Ang Pangmalas ng Bibliya
Isang Timbang na Pangmalas sa Popular na mga Kaugalian
“WALANG POSIBLENG PAGGAWI NA SA ILANG PANAHON AT LUGAR AY HINDI HINATULAN, AT SA IBANG PANAHON AT LUGAR AY IPINAG-UTOS BILANG ISANG TUNGKULIN.”
SA GANITONG obserbasyon, binubuod ng mananalaysay na taga-Ireland na si William Lecky ang pabagu-bagong katangian ng mga tao. Ang kaniyang mga komento ay maaari ring kumapit sa mga kaugalian at mga tradisyon sa nakalipas na mga panahon. Oo, maraming gawain na dating minamalas bilang isang mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang hinatulan sa dakong huli. Hindi ito kataka-taka, sapagkat gaya ng binanggit ng Kristiyanong apostol na si Pablo, “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.”—1 Corinto 7:31.
Oo, ang lipunan ng tao ay palaging nagbabago. Kadalasan itong masasalamin sa malalaking pagbabago sa mga saloobin at mga ugaling panlipunan. Ang mga Kristiyano ay dapat na “hindi bahagi ng sanlibutan”—yaon ay, mananatili silang hiwalay sa lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos. Gayunman, kinikilala ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay “nasa sanlibutan,” at hindi nito ipinag-uutos sa kanila na ibukod ang kanilang mga sarili. Kung gayon, mahalaga ang isang timbang na pangmalas sa mga kaugalian.—Juan 17:11, 14-16; 2 Corinto 6:14-17; Efeso 4:17-19; 2 Pedro 2:20.
Ano ba ang mga Kaugalian?
Ang mga kaugalian ay mga gawain na kumakapit sa buhay na panlipunan at karaniwan sa isang partikular na lugar o uri ng mga tao. Ang ilang kaugalian, gaya ng pag-uugali at magandang asal sa panahon ng pagkain, ay maaaring nagmula sa pangangailangan na pangasiwaan ang paggawi ng tao sa mga gawain ng grupo, anupat pinangyayari silang kumilos sa isang mabait at magalang na paraan sa isa’t isa. Sa gayong mga kaso, ang mga paggalang na panlipunan ay maihahalintulad sa langis, sapagkat pinadudulas nito ang mga gulong ng mga ugnayang pantao.
Lubhang naimpluwensiyahan ng relihiyon ang mga kaugalian. Sa katunayan, marami ang nagmula sa sinaunang mga pamahiin at mga relihiyosong ideya na wala sa Bibliya. Halimbawa, ang pagbibigay ng mga bulaklak sa mga naulila ay maaaring nagmula sa relihiyosong pamahiin. * Karagdagan pa, ang kulay na asul—kadalasang iniuugnay sa mga sanggol na lalaki—ay ipinalalagay na nagpapalayas sa mga demonyo. Ang maskara ay nagsisilbing isang proteksiyon laban sa masamang mata, samantalang ang lipistik ay ginagamit upang masiraan ng loob ang mga demonyo na pumasok sa bibig ng babae at sapian siya. Kahit na nga ang isang kaugalian na hindi nakasasamâ gaya ng pagtatakip ng bibig habang humihikab ay maaaring nagmula sa ideya na ang kaluluwa ng isa ay maaaring tumakas sa isang bibig na nakabuka nang husto. Gayunman, sa nakalipas na mga taon, naglaho na ang relihiyosong mga samahan, at ngayon ang mga gawain at kaugaliang ito ay wala nang relihiyosong kahulugan.
Ang Pagkabahala ng mga Kristiyano
Kapag kailangang magpasiya ng isang Kristiyano kung siya ba ay susunod o hindi sa isang kaugalian, ang kaniyang pangunahing pagkabahala ay dapat na, Ano ba ang pangmalas ng Diyos gaya ng ipinahahayag sa Bibliya? Hinatulan noon ng Diyos ang ilang gawain na maaaring ipinahihintulot sa ilang komunidad. Kalakip dito ang paghahain ng bata, ang maling paggamit ng dugo, at iba’t ibang seksuwal na gawain. (Levitico 17:13, 14; 18:1-30; Deuteronomio 18:10) Sa katulad na paraan, ang ilang kaugalian na karaniwan sa ngayon ay maliwanag na hindi kasuwato ng mga simulain sa Bibliya. Kabilang sa mga tradisyong ito na wala sa Bibliya ay nauugnay sa relihiyosong mga kapistahan na gaya ng Pasko at Pasko ng Pagkabuhay o sa mapamahiing mga gawaing nauugnay sa espiritismo.
Subalit kumusta naman ang mga kaugalian na maaaring dati’y nauugnay sa kaduda-dudang mga gawain subalit sa ngayon ay pangunahin nang minamalas bilang kagandahang-asal sa lipunan? Halimbawa, maraming popular na mga kaugalian sa kasal—kasali na ang pagpapalitan ng mga singsing at ang pagkain ng cake—ang maaaring may paganong pinagmulan. Nangangahulugan ba ito na ang mga Kristiyano’y pinagbabawalang sumunod sa gayong mga kaugalian? Ang mga Kristiyano ba’y hinihilingan na usisaing mainam ang bawat kaugalian sa komunidad upang malaman kung ito nga ay may negatibong kahulugan sa ibang lugar o sa ibang panahon?
Binabanggit ni Pablo na “kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17; Santiago 1:25) Ibig ng Diyos na gamitin natin ang kalayaang ito, hindi bilang isang panghikayat para sa sakim na mga hangarin, kundi upang sanayin ang ating kakayahan sa pang-unawa na makilala ang tama sa mali. (Galacia 5:13; Hebreo 5:14; 1 Pedro 2:16) Kaya, sa isang bagay na walang maliwanag na paglabag sa mga simulain sa Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi gumagawa ng mahigpit na tuntunin. Sa halip, dapat timbangin ng bawat Kristiyano ang nakakaharap na mga kalagayan at gumawa ng personal na pagpapasiya.
Hanapin ang Kapakinabangan ng Iba
Nangangahulugan ba ito na laging tama na makibahagi sa ilang kaugalian basta hindi ito tuwirang lumalabag sa mga turo ng Bibliya? Hindi. (Galacia 5:13) Ipinahiwatig ni Pablo na dapat hanapin ng isang Kristiyano hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan “kundi ang sa nakararami.” Dapat niyang “gawin ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos” at hindi maging sanhi ng katitisuran. (1 Corinto 10:31-33) Kaya gugustuhin ng isang taong naghahangad ng pagsang-ayon ng Diyos na tanungin ang kaniyang sarili: ‘Paano minamalas ng iba ang kaugaliang ito? Mayroon bang hindi kanais-nais na kahulugan ito sa komunidad? Ang pakikibahagi ko ba rito ay nagpapahiwatig na sumasang-ayon ako sa mga gawain o mga ideya na hindi nakalulugod sa Diyos?’—1 Corinto 9:19, 23; 10:23, 24.
Bagaman karaniwan nang hindi nakasasamâ, ang ilang kaugalian ay maaaring lokal na isinasagawa sa mga paraan na labag sa mga simulain ng Bibliya. Halimbawa, sa espesipikong mga okasyon ang pagbibigay ng mga bulaklak ay maaaring magkaroon ng pantanging kahulugan na sumasalungat sa mga turo ng Bibliya. Kaya, ano ang dapat na pangunahing ikabahala ng isang Kristiyano? Bagaman maaaring may dahilan upang suriin ang pinagmulan ng isang partikular na kaugalian, sa ilang kaso ay mas mahalagang isaalang-alang kung ano ang kahulugan ng kaugalian sa mga tao sa panahon at sa lugar kung saan na ngayon naninirahan ang isa. Kung ang isang kaugalian ay mayroong di-makakasulatan o kaya’y may negatibong kahulugan sa isang partikular na yugto ng taon o sa ilalim ng tiyak na mga kalagayan, ang mga Kristiyano ay maaaring may katalinuhang magpasiya na iwasan ito sa panahong iyon.
Si Pablo ay nanalangin na ang mga Kristiyano ay patuloy na sumagana sa kanilang pag-ibig na may tumpak na kaalaman at ganap na kaunawaan. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang timbang na pangmalas sa popular na mga kaugalian, ‘tinitiyak [ng mga Kristiyano] ang mga bagay na higit na mahalaga, upang [sila] ay maging walang-kapintasan at hindi nakatitisod sa iba.’ (Filipos 1:9, 10) Kasabay nito, hahayaan nilang ‘malaman ng lahat ng tao ang kanilang pagka-makatuwiran.’—Filipos 4:5.
[Talababa]
^ par. 8 Ayon sa ilang antropologo, ang mga pumpon ng bulaklak ay ginagamit kung minsan bilang handog sa patay upang hindi nito pagmultuhan ang mga nabubuhay.
[Mga larawan sa pahina 26]
Naiwala ng ilang sinaunang mga kaugaliang gaya ng pagtatakip ng bibig kapag naghihikab at ng pagbibigay ng bulaklak sa mga naulila, ang kanilang orihinal na kahulugan