Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kanser sa Suso Maraming salamat sa inyong paglalathala ng seryeng “Kanser sa Suso—Pangamba ng Bawat Babae.” (Abril 8, 1994) Sinusuri ko ang aking sarili paminsan-minsan at inisip ko na ang aking mga glandula ay matigas lamang. Dahil sa talagang hindi ako nakatitiyak, wala akong ginawa hinggil dito. Gayunman, pagkatapos kong mabasa ang artikulo, nagtungo ako sa ospital at napag-alaman ko na ako’y may kanser. Ginawa ang mga kaayusan upang ako’y operahan. Ako’y nagpapasalamat mula sa kaibuturan ng aking puso.
T. Y., Hapón
Sapol nang ako’y maoperahan, hindi na ako nakabasa pa ng anuman tungkol sa kanser. Kaya nang lumabas ang magasin, hindi ko kinasabikan ito. Pero karaniwan nang binabasa ko ang lahat ng labas ng Gumising! mula sa simula hanggang sa katapusan, at nang gabing iyon ay ipinasiya ko na bumasa nang kaunti at huminto kapag ako’y natakot na. Aba, hindi ko maihinto ang pagbabasa nito. Napakahusay ng pagkasulat nito, totoong nakapagtuturo, at napakamapagmahal.
G. K., Estados Unidos
Natulungan ako ng artikulo na maunawaan kung paano nauunawaan ni Jehova ang ating mga takot sa pagharap sa karamdamang nagsasapanganib ng buhay. Palagi kong naiisip noon na ang mga tao ay mahina o kulang sa pananampalataya kapag ganito ang kanilang nadarama. Totoong natulungan ako nito na maunawaan ang taimtim na habag na taglay ni Jehova.
K. G., Estados Unidos
Kung ang magasin ay nakipag-usap man sa isang tao, ang labas na iyan ay tiyak na nakipag-usap sa akin. Nakaupo kaming mag-asawa sa sopa na ang mga bayarin sa gamot sa aking operasyon sa kanser sa suso ay nakapalibot lahat sa amin. Habang isa-isa naming ginagawan ng tseke ang mga ito, inihatid ng kartero ang labas na ito ng Gumising! Binasa ko ang artikulo sa araw na iyon mismo, na may higit kaysa karaniwang interes. Salamat sa ngalan ng lahat ng babae na magtatamo ng lakas ng loob mula sa mga artikulo.
E. J., Estados Unidos
Mga Lungsod Ako’y 16-na-taóng-gulang at tuwang-tuwa ako na mabasa ang serye tungkol sa mga lungsod. Sa klase namin sa heograpiya hinilingan kami na magbigay ng maikling pahayag sa paksa na aming napili. Ibinatay ko ang aking pahayag sa artikulong “Ang Lungsod na Punô ng mga Tao.” (Enero 22, 1994) Pagkatapos kong basahin ang aking pahayag nang malakas sa klase, pumalakpak ang lahat. Salamat sa pagtulong ninyo sa akin na mapasulong ang aking kaunawaan sa heograpiya.
T. R., Alemanya
Sa artikulong “Magtayo Tayo ng Isang Lungsod Natin,” sinabi ninyo: “Noong 1900, ang London ang tanging lungsod sa buong daigdig na may isang milyong populasyon.” (Enero 8, 1994) Subalit sa sumunod na labas, sinabi ninyo: “Sa kalagitnaan ng dekada ng 1800 ito’y [Edo, ngayo’y tinaguriang Tokyo] may populasyon na mahigit sa isang milyon katao.” Alin ang tama?
S. T., Hapón
Ang ulat hinggil sa London ay waring mali. Ito’y ibinatay sa 1985 na edisyon ng “Illustrated Atlas of the World” (Rand McNally and Company). Gayunman, ang “The World Almanac and Book of Facts 1993” ay lumilitaw na tama sa pagsasabi na ilang lungsod ay may mga populasyon na mahigit sa isang milyon noon pang 1900. Ipagpaumanhin ninyo ang kalituhan.—ED.
Ang Paghahabol sa Salapi Bilang isang kabataang mambabasa ng Gumising!, totoong nabagbag ang aking damdamin ng seryeng “Ang Paghahabol sa Salapi—Saan Ito Hahantong?” (Marso 22, 1994) Wari bang ang aking mga kasama ay may iisa lamang tunguhin: ang magkamal ng salapi. Gayunman, ang sumunod sa kung ano ang itinuturo ni Jehova ay higit na marangal kaysa pagsamba sa mga bagay na nasisira.
K. R., Pransiya
Isports Salamat sa tudling na “May Pinapanigan ba ang Diyos sa Isports?” (Pebrero 8, 1994) Ako’y nagkamali na ipanalangin ang pagkapanalo ko sa isang karera; ipinanalangin ko rin ang pagkatalo ng aking mga kalaban. Ngayon ay batid ko na ang kalooban ni Jehova ay walang kaugnayan sa isports. Iniaalay ko ang aking buhay kay Jehova, at mas palagay ang aking loob sa pagkaalam na siya’y talagang nakikinig sa aking mga panalangin.
J. T., Estados Unidos