Ang Tatay Ko ay “Napalabas ng Bomba-Atomika sa Bilangguan”
Ang Tatay Ko ay “Napalabas ng Bomba-Atomika sa Bilangguan”
Ganap na ika-8:15 n.u. noong Agosto 6, 1945, isang bomba atomika ang sumabog sa Hiroshima, Hapón, niwawasak ang lungsod at nililipol ang sampu-sampung libo ng populasyon nito. Ang tatay ko ay tumangging sumamba sa emperador at itaguyod ang militarismo ng Hapón, kaya siya nang panahong iyon ay isang bilanggo sa piitan ng Hiroshima.
MADALAS ilarawan ni tatay kung ano ang nangyari noong di-malilimot na umagang iyon. “Ang liwanag ay kumislap sa kisame ng selda ko,” sabi niya. “Pagkatapos ay narinig ko ang isang napakalakas na ugong na para bang sabay-sabay na gumuho ang lahat ng mga bundok. Agad na nabalot ng makapal na kadiliman ang selda. Isinubsob ko ang ulo ko sa ilalim ng aking kutson upang maiwasan ang sa wari’y isang maitim na gas.
“Pagkalipas ng pito o walong minuto, inangat ko ang ulo ko mula sa ilalim ng kutson at nasumpungan ko na napawi na ang ‘gas.’ Minsan pang nagliwanag. Nagbagsakan ang mga bagay mula sa istante at makapal na alabok, talagang napakagulo. Dahil sa mataas na pader na nakapaligid sa bilangguan, walang apoy ang pumasok mula sa labas.
“Tumingin ako sa bintana sa likod at ako’y nagulat! Ang mga talyer ng bilangguan at ang mga gusaling yari sa kahoy ay pawang bumagsak. Saka ako tumingin sa maliit na bintana sa harap. Ang mga selda ng katapat na gusali ay lubusang wasak. Ang mga bilanggong nakaligtas ay sumisigaw ng saklolo. Nariyan ang takot at taranta—isang tanawin ng katakut-takot na kalituhan at sindak.”
Bilang isang bata gustung-gusto kong makinig sa pagkukuwento rito ni Tatay, gaya ng sabi niya, “na siya’y napalabas ng bomba-atomika sa bilangguan.” Isinaysay niya ang kuwento nang walang pagkadama ng pagkakasala, sapagkat siya’y nabilanggo nang walang katarungan. Bago ko sabihin ang tungkol sa mga paratang laban kay Tatay at kung paano siya pinakitunguhan noong panahon ng kaniyang pagkapiit, hayaan mong ipaliwanag ko kung paanong ang aking mga magulang ay napasama sa Todaisha, gaya ng tawag noon sa Watch Tower Bible and Tract Society sa Hapón.
Paghahanap sa Layunin
Si Tatay ay mahilig sa mga aklat, at bata pa lamang ay sinikap niyang pagbutihin ang kaniyang kalagayan sa buhay. Nang siya ay nasa ikalimang baitang pa lamang sa mababang paaralan, siya’y patagong umalis ng kaniyang bahay sa bayan ng Ishinomori sa hilagang-silangang Hapón. Mayroon lamang sapat na pera para sa isang papuntang tiket, siya’y sumakay ng tren patungong Tokyo, kung saan determinado siyang maging katulong sa bahay ni Shigenobu Okuma, na dalawang beses naging punong ministro ng Hapón. Subalit nang ang gusgusing batang ito ay dumating sa tahanan ni G. Okuma, ang kaniyang kahilingan para sa trabaho ay tinanggihan. Nang maglaon si Tatay ay nakakuha ng trabaho sa isang tindahan ng gatas kung saan doon din siya tumitira.
Samantalang isang tin-edyer pa, ang aking tatay ay nagsimulang dumalo sa mga lektyur ng mga
pulitiko at mga iskolar. Sa isang lektyur ang Bibliya ay binanggit bilang isang napakahalagang aklat. Kaya’t si Tatay ay bumili ng isang Bibliya, kumpleto na may mga reperensiya at isang atlas ng Bibliya. Hangang-hanga siya sa nabasa niya at naudyukan siyang gawin ang gawain na pakikinabangan ng lahat ng tao.Sa wakas si Tatay ay umuwi ng bahay, at noong Abril 1931, nang siya ay 24 anyos, pinakasalan niya ang 17-anyos na si Hagino. Di-nagtagal pagkatapos makasal ni Tatay, isang kamag-anak ang nagpadala sa kaniya ng literatura na lathala ng Todaisha. Namangha sa kaniyang nabasa, si Tatay ay sumulat sa Todaisha sa Tokyo. Noong Hunyo 1931 isang buong-panahong ministro mula sa Sendai na nagngangalang Matsue Ishii ang dumalaw sa kaniya sa Ishinomori. a Tinanggap ni Tatay ang isang set ng mga aklat mula sa kaniya na kinabibilangan ng The Harp of God, Creation, at Government.
Pagkasumpong ng Isang Layunin sa Buhay
Halos karaka-raka ay napag-unawa ni Tatay na ang iba’t ibang turo ng simbahan, gaya ng pagkakaroon ng tao ng isang imortal na kaluluwa, ang balakyot na sinusunog magpakailanman sa apoy ng impiyerno, at ang Maylikha bilang isang tatluhang Diyos, ay huwad. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4; Juan 14:28) Natanto rin niya na ang sanlibutang ito ay magwawakas. (1 Juan 2:17) Nagnanais malaman kung ano ang dapat niyang gawin, nakipagkita siya sa inatasang kinatawan ng Todaisha na dumalaw sa kaniya noong Agosto 1931, at bunga ng kanilang mga talakayan, si Tatay ay nabautismuhan at nagpasiyang maging isang buong-panahong ministro ni Jehova.
Pagkatapos ng malawig na mga talakayan si Nanay rin ay nakumbinsi na ang natututuhan niya buhat sa Bibliya ang katotohanan. Inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at siya’y nabautismuhan noong Oktubre 1931. Nang isubasta ng tatay ko ang kaniyang ari-arian, inakala ng kaniyang mga kamag-anak na siya ay nasisiraan ng bait.
Buhay Bilang Buong-Panahong mga Ministro
Ibinigay ni Tatay ang lahat ng perang tinanggap niya mula sa subasta sa kaniyang nanay, at sila ni Nanay ay nagtungo sa Tokyo noong Nobyembre 1931. Bagaman wala silang tinanggap na mga tagubilin kung paano makikipag-usap sa iba tungkol sa mabuting balita ng Kaharian, sila’y nagsimulang mangaral noong araw na sila’y dumating doon.—Mateo 24:14.
Hindi madali ang kanilang buhay. Lalo nang mahirap ito para sa nanay ko na noon ay 17 taóng gulang lamang. Walang mga kapuwa Saksi, walang mga pulong, at walang kongregasyon—isa lamang araw-araw na iskedyul ng pamamahagi ng literatura sa Bibliya sa bahay-bahay mula alas 9:00 n.u. hanggang alas 4:00 n.h.
Noong 1933 ang kanilang atas ng pangangaral ay nagbago mula sa Tokyo tungo sa Kobe. Ako’y ipinanganak doon noong Pebrero 9, 1934. Ang nanay ko ay masigasig na gumawa sa ministeryo hanggang isang buwan bago ang pagsilang ko. Pagkatapos ang aking mga magulang ay lumipat sa Yamaguchi, sa Ube, sa Kure, at sa wakas sa Hiroshima, na nangangaral sa bawat lugar sa loob ng halos isang taon.
Dinakip ang Aking mga Magulang
Habang sumisidhi ang militarismong Hapones, ang mga publikasyon ng Samahang Watch Tower ay ipinagbawal at ang mga Saksi ay mahigpit na sinubaybayan ng Special Secret Service Police. Pagkatapos, noong Hunyo 21, 1939, ang buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova sa buong Hapón ay tinipon. Sina Tatay at Nanay ay kabilang sa mga nadakip. Ako’y ipinagkatiwala sa pangangalaga ng aking lola na nakatira sa Ishinomori. Pagkatapos makulong sa loob ng walong buwan, si Nanay ay pinalaya at inilagay sa probasyon, at sa wakas, noong 1942, ay nakasama ko siya sa Sendai.
Samantala, si Tatay, kasama ang iba pang mga Saksi, ay tinanong ng secret police sa istasyon ng pulisya sa Hiroshima. Sapagkat sila’y tumangging sumamba sa emperador o itaguyod ang militarismo ng Hapón, ang mga Saksi ay binugbog nang husto. Hindi mapaalis ng nagtatanong si Tatay sa pagsamba kay Jehova.
Pagkatapos ng mahigit na dalawang taon sa piitan, si Tatay ay nilitis. Noong panahon ng isang sesyon, ang hukom ay nagtanong: “Miura, ano ang palagay mo sa Kaniyang Kamahalan, ang Emperador?”
“Ang Kaniyang Kamahalan, ang Emperador, ay inapo rin ni Adan at isang mortal, di-sakdal na tao,” sagot ni Tatay. Ang pangungusap na iyon ay lubhang nakagulat sa estenograpo ng korte anupat hindi niya ito itinala. Alam mo, karamihan ng mga Hapones noong panahong iyon ay naniniwala na ang emperador ay isang diyos. Si Tatay ay tumanggap ng hatol na limang taon sa bilangguan, at sinabi sa kaniya ng hukom na malibang talikdan niya ang kaniyang pananampalataya, siya ay mabibilanggo ng buong buhay niya.
Di-nagtagal, noong Disyembre 1941, sinalakay ng Hapón ang Estados Unidos sa Pearl Harbor, Hawaii. Ang pagkain sa bilangguan ay naging madalang, at noong mga buwan ng taglamig, si Tatay ay nakaranas ng maraming gabing nilalamig, di-makatulog dahil sa kakulangan ng pananamit. Bagaman napahiwalay sa lahat ng espirituwal na pakikisama, nababasa niya ang Bibliya sa aklatan ng piitan, at sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagbasa nito, napanatili niya ang espirituwal na lakas.
Nang Mahulog ang Bomba
Maaga noong umaga ng Agosto 6, 1945, isang bilanggo ang nais na makipagpalit ng mga aklat kay Tatay. Ito’y ipinagbabawal, subalit yamang nailagay na ng bilanggo ang kaniyang aklat sa kabila ng pasilyo sa selda ni Tatay, inilagay ni Tatay ang aklat niya sa selda ng bilanggong iyon. Kaya sa halip na sundin ang karaniwan niyang kinagawiang iskedyul nang umagang iyon, si Tatay ay nagbabasa nang mahulog ang bomba. Karaniwan nang siya’y nasa palikuran sa kaniyang selda pagka panahong iyon ng umaga. Pagkatapos ng pagsabog, nakita ni Tatay ang lugar ng palikuran na niwasak ng nahuhulog na mga labí.
Si Tatay ay dinala sa kalapit na bilangguan sa Iwakuni. Di-nagtagal pagkatapos niyan, ang mga Hapón ay sumuko sa Hukbong Allied, at siya’y pinalaya mula sa bilangguan sa gitna ng mga kaguluhan pagkatapos ng digmaan. Siya’y nagbalik sa bahay sa Ishinomori noong Disyembre 1945. Humina ang kaniyang kalusugan. Siya’y 38 anyos lamang, subalit siya’y mukhang matanda na. Sa simula ay hindi ako makapaniwala na siya ang tatay ko.
Matibay Pa Rin ang Kaniyang Pananampalataya
Ang Hapón ay nasa magulong kalagayan, at hindi namin alam kung saan nagkalat ang ilang nananatiling tapat na mga Saksi. Wala rin kami ng anumang literatura ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, tinuruan ako ni Tatay nang tuwiran buhat sa Bibliya ng katotohanan tungkol sa Kaharian ni Jehova, ang bagong sanlibutan, at ang nalalapit na digmaan ng Armagedon.—Awit 37:9-11, 29; Isaias 9:6, 7; 11:6-9; 65:17, 21-24; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.
Nang maglaon, nang ako’y turuan ng teoriya ng ebolusyon sa high school at nagsimula akong mag-alinlangan sa pag-iral ng Diyos, sinikap ng tatay ko na kumbinsihin ako tungkol sa pag-iral ng Diyos. Nang ako’y atubiling maniwala, sa wakas ay sinabi niya: “Karamihan ng mga tao sa daigdig ay nagtaguyod sa digmaan at nagkasala ng pagbububo ng dugo. Ako, sa aking bahagi, ay nanindigan sa katotohanan ng Bibliya at hindi kailanman nagtaguyod alin sa militarismo, pagsamba sa emperador, o sa digmaan. Kaya suriin mong
mabuti kung alin ang tunay na daan ng buhay na dapat mong lakaran.”Sa pagkaalam ko kung ano ang itinuro at pamumuhay ng aking ama at sa paghahambing niyan sa kung ano ang natututuhan ko sa paaralan, nakikita ko na ang teoriya ng ebolusyon ay hindi maaaring maging isang matinong paraan ng pag-iisip. Bagaman walang ebolusyonistang nagsapanganib ng kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga paniwala, ang tatay ko ay handang mamatay alang-alang sa kaniyang paniwala.
Isang araw noong Marso 1951, mahigit na limang taon pagkatapos magwakas ng digmaan, si Tatay ay nagbabasa ng pahayagang Asahi. Walang anu-ano siya ay sumigaw: “Hoy, dumating sila, dumating sila!” Ipinakita niya ang pahayagan sa akin. Ito’y isang artikulo tungkol sa limang misyonerong mga Saksi ni Jehova na kararating lamang sa Osaka. Lumulukso sa galak, nakipag-alam si Tatay sa pahayagan at nalaman niya na ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatag ng isang tanggapang sangay sa Tokyo. Kinuha niya ang direksiyon at dumalaw sa sangay, sa gayo’y muling nakipag-ugnayan sa organisasyon ni Jehova.
Tapat Hanggang sa Wakas
Noong 1952 ang aming pamilya ay lumipat sa Sendai. Ang mga misyonero ng Samahang Watch Tower na sina Donald at Mabel Haslett ay lumipat doon nang taon ding iyon at umupa ng isang bahay upang idaos ang Pag-aaral sa Bantayan. Apat lamang ang dumalo sa unang pulong—ang mga Haslett, ang tatay ko, at ako. Nang maglaon, sina Shinichi at Masako Tohara, Adeline Nako, at Lillian Samson ay nakisama sa mga Haslett bilang mga misyonero sa Sendai.
Sa pamamagitan ng pakikisama sa mga misyonerong ito, ang aming pamilya ay sumulong sa kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos at sa organisasyon. Si Nanay, na ang pananampalataya ay nayanig ng mga bagay na nangyari noong panahon ng digmaan, di-nagtagal ay nakisama sa amin sa pagtungo sa mga pulong at sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Ako’y napakilos na ialay ang aking buhay upang maglingkod sa Diyos na Jehova at ako’y nabautismuhan noong Abril 18, 1953.
Pagkatapos ng digmaan si Tatay ay nagtrabaho bilang isang ahente para sa isang kompaniya ng seguro. Sa kabila ng mga epekto ng kaniyang pagkabilanggo, kasali na rito ang sakit sa bato at alta presyon, mayroon siyang masidhing hangaring ipagpatuloy ang buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Ginawa niya iyon halos kasabay ng panahong ako’y mabautismuhan. Bagaman ang mahinang kalusugan ay nakahadlang sa kaniya sa pagpapatuloy bilang payunir sa loob ng mahabang panahon, ang kaniyang sigasig sa ministeryo ang nag-udyok sa akin na huminto sa pag-aaral ko sa unibersidad at kunin ang buong-panahong ministeryo bilang isang karera.
Si Isamu Sugiura, isang mabait na binata buhat sa Nagoya, ay naatasan bilang kapareha kong payunir. Noong Mayo 1, 1955, sinimulan namin ang aming ministeryo bilang mga espesyal payunir sa Beppu sa Isla ng Kyushu. Kakaunti lamang ang mga Saksi sa buong isla noon. Ngayon, pagkalipas ng mahigit na 39 na taon, mayroon na kaming 15 espirituwal na umuunlad na mga sirkito na may mahigit na 18,000 Saksi sa isla. At sa buong Hapón, mayroon na ngayong halos 200,000 Saksi.
Noong tagsibol ng 1956, kami ni Isamu ay tumanggap ng paanyaya na mag-aral sa Watch Tower Bible School of Gilead sa Estados Unidos. Tuwang-tuwa kami. Gayunman, nang ako’y magpa-checkup ng katawan bilang paghahanda para sa paglalakbay, natuklasan ng mga doktor na ako’y may tuberkulosis. Bigung-bigo, ako’y umuwi sa Sendai.
Nang panahong iyon ang pisikal na kalusugan ni Tatay ay lumala, at siya’y nagpapahinga sa bahay. Ang bahay na aming inuupahan ay isang-silid lamang na ang sahig ay yari sa banig na tatami. Kami ng tatay ko ay natutulog na magkatabi. Yamang hindi na makapagtrabaho si Tatay, hirap na
hirap si Nanay sa pag-iintindi sa aming pinansiyal na mga pangangailangan.Noong Enero 1957, si Frederick W. Franz, noo’y bise presidente ng Samahang Watch Tower, ay dumalaw sa Hapón, at isang pantanging kombensiyon ang isinaayos na gaganapin sa Kyoto. Hinimok ni Tatay ang nanay ko na dumalo. Bagaman bantulot na iwan kami sa aming maysakit na kalagayan, si Nanay ay sumunod kay Tatay at umalis patungo sa kombensiyon.
Di-nagtagal ang kalagayan ni Tatay ay nagsimulang lumala sa araw-araw. Habang kami’y nakahigang magkatabi, nagsimula akong mag-alala, at tinanong ko siya kung paano namin tutustusan ang aming sarili. Siya’y sumagot: “Tayo’y naglingkod sa Diyos na Jehova, isinasapanganib pa nga ang ating buhay, at siya ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Bakit ka nag-aalala? Tiyak na si Jehova ay maglalaan ng ating kailangan.” Saka niya ako pinayuhan sa pinakamagiliw na paraan, na ang sabi: “Paunlarin mo sa iyong sarili ang mas matibay na pananampalataya.”
Noong Marso 24, 1957, si Tatay ay namatay. Pagkatapos ng kaniyang libing ako ay nagtungo sa kompaniya ng seguro na pinagtrabahuhan niya upang ayusin ang mga bagay-bagay sa kanila. Nang ako’y papaalis na, iniabot sa akin ng manedyer ng sangay ang isang supot at nagsabi: “Ito’y sa tatay mo.”
Pagbalik ko ng bahay natuklasan ko ang malaking halaga ng pera sa loob ng supot. Nang tanungin ko ang manedyer tungkol dito noong dakong huli, ipinaliwanag niya sa akin na ang pera ay mula sa hulog sa seguro na buwanang inaawas sa suweldo ni Tatay nang hindi niya nalalaman. Kaya ang pananalita ni Tatay, “tiyak na si Jehova ay maglalaan ng ating kailangan,” ay nagkatotoo. Ito’y lubhang nagpalakas ng aking pananampalataya sa mapagkalingang pangangalaga ni Jehova.
Mga Dekada ng Patuloy na Paglilingkod
Ang materyal na tulong na inilaan ng salaping iyon ay tumulong sa akin na magtuon ng pansin sa pagpapagaling sa bahay. Pagkalipas ng isang taon, noong 1958, kami ni Nanay ay naatasan bilang mga espesyal payunir. Pagkatapos, ako’y naglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Hapón, at noong 1961, nagkaroon ako ng pribilehiyo na mag-aral sa sampung-buwang kurso ng Gilead School sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.
Pagbalik ko sa Hapón, muli akong naglingkod sa mga kongregasyon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Pagkatapos, noong 1963, napangasawa ko si Yasuko Haba, na nagtatrabaho sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Tokyo. Siya’y sumama sa akin bilang asawa ng naglalakbay na tagapangasiwa hanggang noong 1965, kung kailan kami ay inanyayahang maglingkod sa tanggapang sangay sa Tokyo. Mula noon kami ay naglingkod na magkasama—una’y sa sangay na naroroon sa Tokyo, pagkatapos sa Numazu, at ngayo’y sa Ebina.
Si Nanay ay nanatiling isang ministrong espesyal payunir hanggang noong 1965. Mula noon siya’y nagpatuloy na aktibo sa pagtulong sa maraming tao na tumanggap ng mga katotohanan ng Bibliya. Siya ngayo’y 79 anyos na ngunit malusog pa rin. Maligaya kami at siya’y nakatira sa malapit at nakadadalo sa kongregasyon na dinadaluhan namin na malapit sa tanggapang sangay sa Ebina.
Talagang pinasasalamatan namin ang Diyos na Jehova na ang aking tatay ay nakaligtas sa pagsabog ng bomba atomika sa Hiroshima. Nanatili siya sa kaniyang pananampalataya, at hangarin ko na salubungin siya sa bagong sanlibutan at ikuwento sa kaniya kung paano kami iniligtas mula sa Armagedon, ang digmaan na gustung-gusto niyang makita. (Apocalipsis 16:14, 16; 21:3, 4)—Gaya ng inilahad ni Tsutomu Miura.
[Mga talababa]
a Para sa kuwento ng buhay ni Matsue Ishii, pakisuyong tingnan Ang Bantayan ng Mayo 1, 1988, mga pahina 21-5.
[Larawan sa pahina 11]
Sina Katsuo at Hagino Miura, kasama ang kanilang anak na si Tsutomu
[Larawan sa pahina 15]
Si Tsutomu Miura na nagtatrabahao sa tanggapang sangay ng Hapón
[Picture Credit Line sa pahina 13]
Hiroshima Peace and Culture Foundation mula sa materyal na isinauli ng Armed Forces Institute of Pathology ng Estados Unidos