Mga Pamilyang Walang Ama—Pagpapahinto sa Siklo
Mga Pamilyang Walang Ama—Pagpapahinto sa Siklo
KUNG magpapatuloy ang kasalukuyang kalakaran, di-magtatagal at magiging pangkaraniwan na lamang ang mga pamilyang walang ama. Isang report ng U.S. Department of Health and Human Services ang nagsasabi: “Ang mga batang pinalaki ng nagsosolong magulang ay malamang na magkaroon ng mas mababang marka, mas maraming problema sa paggawi, at mas maraming talamak na problema sa kalusugan at sa isipan. . . . Ang paglaki sa isang pamilya na may nagsosolong ina ay nauugnay sa mas malaking panganib ng pag-aanak ng mga tin-edyer, paghinto sa pag-aaral sa haiskul, [at] pagkabilanggo.”
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang mga siyentipikong panlipunan, tagapayo sa pamilya, edukador, at maging ang mga pulitiko ay puspusang naghahanap ng mga paraan upang mapahinto ang mapangwasak na kalakarang ito. Ang malawakang mga rali para sa mga lalaki ay idinaos upang pagningasin ang pagmamapuri sa pagiging ama at pagtibayin ang pangako ng mga lalaki sa pamilya. Dumagsa sa pamilihan ang mga aklat tungkol sa pagiging ama. Sinikap pa man din na sapilitang papanagutin ang mga ama sa kanilang mga responsibilidad. Sa Estados Unidos, ang mga “ama na hindi nagbibigay ng suporta” ay pinarusahan ng mga hukom, binatikos sa mga palabas sa TV, at ipinapahiya pa nga sa publiko. Subalit, ang gayong mga pagsisikap ay nagbunga ng mahihinang resulta.
Mabilis Subalit Hindi Sapat na mga Kalutasan
Ang mabilis subalit hindi sapat na mga kalutasan ay maaari ring magbunga ng mapag-aalinlanganang mga resulta. Halimbawa, ang isang diborsiyada ay maaaring magmadaling muling mag-asawa, sa pag-asang mabigyan ang kaniyang mga anak ng isang bagong ama. Ngunit bagaman ang muling pag-aasawa ay may mga kapakinabangan, maaaring magkaroon din ng mga problema. Kung minsan ay ayaw tanggapin ng mga bata ang isang bagong tao bilang kanilang ama. Kung minsan ay hinding-hindi nila ito matanggap. Isinisiwalat ng isang pag-aaral na “halos dalawang-katlo ng mga babaing nakatira na kasama ang isang magulang sa muling pag-aasawa ang umalis sa bahay bago sumapit sa edad na 19 . . . , kung ihahambing sa 50% ng mga babae mula sa mga tahanang may dalawang tunay na magulang.” Maging sa matagumpay na mga pamilya sa muling pag-aasawa, kung minsan ay nangangailangan ng ilang taon bago matanggap ng mga bata ang isang ama sa muling pag-aasawa. *
Sa katulad na paraan, walang mabilis subalit hindi sapat na mga kalutasan sa problema ng pagbubuntis ng mga tin-edyer. Halimbawa, nilalabag ng aborsiyon ang kautusan ng Diyos at nag-uutos sa kabataang babae na supilin ang kaniyang magiliw na pagkamadamayin sa munting buhay na nabubuo sa loob niya. (Exodo 20:13; 21:22, 23; Awit 139:14-16; ihambing ang 1 Juan 3:17.) Paanong hindi iyan mag-iiwan ng mga pilat sa damdamin? Itinuturing ng marami ang pagpapaampon sa bata bilang mas makataong kalutasan, subalit ito man ay maaaring mag-iwan ng mga pilat sa damdamin—kapuwa sa ina at sa bata.
Hindi, hindi mapahihinto ng madali subalit hindi sapat na mga kalutasan ang siklo ng mga pamilyang walang ama. Ang mga kalakaran ngayon sa pamilya ay mapahihinto lamang kung ang mga tao’y handang gumawa ng lubusang mga pagbabago sa kanilang pag-iisip, sa kanilang mga saloobin, sa kanilang paggawi, sa kanilang moral. Isang bagay na higit pa sa matatayog na usapan at popular na sikolohiya ang kinakailangan upang mapakilos ang mga tao na gumawa ng gayong malaking pagbabago. Ang “bagay [na iyon] na higit pa” ay masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Tutal, ang Diyos mismo ang siyang nagpasimula sa kaayusang pampamilya. (Efeso 3:14, 15) Siya ang higit na nakaaalam kaysa kaninuman kung ano ang kailangan ng mga bata.
Tumutulong ang mga Simulain ng Bibliya Upang Magtagumpay ang mga Pamilya
Subalit talaga bang makatutulong ang Bibliya sa mga anak na may isang nawawalang magulang? Hindi ba sila napinsala na nang husto anupat wala nang magagawa para sa kanila? Hindi, hindi naman. Sa pasimula ng artikulong ito, sinipi namin ang isang report ng pamahalaan ng Estados Unidos na nagtala ng marami sa mga panganib na napapaharap sa mga bata. Kahit na nakatatakot ang mga salita, ang report ay nagtapos: “Sa kabila ng patuloy na katibayan ng mas lumalaking panganib, ipinakikita rin ng pananaliksik na ang karamihan ng mga anak sa mga pamilya ng nagsosolong magulang ay lumalaking normal.” Oo, ang mga resulta ng pagiging walang ama ay maaalis o sa paano man ay mababawasan. Totoo ito lalo na kung ikakapit ang mga simulain ng Bibliya sa pagpapalaki ng anak.
Nangangailangan ito ng puspusang pagsisikap sa bahagi ng nagsosolong magulang—isang hinaharap na waring napakahirap sa simula. Subalit kung ikaw ay nasa ganitong kalagayan, matututo kang magtiwala nang lubusan sa Diyos na Jehova. (Kawikaan 3:1, 2) Ang ilang babaing Kristiyano noong panahon ng Bibliya ay napaharap sa mahihirap na kalagayan, gaya ng pagiging balo. Tungkol sa mga ito ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang babae na talagang babaing balo at naiwanang naghihikahos ay naglagak na ng kaniyang pag-asa sa Diyos at nagpapatuloy sa mga pagsusumamo at mga panalangin gabi at araw.” (1 Timoteo 5:5) Alalahanin na tinatawag ni Jehova ang kaniyang sarili na “ama ng mga batang lalaking walang ama.” (Awit 68:5) Makatitiyak ka na kaniyang aalalayan ang isang babaing natatakot sa Diyos sa kaniyang mga pagsisikap na palakihin ang kaniyang mga anak.
Ang pagdaraos ng isang regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya na kasama ng kaniyang mga anak ay isang mahalagang paraan upang tulungan sila na lumaking timbang at maygulang na mga adulto. (Deuteronomio 6:6-9) Ginagamit ng maraming nagsosolong magulang sa mga Saksi ni Jehova ang mga publikasyong salig sa Bibliya na espesipikong ginawa para sa mga kabataan, gaya ng Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. * Ang impormasyon doon ay tumutulong sa mga kabataan na magkaroon ng moral na mga pamantayan na makatutulong sa kanila upang maiwasan ang pagkakamali ng kanilang mga magulang. Habang nakikilala ng mga bata ang Diyos na Jehova, nauunawaan nila na mayroon silang isang makalangit na Ama na lubhang nagmamalasakit sa kanila. (Awit 27:10) Makatutulong ito sa kanila na makayanan ang mga damdamin ng pagiging iniwan. Ganito ang naaalaala ng isang Britanong batang babae na nakaranas ng paghihiwalay ng kaniyang mga magulang: “Sa lahat ng ito, ikinintal sa akin ni Inay ang pangangailangang manalangin at lubos na magtiwala kay Jehova. Nakatulong iyan sa amin upang magtagumpay.”
Pagpapanatili sa Buklod ng Magulang-Anak
Nililiwanag ng Bibliya na dapat parangalan ng anak kapuwa ang kaniyang ina at ang kaniyang ama. (Exodo 20:12) At hindi pinuputol ng diborsiyo ang buklod ng ama-anak. Bagaman ang dating asawang lalaki ay hindi na kapisan sa bahay, makikinabang pa rin ang mga anak sa pagkakaroon ng isang mainit na kaugnayan sa kaniya. * Ang problema ay na maaaring magalit ang ina sa kaniya at maiinis sa kaniyang pagkasangkot sa mga bata. Paano madaraig ng ina ang mga damdaming ito?
Ang Bibliya ay nagbibigay ng mabuting payo nang ito’y nagbabala: “Mag-ingat ka na hindi ka mahikayat ng pagngangalit sa imbing [mga kilos] . . . Mag-ingat ka na hindi bumaling sa nakasasakit.” (Job 36:18-21) Totoo, hindi madaling magsalita nang may kabaitan tungkol sa isa na nakasakit o nag-iwan sa iyo. Subalit tanungin ang iyong sarili: ‘Matututo ba ang isang batang babae na magtiwala sa isang lalaki kung siya’y laging sinasabihan kung gaano kasamâ ang kaniyang ama? Magkakaroon ba ang isang batang lalaki ng matatag at panlalaking personalidad kung siya ay kinagagalitan sa pagsasabing, “Manang-mana ka sa tatay mo”? Ang mga bata ba’y magkakaroon ng magandang pangmalas sa awtoridad kung sila’y naturuang hamakin ang kanilang ama o hinihimok silang umiwas na makipagkita sa kaniya?’ Maliwanag, ang pagsira sa kaugnayan ng iyong mga anak sa kanilang ama ay nakapipinsala.
Maaaring magulat kang malaman na hindi hinahatulan ng Bibliya ang matuwid na pagkagalit. “Mapoot kayo,” ang sabi ng Bibliya, “gayunma’y huwag magkasala.” (Efeso 4:26) Ang pagiging galit ay hindi siyang kasalanan, kundi ang pagiging napangibabawan ng “poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita.” (Colosas 3:8) Kaya iwasang ‘kagalitan ang ama’ sa harap ng inyong mga anak. Kung inaakala mong kailangan mong ipahayag ang iyong mga kabiguan, sundin ang mungkahi ng Bibliya na sabihin mo ang iyong “pagkabalisa,” subalit gawin mo iyon sa isa na hindi mo anak—marahil sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan. (Kawikaan 12:25) Sikaping mapanatili ang isang positibong saloobin at iwasang ungkatin lagi ang nakaraan. (Eclesiastes 7:10) Malaki ang magagawa nito upang humupa ang iyong galit.
Sa katapusan, alalahanin na ang Bibliya ay nag-uutos na dapat igalang ng isang anak ang kaniyang ama—kahit na kung ang paggawi ng kaniyang ama ay hindi kapuri-puri. (Efeso 6:2, 3) Kaya sikaping tulungan ang iyong mga anak na makatuwirang malasin ang mga pagkukulang ng kanilang ama. Ganito ang sabi ng isang kabataang babae na lumaki sa isang wasak na tahanan: “Sa pamamagitan ng makatuwirang pangmalas sa aking ama— bilang isa na nagkakamali, taong di-sakdal—sa wakas ay natutuhan ko siyang tanggapin.” Sa pamamagitan ng paghimok sa iyong mga anak na igalang ang kanilang ama, tinutulungan mo silang magkaroon ng isang magandang pangmalas sa iyong awtoridad bilang magulang!
Mahalaga rin na mapanatili mo na hindi malabo ang mga hangganan sa pagitan mo at ng iyong mga anak. Nasa ilalim pa rin sila ng ‘kautusan ng kanilang ina.’ (Kawikaan 1:8) Maaaring madama ng mga anak na lalaki na sila’y lubhang nabibigatan kung sila’y inaasahang maging ‘ang lalaki sa loob ng bahay.’ Ang mga anak na babae ay maaari ring mahirapan kung sila ang magsisilbing kompidante ng kanilang ina. Kailangan ng mga anak ang katiyakan na ikaw ang magulang na mangangalaga sa kanila—hindi ang kabaligtaran. (Ihambing ang 2 Corinto 12:14.) Ang gayong katiyakan ay magpapadama sa kanila ng katiwasayan, kahit na kung ang kanilang kalagayang pampamilya ay hindi huwaran.
Kahaliling mga Ama
Kumusta naman kung ang ama ay lubusang hindi bahagi ng pamilya? Sinasabi ng mga dalubhasa na ang mga anak ay makikinabang kung mayroon silang kasamang lalaki. Bagaman makabubuti ang may kabaitang pagpapakita ng malasakit ng isang tiyo o isang kapitbahay sa bata, siya ay lalo nang makikinabang sa mabubuting kasamang lalaki na nasa loob ng kongregasyong Kristiyano. Nangako si Jesus na ang kongregasyon ay magiging katulad ng isang umaalalay na pamilya.—Marcos 10:29, 30.
Noong panahon ng Bibliya ang kabataang si Timoteo ay lumaking isang mahusay na tao ng Diyos, nang walang tulong ng isang sumasampalatayang ama. Lubos na pinapupurihan ng Bibliya sa bagay na ito ang kaniyang maibiging ina at lola. (Gawa 16:1; 2 Timoteo 1:1-5) Subalit, nakinabang din siya sa pakikisama sa isang lalaking Kristiyano—si apostol Pablo. Tinawag ni Pablo si Timoteo na kaniyang “iniibig at tapat na anak sa Panginoon.” (1 Corinto 4:17) Gayundin sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay pinatitibay na sundin ang payo ng Bibliya na “alagaan ang mga ulila at ang mga babaing balo.” (Santiago 1:27) Sila’y hinihimok na ‘iligtas ang mga batang lalaki na walang ama’ sa pamamagitan ng pagpapakita ng taimtim at timbang na malasakit sa kanila. (Job 29:12) Naaalaala ng isang kabataang babae na nagngangalang Annette ang mabuting pagmamalasakit na ipinakita sa kaniya ng isang Kristiyanong matanda nang siya ay bata pa, na ang sabi: “Siya ang tanging tunay na kahaliling ama sa akin.”
Pagpapahinto sa Siklo
Ang mga simulaing ito ay makatutulong upang magtagumpay ang mga batang walang ama. Sa kabila ng hirap na naranasan nila sa pagkabata, maaari silang maging timbang at mabungang mga adulto gayundin bilang maibigin, tapat, at mapagkakatiwalaang mga magulang. Gayunpaman, ang paghadlang ay mas mabuti kaysa anumang paggamot. At sa katapusan, mapahihinto lamang ang siklo ng mga pamilyang walang ama kung ang mga lalaki at babae ay mangangakong ikakapit ang Bibliya sa kanilang buhay—halimbawa, sa pamamagitan ng pagsunod sa pagbabawal ng Bibliya sa pagtatalik bago ang kasal at sa pagsunod sa mga pamantayan ng Bibliya para sa mga asawang lalaki at sa mga asawang babae.—1 Corinto 6:9; Efeso 5:21-33.
Sa ngayon, maraming anak ang may mga ama sa bahay subalit matatawag pa ring mga walang ama. Ganito ang sabi ng isang dalubhasa sa mga isyung pampamilya: “Ang pinakamalaking problemang napapaharap . . . sa mga bata ngayon ay ang kawalan ng panahon at pansin mula sa kanilang mga magulang.” Tuwirang pinagtutuunan ng pansin ng Salita ng Diyos ang isyung ito. Inuutusan nito ang mga ama may kinalaman sa kanilang mga anak: “Bigyan ninyo sila ng tagubilin, at ng pagtutuwid, na nararapat sa pagpapalaking Kristiyano.” (Efeso 6:4, New English Bible; Kawikaan 24:27) Kapag sinusunod ng mga ama ang payo ng Bibliya, hindi natatakot ang mga anak na sila’y iiwanan.
Gayunman, makatuwiran bang maniwala na ang karamihan ng mga tao ay babaling sa Bibliya? Hindi. (Mateo 7:14) Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa milyun-milyon na makasumpong ng kaligayahan sa kanilang buhay pampamilya sa pamamagitan ng isang programa ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. * Mangyari pa, ang Bibliya ay nagbababala na lahat ng mag-asawa ay daranas ng “kapighatian sa kanilang laman” dahil sa hindi kasakdalan. (1 Corinto 7:28) Subalit sinisikap niyaong mga talagang gumagalang sa Salita ng Diyos na lutasin ang kanilang mga problema, hindi ang magdiborsiyo sa unang tanda ng problema. Walang alinlangan, may mga panahon na maaaring angkop na isaalang-alang ng isang Kristiyano ang paghihiwalay o ang diborsiyo pa nga. (Mateo 5:32) Gayunman, ang kabatiran hinggil sa posibleng epekto nito sa kaniyang mga anak ang mag-uudyok sa isang Kristiyano na humanap ng mga paraan upang mailigtas ang pag-aasawa hangga’t maaari.
Higit pa kaysa pagliligtas ng iyong pamilya sa ngayon ang magagawa ng pagsunod sa Bibliya. Magagawa rin nitong posible para sa inyong lahat na mabuhay magpakailanman! Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang pagbabasa at pagkakapit ng payo na masusumpungan sa Salita ng Diyos ang isa sa pinakamainam na paraan upang matiyak na ang iyong pamilya ay mananatiling buo magpakailanman.
[Mga talababa]
^ par. 5 Ang impormasyon upang tumulong sa mga magulang sa muling pag-aasawa ay inilathala sa labas ng Marso 1, 1999, ng aming kasamang magasin, Ang Bantayan.
^ par. 11 Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
^ par. 13 Hindi ito kapit kung ang isang bata ay nanganganib na maabuso sa pisikal o seksuwal ng isang ama.
^ par. 24 Ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya (inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.) ay maraming payo na salig sa Bibliya na makatutulong sa mga pamilya. Makukuha ito sa pamamagitan ng pakikipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, ang nagsosolong magulang ay maaaring magtagumpay sa pagpapalaki ng mga anak
[Larawan sa pahina 10]
Kadalasang maaaring ‘iligtas [ng mga lalaking Kristiyano] ang batang lalaki na walang ama’ sa pamamagitan ng pagpapakita ng taimtim at mabuting pagmamalasakit sa kaniya