupong malapit dito. Ang aking maybahay ay nagsimulang makipag-usap sa kaniya. Nang dumating ang kaniyang Britanong asawang lalaki, maikling sinabi namin ang aming kuwento. Saka sinabi sa amin ng asawang lalaki na sa malapit na hinaharap, pupuksain ng Diyos ang kasalukuyang mga pamahalaan at ang Kaniyang pamahalaan ay mamamahala sa isang matuwid na sanlibutan. Bagaman ito ay waring maganda sa akin, naisip ko: ‘Nangangarap ang taong ito.’

Ang lalaki ay nagpatuloy, sinasabi sa amin ang tungkol sa relihiyosong pagpapaimbabaw at maling mga turo ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Pagkatapos ang kaniyang asawang babae ay nagsabi: “Kami’y mga Saksi ni Jehova.” Bigla kong naisip, ‘Ano ang ginagawa ng mga Gentil na ito sa Diyos ng mga Judio? At sa pangalang Jehova!’ Kilala ko ang pangalang iyon, subalit ito ang kauna-unahang pagkakataon na narinig ko na ito’y binigkas. Ang mga Judio ay hindi pinahihintulutang bigkasin ang pangalang iyan. Ibinigay sa amin ng mag-asawa ang kanilang direksiyon ng tirahan at ilang literatura sa Bibliya, at kami’y umalis. Hindi namin alam na ang pagkakilala sa mag-asawang ito ang makapagpapabago sa aming buhay.

Pagkasumpong ng Katotohanan

Pagkalipas ng dalawang linggo kami ay nasa Christchurch. Isinaayos na kami ay tumira at tumulong sa isang rantso na pag-aari ng mga miyembro ng isang simbahang Pentecostal. Sa rantso ay natapos ko ang pagbabasa ng Griegong Kasulatan at sinimulan kong muling basahin ito. Napansin ko kung gaano kaliwanag ang pag-iral ng Diyos kay Jesus. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko ako ay nagtanong, ‘Talaga bang umiiral ang Diyos?’ Nagsimula akong maghanap para sa kasagutan. Nakakuha ako ng isang kopya ng kompletong Bibliya sa aking sariling wika, Hebreo, at sinimulan kong basahin ito, upang masumpungan ko ang higit pa tungkol kay Jehova, ang isa na tinatawag na Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.

Agad naming nakilala ng misis ko na ang mga turo na natutuhan namin mula sa mga may-ari ng rantso ay hindi kasuwato ng nababasa namin sa aming Bibliya. Ni ang kanila mang paggawi ay kasuwato ng mga turo ng Bibliya. Sa katunayan, noong minsan kami ay lubhang nabalisa sa paraan ng pagtrato sa amin sa rantso anupat isinulat ko ang tungkol dito sa babaing nagbigay sa amin ng Griegong Kasulatan. “Hanggang sa ngayon, naniniwala ako, ipinakita sa amin ng Diyos kung aling ‘Kristiyanismo’ ang huwad, at kung talagang may Diyos, ituturo niya sa amin ang tunay na Kristiyanismo.” Isinulat ko ito sa kaniya, nang hindi ko nalalaman na ako’y tama. Noon ko naalaala kung ano ang sinabi sa amin ng dalawang Saksi tungkol sa kapaimbabawan ng mga relihiyon. Nagpasiya kaming makipagkitang muli sa mga Saksi.

Pagkaraan ng ilang araw, isinaayos ng mag-asawang iyon na dalawa pang Saksi ni Jehova, na nakatira sa malapit, na dumalaw sa amin. Inanyayahan nila kami sa hapunan. Sa kanilang bahay ay pinag-usapan namin ang Bibliya, at naibigan namin ang aming narinig. Kinabukasan kami ay muling inanyayahan at nagkaroon kami ng mahabang usapan. Ang ipinakita nila sa amin mula sa Bibliya ay totoong makatuwiran at madaling maunawaan anupat nadama naming mag-asawa na natuklasan namin ang isang bagay na kahanga-hanga, oo, ang katotohanan!

Hindi kami halos makatulog nang gabing iyon. Batid namin na ang buhay ay hindi na magiging gaya ng dati. Sinimulan kong basahin ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, inilathala ng mga Saksi, at habang binabasa ko ito, para bang ako’y bulag at ngayon ako’y nakakakita na! Naunawaan ko ang layunin ng buhay, kung bakit ang tao ay inilagay sa lupa, kung bakit tayo namamatay, kung bakit pinapayagan ng Diyos ang paghihirap, at kung paano tinutupad ng mga pangyayari sa daigdig ang mga hula sa Bibliya. Humiram ako ng maraming aklat na mahihiram ko mula sa mga Saksi ni Jehova at gumugol ako ng maraming oras sa pagbabasa nito. Madali kong nakita ang kasinungalingan ng mga turo ng Trinidad, apoy ng impiyerno, at imortalidad ng kaluluwa. Naibigan ko ang lohika at mabisang pangangatuwiran ng Bibliya na ginamit ng mga publikasyong ito.

Paghahambing ng mga Bibliya at mga Mananampalataya

Sinikap ng mga may-ari ng rantso na pahinain ang aming loob na makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. “Iba ang Bibliya nila, isang maling salin,” sabi nila sa amin. “Buweno, susuriin ko kung totoo iyan,” ang sabi ko. Nanghiram ako ng ilang salin ng Bibliya mula sa mga may-ari ng rantso at kumuha rin ako ng isang kopya ng New World Translation of the Holy Scriptures at inihambing ko ang lahat ng ito sa isang kopya ng Bibliya sa wikang Hebreo. Natuwa akong matuklasan na ang New World Translation ang pinakatumpak at tunay na salin. Ang aking pagtitiwala sa mga publikasyon ng Watch Tower Bible and Tract Society ay lumago.

Nang una kaming dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall, hindi namin naunawaan ang lahat ng tinalakay roon, subalit hindi kami nahirapan na maunawaan ang kamangha-manghang pag-ibig na ipinakita sa amin ng kongregasyon. Kami’y namangha na ang pangalang Jehova ay madalas na binabanggit. “Jehova, Jehova,” paulit-ulit kong sinasabi pag-uwi namin mula sa pulong. “Hindi na basta ‘Diyos’ ngayon, ito’y ‘Diyos na Jehova,’ ” sabi ko sa aking asawa.

Sa katapusan kami ay lumipat sa Christchurch upang makisama sa higit pang mga Saksi ni Jehova at upang dumalo sa lahat ng mga pulong. Ang publikasyong Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? ay nag-alis ng lahat ng alinlangan sa aking isip na ang Diyos na Jehova ay talagang umiiral at na siya ang Maylikha.

Nakilala Namin ang mga Kapatid na Palestino

Pagkatapos makipagtalastasan sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Israel, tumanggap ako ng ilang sulat buhat sa mga Saksi roon. Ang isa sa mga sulat ay galing sa isang Palestino na nakatira sa West Bank, at ang kaniyang panimulang mga salita ay: “Aking Kapatid na Rami.” Naisip ko na iyan ay hindi kapani-paniwala, yamang ang mga Palestino ay mga kaaway ko noon, at narito ang isa sa kanila ay tinatawag akong “Aking Kapatid.” Pinahalagahan ko ang pambihirang pambuong daigdig na pag-ibig at pagkakaisa na umiiral sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Nabasa ko na noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ay inilagay sa mga kampong piitan, pinahirapan, at pinatay dahil sa ayaw nilang mag-aral makipagdigma sa kanilang espirituwal na mga kapatid sa ibang bansa. Oo, ito ang inaasahan ko sa tunay na mga tagasunod ni Jesus.​—Juan 13:34, 35; 1 Juan 3:16.

Kami’y patuloy na sumulong sa aming pag-aaral. Samantala ang tanggapan ng pandarayuhan sa New Zealand ay may kabaitang nagpahintulot sa amin na manirahan doon nang permanente, na nakaragdag pa sa aming kagalakan. Ngayon maaari na kaming manirahan at sumamba kay Jehova sa isa sa pinakamagandang bansa sa daigdig.

Tinanggap ng Aking mga Magulang ang Katotohanan

Mangyari pa, nang malaman namin ang kahanga-hangang mga katotohanang ito sa Bibliya, ako’y sumulat sa aking mga magulang tungkol dito. Nasabi na nila ang kanilang pagnanais na dumalaw sa amin. “Nasumpungan ko ang isang bagay na higit pa sa anumang halaga ng salapi,” sulat ko, pinasisidhi ang kanilang pag-asam. Sila’y dumating sa New Zealand noong magtatapos ang 1987, at kami’y nagsimulang magsalita tungkol sa katotohanan ng Bibliya halos karaka-raka. Inakala ng tatay ko na ako ay nasiraan ng bait dahil sa aking paniniwala kay Jesus, at sinikap niyang patunayan na ako’y mali. Nagkaroon kami ng mga pagtatalo halos araw-araw. Gayunman, nang maglaon, ang mga pagtatalong iyon ay nauwi sa mga usapan, at ang mga usapan ay naging isang pag-aaral sa Bibliya. Dahil sa tunay na pag-ibig na ipinakita sa kanila ng mga Saksi, nakita ng aking mga magulang ang kagandahan at ang lohika ng katotohanan.

Anong ligaya ko na makita ang aking mga magulang na makalaya mula sa pagkaalipin ng huwad na relihiyon at nang dakong huli’y makalaya rin mula sa nasyonalismo! Pagkaraan ng apat-na-buwang pagdalaw, sila’y nagbalik taglay ang katotohanan sa kanilang bayan sa Dagat ng Galilea. Ipinagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral doon sa dalawang Saksi mula sa pinakamalapit na kongregasyon, na 65 kilometro ang layo. Di-nagtagal ay ibinabalita na nila sa iba ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang Salita. Mga ilang araw bago nagsimula ang digmaan sa Persian Gulf, sinagisagan nila ang kanilang pag-aalay kay Jehova.

Samantala kaming mag-asawa ay naging bahagi ng pambuong-daigdig na sambahayan ng mga Saksi ni Jehova nang hayagan naming sagisagan ang aming pag-aalay sa Diyos na Jehova noong Hunyo 1988. Kumbinsido ako na para sa akin isa lamang ang paraan upang paglingkuran si Jehova at na iyan ay bilang isang buong-panahong ministro, kaya sinamantala ko ang unang pagkakataon na pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Hinding-hindi ko malilimutan na gayon na lamang ang aking pagkukusang gawin ang lahat para sa aking bayan, isinasapanganib pa nga ang aking buhay. Higit pa ang dapat kong gawin para sa Diyos na Jehova, na alam kong hindi ako kailanman bibiguin!​—Hebreo 6:10.

Pinasasalamatan namin si Jehova sa hindi kapani-paniwalang pag-asang ibinibigay niya sa atin, ang pag-asa na sa malapit na hinaharap ang planetang Lupa ay magiging isang magandang tahanan para sa mga talagang umiibig sa katuwiran​—isang tahanan na magiging malaya sa nasyonalismo at huwad na relihiyon at, samakatuwid, malaya mula sa digmaan, paghihirap, at kawalang-katarungan. (Awit 46:8, 9)​—Gaya ng inilahad ni Rami Oved.

[Mapa sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

LEBANON

SYRIA

ISRAEL

Tiberias

Okupadong teritoryo

Jericho

Jerusalem

Gaza Strip

JORDAN

[Larawan sa pahina 18]

Si Rami Oved kasama ang kaniyang pamilya ngayon