Ako ba’y Nakagawa ng Di-mapatatawad na Kasalanan?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ako ba’y Nakagawa ng Di-mapatatawad na Kasalanan?
“KAILANMAN ay hindi ako nakadama ng labis na pagkasira ng loob. Wala na akong anumang paggalang sa sarili, at inisip ko na hindi na ako kailanman mapatatawad ng Diyos.”—Marco. a
“Labis akong pinanghinaan ng loob. Ang pagkadama ng pagkakasala ang para bang bumalot sa aking puso. Inaakala ko na nakagawa ako ng mga kasalanang di-mapatatawad.”—Alberto.
“Walang tao na hindi nagkakasala,” sabi ng Bibliya. (1 Hari 8:46) Subalit kung minsan baka nadarama ng isang kabataan na siya’y lumabis na sa paggawa ng simpleng kasalanan. Tulad nina Marco at Alberto, ang isang kabataan ay baka naliligalig ng patuloy na pagkadama ng pagkakasala. Baka nadarama niya na ang nagawa niya ay napakasama, napakabuktot, anupat hindi na siya kailanman mapatatawad ng Diyos.
Ano kaya kung pinahihirapan ka ng ganitong damdamin? Tibayan mo ang iyong loob. Ang iyong kalagayan ay may pag-asa pa.
Kung Bakit Tayo Pinahihirapan ng Ating Budhi
Likas lamang na malungkot ka kapag ikaw ay nakagawa ng isang masamang pagkakamali. Tayong lahat ay isinilang na may pakultad na tinatawag ng Bibliya na “budhi.” Ito’y panloob na pagkadama ng mabuti at masama, isang panloob na babala na karaniwang humuhudyat kapag tayo’y nakagawa ng masama. (Roma 2:14, 15) Halimbawa, isaalang-alang si Haring David. Nakagawa siya ng pangangalunya sa asawa ng ibang lalaki. Pagkatapos, ang asawa ng babae, na si Urias, ay kaniyang inilagay sa isang tiyak na kamatayan. (2 Samuel 11:2-17) Ang epekto kay David?
“Araw at gabi ang kamay [ng Diyos] ay mabigat sa akin,” ang pag-amin ni David. Oo, nadama niya ang bigat ng di-pagsang-ayon ng Diyos. Sinabi rin ni David: “Walang kaginhawahan sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan. Sapagkat ang aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo; gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin. . . . Ako’y namighati sa buong araw.” (Awit 32:4; 38:3-6) Patuloy na pinahirapan si David ng kaniyang budhi hanggang siya’y naudyukang gumawa ng positibong pagkilos at nagsisi sa kaniyang pagkakamali.
Sa gayunding paraan, kung ikaw ay tinuruan ng Kristiyanong mga magulang at napalihis ka mula sa mga pamantayan ng Bibliya, makadarama ka nang di-mabuti. Ang taos na pagsisising ito ay normal, mabuti. Mahihimok nito ang isang tao na ituwid ang kaniyang sarili o humingi ng tulong bago ang isang pagkakamali ay maging natanim na masamang ugali. Sa kabilang dako, ang isang tao na nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan ay sumisira ng kaniyang budhi. Pagsapit ng panahon ito’y nagiging manhid na, gaya ng balat na pinasò ng pangherong bakal. (1 Timoteo 4:2) Ang pagkabulok sa moral ang tiyak na kasunod.—Galacia 6:7, 8.
Maka-Diyos na Pagkalumbay
Kaya naman, hindi kataka-taka na sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa “kasalanan na nagdudulot ng kamatayan.” (1 Juan 5:16; ihambing ang Mateo 12:31.) Ang gayong kasalanan ay hindi basta kahinaan ng laman. Ito’y ginawa nang sadya, nang may katigasan, nang may pagkamasuwayin. Hindi mahalaga kung gaano kabigat ang kasalanan kundi ang kalagayan ng puso ang nagpapangyari na ang gayong kasalanan ay di-mapatatawad.
Gayunman, ang bagay na ikaw ay nasaktan at naliligalig sa iyong maling paggawi, ay nagpapakita na hindi ka nakagawa ng di-mapatatawad na kasalanan. Sinasabi ng Bibliya na “ang kalungkutan sa isang maka-Diyos na paraan ay gumagawang ukol sa pagsisisi tungo sa kaligtasan.” (2 Corinto 7:10) Kaya, pansinin ang payo na ibinigay sa Santiago 4:8-10: “Linisin ninyo ang inyong mga kamay, ninyong mga makasalanan, at dalisayin ang inyong mga puso, ninyong mga di-makapagpasiya. Magbigay-daan kayo sa kahapisan at magdalamhati at tumangis. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagdadalamhati, at ang inyong kagalakan ng kalumbayan. Magpakababa kayo sa mga mata ni Jehova, at itataas niya kayo.”
Totoo, ang pagkakamali ay maaaring napakalubha. Halimbawa, ang kabataang si Julie ay nasangkot sa pakikipaghalikan at pakikipaghipuan sa kaniyang boyfriend. “Totoong nakadama ako ng pagkakasala noong una,” ang pag-amin niya, “pero habang lumilipas ang panahon, nahirati na ako rito. Hindi na ito labis na nakabagabag sa aking budhi.” Sa paglipas ng panahon, ang lisyang mga paggawi ay nauwi sa pakikipagtalik. “Napakamiserable ko,” sabi ni Julie. “Humina ang aking budhi hanggang sa ito’y naganap nang ilang ulit.”
Ang gayon bang kalagayan ay wala nang pag-asa? Hindi naman. Kumusta naman si Haring Manases, isa sa mga hari ng Juda? Siya’y nakagawa ng totoong napakalubhang kasalanan, pati na ng espiritismo at paghahandog ng bata. Subalit, siya’y pinatawad ng Diyos dahil sa kaniyang taos na pagsisisi. (2 Cronica 33:10-13) Kumusta naman si Haring David? Dahil siya’y nagsisi sa kaniyang balakyot na mga gawa, nasumpungan niya si Jehova na isang Diyos na “mabuti at handang magpatawad.”—Awit 86:5.
Ang mga Kristiyano sa ngayon ay may ganitong katiyakan: “Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.” (1 Juan 1:9) Kanino dapat magtapat ang isang tao? Pangunahin na, sa Diyos na Jehova. “Buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya.” (Awit 32:5; 62:8) Masusumpungan mo na nakatutulong na basahin ang may pagsisising pagtatapat ni David sa Awit 51.
Karagdagan pa, hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na nakagawa ng malubhang kasalanan na makipag-usap sa matatanda sa kongregasyon. (Santiago 5:14, 15) Ang kanilang taimtim na payo at mga panalangin ay makatutulong sa iyo na maitatag muli ang iyong kaugnayan sa Diyos at muling matamo ang isang malinis na budhi. Kanilang matatanto ang kaibahan ng kahinaan sa kabalakyutan. Kanila ring titiyakin na kakamtin mo ang kinakailangang tulong upang huwag nang maulit pa ang iyong pagkakamali. Si Julie, dahil sa lakas-loob niyang ginawa ang hakbang na ito, ay nagmumungkahi: “Sinikap kong ‘sansalain ang aking sarili’ at inakala ko na naging mabisa ito sa paano man. Pero pagkalipas ng isang taon batid ko kung gaanong kamali ang nagawa ko. Hindi mo maaaring lutasin ang malulubhang problema nang walang tulong mula sa matatanda.”
Pagkadama ng Pagkakasala sa Maliliit na Kasalanan
Subalit, kung minsan ang isang kabataan ay “gumagawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito.” (Galacia 6:1) O pinahihintulutan niya ang makalamang kapusukan na manaig. Ang isang kabataan na nasa ganitong kalagayan ay maaaring dumanas ng matinding pagkadama ng pagkakasala—marahil higit na pagkadama ng pagkakasala kaysa talagang dapat na madama sa kasalanan. Ang hindi kinakailangang kahapisan ang naibubunga. Ang gayong pagkadama ng pagkakasala ay maaaring bunga ng isang mabuti subalit napakasensitibong budhi. (Roma 14:1, 2) Tandaan, kapag tayo’y nagkakasala “tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid.”—1 Juan 2:1, 2.
Isaalang-alang muli ang kalagayan ni Marco, sinipi sa ating pambungad. Ang Kristiyanong kabataang ito ay kumbinsido na siya’y nakagawa ng di-mapatatawad na kasalanan. Sinasabi niya dati sa kaniyang sarili: ‘Alam na alam ko ang mga simulain ng Bibliya, pero hindi ko maihinto ang paggawa ng kasalanan!’ Ang kaniyang kasalanan? Ang problema ng masturbasyon. ‘Paano ako mapatatawad ng Diyos kung hindi ko maihinto ang masamang kinaugaliang ito?’ ang pangangatuwiran ni Marco. Si Alberto, na may gayunding pakikipagpunyagi sa pag-abuso sa sarili, ay nagsabi: “Damang-dama ko ang pagkakasala na nasa kaibuturan ko dahil sa hindi ko mapalaya ang sarili ko sa kasalanang ito.”
Ang masturbasyon ay isang maruming kinaugalian. (2 Corinto 7:1) Gayunman, hindi ito inuuri ng Bibliya sa malulubhang kasalanan gaya ng pakikiapid. Sa katunayan, ni hindi nga ito binanggit. Sa gayon, hindi ibig sabihin na ang mahulog muli sa pagmamasturbasyon ay hindi na mapatatawad. Ang malasin ito na para bang ito’y di-mapatatawad ay mapanganib; ang isang kabataan ay maaaring mangatuwiran na wala nang kabuluhan na sikaping panagumpayan ang problema. Subalit ipinakikita ng mga simulain ng Bibliya na ang isang Kristiyano ay dapat na matinding magsikap na labanan ang masamang kinaugaliang ito. b (Colosas 3:5) Batid ni Jehova na “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Kung mangyari na mahulog muli, hindi kailangang madama ng isang kabataan na siya’y hinatulan na.
Totoo rin ito sa ibang maling mga hakbang at mga pagkakamali. Hindi hinihiling ni Jehova na parusahan ang ating mga sarili ng labis na pagkadama ng pagkakasala. Sa halip, siya’y nalulugod kapag tayo’y gumagawa ng mga hakbang upang ituwid ang suliranin.—2 Corinto 7:11; 1 Juan 3:19, 20.
Mga Pagmumulan ng Tulong at Kaaliwan
Ngunit, malamang na mangailangan ka ng personal na tulong sa paggawa niyaon. Ang mga magulang na may takot sa Diyos ay kalimitang may malaking magagawa upang makatulong sa kanilang mga anak. At ang Kristiyanong kongregasyon ay naglalaan ng ibang paraan ng tulong. Ganito ang gunita ni Marco: “Ang bagay na talagang nakatulong sa akin ay ang pakikipag-usap sa isang matanda. Kailangang maglakas-loob ako na malayang ipakipag-usap ito at sabihin sa kaniya ang pinakatatagong iniisip ko. Subalit pinasigla niya ako na magtiwala ako sa kaniya, kaya humingi ako ng payo sa kaniya.” Si Alberto rin ay humingi ng tulong sa isang elder. “Hindi ko malilimutan ang kaniyang nakapagpapatibay-loob na payo,” sabi ni Alberto. “Sinabi niya na nang siya’y bata pa, ganoon din ang kaniyang problema. Hindi ako kailanman makapaniwala rito. Nakinig akong mabuti nang may masidhing pagpapahalaga sa kaniyang katapatan.” Taglay ang gayong tulong at pagsuporta, napagtagumpayan nina Marco at Alberto ang kanilang mga problema. Kapuwa sila ngayon naglilingkuran na may mga pananagutan sa kani-kanilang kongregasyon.
Ang taimtim na panalangin ay isang tulong din. Gaya ni David, makapananalangin ka para sa “isang malinis na puso” at “isang bago, matuwid na espiritu.” (Awit 51:10) Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos ay isa pang pinagmumulan ng kaaliwan. Halimbawa, masusumpungan mong nakapagpapatibay na malaman na si apostol Pablo ay nagkaroon din ng mga saloobing nagtatalo. Kaniyang inamin: “Kapag nais kong gawin ang tama, ang masama ay narito sa akin.” (Roma 7:21) Nagtagumpay si Pablo sa pagsupil sa kaniyang masasamang hilig. Magagawa mo rin ito. Totoong masusumpungan mong nakaaaliw na basahin ang mga awit, lalo ang tungkol sa pagpapatawad ng Diyos, gaya sa Mga Awit 25, 86, at Aw 103.
Anuman ang mangyari, iwasan mong ibukod ang iyong sarili at hayaang madaig ka ng pesimismong mga bagay. (Kawikaan 18:1) Lubusan kang makinabang sa kaawaan ni Jehova. Tandaan, siya’y ‘saganang nagpapatawad’ salig sa haing pantubos ni Jesus. (Isaias 55:7; Mateo 20:28) Huwag mong ipagwalang-bahala ang iyong mga pagkakamali, subalit huwag mo rin namang isipin na hindi ka na mapatatawad ng Diyos. Patibayin ang iyong pananampalataya at ang iyong paninindigan na paglingkuran siya. (Filipos 4:13) Balang araw matatamo mo rin ang kapayapaan ng isip at malalim na kagalakan sa iyong loob sa pagkaalam na ikaw ay kaniyang pinatawad.—Ihambing ang Awit 32:1.
[Mga talababa]
a Ang ilan sa mga pangalan ay pinalitan.
b Ang mga mungkahing nakatutulong ay ibinigay sa mga kabanata 25 at 26 ng aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 19]
Ang pakikipag-usap ng mga bagay sa isang kuwalipikadong Kristiyano ay makapagbibigay sa iyo ng bagong pananaw sa bagay-bagay