Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Misyonero—Sino ang Dapat na Magpakita ng Uliran?

Mga Misyonero—Sino ang Dapat na Magpakita ng Uliran?

Mga Misyonero​—Sino ang Dapat na Magpakita ng Uliran?

BAGO inutusan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad, ang ibang mga relihiyon ay nagsasagawa na ng isang uri ng gawaing misyonero. Ginawa ito ng ilan nang higit kaysa iba, yamang hindi lahat ng mga relihiyon ay may pangkaraniwang paraan, yaon ay, hindi lahat ay nagtuturo ng mensahe na inaakalang pantay-pantay na kumakapit sa lahat ng tao.

Halimbawa, ayon sa The Encyclopedia of Religion, ang gayong pangkaraniwang idea ay hindi gaanong litaw “sa mga paniwala ng mga relihiyong pantribo at Shintō, at hindi gaanong halata sa maraming uri ng Confucianismo, Judaismo, at Zoroastrianismo.” Ang mga relihiyong ito ay lumalaganap nang “higit sa pamamagitan ng mga pandarayuhan ng mga tao o ng unti-unting paglalakip ng malapit na mga magkapitbahay kaysa sa pamamagitan ng organisadong mga gawaing misyonero.”

“Ang Hinduismo ay kumakatawan sa isang pantangi at lubhang masalimuot na halimbawa,” sabi pa ng ensayklopedia. “Bagaman ito’y nahahawig sa mga tradisyon na walang kaugnayan sa pagmimisyon sa maraming detalye,” palibhasa’y lumaganap sa pamamagitan ng unti-unting pagtanggap ng mga hindi Hindu, ito, sa kabilang dako, ay “nagkaroon ng mga yugto ng masigasig na gawaing misyonero.”

“Sa kasalukuyang kumikilos na mga relihiyong iyon na nagsasabing nagtuturo ng mensahe na inaakalang pantay-pantay na kumakapit sa lahat ng tao at nagpapatunay sa pinakamalawak na sigasig misyonero lampas pa sa dakong pinagmulan ng relihiyon,” sabi ni Max L. Stackhouse ng Andover Newton Theological School, ay kasali ang Islam at Budismo. Gayunman, ang mga misyonero ng Islam ay hindi maaaring magsilbing mga uliran para sa mga misyonerong Kristiyano sapagkat ang panahon ng Islam ay hindi nagsimula kundi noong mga 590 taon pagkatapos ibigay ni Kristo ang utos na gumawa ng mga alagad. Sa kabilang dako naman, ang Budismo ay nauna sa pagkatatag ng Kristiyanismo ng halos gayunding haba ng panahon ng Islam na sumunod dito.

Isang Uliran ng Pagiging Liberal

Sinasabi ng tradisyon na inudyukan ni Buddha ang isang kilusang misyonero sa pagsasabi sa kaniyang mga alagad: “Humayo kayo, mga monghe, ipangaral ninyo ang dakilang Doktrina, . . . huwag hayaang ang dalawa sa inyo ay magtungo sa iisang direksiyon!” Ang malawakang mga kilusang pangmisyonero sa paano man ay kakaunti, bagaman ang mga misyonerong Budista ay nasa Europa na kasing-aga ng ikaapat na siglo B.C.E. Sa karamihan ng mga kaso ang relihiyon ay lumaganap sa pamamagitan ng mga indibiduwal na naglalakbay na mga mangangalakal, mga peregrino, o mga estudyante. Ito ay nakarating sa Tsina at sa iba’t ibang bahagi ng Timog-silangang Asia, halimbawa, sa pamamagitan ng mga ruta ng pangangalakal sa dagat at sa lupa.

Ipinalalagay ni Erik Zürcher ng University of Leiden sa Netherlands na ang paglaganap ng Budismo ay pangunahin na sa tatlong salik. Ang isa ay dahil sa “liberal na saloobin [ng Budismo] sa lahat ng mga relihiyon.” Ito’y nagpapahintulot ng madaling pagtanggap sa “hindi-Budistang mga kredo bilang pangunahin at bahagyang pagsisiwalat ng katotohanan” at pati na ang pagsasama ng “hindi-Budistang mga diyos sa libingan nito.”

Ang ikalawang salik ay na ang mga misyonerong Budista ay pumasok sa isang tinatawag na “walang-tirahang estado,” na nangangahulugang kanilang itinakwil ang lahat ng makasanlibutang pagtatangi. Malaya sa mga limitasyon ng sistemang caste, na ang relihiyosong kahulugan ay tinanggihan ni Buddha, sila’y maaaring makihalubilo sa mga dayuhan nang hindi natatakot na maging marumi ayon sa relihiyosong batas.

Ang ikatlong salik ay na ang banal na mga akda ng Budismo ay hindi nauugnay sa anumang partikular na sagradong wika. Ito ay madaling maisasalin sa anumang wika. “Lalo na sa Tsina,” sabi ni Zürcher, “ang pinakaprominenteng mga misyonerong dayuhan ay pawang aktibo bilang mga tagasalin.” Sa katunayan, gayon na lamang kalawak ang kanilang pagsalin anupat ang Intsik ay naging ikatlong pangunahing wika para sa literaturang Budista, kasama ang Pali at Sanskrit.

Noong kalagitnaan ng ikatlong siglo B.C.E., ang pinuno ng imperyo ng India, si Haring Aśoka, ay malaki ang nagawa upang gawing popular ang Budismo, pinatitibay rin ang misyonerong mga bahagi nito. Gayunman, noong panahong bago ang mga Kristiyano, ang Budismo ay nanatiling nakasentro sa India at sa tinatawag ngayong Sri Lanka. Sa totoo, ang Budismo ay lumaganap lamang sa Tsina, Indonesia, Iran, Hapón, Korea, Malaysia, Myanmar, Vietnam, at sa iba pa pagkatapos magsimula ang panahong Kristiyano.

Maliwanag na nakita ng mga misyonerong Budista sa Tsina na walang masama sa pagbabago ng kanilang relihiyon upang gawin itong higit na kanais-nais. Ang The Encyclopedia of Religion ay nagsasabi na “ang pangunahing mga teksto sa Budista ay binigyan ng bagong interpretasyon; literaturang nagtatanggol sa paniwala, bagong mga tula, at bagong mga batas at mga regulasyon ang pinalaganap na bahagyang inayos at, oo, binago ang mga bahagi ng mensaheng Budista upang ito’y maging bahagi, at sa ilang paraan ay muling mapasigla, ng katutubong mga relihiyon at ng Confucianismo at Taoismo ng bansang iyon.”

Kung minsan, gaya ng ipakikita ng mga artikulo sa hinaharap sa seryeng ito, sinunod ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang uliran ng kanilang sinundang misyonerong Budista. Bagaman naisalin nila ang kanilang sagradong mga akda sa ibang mga wika, kadalasa’y ipinahintulot nila, o itinaguyod pa nga, gaya ng pagkakasabi rito ng mananalaysay na si Will Durant, “ang pagpasok ng paganong pananampalataya at ritwal” sa kanilang relihiyosong mga gawain.

Pagsunod sa “Panginoon ng Misyonero”

Ang Judaism and Christian Beginnings ay nagpapaliwanag na ang Judaismo ay hindi nagtaguyod ng gawaing misyonero sa katulad na diwa na ginawa ng Kristiyanismo kundi ito ay “hindi aktibo sa pangungumberte kung ihahambing sa ibang relihiyon.” Gayunman, ang awtor ng aklat, si Samuel Sandmel, ay nagsasabi na “sa paano man may paulit-ulit, paminsan-minsan, na pangungumberte.”

Si Sandmel ay nagpapaliwanag na “sa Rabinikong literatura ang Amang Abraham ay madalas na inilalarawan bilang ang panginoon ng misyonero.” Siya’y nangangatuwiran na itong “pangmalas na ito kay Abraham bilang ang misyonero ay tiyak na hindi bumangon kung walang umiral na ilang hilig sa ilang bahagi ng mga Judio na pinapaburan alin man sa aktibong paghahanap sa mga proselita o, sa paano man sa pagtanggap sa pananampalataya niyaong kusang nagnanais makumberte.” a

Maliwanag, sa loob ng dalawang dantaon karaka-raka kasunod ng Karaniwang Panahon, ang Judiong gawaing misyonero ay tumindi, lalo na sa mga bansang nagsasalita ng Griego, habang nawawalan ng pang-akit ang mga relihiyong pagano. Ang gawaing ito ay nagpatuloy hanggang sa Karaniwang Panahon, subalit ito’y ipinagbawal noong ikaapat na siglo C.E., nang sundin ng Imperyong Romano ang binantuang anyo ng Kristiyanismo bilang opisyal na relihiyon nito.

Pagpapakita ng Uliran

Gayunman, ang ulirang ipinakita ng mga misyonerong Judio ay hindi siyang ipinag-utos sa mga misyonerong Kristiyano na kanilang sundin. Sa katunayan, tungkol sa mga Fariseong Judio noong kaniyang panahon, sinabi ni Jesus: “Ginagalugad ninyo ang dagat at ang tuyong lupa upang gumawa ng isang kumberte, at pagkatapos ay ginagawa ninyo siyang makalawang ulit na karapat-dapat sa pagkapuksa na gaya sa inyong mga sarili.” (Mateo 23:15, Phillips) Kaya bagaman itinuturing nila si Abraham bilang “ang panginoon ng misyonero,” ang mga misyonerong Judio ay maliwanag na hindi gumagawa ng mga kumberte na nagtataglay ng uri ng pananampalataya na taglay ni Abraham sa Diyos na Jehova.

Para sa mga misyonerong Kristiyano ang uliran na dapat sundin ay ang sakdal na halimbawang ibinigay ng pangunahing panginoon ng misyonero, si Jesu-Kristo. Bago opisyal na ipahayag ang kaniyang utos na gumawa-ng-alagad, sinimulan niyang sanayin ang kaniyang unang mga alagad upang gawin ang internasyonal na gawaing misyonero na kasasangkutan nito. Yamang ito ay magiging isang proyektong mga dantaong-haba, angkop na itanong, Matatag kayang susundin ng mga tagasunod ni Kristo ang uliran na ibinigay niya?

Habang nalalapit na sa wakas ang unang siglo ng Karaniwang Panahon, ang kasagutan ay hindi pa malinaw. Ang kasagutan ay maliwanag sa ngayon, habang papalapit na sa wakas ang ika-20 siglo. Mga 1,900 taon ng nakalipas na gawaing misyonero sa bahagi ng nag-aangking mga tagasunod ni Kristo ang nasa harapan natin na maliwanag na makikita.

Mula sa dakong sinilangan nito sa Palestina, ang Kristiyanismo ay lumaganap sa buong daigdig. Pakanluran sa Macedonia ay isang hakbang nito. Basahin ang tungkol dito sa aming susunod na labas.

Bilang isang halimbawa ng kung ano ang nagawa ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan, pansinin kung ano ang nangyari sa loob ng ilang dantaon sa Mexico. Sa pagbasa ng susunod na ulat, tanungin ang inyong sarili, ‘Sila ba’y naging mga ahente ng liwanag o mga ahente ng kadiliman?’

[Talababa]

a Ang A Guide to Jewish Religious Practice ay nagsasabi: “Si Abraham ay itinuturing na ama ng lahat ng mga proselita . . . Kaugalian na para sa mga proselita na tawaging anak na lalaki, o babae, ng ating amang si Abraham.”

[Larawan sa pahina 7]

Pinasimulan ni Jesus ang Kristiyanong gawaing misyonero, nagsasanay ng kaniyang mga tagasunod at nagpapakita ng uliran na dapat nilang sundin