Parumi Nang Paruming Hangin sa Pagkalalaking Lungsod
Parumi Nang Paruming Hangin sa Pagkalalaking Lungsod
SA BUONG daigdig ang pagkalalaking lungsod, ang dambuhalang mga lungsod, ay lumalaki, umaakit ng angaw-angaw na naghahanap ng trabaho, tirahan, at mga kaalwanan ng buhay sa lungsod. Subalit malaki ang kabayaran. Kahit na ang paglanghap lamang sa lumalaking mga lungsod na ito ay nagiging mas mapanganib sa kalusugan ng tao.
Ipinakikita ng isang report kamakailan buhat sa UNEP (United Nations Environment Program) at sa World Health Organization na ang polusyon sa hangin sa 20 sa pinakamalalaking lungsod sa daigdig ay lumalala. “Sa ilang kaso,” sabi ng Our Planet, isang magasin na lathala sa Kenya ng UNEP, “ang polusyon sa hangin ay kasinsama ng napakaitim na mga usok sa London mga 40 taon na ang nakalipas.” Ang mga naninirahan sa Lungsod ng Mexico ang apektado nang husto sa bagay na ito, subalit sampu-sampung milyon ng mga taong nakatira sa mga lungsod na gaya ng Bangkok, Beijing, Cairo, at São Paulo ay apektado rin ng polusyon sa hangin.
Gaano nga kapanganib ang hangin sa mga lungsod na ito? Buweno, ang matataas na antas ng mga pangunahing tagapagparumi, gaya ng sulfur dioxide, carbon monoxide, at tingga, ay mapanganib sa maraming paraan. Ang epekto nito sa katawan ay marami: mga problema sa palahingahan at sa puso, pinsala sa utak, at maging sa utak sa buto, sa atay, at sakit sa bato.
Ano ang dahilan ng polusyon? Ang pinakamalaking nag-iisang dahilan sa mga lungsod na ito, ayon sa Our Planet, ay ang mga sasakyan. Yamang ang kasalukuyang dami ng mga sasakyan sa daigdig—630 milyon—“ay inaasahang dodoble sa loob ng susunod na 20-30 taon, karamihan ay sa mga lugar sa lungsod,” ang hinaharap ng hangin sa lungsod ay malungkot nga. Upang palubhain pa ang mga bagay, iilang pansugpong hakbang ang isinagawa, yamang, gaya ng binabanggit ng report, sa karamihan ng pagkalalaking lungsod ay “may kaunti lamang kabatiran tungkol sa kalubhaan ng problema.” Hindi kataka-taka, kung gayon, ang Our Planet ay nagpapayo na ang mga lungsod na iyon ay magbigay ng higit na prayoridad sa mga hakbang na nakatuon sa paglilinis sa hangin. Kung hindi ito gagawin, ang kinabukasan ay nagbababala ng masama. Ayon sa pagtasa ng babasahin, “nakakaharap ng mga lungsod na ito ang parumi nang paruming hangin habang ang kalagayan ng kanilang hangin ay patuloy na lumalalâ.”