“Kung Bakit Hindi Ako Nagdiriwang ng Pasko”
“Kung Bakit Hindi Ako Nagdiriwang ng Pasko”
SINASABI ng ilan na ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay pinagkakaitan sapagkat sila’y hindi nagdiriwang ng Pasko. Subalit isaalang-alang ang sanaysay na “Kung Bakit Hindi Ako Nagdiriwang ng Pasko” na isinulat ng isang 11-taóng-gulang na Saksi sa California, E.U.A., bilang isang takdang aralin ng klase:
“Sa maraming tao, ang Pasko ay nangangahulugan ng maraming bagay—mga regalo, pamilya, mga regalo, pagkain, mga regalo, pagsasalo, mga regalo, pag-ibig, mga regalo, Santa Klaus, mga regalo, atb. Gayunman ang mga tao sa ngayon ay bihirang nag-iisip tungkol sa kahulugan ng Pasko o kung bakit nila pinagdiriwang ito. Kung nag-iisip sila, karaniwang iniisip nila ang Pasko bilang kapanganakan ni Jesu-Kristo, isang panahon para sa pamilya at, mangyari pa, maraming regalo. Karamihan ng mga tao ay naaawa sa mga Saksi ni Jehova sapagkat inaakala nila na ang mga anak nito ay napagkakaitan. Subalit talaga nga bang may kulang sa kanila? Isaalang-alang natin kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagdiriwang ng kapistahang ito.
“Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, ako’y hindi nagdiriwang ng Pasko sa maraming kadahilanan. Unang-una, hindi ito ang kapanganakan ni Jesus. Ang Bibliya ay nagsasabi na may mga pastol sa bukid kasama ang kanilang mga tupa. Sa Jerusalem ay napakalamig kung taglamig at kadalasa’y nagniniyebe. Tiyak na ang mga pastol ay hindi titira sa labas ng bahay sa mga panahong ito. . . . Gayunman, may higit pang dahilan.
“Hindi lamang dahilan sa ang Pasko ay hindi kapanganakan ni Jesus kundi hindi ito kailanman ipinagdiwang ng unang siglong mga Kristiyano. Ang pinagmulan nito ay sa sinaunang kapistahang Romano na Saturnalia, na nagsisimula sa Dis. 17 at nagtatapos sa Dis. 25, ang ‘kapanganakan ng di-mabihag na araw.’ Noong ikaapat na siglo, ang ilang Romanong opisyal ay nagpasiyang ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus kung Dis. 25, marahil upang pakabanalin ang kanilang paganong kapistahan.
“Hindi kataka-taka na ang Pasko ay ipinagbawal sa maraming iba’t ibang bansa. Sa ngayon sinunod ng ilang tao (tulad ng mga Saksi ni Jehova) ang kanilang halimbawa. . . .
“Dati’y nagdiriwang ako ng Pasko—hanggang noong ako’y apat na taóng gulang. . . . Tungkol naman sa pagiging napagkakaitan, ang mga Saksi ni Jehova ay tiyak na hindi napagkakaitan. Kami’y tumatanggap ng mga regalo sa lahat ng panahon. Ang tanging mga bagay na wala kami ay ang paganong mga kapistahang ito at ang kanilang paganong mga pagdiriwang.”
Bagaman isinulat ng guro sa papel, “Hindi lahat ng tao ay naghahangad ng mga regalo,” isinulat din niya, “Napakahusay ng pagkakagawa,” at binigyan ang estudyante ng isang “A.”