Ang Agwat ng Mayaman at Mahirap ay Lumalaki
Ang Agwat ng Mayaman at Mahirap ay Lumalaki
“Mas maraming pagsulong ang nagawa na sa pagbabawas ng pangglobong karalitaan sa nakalipas na limang dekada kaysa noong nakalipas na limang siglo,” sabi ng UNDP Today, isang lathalain ng United Nations Development Programme. “Nabawasan nang kalahati ang dami ng namamatay na mga bata sa papaunlad na mga bansa mula noong 1960, nabawasan nang sangkatlo ang malnutrisyon at tumaas naman nang sangkapat ang nagpapatala sa paaralan.” Gayunman, inamin ng lathalain ding ito na sa kabila ng pagsulong na ito, ang pangglobong karalitaan ay “laganap pa rin.”
Mas masahol pa, ang kawalang-katarungan sa loob at sa pagitan ng mga lipunan ay lumalago. “Kung ihahambing sa nakaraang taon,” sabi ni Catherine Bertini, executive director ng UN World Food Programme, “marami pang tao sa daigdig ang dumaranas ng malnutrisyon at gutom.” Sa katunayan, mga 840 milyong tao sa papaunlad na daigdig ang sa kasalukuyan ay patuloy na nagugutom, mahigit sa isang bilyon ang walang makuhang malinis na tubig na maiinom, at halos 1.5 bilyong tao ang nagtitiis sa wala pang isang dolyar sa isang araw. Nagbabala si Mary Robinson, UN High Commissioner for Human Rights, na “tayo’y nanganganib na umabot sa punto na ang daigdig ay mahahati hindi sa pagitan ng papaunlad at maunlad na mga estado, kundi sa pagitan ng labis na maunlad at hindi na kailanman uunlad pa [na mga estado].”
Magkano kaya ang gagastusin ng kasalukuyang pandaigdig na pamayanan na may anim na bilyon katao upang mapaliit ang agwat ng mayaman at mahirap? Hindi kasinlaki ng maaaring akalain ng isa. Tinataya ng UN na kakailanganin ang karagdagang $9 na bilyon ($1.50 sa isang tao) taun-taon upang makapaglaan ng sanitasyon at malinis na tubig sa buong daigdig at na karagdagang $13 bilyon (mga $2.00 sa isang tao) taun-taon ang kakailanganin upang maibigay ang pangunahing kailangan sa kalusugan at nutrisyon para sa bawat isa sa lupa. Bagaman ito’y napakalaking halaga, waring kakarampot lamang ito kung ihahambing sa ginugugol ng daigdig sa ibang mga serbisyo. Bilang paglalarawan, sa loob ng isang taon kamakailan, ang daigdig ay gumugol ng $435 bilyon (mahigit sa $70 sa isang tao) sa pag-aanunsiyo at $780 bilyon ($130 sa isang tao) sa mga bagay na pangmilitar. Maliwanag, ang pagpapaliit sa agwat ng mayayaman at mahihirap sa daigdig ay hindi naman nakasalalay nang malaki sa pagkuha ng sapat na pondo kundi sa kung ano ang dapat na unahin.