Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Marami Pang Momiya ang Natuklasan
“Inianunsiyo ng mga arkeologo sa Ehipto ang pagkatuklas ng di-kukulangin sa 200 momiya, na ang ilan sa kanila ay may ginintuang mga maskara, sa isang malaking sementeryo sa Kanlurang Disyerto,” sabi ng isang balita ng BBC News. Ang libingan ay malapit sa isang oasis sa disyerto at nasa loob ng lunsod ng Bawiti, mga 300 kilometro timog-kanluran ng Cairo. Ayon sa Middle East News Agency ng Ehipto, ang sementeryo ay maaaring naglalaman ng mahigit sa 10,000 momiya. Ito’y muling pinanganlang Libis ng mga Momiya. Ang sementeryong 10-kilometro ang haba ay umiral 2,000 taon na ang nakalilipas, hanggang sa pasimula ng Greco-Romanong panahon. Ang ilan sa mga momiya na nahukay na ay nakabalot sa lino o nakulapulan ng argamasa, at ang ilan ay may suot na ginintuang mga maskara na “may magagarang disenyo ng sinaunang mga diyos ng Ehipsiyo sa kanilang mga dibdib,” sabi ng direktor ng mga sinaunang bagay na si Zahi Hawass.
Sinasalot ng mga Sakit ang Aprika
Ang mga pagsisikap na lubusang lipulin ng World Health Organization ang polio sa Aprika sa pagtatapos ng taóng 2000 ay nabigo, ulat ng Cape Times. Ang digmaan sa Angola ay nagbunga ng polio na umabot sa pagiging epidemya sa bansang iyon. Ayon kay Neil Cameron, direktor ng pagkontrol sa nakahahawang sakit sa Kagawaran ng Kalusugan ng Timog Aprika, maaaring sampung taon pang muli bago malipol ang polio sa Angola. Karagdagan pa, ang mga kalapit-bansa ng Angola, ang Namibia at Democratic Republic of Congo, ay nakikipaglaban sa parehong paglaganap ng tulad-Ebola na lagnat na nagiging sanhi ng pagdurugo at bubonic plague. Ang ketong ay suliranin pa rin sa Congo, Etiopia, Mozambique, Niger, at Nigeria. Ang lahat ng ito, bukod pa sa katotohanan na ang malarya ay laganap sa kalakhang bahagi ng kontinente, ay nagdudulot ng malaking pagkabahala dahil, gaya ng sinabi ni Cameron, “ang mga hangganan ng mga bansa ay hindi hadlang laban sa sakit.”
“Pinakamahalagang Sangkap sa Buhay”
“Ang tubig ang pinakamahalagang sangkap upang mabuhay, sapagkat ang kalakhang bahagi ng katawan ay tubig,” ulat ng pahayagang Toronto Star. “Kahit ang 20 porsiyentong pagbaba lamang sa tubig ng katawan ay nakamamatay.” Hindi lamang isinasaayos ng tubig ang temperatura ng katawan kundi gayundin ay “nagdadala ng mga sustansiya at dumi patungo at mula sa mga sangkap sa pamamagitan ng mga ugat at sistema ng katawan. Nilalangisan din nito ang mga kasukasuan at colon, anupat tumutulong upang maiwasan ang hindi pagkadumi.” Ang isang karaniwang adulto ay nangangailangan ng dalawa hanggang tatlong litro ng tubig araw-araw. Ang pag-inom ng kape, softdrinks, o alkohol ay maaaring aktuwal na nagpapataas sa pangangailangan para sa purong tubig dahil nakadaragdag ang mga ito sa pagkatuyo ng tubig sa katawan. Ayon sa isang dalubhasa sa pagkain, ang uhaw ay hindi dapat na magsilbing babala para uminom na ng tubig dahil sa panahon na nakadarama ka na ng pagkauhaw, malamang na ikaw ay kulang na kulang na ng tubig sa katawan. Ang pahayagan ay nagsasabi na “ang pag-inom ng isang baso bawat oras sa buong araw ay makatutugon na sa pangangailangan ng karamihan ng mga tao sa tubig.”
Pag-idlip sa Trabaho
“Natatanto na ng ilang mga negosyo sa Canada ang kapakinabangan ng pag-idlip sa trabaho,” sabi ng pahayagang Toronto Star. Pinasimulang ipagamit ng mga nagpapatrabaho ang “mga silid para sa pagpapanumbalik ng pagiging alerto” para sa panggabing mga manggagawa. “Ang mga silid ay madilim, malamig, tahimik at nasasangkapan ng mga relong may alarma, mga sopa o humihilig na mga upuan,” sabi ng Star. Ngunit “mahirap baguhin ang mga dating palagay. Ang mga kompanya na naglalaan ng mga dakong maiidlipan ay hindi nakahilig na ipaalam ito.” Si Mary Perugini, isang clinician sa pagtulog sa Sleep Disorders Centre ng Royal Ottawa Hospital, ang nagsabi: “Tayo’y nagtatrabaho ng mas maraming oras, ang antas ng ating kaigtingan ay mas mataas at patuloy nating pinatataas. Ang paglalaan ng 20 minuto bawat araw upang matulog ay makabubuti. Ito ay tiyak na magpapataas sa produksiyon (at) magpapanatiling mababa sa antas ng kaigtingan.”
Banta Mula sa Lumiliit na mga Glacier
Ang pinakamalaking yelo sa buong daigdig sa labas ng mga rehiyon ng polo ay maglalaho sa loob ng 40 taon kung ang kasalukuyang bilis ng pagkatunaw ay magpapatuloy, ulat ng The Sunday Telegraph ng London. Kapuwa ang umiinit na temperatura sa daigdig at ang relatibong mababang latitud ng Himalaya ay nagbabanta sa 15,000 mga glacier ng rehiyon. Ang Gangotri glacier, na isa sa pinagmumulan ng Ilog Ganges, ay lumiit nang halos sangkatlo ng haba nito sa nakalipas na 50 taon. Si Syed Hasnain, isang siyentipiko na sumusubaybay sa mga glacier, ay nagbabala na kung magpapatuloy ang kasalukuyang
bilis, “ang mga ilog tulad ng Ganges, ang Indus at ang Brahmaputra, na tumatanggap ng halos 70 hanggang 80 porsiyento ng kanilang tubig mula sa niyebe at natunaw na glacier, ay matutuyuan.” Ang magiging resulta ay “kasakunaang pangkapaligiran,” ang babala niya. Samantala, lumaki naman ang panganib ng malubhang pagbaha. Kapag ang mga glacier ay lumiliit, nabubuo ang mga lawa na napalilibutan ng maselan na mga pader ng yelo, malalaking bato, at buhangin. Habang patuloy ang pagkatunaw, ang mga pader ay sasabog, anupat magiging dahilan ng mapangwasak na mga baha sa mga libis sa ibaba.Mga Panganib ng Tabako sa mga Bata
Tinataya ng World Health Organization (WHO) na ang kalusugan ng 50 porsiyento ng mga bata sa daigdig ay nanganganib dahil sa pagkahantad sa usok ng tabako, ulat ng pahayagang Guardian ng London. Kabilang sa mga sakit na kaugnay ng pagkalanghap ng usok ng sigarilyo ay hika at iba pang mga sakit sa palahingahan, sudden infant death syndrome, sakit sa pandinig, at kanser. Ipinakikita rin ng pananaliksik na ang mga anak ng mga naninigarilyo ay mahina sa pag-aaral at mas maraming suliranin sa paggawi. Kung ang parehong magulang ay naninigarilyo, ang kanilang mga anak ay 70 porsiyento na mas malamang na makaranas ng mga suliranin sa kalusugan, at malamang na 30 porsiyento ang posibilidad na magkasakit kahit na may isang maninigarilyo lamang sa pamilya. Iminumungkahi ng WHO ang kapuwa pangkalusugang edukasyon para sa mga magulang upang tulungan sila na matanto ang panganib na taglay ng kanilang bisyong tabako sa pamilya at pagbabawal sa paninigarilyo sa mga paaralan at iba pang mga lugar na madalas puntahan ng mga bata.
Tagumpay ng Turismo
Ayon sa mga hula ng World Tourism Organization (WTO), “ang pagdagsa ng internasyonal na turista ay tataas mula sa kasalukuyang 625 milyon bawat taon tungo sa 1.6 bilyon sa 2020,” ulat ng The UNESCO Courier. Ang mga turistang ito ay tinatayang gugugol ng mahigit sa dalawang trilyong U.S. dolyar, na “magpapangyari sa turismo na maging pangunahing industriya sa daigdig.” Hanggang sa kasalukuyan, ang Europa ang pinakapopular na pinupuntahan. Ang Pransiya ang bansang pinakamaraming dumalaw, na may 70 milyong bisita noong 1998. Subalit, pagdating ng taóng 2020, inaasahang ang Tsina ang mangunguna. Gayunman, ang internasyonal na paglalakbay ay mananatiling pantanging pribilehiyo ng ilang nakaririwasa. Noong 1996, 3.5 porsiyento lamang ng populasyon ng daigdig ang naglakbay sa ibang bansa. Nakikini-kinita ng WTO na aabot ang bilang na ito sa 7 porsiyento sa 2020.
Mga Panganib ng Maikling Bakasyon?
Ang maikling bakasyon, isang pagliliwaliw sa dulo ng sanlinggo na kasalukuyang itinataguyod ng industriya sa paglalakbay sa Europa bilang mabilis at madaling paraan upang makapag-relaks nang malayo mula sa mga kaigtingan ng buhay, ay maaaring aktuwal na “mas makasamâ kaysa makabuti,” ulat ng pahayagang Guardian ng London. Ayon sa espesyalista sa puso na si Dr. Walter Pasini, ng World Health Organization, ang pag-iimpake, pagmamadali sa paliparan, at paglipad, kabilang na ang mga pagbabago sa temperatura, pagkain, at mga sona ng oras, ay nakadaragdag sa pagod at maaaring maging mapanganib. Nangangailangan ang katawan ng ilang araw upang makapag-relaks at makibagay sa ibang klima at istilo-ng-buhay, at kapag hindi ito nangyari, malubhang naaapektuhan ang sirkulasyon ng dugo at pagtulog. “Nasumpungan [sa pag-aaral ni Dr. Pasini] na yaong mga nagbabakasyon ng ilang araw lamang ay 17% na mas malamang na atakihin sa puso at 12% na mas malamang na mabangga ang kotse kaysa doon sa nagbabakasyon ng isang linggo o higit pang araw,” ang sabi ng pahayagan. “Hindi ko sinasabi na ang maiikling bakasyon ay likas na mapanganib, kundi na dapat na mag-ingat at maghandang mabuti ang mga tao,” sabi ni Dr. Pasini, na sinipi sa Daily Telegraph ng London. “Mas paikli nang paikli ang pagbabakasyon ng mga tao sa ngayon at natatarantang gawin ang lahat ng bagay na siniksik sa loob ng ilang araw, ngunit hindi iyan ang mabuting paraan upang magrelaks. Sa katunayan, ito ay labis na nakaiigting.”
Paghihiganti ng Rattlesnake
“Maaari kang salakayin ng mga rattlesnake kahit patay na ang mga ito—at ang di-kapanipaniwalang anyong ito ng paghihiganti pagkamatay ay kataka-takang pangkaraniwan lamang,” ulat ng New Scientist. Sa 34 na pasyenteng ginamot dahil sa mga tuklaw ng mga rattlesnake sa Arizona, E.U.A., sa loob ng 11-buwan, 5 ang nagsabi na sinalakay sila ng ahas pagkatapos na ito ay mapatay, sabi ng dalawang doktor na nag-aaral sa kakaibang pangyayaring ito. Binaril ng isang biktima ang isang ahas, pinutol ang katawan nito sa ibaba ng ulo, hinintay ito na tumigil sa paggalaw, at pagkatapos ay pinulot ang ulo. Sinunggaban siya at tinuklaw nito sa dalawang kamay. Ang nakalipas na mga pag-aaral ay nagpapakita na ang putol na ulo ng rattlesnake “ay magtatangkang sumalakay sa mga bagay na iwinagayway sa harap nito sa loob ng hanggang isang oras pagkamatay nito,” ang sabi ng magasin. Naniniwala ang mga herpetologo na ito ay “isang likas na reaksiyon sa paggalaw, na pinangyayari ng mga pandamdam na infrared sa ‘pit organ’, isang bahagi sa pagitan ng butas ng ilong at mata na nakadarama ng init ng katawan.” Nagbabala si Dr. Jeffrey Suchard na ang putol na rattler ay dapat ituring na isang “napakaikling ahas.” “Kung kailangan mo talagang hawakan ito,” ang sabi niya, “iminumungkahi kong gumamit ka ng napakahabang kahoy.”